Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 11 - Kabanata 9 ✓

Chapter 11 - Kabanata 9 ✓

"Agapito? Nasaan ka?" tanong ko habang palinga-linga sa paligid. Bigla na lamang siyang nawala sa aking tabi.

"Agapito," muling pagtawag ko. Mabuti na lamang at maliwanag ang buwan kaya't ito ang nagsisilbi kong ilaw upang makita ang daan. Nasaan na ba kami? Saan niya ako dinala?

Masaya kaming nagkukwentuhan nang siya'y mawala. Hindi ko rin naman ito napansin agad dahil ako ay abala rin kakatingin sa kalangitan.

Mabuti na rin lamang at walang guardia sibil ang palakad-lakad ngayon dahil kung hindi ako ay malalagot. Baka ito na ang huling araw ko.

"Ginoong Agapito, nasaan ka na?" Ako ay may naririnig na ragasa ng tubig na pamilyar sa akin. Malapit ba ako sa batis? Aking sinundan ang tunog at hindi nga ako nagkakamali, ito ang batis kung saan ako naglalaba. Malayo-layo na rin pala ang aming nailakad ngunit nasaan siya? Ako ba ay kanyang iniwan?

Nagtungo na lamang ako malapit sa batis at pinagmasdan ang tubig. Nakita ko ang aking repleksyon na magulo ang buhok kahit nakatali. Inayos ko ito nang kaunti at tinitigan ang aking sarili.

"Ang ganda mo naman, Binibining Emilia."

Napakunot ang aking noo nang makita ko ang repleksyon ni Agapito sa aking likuran at binigyan ako ng isang maliit na bulaklak na kulay dilaw. "Para sa iyo, Emilia."

"Saan ka nagtungo? Batid mo bang bawal itong ginagawa natin? Tayo ay magkasama ngayon sa kalagitnaan at kalaliman ng gabi" sabay tanggap ko sa bulaklak at ngumiti nang kaunti. Ang aking minsang ipinagtataka, minsan siya ay sumusunod palatuntunin at minsan nama'y hindi. Marahil ay naaayon sa sitwasyon ang kanyang ikinikilos tulad na lamang ngayon.

"Tayo lamang dalawa. Wala namang ibang tao ang nakakakita sa atin ngayon at minsan ko lamang din ito gawin. Mag-iingat naman tayo nang mabuti, Binibining Emilia. Hindi ako gagawa ng bagay na iyong ikapapahamak. Naghanap lamang ako ng bulaklak na maaari kong mapitas."

Tama nga ako. "Salamat. Para saan itong bulaklak?" Nanatili lamang akong nakatalikod sa kanya ngunit nakikita namin ang isa't isa dahil pareho kaming nakatingin sa tubig. Palihim ko itong nilapit sa aking ilong. Ang bango. Ngayon lamang may nagbigay sa akin ng bulaklak. Pumitas pa siya mabuti na lamang at walang nakakita sa kanya.

"Nais lamang kitang bigyan. Hali ka, upo tayo." Ako ay kanyang hinila at inalalayang umupo sa maliit na bato. "Ang ganda rito." Nilibot niya ang kanyang paningin sa paligid. "Ngunit mas maganda ka." Nang magtama ang aming mga mata, siya ay ngumiti nang matamis.

Mas mabulaklak pa pala itong magsalita kaysa kay Gascar. Hindi ko batid kung ano ang aking mararamdaman, kung ako ba ay kikiligin, matutuwa o matatakot dahil baka may makakita sa amin. Ano na lamang ang sasabihin ng iba?

"Malabo lamang ang iyong mata," tanging tugon ko. Nais ko sanang isipin na siya ay humahanga sa akin ngunit asa ka naman, Emilia.

"Tunay ang aking sinasabi sa iyo, Binibini. Wala pa bang nagsasabi sa iyo na ikaw ay maganda?"

'Mayroon na. Si Ginoong Severino ngunit may kasamang tawa.' Iyan sana ang nais kong sabihin sa kanya ngunit mas pinili ko na lamang na manahimik.

"Marahil ay ako pa lamang" sabay tawa niya nang mahina. "Tunay na maganda ka. Kung nanaisin mo, araw-araw ko iyong ipapaalala sa iyo?"

"Hindi na. Salamat na lamang." Ako ay sandaling napatingin sa kanya at ginawaran ko siya ng ngiti. Ako ay naiilang sa mga binibitiwan niyang salita. Hindi ba niya nararamdaman iyon? Hindi ako sanay na makarinig ng ganoong bagay lalo na kung mula sa ginoo. Nais ko na sanang magpahinga ngunit maaari kong masaktan ang kanyang damdamin kung aking ipapakita na ako ay walang interes. "Hindi ka pa ba magpapahinga?" Nawa'y hindi siya masaktan sa aking tanong. Marahil ay hindi ko iniisip ang aking sinasabi sa ibang tao ngunit pagdating sa kanya ay maingat ako sa aking mga salita. Malaki ang utang na loob namin sa kanyang pamilya. Nais ko ring magbigay ng respeto sa kanya lalo na't apat na taon din ang aking itinagal sa kanila.

"Marahil ikaw ay pagod na sa ating panamasyal. Hali na, magpahinga na tayo. Paumanhin, Binibining Emilia."

Tanging ngiti na lamang ang aking isinagot at nauna na akong tumayo. Tahimik lamang naming binaybay ang daan pabalik sa mansion sa kinapuwestuhan namin kanina.

"Paumanhin nga palang muli. Nawa'y hindi ka nakulitan sa akin," pagbasag niya sa katahimikan. Tumingala muna siya sandali bago magtama ang aming mga mata.

"Wala iyon. Masaya ka ngang kasama, e, ngunit sadyang ako ay inaatok na rin. Paumanhin din, Agapito."

"Sana sinabi mo sa akin. No problema, Señorita Emilia" at ako'y binigyan ng matamis na ngiti.

"Maraming salamat sa bulaklak,  Agapito. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mayroong nagbigay sa akin nito." Pinakita ko pa sa kanya ang bulaklak.

Nanlaki ang kanyang mga mata at napaawang pa ang bibig. "T-Totoo?"

Ako ay tumango na mas lalo pang nagpalaki sa kanyang mga mata at mayamaya pa'y kinangiti niya ng todo.

"Nagagalak akong malaman iyan. Hindi ko rin akalain na iyan ang kauna-unahang pagkakataon mo. Nawa'y napasaya kita kahit kaunti lamang."

Napasaya mo naman ako, Agapito. Maraming salamat muli.

"Sige na magpahinga ka nang mabuti. Salamat sa araw na ito. Sa muli, Binibining Emilia." Nauna siyang pumasok sa loob ngunit bago pa siya tuluyang makalayo, siya ay lumingon muli sa akin at ngumiti na naman ng ubod ng tamis, kita ang mapupiting ngipin at malalalim na biloy. "Hindi mo alam kung gaano mo ako pinasaya ngayon, Binibining Emilia." Tuluyan na siyang naglakad palayo papunta sa silid ni Ginoong Severino kung saan siya matutulog pansamantala.

Mabuti na lamang tulog na ang lahat ng mga tao rito kaya't walang nakakaalam sa pangyayaring ito. Hindi magandang tignan na magkasama at magkausap ang babae at lalaki lalo na kung gabi.

Hinanap ko ang aking pinaglumaang kuwaderno at doon ko inipit ang bulaklak na kanyang bigay.

Hanggang ngayon ay buhay pa rin ang kwadernong regalo sa akin ni Doña Amalia, ang kanyang ina, tatlong taon na ang nakararaan. Kung hindi dahil sa pamilya niya, marahil ngayon ay hindi ako marunong magbasa at magsulat, maging si Delilah din. Wala namang pinag-aralan ang aming mga magulang kaya't ang kanyang mga magulang ang nagsilbi naming guro at binigyan kami ng magaang buhay kahit kami ay naninilbihan lamang.

"Maraming salamat muli, Don at Doña Nuncio. Maraming salamat, Ginoong Agapito," bulong ko at sinarado na ang kwaderno.

Itatago ko na sana ito nang mahagip ng aking mata ang isang pahina ng aking kuwaderno sa bandang dulo.

Nalantang bulaklak na mayroong pira-piraso na nakakalat ang tumambad sa akin.

Ito pala ang bulaklak na binigay sa akin ni Ginoong Severino. Dito ko pala ito naitago. Akala ko, itinapon ko ito. Nabanggit ko pa kay Agapito na siya ang unang nagbigay sa akin ng bulaklak gayong hindi pala. Nawaglit sa aking isipan ang tungkol dito. Hindi na bale, hindi ko na lamang babawiin ang aking sinambit kay Agapito.

--------------------Mayo 5, 1895-------------------

"Dahan-dahan lamang, Delilah, baka ikaw ay madapa!" natatawang suway ni Agapito na nasa aking tabi habang masayang pinagmamasdan ang aking kapatid na sumasabay sa indak ng musika kasama ang mga mananayaw. "Ang saya ng iyong kapatid. Tama lamang ang aking desisyon na ipasyal kayo rito."

Pangalawang araw na ng pista kaya't marami pa ring tao ang nagtatanghal at nanonood dito pa rin sa bulwagan. Ito na rin ang pinakahuling araw kaya't mas sinusulit ng mga tao ang pagdiriwang ngunit hindi pa rin nawawala na mas pinapahalagahan ang matataas na tao kaysa sa mabababa.

"Nais mo bang sumama mamaya sa prusisyon ng birhen?" tanong niya sa akin sabay lingon.

"Ayos lamang sa akin," tugon ko saka ngumiti. Hindi pa rin nawawaglit sa aking isipan ang nangyari noong nakaraang gabi.

Kanina lamang ay naaga siyang nagising at tinulungan niya ako sa aking trabaho, mag-impok ng tubig para sa pangligo ni Ginoong Severino at paglaba ng malalaking kurtina sa batis, bagay na itinutukso sa akin ng aking mga kasamahan.

"Nais ko rin ng isang Ginoong Agapito sa aking buhay. Kailan kaya ako makakakita?" rinig kong bulong ni Magdalena sa aking likuran.

"Ako nga rin, e, nais ko rin ng ginoong tulad niya. Iyong ginoo na titignan ako sa aking mga mata na tila ba ako lamang ang pinakamaganda sa kanyang mga mata," hindi naman papahuli si Merlita.

"Narito naman ako, Magdalena, a, ayaw mo ba sa akin?" rinig kong wika ni Gascar sabay tawa nang mahina. Araw-araw na lamang niyang tinutukso si Magdalena kaya't hindi na ako magtataka kung bakit mainit ang ulo nito sa kanya.

"Hindi ikaw ang aking pinapangarap. Huwag ako, Gascar!"

"Kakainin mo rin ang iyong sinambit, Magdalena."

"Heh!"

Maging si Agapito ay nakisali sa tawanan nila matapos nilang mag-asaran. Hindi na rin ako magtataka kung sa huli ay sila ang magkakatuluyan. Ganyan din noon ang kinuwento sa akin ng aking namayapang lola. Nagsimula sila noon ng aking lolo sa pagbabangayan hanggang nauwi sa pagmamahalan.

"Severino, akala ko ba ay hahanapan mo ako ng magagandang binibini rito sa inyong bayan. Bakit tila ikaw ay tahimik? May problema ba?" wika ni Agapito sabay lingon niya sa kanyang tabi na tahimik lamang na nanonood.

Naramdaman ko rin ang pagiging alerto ng aking mga kasama nang marinig nila ang pangalan ng aming amo.

"Wala naman. Akala ko ay may nahanap ka na," tugon nito sabay lingon sa kanyang mga kaibigan.

"Hindi mo pa naman ako hinahanapan ngunit hindi na bale, ako ay may nahanap na. Matagal ko na pala siyang kilala." Isang matamis na ngiti ang kanyang iginawad nang siya'y tumingin sa akin matapos niya iyong sambitin.

"Kilala ko ba ang binibining iyong tinutukoy?" Nakapamulsa lamang siya habang titig na titig sa mata ng kanyang kaibigan.

"Ikukuwento ko sa iyo" sabay akbay nito sa kanya habang sinusundan lamang siya ng tingin. "Bakit hindi mo kasama si Floriana?"

"May kilala akong binibini na tiyak na iyong magugustuhan. Iyong nakababatang kapatid ng ating kamag-aral na si Emanuel. Maganda ang kanyang kapatid. Tiyak akong bagay kayo." Sa isang iglap lamang ay nagbago bigla ang kanyang mukha. Kanina lamang ay seryoso at wala siyang kibo ngunit ngayon ay naging maaliwalas ang kanyang itsura.

"Talaga?" Tumingala pa sa itaas si Agapito na tila nag-iisip. "Ngunit mas maganda ang binibini na aking nagugustuhan. Kontento na ako sa kanya, Severino."

Ang maaliwalas na mukha ni Ginoong Severino ay unti-unting nawawala. Sandali pa siyang tumingin sa akin na aking ipinagtataka. "Ngayon ko lamang naalala, Emilia, hindi ba ikaw ay may gagawin ngayon?"

"H-Ha?" Ano ba ang kanyang sinasabi niya?

"Aking naalala na sinambit mo sa akin noong nakaraang linggo na ako ay iyong tuturuang magluto, hindi ba?" Ngumiti siyang muli at dahan-dahang naglakad papunta sa aking gawi.

"Ha?!" Napataas ang aking tinig kaya agad akong napatikom at napalaki pa ang aking mga mata. Ako ba ay may sinabi? Kailan? Bakit hindi ko matandaan?

"Talaga? Tuturuan mo siya, Emilia, paano naman ako?" tanong naman ni Agapito nang nakangiti ngunit iba ang sigla ng kanyang mga mata.

Palipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. Hindi rin nakaligtas sa aking paningin ang reaksyon ng aming mga kasama. Nakaawang ang bibig nina Merlita samantalang nakangisi habang pasipol-sipol naman si Gascar na tila nanonood ng isang palabas.

"Sa tagal kong naninilbihan sa inyo, Ginoong Severino, ngayon ko lamang narinig na nais mong matuto magluto," tugon ni Gascar na sinang-ayunan ng iba.

"Hindi pangkaraniwan na humawak ng sandok ang lalaki dahil iyan ay gawain ng babae, Ginoong Severino."

"Ako na lamang ang magtuturo sa iyo, Ginoong Severino!"

"Ginoong Agapito, magpiprinsinta ako na magtuturo sa iyo. Nais mo ba?"

Ano bang pumasok sa isipan niya kung bakit niya sinabi iyon? Wala talaga akong maalala na tuturuan ko siya. Hindi kaya siya ay wala ako sa katinuan noong sinabi niya iyon sa akin?

"Magkakaroon ng kainan mamayang tanghalian kasama ang pamilya De Montregorio. Nais kong paglutuan sila," sagot niya. Tumingin siya kay Agapito at tinapik sa balikat. "Kung nais mo sila na lamang ang iyong kasama sa prusisyon. Hindi ka masasamahan ni Emilia sapagkat kami ay may usapan."

"Ganoon ba, ayos lang. Naiintindihan ko, Severino. Ako na ang bahala sa iyong kapatid, Binibining Emilia" sabay ngiti niya sa akin.

"Emilia, hali na. Gascar, ihatid mo kami."

Napakamot na lamang ako sa aking noo. Pilit kong inaalala ang naging usapan namin ni Ginoong Severino. Wala talaga akong matandaan.

****

"Ginoo, baligtarin mo na ang tuyo. Nasusunog na."

"H-Ha? Sunog na? paano ba malalaman, e, maitim itong isda?" Halos hindi na siya magkamayaw na baligtarin ang isda dahil sa aking sinambit kaya siya ay natalsikan ng mantika. "Aray!"

"Dahan-dahan lamang. Hindi mo naman kailangang mataranta. Ako na nga riyan haluin mo na lamang ang itlog na pula sa kamatis." Kinuha ko ang sandok sa kanya at nagpalit kami ng puwesto. Kung ako lamang ang nagluluto rito, kanina pa ako natapos. Mas natatagalan kami ngayon dahil panay reklamo at tanong niya.

"Sandali, ano? Aking hahaluin?" Tumango na lamang ako sa kanyang tanong at dahan-dahan niya itong hinalo. "Wala na ba tayong ilalagay rito na iba pang sangkap? Madali lamang pala ang pagluluto, Emilia." Mayamaya pa'y nag-alok siya sa akin na siya na ang magpapatuloy sa pagluluto ng tuyo at tiningnan ang isa pa naming niluluto. "Ayos na kaya itong adobo?" Tinusok niya ito gamit ang kanang daliri. "Matigas pa ngunit kumukulo na. Maaari ko bang tikman?" Hindi na niya hinintay pa ang aking sagot at agad niya na itong tinikman. Bigla namang nagbago ang kanyang mukha. "Bakit ganoon? Masyadong maalat at maasim. Hindi masarap!"

Siya ang nagprisinta kanina na siya ang magtitimpla ng adobo bago isalang sa apoy. Hinayaan ko na lamang siya dahil ang sabi niya ay kaya na niya iyon. Hindi ko siya inabala sa kanyang eksperimentong ginagawa. Hay nako. Anong oras na kaya?

"Ginoong Severino, ipinapatawag na ho kayo ng iyong ina upang mag-ayos na. Malapit na po magtanghali," wika ni Delilah. Saglit lamang ang kanilang itinagal sa prusisyon at umuwi na rin agad upang maghanda rito.

"Pakisabi kay Ina hindi pa ako tapos rito." Nakaharap siya sa kanyang niluluto habang sinasabi iyon. Nakakunot na rin ang kanyang noo at may hawak na sangkap sa magkabilang kamay. "Ano kaya ang mas mainam dito? Asukal o ang dahon ng laurel?"

"Ngunit, Ginoo, iyon po ang kanyang ipinag-uutos. Ako po ay pagagalitan kung hindi ka po susunod."

Palipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. Ako ay sinenyasan ng aking kapatid na pilitin ko siya. "Ginoo, ako na po ang bahala rito. Malapit na pong mag alas-dose ng tanghali."

"Emilia, paano tatamis ang adobo? Asukal kaya?" Parang hindi niya naririnig ang aming sinabi.

"Ako na nga po ang bahala rito."

"Delilah, hindi pa ako tapos rito. Kailangan ko itong matapos bago ako mag-ayos. Hala, nawawala na ang apoy, Emilia. Sandali ako ay kukuha lamang ng kahoy." Hindi niya marahil nakikita ang kanyang sarili na ngayo'y pawisan na, gamit ang kamay ay pinupunasan niya ang kanyang noo at leeg saka bumulong "Mahirap pala magluto, Emilia."

"Anak Severino, hindi ka pa ba mag-aayos?"

Agad naman kaming yumuko ni Delilah nang biglang dumating si Doña Criselda. "Ano ang iyong naisipan at ikaw ay nagluluto?" Saglit siyang tumingin sa akin at ngumiti bago muling tumingin sa kanyang anak na abala pa rin sa pag-ihip ng kahoy upang bumaga.

"Anong oras na ba, Ina?"

"Alas-onse pa lamang ngunit mas mabuti kung ikaw ay mag-aayos na. Kayo ba ay nagluluto ng adobo?"

"Si Ginoong Severino po ang nagluluto," sagot ko dahil nanatiling lamang siyang tahimik.

"Ikaw ba ay marunong, anak?" natatawang tanong ng doña at lumapit sa amin. "Maaari ko bang tikman?"

"Huwag!" sigaw niyo sabay harap. Nagulat naman ang doña sa biglaan niyang pagsigaw na aking ikinatawa. "I-Ina, hindi pa kase ako natatapos. Matitikman mo naman iyon m-mamaya." Sumulyap siya sa akin saglit at para bang humihingi ng tulong sa akin.

"A, Doña Criselda, nais sana ng inyong anak na kayo ay sopresahin mamaya sa tanghalian kaya aking iminumungkahi kung mamaya niyo na lamang tikman." Aking napansin na natatawang umalis si Delilah at sumenyas sa akin na aayusan muna niya si Señorita Juliana.

"Ganoon ba? O sige, tiyak akong masarap iyan dahil ikaw ang nagluto, anak." Lumitaw ang malalaim niyong biloy sa magkabilang pisngi habang nakatingin sa kanyang anak."Ngayon ka lamang nagkaroon ng interes sa pagluluto. Mukhang ikaw ay naghahanda na para sa nalalapit ninyong kasal ni Binibining Floriana, anak." Kung kanina ay malapad ang ngiti niya, ngayon naman ay unti-unting nawawala hanggang isang simpleng ngiti na lamang ang makikita sa kanyang mukha. "Sigurado ka bang pakakasalan mo ang anak ni Doña Lucia, Severino?"

"Bakit, Ina?" takang tanong ni Señor.

"Wala naman. O siya bilisan niyo na riyan para matapos na."

"Emilia, paano ito tatamis? Paano ko makukuha ang tamang timpla?" tanong sa akin niya sa akin.

Bago ko siya sagutin, ako ay lumingon muna kay Doña Criselda na nakatingin sa aming dalawa at binigyan ako ng magandang ngiti saka tuluyang lumisan.

Kinuha ko mula sa kanya ang sandok at tinikman ang kanyang eksperimento. Sobrang maalat at maasim. "Panoorin mo na lamang ang aking gagawin." Dinagdagan ko ng tubig ang adobo upang bumalanse ang asim at alat, dinagdagan ko rin ng  asukal kaunti nang hindi pa ako nakuntento sa lasa. Hindi ko ibig magpaliwang ng pagkahaba-haba ngayon, Ginoo, patawad. Nang ako'y matapos na, tinikman ko ito at ipinatikim sa kanya.

"Hala ang sarap, Emilia!" sambit nito at muling tinikman ang sabaw kasama na ang karne. "At ang karne ay malambot! Ang galing mong magluto, Emilia."

"Lahat ng babae ay kayang gawin ito."

"Lahat? Hindi naman siguro. Bakit si Floriana ay walang hilig sa pagluluto kahit iyon ay itinuturo sa mga kababaihan?"

Nagkibit-balikat na lamang ako sa kanyang tinuran. Hindi ko naman alam ang aking isasagot. Ngunit wala pa la siyang hilig sa pagluluto? Ngayon ko lamang nalaman.

"Sa tingin mo ay sapat na itong niluto natin?" tanong niya habang isa-isang tinitingnan ang mga pagkain na aming niluto.

"Sapat na. Mag-ayos ka na. Kami na pong bahala rito."

"Hindi mo ba ako paghahandaan ng maisusuot?" natatawang tanong niya kaya ako ay napalingon.

Oo nga pala bakit nawaglit sa aking isipan? Ay!

"Biro lamang. Ako na ang maghahanda. Mag-ayos ka na rin. Mabaho ka na." Bigla siyang umalis matapos niyang sabihin iyon habang natatawa pa.

Bigla kong inamoy ang aking sarili at napapikit ako sa inis. Hindi naman ako mabaho, a! Loko ka talaga, Severino! Inihabilin ko muna kina Cloreta ang mga pagkain saka ako umakyat papunta sa silid ni Ginoong Severino upang ihanda ang kanyang kasuotan.

Pagsapit ng hapon, nagtungo ako sa hardin upang magpahangin at masaksihang muli ang paglubog ng araw. Matagal-tagal na rin pala mula nang ako ay napadalaw rito. Marami kaseng inasikaso kaya't wala na akong oras para pumunta pa rito. Ang ganda ng kalangitan at may mga ibon pang malayang nagliliparan.

Isang ibong puti ang lumapit sa aking balikat na aking ikinangiti. "Kumusta, ibon?" Siya ay aking hinawkaan upang tihnan ang kabuuan ng kanyang itsura nang ako ay may mapansin na isang papel sa kanyang paa na nakatali rito.

Liham?

Mabilis na lumipad ang ibon nang kunin ko ang papel at tumambad sa akin ang isang liham na mula kay Georgina.

Sabi na nga ba! Tama ang aking kutob! Walang magandang maidudulot ang paninilbihan niya roon!

Tinupi ko nang maayos ang liham at maingat ko itong itinago sa aking saya upang hindi mawala. Nararamdaman ko ang panginginig ng aking buong katawan sa aking nalaman habang ako ay palakad-lakad. Kailangan ko siyang tulungan. Kailangan niya ako. Ngunit paano ko siya makukuha?

Hindi ko batid na sa labis na pag-alala at pag-iisip, naramdaman ko na lamang na may mainit na likido na bumagsak mula sa aking mata.

Napakagat na lamang ako sa aking kuko upang maibsan ang takot na aking namumutawi sa aking dibdib at sabay napaupo sa lupa. Nanghihina ang aking mga tuhod. Tila hindi ko kayang tumayo nang tuwid gayong may problema. Kailangan kong makapag-isip nang maayos. Hindi makatutulong kung ako ay iiyak lamang. Pinunasan ko ang aking luha at tumayo. Gabayan sana ako ng Diyos sa aking balak.

"Emilia, narito ka lamang pala. Kanina pa kita hinahanap," wika ni Agapito nang siya ay aking makasalubong sa kusina.

"A, o-oo, ako ay nagpahangin lamang sa labas saglit." Pinilit kong ngumiti at yumuko upang hindi niya mahalata ang maling nangyayari. Hindi niya dapat malaman gayong ayaw ipaalam sa iba ni Georgina ang sinapit niya.

"Ayos ka lamang ba? Tila namumula ang iyong mga mata?" Lumapit siya sa akin nang kaunti at ako'y hinawakan sa baba upang iangat nang kaunti ang aking mukha. "Ikaw ba ay may karamdaman, Binibining Emilia?"

"A, w-wala wala" sabay layo ko sa kanya. "May aasikasuhin lamang ako na trabaho. Marahil ay hindi mo ako makakausap nang maayos ngayon dahil alam mo namang maraming gagawin. Paalam." Ako'y dali-daling umalis upang hanapin si Ginang Josefa. Narinig ko pa ang mahina niyang pagtutol ngunit hindi ko na siya pinansin pa. Mas mahalaga ngayon si Georgina.

Nakita kong nakangiti si Ginang Josefa habang nakikipag-usap kay Doña Criselda. Wala man lamang siyang kaalam-alam sa sitwasyon ng kanyang anak ngayon sa kamay ng heneral na iyon. Tunay na walang puso!

"O, Emilia, may kailangan ka?" tanong ni Doña Criselda nang ako ay lumapit sa kanilang puwesto.

"Nais ko lamang pong makausap saglit ang mayordoma."

Nagtataka tumingin sa akin ang ginang, nagpaalam sandali at sumunod pa rin sa akin nang ako ay dahan-dahang umalis. "Bakit, Emilia?" Seryoso ang mukha nito habang malalalim ang mga titig sa akin. Habang tumatagal ay mas lalo siyang tumatanda at mas lalo siyang manghihina kung malalaman niya ang katotohanan. Sa ngayon ay hindi ko muna ito sasabihin sa kanya kahit batid kong siya ay may karapatan bilang paggalang na rin sa kagustuhan ng kanyang anak. "Bakit?"

"Nais ko lamang pong magtungo sa bayan upang mamili ng kagamitan para sa aking kapatid. Maaari po ba? Maaari ko rin pong isabay na rin ang inyong ipapabili kung mayroon man." Batid kong mali ang magsinungaling ngunit mas iniisip ko ang kanyang kalusugan. Maaari siyang mawalan ng ulirat o atakihin sa puso sa labis na gulat at pag-aalala. Ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng aking puso at pag-iksi ng aking paghinga. Halo-halo na ang aking nararamdaman at iniisip.

Tumitig siya sa akin nang diretso na tila ba nagdadalawang-isip at pinag-iisipan kung ako ba ay kanyang pahihintulutan. "Sige ngunit bumalik ka rin agad dahil kailangan ka ni Ginoong Severino."

Halos mawala ang bigat na nakabara sa aking dibdib nang ako ay kanyang pahintulutan. Matapos nito, ako ay nagtungo kay Delilah upang ipaalala sa kanya na alagaan niyang mabuti si Binibining Juliana at bantayan niya na ring mabuti si Ginoong Severino para sa akin.

Noong una ay nagtaka pa siya ngunit nagdahilan na lamang ako tulad ng aking sinabi sa mayordoma. Sinabi ko rin sa kanya na wala siyang pagsasabihan kahit sinuman. Babalik din naman ako agad. Hindi ko rin maaaring kalimutan ang aking balabal pantakip sa aking mukha. Kailangan ko ito upang hindi ako makita at makilala ng mga guardia sibil.

"Ito kaya ang bahay-aliwan na tinutukoy ni Georgina?" bulong ko sa aking sarili habang pinagmamasdan ang bahay-aliwan na nasa aking harapan.

Nakasulat sa liham na dito raw siya dinadala minsan ng heneral upang pasayawin matapos siyang saktan. Akala ko ay maninilbihan lamang siya bilang tagapangalaga, ngayon ko lamang napagtanto na maging ang tagapag-aliw sa tuwing nababagot ang heneral ay sakop din pala ng kanyang trabaho. Kahit naman na hindi ko gaanong pinapansin si Georgina, inaamin ko na siya ay napalapit na rin sa aking puso. Siya lamang ang nagtitiyaga na kausapin ako kahit siya ay aking sinusungitan.

Tumingin ako sa paligid, wala namang kahina-hinala sa galaw ng mga tao rito ngunit kailangan ko pa ring mag-ingat.

Nang mapansin ko na may paparating na grupo ng guardia sibil, agad akong nagtago sa gilid at sumilip nang kaunti. Sila ay papasok sa bahay-aliwan. Ako ay dahan-dahang lumabas at naglakad palayo kasama ang iba pang mga mamimili para ako ay hindi mapaghinalaan. Paano ba ako makakapasok sa loob?

Lumabas din agad ang mga guardia sibil nang humalakhak habang ang iba ay kanilang tinutulak kung sino man ang humaharang sa kanilang daraanan.

Nararamdaman ko na lamang na may humawak sa aking balikat na labis kong ikinagulat. Hawak-hawak ko ang aking dibdib nang tignan ko kung sino man ang aking kaharap ngayon. "M-Maria?"

"Sabi na nga ba ikaw iyan, e!" sabay tawa niya.

Ako'y huminga nang malalim at napapikit nang mariin. Akala ko kung sino.

"Masyado ka namang seryoso, Emilia, ano bang ginagawa mo rito at tila ikaw ay takot na takot?" Unti-unting nawala ang kanyang pagtawa at napalitan ng pagkaseryoso nang kanyang makita ang aking mukha.

"Wala naman ako ay may bibilhin lamang." Hindi niya naman kailangan malaman kung ano nga ba ang aking pakay rito.

"Akala ko kung ano na. Siya nga pala, nasaan na si Ginoong Severino? Hindi na kayo nakadalaw muli sa aming tahanan. Sayang naman!" Ngumiti siyang muli, ako ay hinila upang mapalapit sa kanya at ipinulupot ang kamay sa aking braso.

"Ako'y nagagalak na makita kang muli, Emilia! Kumusta na kayong dalawa?" sabay hagikhik.

"Nasaan nga pala ang iyong asawa?" pag-iiba ko ng usapan. Sa paraan pa lamang ng kanyang pagtawa, batid kong siya ay may nais ipahiwatig. Pareho lamang sila ni Gascar, mahilig manukso.

"A, si Samuel?"

"Bakit may iba ka pa bang asawa?" takang tanong ko.

"A, e, wala! " Napakamot siya sa kanyang ulo at ngumiti nang todo. "Siya ay may binili lamang. Iniwan ko siya saglit nang aking mapansin ang iyong postura."

Napatango na lamang ako sabay lingon muli sa bahay-aliwan. Mukhang hindi pa sila magbubukas ngayon dahil patay pa ang mga ilaw.

"May balak ka bang maging mananayaw sa bahay-aliwan, Emilia?"

"H-Ha?" Bigla na lamang ako napalingon nang marinig ko iyon. Ano ba ang sumagi sa kanyang isipan upang maisip iyon?

"Kanina pa kase kitang napapansin na tumitingin diyan. Ikaw ba ay may gagawin sa loob?"

"W-Wala" sabay iwas ko ng tingin. Hindi ko alam kung kakayanin ko ba itong mag-isa ngunit balak kong kunin si Georgina mula sa heneral na iyon.

"Sigurado ka? Maaari kitang tulungan sa abot ng aking makakaya."

Huminga akong malalim at pinakiramdam ang aking sarili. Mabilis ang tibok ng aking puso. Maraming mga bagay ang pumapasok sa aking isipan. Ngunit maaari silang mapahamak kung ako ay kanilang tutulungan. "Wala. Wala akong gagawin sa loob." Kaya ko itong mag-isa. Ayaw kong madamay sila rito. Sumulyap ako sa kanya na ngayo'y palinga-linga sa paligid.

"Nasaan na ba si Samuel? Malapit ng mawala ang paglubog ng araw hindi pa rin siya bumabalik dito. Ano na kayang nangyari roon?"

"Maria, may alam ka bang paraan upang makapasok sa loob ng bahay-aliwan?"

"H-Ha? Bakit?"

Wala namang masama kung ako ay magtatanong lamang sa kanya hindi ba? "Mayroon lamang akong nais makita sa loob mamayang gabi. Maaari mo ba akong tulungan?"

"H-Ha? Si Ginoong Severino ba ang iyong tinutukoy?"

-----------

<3~