"Mabuti naman at ikaw ay nakabisita rito sa aming lugar," rinig kong sambit ni Don Faustino habang masayang nakikipag-usap kay Agapito.
"Oo nga po, e. Sakto lamang ang aking dating at pista rito sa inyong bayan."
"Ate, mabuti na lamang at nakita natin muli si Ginoong Agapito. Dalawang taon na rin pala mula nang huli natin siyang nakita, ano?" tanong sa akin ni Delilah habang nakatuon ang kanyang mga mata sa dati naming pinagsisilbihan na ngayo'y malapad ang ngiti. "Ngayon ko lamang din nalaman na magkakilala pala sila ni Ginoong Severino. Pakiwari ko'y sila ay magkasama sa kanilang paaralan."
Tahimik lamang akong nakikinig sa kanya at tumitingin nang palihim sa kanila. Nandito kami ngayon sa kabilang mesa kung saan nakapuwesto ang pamilya kasama si Agapito. Ngayon ko lamang din nalaman na sila pala ay magkasama sa Maynila at marahil ay matagal nang magkakilala.
"Binibining Emilia, Binibining Delilah," pagtawag sa amin ni Agapito. "Maaari ba kayong sumama sa amin nina Severino mamasyal? Manonood lamang tayo ng pagtatanghal sa bulwagan at mamimili na rin."
"P-Po?" Sandali ngunit ang aking ipong pera ay aking ginamit sa pagkonsulta sa manggagamot at ang natitira nama'y ibibili ko ng baro't saya upang iregalo kay Delilah. Ngunit paano iyon? Kami ay may trabaho pa. Ako'y saglit na napalingon kay Ginoong Severino na tahimik lamang na umiinom ng alak habang ito'y nakatulala. Marahil ay hindi maganda ang kanyang pakiramdam kung ako ay sasama. Baka siya pa ay magalit sa akin. "May trabaho pa po ako, Ginoong Agapito."
"Nais kong sumama Ate, ngunit baka bawal," bulong niya at napanguso.
"Nagpaalam na ako kay Doña Criselda at Don Faustino at pumayag na sila. Wala ka nang dapat alalahanin pa." Tumingin muna siya sa mag-asawa at muling ngumiti saka siya bumaling sa akin. Inilahad niya ang kanyang palad na aking ikinataka. "Nais ko sanang alalayan ka, Binibini. Huwag mo na rin akong tawaging ginoo. Agapito na lamang." Tumawa siya nang mahina dahilan upang makita ko ang malalalim niyang biloy.
"Ayun naman pala! Ate, hali na! Sagot na tayo ni Ginoong Agapito!" Tumayo si Delilah at kinuha ang aking kamay upang ipayong sa nakalahad na palad ng ginoo. A, nakakahiya!
Hindi ko naman na mabawi pa ang aking kamay dahil tuluyan na niya itong hinawakan nang mahigpit. Kami ay naglakad papalapit sa kinaroroonan ng pamilya at sila ay sabay-sabay na napalingon nang kami ay kanilang makita.
Bigla ring napalingon ang aking ulo sa gawi ng kinaroroonan ng pamilya De Montregorio sa hindi kalayuan. Ang mag-asawa ay may ibang mga kausap, nakatitig sa akin nang masama si Binibining Luciana at nakatingin din sa akin si Binibining Floriana nang nakangiti at kumaway kaya't ako ay ngumiti nang kaunti.
Nang ibalik ko ang aking tingin sa aking harapan, nakatitig ngayon sa aming kamay si Ginoong Severino nang nakakunot ang noo at nakapamulsa.
"Pupuntahan ko lamang si Floriana," pamamaalam niya bigla nang magtama ang aming mga mata saka siya ay umalis. Kaunti na lamang, iisipin ko ng hindi maganda ang kanyang araw. Masyadong madilim at mabigat ang kanyang presensya.
Naramdaman ko na naman ang kaba at kirot sa aking puso nang hawakan niya sa bewang ang kanyang nobya kasabay ng kanyang pangngiti nang matamis. Bagay talaga sila kahit saang anggulo pa tingnan. Umiwas na lamang ako ng tingin nang sila ay magsimula nang maglakad palapit dito nang nagtatawanan.
Parang kanina lamang siya ay seryoso at ngayon nama'y tumatawa na siya. Paiba-iba rin pala ito ng ugali.
"Maraming salamat pong muli, Don Faustino at Doña Criselda sa pagpayag na makasama namin si Emilia kahit oras ng kanyang trabaho," wika ni Agapito sabay pagyuko ng ulo.
"Ayos lamang iyon Agapito upang silang magkapatid ay makapamasyal din kahit minsan lamang," masayang sambit ni Doña Criselda at tumingin sa akin kaya ako ay ngumiti at yumuko nang bahagya upang magbigay ng paggalang.
"Makaaasa po kayong iingatan ko si Emilia at ang kanyang kapatid. Mauna na ho kami." Inalalayan niya kami ni Delilah sa paglalakad habang ang magkasintahan ay nasa aming likuran.
"Buhay na buhay ang bulwagan, Ate Emilia! Ang ganda po rito, Kuya Agapito! Maraming salamat po sa pagdala po sa amin dito," turan ng aking kapatid at napapalakpak pa sa kanyang natatanaw.
Totoong buhay na buhay rito ngayon. Mayroong mga batang nagsasayawan at mga matatandang tumutugtog ng iba't ibang instrumento. Kahit saan ka man lumingon, makikita ang mga tao na nagsasaya sa unang araw ng pista. Nakadagdag din ang mga makukulay na dekorasyon sa gilid ng daan at mga banderitas na gawa sa papel.
"Walang anuman, Delilah. Hindi ako makapaniwala na ikaw ay dalaga na. Ang laki mo na kung ikukumpara noong huli kitang nakita."
"Ang gwapo mo rin, Ginoong Agapito! Ang laki rin po ng iyong pinagbago. Pakiwari ko'y ikaw ay may nobya na sa Maynila. Maganda po ba sa Maynila, Ginoo?" Kung ano-ano ang sinasabi niya. Walang tigil ang bibig sa pagsasalita.
"Sobrang ganda roon, Delilah. Hayaan mo ilaw ay aking ipapasyal roon at ipapakita ko sa iyo ang magagandang tanawin. Isasama natin ang iyong ate. Ayos ba yun?" Nakangiti siyang itinaas ang kanyang hinlalaki habang nakatingin nang diretso sa kanya.
Sa sobrang lapad ng pagkakangiti ng aking kapatid nakita tuloy ang kanyang sirang ngipin. "Ayos na ayos po, Ginoo!"
"Kuya na lamang ang iyong itawag sa akin."
"Ate, narinig mo iyon? Tayo ay ipapasyal ni Kuya Agapito! Makakapunta na rin tayo sa Maynila sa wakas!" Dahil sa sobrang tuwa, siya ay nagtatalon-talon kaya't nakatama siya ng iilang tao. "Paumanhin po" saka siya natawa.
"Mahal, ayos ka lamang ba? Bakit ikaw ay bigla na lamang tumahimik?" Palihim akong sumulyap sa aking likuran nang aking marinig ang tanong ni Binibining Floriana.
"Ayos lamang ako." Ngumiti siya ng kaunti rito at biglang tumingin sa akin kaya't ako ay napaiwas agad ng tingin. Ako ay napapikit nang mariin at napakagat ng labi nang ako ay kanyang nahuli. Nakakahiya, Emilia! Sana hindi ka na lang tumingin!
"Ikaw ba ay sigurado riyan? Maaari naman tayong umuwi kung nais mo."
"Hindi. Ayos lamang ako, Mahal."
"Severino, hindi ba't nais mong kumanta sa harap ng maraming tao? Ito na ang iyong pagkakataon para naman masaksihan namin ni Emilia ang iyong pagkanta."
"Ako ay nakakanta na, Agapito. Sayang at hindi mo iyon nasaksihan. Nakita na rin iyon ni Emilia, hindi ba?" Dahil binanggit niya ang aking pangalan, napatingin ako sa kanyang muli at binigyan ng isang ngiti na hindi ko mawari kung pilit o totoo ba. Tila siya ay nababagot o masama ang kanyang pakiramdam?Maaari ring masama talaga ang araw na ito para sa kanya.
Lumingon naman sa akin si Agapito nang nanlalaki ang mga mata saka ngumiti. "Talaga? Sayang naman kung ganoon hindi ka namin mapapanood ng sabay ni Emilia. Maaari ka bang kumanta ngayon? Tiyak akong magugustuhan iyon ng nakararami."
"Hindi na. Sa susunod na lamang. Bakit hindi na lamang ikaw ang kumanta para makita niya kung sino ang mas magaling sa ating dalawa?" Bakit tila nanghahamon ang kanyang tinig? Nakapako rin ang kanyang mga mata at hindi kumukurap. Seryoso ba siya? Hinahamon niya ang kanyang kaibigan?
"Ako ba ay iyong hinahamon? Sige ba!" Umiiling na natatawang tugon naman ng isa samantalang kaming dalawa ni Binibining Floriana ay nakatingin lamang sa kanila. "Emilia, nabanggit niya na nasaksihan mo raw siyang kumanta. Ngayon, aking hinihiling na ikaw ay magsilbing husgado para sa amin. Maaari ba? Para malaman na kung sino ang mas mahusay at nagpakuha sa iyong puso."
"Hindi ko batid kung bakit pa kayo magpapaligsahan kung gayong hindi naman kailangan," tugon ni Binibining Floriana na nakakunot ang noo lalo nang siya'y tumingin sa kanyang kasintahan. "Severino, ikaw ang may pakana nito. Pumunta na lamang tayong bayan para makapamili tayo." Siya ay tumingin sandali sa paligid at bumaling muli sa kanya. "Malapit na ang ating anibersaryo, Mahal. Ikaw ba ay nasasabik na?"
"Wala namang problema sa akin iyon, Binibining Floriana. Nais ko ring ipakita kay Emilia ang aking pagkanta," nakangiting wika ni Agapito sabay tingin sa akin at ako ay kanyang kinindatan.
Kahit na ako ay naaasiwa sa kanilang palitan ng tingin at paraan ng kanilang pagtitig sa akin, sinikap kong ngumiti sa kanilang lahat at lihim na napabuntong-hininga.
"Ginoo, maaari ko bang mahiram ang iyong gitara kahit sandali lamang?" wika niya sa isang ginoo na isa sa mga nagtatanghal na napadaan sa aming gilid.
"Sige po, ginoo."
Sinimulan niya ang paggalaw ng daliri sa habi ng gitara na naglikha ng matinis na tunog ng tatlong beses habang siya ay nakatungo. Mayamaya pa'y sandali siyang tumingin sa akin saka ngumiti.
Unti-unting lumingon sa amin ang mga tao dahilan upang maging sentro ng atraksyon si Agapito. Ang iilan ay nakangiti, may iba nama'y seryoso lamang ngunit nang magsimula siyang kumanta ay napansin kong mayroong mga kababaihan ang kinikilig.
Saan ka man naroroon sinta
Pagibig kong wagas
Sa iyo lamang iaalay
Puso kong ikaw ang isinisigaw 🎶
Nakapako lamang sa akin ang kanyang mga mata habang binibigkas ang bawat salita. Nais ko mang yumuko dahil ako'y nahihiya ngunit naramdaman ko ang pagsiko sa akin ni Delilah kaya ako ay napatingin sa kanya. Siya ay nakangiti habang naniningkit ang mga mata. Iyan na naman siya sa kanyang pang-aasar.
Pusong uhaw sa yong pag irog
Saan ka man naroroon sinta
Pangarap ko'y ikaw
Ikaw ang tanging mahal 🎶
Hindi pa rin nagbabago ang kanyang tinig at husay sa pagkanta. Kung mayroon mang talento na dapat siyang ipagmalaki - iyon ang pag-awit. Narinig ko na siyang kumanta noon nang ako ay naninilbihan pa lamang sa kanila. Mali man na siya ay aking pakinggan sa oras ng trabaho ngunit hindi ko napigilan ang aking sarili. Sadyang maganda ang kanyang tinig kaya't hindi na ako magtataka kung marami ang humahanga sa kanya.
Asahan mong sa habang panahon
Alaala kita saan ka man patungo
Asahan mong habang buhay
Alaala kita 🎶
Napangiti na lamang ako nang siya ay muling ngumiti sa akin. Kita ang kanyang mapuputi at pantay na ngipin idagdag pa ang malalalim na biloy. Sumasabay sa galaw ng kanyang katawan ang ritmo ng kanta na dahilan upang siya ay lumapit sa akin.
Saan ka man naroroon
Asahan mong sa habang buhay
Alala kita
Saan ka man naroroon 🎶
Matapos ng kanta ay siyang pagpalakpak ng mga tao. Napadako naman ang aking mga mata kay Ginoong Severino na ngayo'y seryoso lamang nakatingin sa akin. Nakangiti naman si Binibining Floriana kasabay ng mahinhing pagpalakpak.
"May maganda ka pa lang tinig, Agapito. Mahusay kang kumanta," wika niya.
Siya ay lumingon sa nobya ng kanyang kaibigan at nagbigay ng isang matamis na ngiti. "Maraming salamat, Binibini. Naibigan mo ba, Binibining Emilia?"
Nais ko sanang mabasa kung ano ang iniisip ngayon ni Ginoong Severino. Wala man lamang akong nakikita kahit anong emosyon sa kanyang mga mata.
"Emilia?"
"Ate, ikaw ay tinatanong ni Kuya Agapito."
"H-Ha?" turan ko. Naramdaman ko na lamang na ako ay kinalabit ni Delilah kaya naputol ang aking pagtitig sa kanya.
Natawa naman si Agapito at ibinalik sa lalaki ang gitara. "Ikaw talaga Emilia, kung saan-saan ka nakatingin. Naibigan mo ba ang aking kantang alay para sa iyo?"
"Para sa akin?" sabay turo ko sa aking sarili. Nagbibiro na naman marahil ito si Agapito.
"Oo, alay ko iyon para sa iyo. Naibigan mo ba? Ano ang iyong masasabi? Sino ang mas magaling sa amin ni Severino?" natatawa niyang tanong sabay lingon sa kanyang kaibigan at inakbayan niya ito.
"P-Pareho lamang." Hindi ko batid kung ano ang aking mararamdaman. Una, hindi ko naman akalain na ako ay kanyang aalalayan ng kanta. Pangalawa, pareho silang magaling ngunit mayroong pagkakaiba.
"Paano ba iyan, Severino? Narinig mo naman ang tugon ni Emilia, pareho raw tayong magaling. Haha."
"Mas magaling ako sa iyo," turan ni Ginoong Severino at natawa nang kaunti. "Marahil ay ayaw lamang saktan ni Emilia ang iyong damdamin kaya iyon ang kanyang naging sagot." Muli siyang tumingin sa akin ng ilang segundo bago umiwas ng tingin.
"Walang ganyan, Severino. Bueno, magtungo na lamang tayo sa maliit na pamilihan na malapit dito at mamasyal. Hali na, Emilia, Delilah." Kami ay kanyang inalalayan sa paglalakad hanggang sa kami ay makarating sa mahabang ilog papuntang pamilihan.
Mayroong pamilihan dito ng mga kasuotan at pagkain at iba pa iyong sa mismong bayan na mas malaki, matao at halos kumpleto ng mga paninda.
Maingat na inaalalayan ni Ginoong Severino ang kanyang kasintahan pasakay ng bangka. "Mag-iingat ka, Mahal."
"Maraming salamat, Mahal."
Tahimik ko lamang silang pinagmamasdan habang maingat na inaalalayan si Delilah. Akmang ihahakbang ko na sana ang aking kanang paa nang biglang humangin nang malakas at nilipad ng hangin ang aking saya kaya't hindi ko nakita ang aking pagtapak na naging sanhi ng paggalaw ng bangka at pagkahulog ko sa tubig. Ang sakit ng aking salumpuwit tumama sa maliliit na bato.
"Ate!"
"Emilia/Binibining Emilia!"
Agad naman akong inalalayan ng dalawang lalaki sa pagtayo. Mabuti na lamang at hindi nahulog ang ibang lulan nitong bangka.
"Bakit hindi ka nag-iingat?" rinig kong tanong ni Ginoong Severino.
"Ayos ka lamang ba? May masakit ba sa iyo?" tanong naman ni Agapito.
Pinunasan ko ang aking mukha gamit ang aking palad saka ako tumingin sa kanilang lahat. "Ayos lamang ako. Salamat."
"Ikaw ay may galos sa leeg at braso, Emilia," turan ni Binibining Floriana.
"Galos?" sabay na tanong ng dalawang ginoo.
Sinuri ni Agapito ang aking leeg samantalang sa braso naman ang kanyang nobyo. Ako naman ay nakaramdam ng pagkailang kaya ako ay biglang sumakay sa bangka upang makalayo sa kanila ng hindi nila napapansin. Suriin ka ba naman ng dalawang ginoo sino ang hindi maiilang lalo na't may mga iba ibang pares ng mata ang nagmamasid sa amin ngayon.
"Kukuha lamang ako ng bayabas upang aking gamu---"
"Ayos lamang ako, Ginoong Severino. Hindi mo na kailangang mag-abala pa," pagputol ko sa kanyang sinasabi.
"Ngunit paano ang iyong galos?" May halong pag-alala sa tinig at mukha naman ni Agapito. "Hindi dapat patagalin iyan. Kukuha lamang ako, Emil--."
Iaa pa itong makulit. "Ayos lamang ako, Agapito. Hindi naman masakit."
Ako ay ngumiti pa sa kanya upang maipakita na ayos lamang talaga ako ngunit tunay na mahapdi ang aking mga halos kahit ang iba rito ay maliit lamang.
Napabuntong-hininga naman siya. "O siya, basta mamaya ay gagamutin ko iyan." Nauna siyang sumakay at tumabi sa akin bago ni Ginoong Severino na sandaling napatingin sa aming dalawa at napatigil pa. Tumabi siya sa kanyang nobya na aming katapat.
"Bakit hindi kayo bumisita sa aming bayan upang makapamasyal naman kayo, Severino at Binibining Floriana," turan ni Agapito nang nakangiti sa dalawa habang nililipad ng malakas na hangin ang kanyang buhok."Ngunit nakakalungkot lamang dahil inabandona na namin ang aming bahay roon. Maging ang pananim na rosas ni Ina ay namatay na."
"Pananim na rosas? Talaga? Sayang naman ako ay mahilig pa naman sa mga rosas." May bahid na panghihinayang sa tinig ng dalaga at bakas sa mukha ang lungkot. Hindi niya alam na may hinandang sorpresa sa kanya ang kanyang kasintahan.
Ako ay tumagilid mula sa kanilan at napatingin sa kawalan. Oo nga pala, ano na nga pa lang balak ni Ginoong Severino patungkol doon? Mula nang kami ay makahanap, hindi na muli kami pang bumalik doon at hindi na muling nabanggit pa.
"Ngunit mayroon pa akong alam na hardin ng rosas doon, Binibining Floriana. Maaari kitang dalhin doon."
Hala, iyon marahil ang aming nakitang hardin na kanyang tinutukoy. "Hindi nila iyon maaaring puntahan."
"Ha? Ano ang iyong sinasabi, Emilia? Ikaw ba ay gutom na? O dala iyan ng pagod kaya ikaw ay nagsasalitang mag-isa? Haha."
Ako ay napaharap na lamang muli kay Binibining Floriana habang nakayuko. Hindi ko namalayan na nasabi ko pala iyon nang malakas. Ngunit hindi dapat nila iyon puntahan. Ako ay tumingin kay Ginoong Severino na malayo ang tingin. Napabuntong-hininga na lamang ako. Ano ba ang kanyang plano? Naririnig ba niya ang usapan ng dalawa. Hahayaan ba niya na masira ang kanyang pinaghirapan? Dinadamay pa niya ako sa paghahanap gayong wala naman pala siyang pake sa usapan ng dalawa. Napabulong na lamang ako nang tignan ko ang aking repleksyon sa ilog. "Nakakainis ka, Severino. Nakakainis ka."
"Ha? Ate, ayos ka lamang ba?" tanong ng aking kapatid na aking katabi.
Hindi ko na lamang siya sinagot at hinawakan ko na lamang ang tubig. Ang lamig. Ang sarap naman maligo dito.
"Bakit ka naiinis kay Severino?
"Ha?" Ako ay napalingon kay Agapito. Ano ang kanyang sinasabi?
"Wala. Mukhang wala ka sa iyong sarili" sabay tawa niya nang mahina.
****
"Ate, sasama lamang po ako kay Kuya Agapito at may titignan lamang kami," paalam sa akin ni Delilah.
"Huwag kang lalayo sa kanya. Baka ikaw ay mawala."
"Sige po" sabay takbo niya at lumapit kay Agapito na abala sa pagkausap sa isang tindera.
Ako ay tumingin-tingin ng mga paninda sa paligid, nagbabakasakaling makahanap ako ng isang baro't saya na maganda na
kasya sa aking natitirang ipon. Mabuti na lamang at kasama niya si Agapito ngayon. Hindi niya malalaman na ngayon ako bibili ng regalo para sa kanyang nalalapit na kaarawan.
Hindi ko naman mahagilap ang magkasintahan. Mula nang dumating kami rito sa bayan ay napagpasyahan naming maghiwa-hiwalay upang makapamasyal at makapamili ng mga bibilhin.
"Bili na kayo nito, Binibini. Mura lamang ito," sambit ng isang matandang babae na nagtitinda at itinuro ang peineta - isang suklay na nasusuksok sa buhok na nakapusod na nagsisilbing palamuti sa buhok.
Ito ay kulay pilak na may mga maliliit na bilog na kumikinang at dalawang perlas sa magkabilang dulo. Nakatitiyak akong bagay ito sa kanya.
"Magkano po ito?" tanong ko. Nawa'y mura lamang upang hindi pa maubos ang aking pera.
"Piso lamang, Binibini" sabay ngiti niya.
P-Piso? Ang mahal! Saglit akong natigilan, ako ay nagdadalawang-isip kung ito ba ay aking bibilhin. Limang piso na lamang ang natitira sa aking ipon. Hindi ko rin alam kung anong halaga ng baro't saya.
"Mura na lamang iyan, Binibini. Sa ibang pamilihan at sa bayan, iyan ay nagkakahalaga ng isang piso at dalawampung sentimos. Tunay ang perlas na ito kaya mahal. Bilhin mo na, Binibini. Mula kanina ay wala pa akong gaanong kita. Tiyak akong bagay ito sa iyo."
"Ngunit hindi po kasya ang aking pera sapagkat ako ay bibili pa ng ---"
"Ako na po ang magbabayad, Aling Tina." Ako ay agarang napalingon sa aking likuran nang aking marinig ang rinig ni Ginoong Severino.
"Ginoong Severino!" Siya ay bahagyang yumuko at ngumiti nang pagkalaki-laki nang muli siyang tumingin sa kanya. "Kumusta na po kayo? Mabuti po at napadalaw po kayo! Kailan pa po kayo nakauwi rito?"
Ngumiti naman siya nang matamis. "Noong unang araw po ng Abril. Ayos lamang po ako. Kayo po ba? Kumusta naman po ang pamumuhay niyong mag-asawa? Nasaan po si Mang Raul?"
"Ayos na ayos lamang po kami, Ginoong Severino. Nakakakain naman po kami ng tatlong beses sa isang araw. Kumusta po ang inyong mga magulang? Ay paumanhin po, ako po ay napapadami na ng tanong."
Natawa naman siya at tinapik ang balikat ng tindera. "Ayos lamang po iyon, Aling Tina. Ako po ay nagagalak na makita kayong muli rito. Babayaran ko po ang peineta na iyan." Siya ay sumulyap sa akin at ngumiti bago muling tumingin sa kanyang kausap.
"H-Hindi na po, Ginoo, ayos lamang po. Ako ay may pambayad naman. May dala po akong kwarta," pagtanggi ko. Akmang ilalabas ko na sana ang aking isang piso nang ako ay kanyang panlakihan ng mga mata kaya wala na akong nagawa pa na kanyang ikinangiti.
"Nagkakahalaga po ito ng piso, Ginoong Severino." Binalot niya ito ng isang malinis at malambot na bimpo at iniabot sa akin.
"M-Maraming salamat po," tugon ko. Nakakahiya naman. Siya pa ang nagbayad nito. Nagkaroon tuloy ako ng utang na loob.
"Maraming salamat po, Aling Tina."
"Ang bait po talaga ninyo, Ginoong Severino. Napakapalad po ni Binibining Floriana na maging kabiyak kayo."
Ha? Umabot na rito ang balita? Paano niya nalaman? Palihim kong tiningnan ang kanyang reaksyon. Siya ay nakangiti nang matamis. Emilia, hindi naman kataka-taka ang kanyang reaksyon.
"Mapalad din po ako na siya ang aking mapapangasawa. Sa muli, Aling Tina, maraming salamat po. Ikumusta niyo na lamang po ako kay Mang Raul at sa inyong anak."
"Ang bilis kumalat ng balita," bulong ko nang nakayuko. Hindi ko akalain na makakarating na agad dito sa bayan ang kamakailan lamang inanunsyo. Iba talaga kapag nagmula sa kilalang pamilya.
"Ganoon talaga, Emilia. Bakit ka nga pala nainis sa akin kanina? May nagawa ba akong hindi maganda?"
Agaran kong naangat ang aking ulo upang tignan siya. Narinig niya ang aking bulong?
"Narinig namin iyon. Bakit ka naiinis sa akin? Ano ang iyong iniisip?" Diretso siyang nakatingin sa aking mga mata habang naghihintay sa aking sagot.
Bakit na siya naririto? Bakit siya lamang mag-isa? Nasaan ba ang kanyang nobya?
"Ano? May isasagot ka ba?"
"Hinahanap ka na ng iyong kasintahan, Ginoo. Hindi mo dapat siya iniwan." Ako ay umiwas ng tingin. Ano na naman ba itong aking nararamdaman? Kumikirot ang aking puso at malakas din ang pintig.
"Kasama niya sina Agapito at Delilah. Siya mismo ang nag-utos sa akin na hanapin kita."
"O?"
"Iyan lamang ba ang iyong isasagot? Bakit ka nga naiinis? Iniisip mo ako kanina ano?" sabay tawa niya.
Iyan na naman siya sa kanyang pang-aasar. Hindi ko na siya pinansin at nauna na akong naglakad. Wala namang patutunguhan ang aming pag-uusap.
"Emilia, sandali hintayin mo naman ako!" sigaw niya kaya mas lalo ko pang nilakihan ang aking mga hakbang. "Nagsusungit ka na naman, Emilia." Dahil mahahaba ang kanyang mga biyas, nasabayan niya ako sa aking paglalakad. "Bakit nga? Sabi ko na nga ba at ikaw ay umiibig sa akin, e! Haha!"
"Ikakasal ka na kung ano-ano pa ang lumalabas sa iyong bibig, Severino," bulong ko. Nawa'y hindi niya narinig. Siya lamang ang nakilala kong ikakasal na nang-aasar pa.
"Ha? Ikaw ba ay may sinasabi? Totoo nga? Haha! Tama nga ang aking hinala kaya panay sulyap ka sa akin kanina pa! Haha!"
Agad akong napatigil dahil doon at lumingon sa kanya nang nakakunot ang noo. Panay tingin? Ako panay tingin sa kanya? Totoo? Hindi ba't siya ang panay tingin sa akin kanina pa?
Abot-abot sa tainga ang kanyang pagkakangiti at namumula na rin ang kanyang mukha sa pagtawa. "Totoo, ano? Huwag kang mag-alala sagot kita, Emilia." Kinindatan pa niya ako sabay turo sa akin.
"Puro ka kalokohan, Ginoo. Bumalik ka na sa kanila at ako ay may bibilhin pa." Nagpatuloy na muli ako sa aking paglalakad sabay tingin sa paligid. Naramdaman kong sumunod siya sa akin. Ang tigas ng ulo. Ang kulit.
"Ano pa ang iyong bibilhin? Sama ako sa iyo, Emilia." Inabot niya pa ang aking kanang braso at sumabay sa akin na aking ikinahinto. "Bakit? Bakit ka huminto? May problema ba?"
Tiningnan ko ang kamay niyang nakahawak sa akin at mariin akong napalunok. Heto na naman ang kakaibang kaba sa aking dibdib. Ramdam ko ang lambot at init ng kanyang palad saka ako napatingin sa kanya. Nagtataka ngayon ang kanyang mukha.
"Bakit?" tanong niya.
Hindi na lamang ako kumibo at marahang inalis ang kanyang kamay. Mukhang nakuha naman niya kung bakit ganoon na lamang ang aking inasal.
"P-Paumanhin," dagdag pa niya. "Ano nga pala ang iyong bibilhin? Maaari ba akong sumama?" Papalit-palit ang kanyang tingin - sa daan at sa akin habang kami ay naglalakad muli.
"Bawal magsama ang lalaki at babae, Ginoo." Hindi ba niya alam iyon?
"Ngunit pista naman ngayon. Wala naman tayong gagawing masama. Sasamahan lamang kita upang hindi ka mapahamak. Nais ko lamang masiguro ang iyong kaligtasan."
Hindi niya naman kailangan akong samahan. Kaya ko naman ang aking sarili. Sanay na ako sa panganib. "Mas kailangan ka ngayon ng iyong nobya."
"Hindi mo ba ako kailangan, Emilia?" Guni-guni ko lamang ba ito o sadyang totoong may halong lungkot sa kanyang tinig? "Ngunit ako..." dagdag pa niya ngunit pabulong lamang. "kailangan kita."
"Ginoong Severino!" pagtawag ng isang lalaking nagtitinda ng mga barong tagalog at iba pang kasuotan panglalaki.
"Tiago! Kumusta?" Siya ay ngumiti at tinapik ito sa balikat. Sandaling nawala ang atensyon niya sa akin na ikinahinga ko nang maluwag.
Ngunit ako kailangan kita
Ngunit ako kailangan kita
Ngunit ako kailangan kita
Ipinilig ko na lamang ang aking ulo nang paulit-ulit ito sa aking isipan. Bakit niya naman ako kailangan? A, oo nga pala ako nga pala ang kanyang personal na tagapangalaga. Napatango na lamang ako sa aking naisip. Wala namang ibang dahilan upang kailanganin niya ako hindi ba? Mas pagtutuunan ko na lamang ng pansin ang paghahanap ng baro't saya.
"Ginoong Severino, mawalang-galang na po," pagsingit ko sa kanilang usapan. Kapwa sila napalingon sa akin kaya't ako ay yumuko. "Nais ko lamang po magpaalam upang makapamili kung maaari po sana."
"Paumanhin, Tiago, ngunit ako'y mauu--"
"Ako lamang pong mag-isa. Makipag-usap lamang po kayo. Kaya ko na po ang aking sarili. Mauuna na po ako mawalang-galang. Sige po." Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at ako'y lumisan na. Nakakahiya naman kung iiwan niya ang kanyang kaibigan para lamang sa akin. Sino ba naman ako? Nawa'y hindi na niya ako sundan pa. Hindi ko na alam ang aking gagawin
Maging ang aking nararamdaman ay hindi ko na maintindihan ngunit mas lalo kong hindi maintindihan ang kanyang tinuran kanina. Masyadong magulo ang pangyayari.
Dahan-dahan lamang akong naglakad nang mapansin kong unti-unting nag-atrasan ang mga tao rito. May ibang nagmamadaling umalis, nagtatago at ang iba ay nakayuko at umtras. Anong nangyayari?
Narinig ko na lamang ang mga yabag ng mabibigat na sapatos at tunog ng mga espada. Ang mga guardia sibil. Ano ang ginagawa nila rito?
May apat na guardia sibil sa magkabilang gilid habang ang heneral ay nasa gitna. Sila ay tahimik lamang na nagmamasid sa kapaligiran. Ngunit tinutulak nila ang mga taong humaharang sa kanilang dadaanan.
Nang malapit na sila sa aking pwesto, ako ay umatras ngunit nanatiling nakatingin ang aking mga mata sa heneral. Isa lamang ang nasa aking isipan - si Georgina. Kumusta na kaya siya? Ano na ang kanyang lagay?
"¡¿A que estas mirando?! (What are you staring at?!)" Ako'y hinawakan sa leeg ng isang guardia sibil habang nanlilisik ang kanyang mga mata.
Ako ay napalunok na lamang sa takot na kumukubli sa aking katawan. Hindi ligtas si Georgina sa kamay ng mga ito. Paano kung hindi lamang ang heneral ang nananakit sa kanya? Paano kung ang iba pa?
"Señor, lo siento. ¿Es esto un problema? (Sir, I'm sorry. Is this a problem?)" rinig kong tanong ni Ginoong Severino nang siya'y tuluyan nang nakalapit sa akin kaya't ako ay binitiwan ng guardia sibil. Rinig ko pa ang malalalim niyang hininga dahil sa paghangos. Marahil siya ay tumakbo agad palapit sa akin. "Ella esta conmigo. ¿Hay algún problema? (She's with me. Is there a problem?)"
Agad namang nagbigay-galang ang guardia sibil na nasa aming harapan at ang iba pa maliban lamang sa heneral.
"Señor Severino, lamento no haberlo sabido. (Sir Severino, I'm sorry I didn't know.)"
Naramdaman ko na lamang ang kanyang kamay na nakahawak sa aking kanang kamay at mariing pinisil ito habang patuloy pa rin siyang nakikipag-usap.
"Está bien. Nos vamos ahora. (It's okay. We will go now.)"
Bago pa man kami tuluyang makalayo ay nagsalita ang heneral na nagdulot lalo ng takot sa akin.
"Cuídese, Sir Severino. ¿Necesitas ayuda? (Take care, Sir Severino. Do you need any assistance?)" Hindi ko maintindihan ang kanyang sinambit ngunit iisa lamang ang aking alam, nakakatakot ang kanyang tinig kahit kalmado lamang.
"Ninguno, general. Gracias por su preocupación. Nos vamos ahora. (None, General. Thank you for your concern. We will go now.)" Ngumiti siya nang kaunti at hinila ako paalis nang hindi man lamang ako tinatapunan ng tingin. Nang kami ay makalayo sa kanila, siya ay tumigil sa pagsasalita at agad akong niyakap nang mahigpit. "Huwag mo na muling ipipilit pa na umalis nang mag-isa. Hindi mo batid kung gaano ako katakot nang masaksihan ko kung paano lumapat sa iyong katawan ang kanilang malupit na kamay. Ipinag-alala mo ako nang husto, Emilia."
Napatulala at napakurap ako ng ilang beses nang iyon ay aking marinig. Nais ng aking katawan na itulak nang malakas ang lalaking ito na walang habas sa pagyakap sa akin ngunit hindi makagalaw ang aking katawan.
"Naiintindihan mo ba ako, Emilia? Naririnig mo ba ako?" Humiwalay siya sa akin at sinuri ang aking leeg. "Masakit ba? Ano ang iyong nararamdaman ngayon, Emilia? Sabihin mo sa akin at nang aking malaman."
Nakatitig lamang ako sa mga mata niyang nag-alala at namumula. Para siyang naluluha ng hindi ko maintindihan. Nais kong magsalita ngunit walang lumalabas sa aking bibig. Mayroon siyang binubulong gamit ang lenggwaheng espanyol habang ang kanyang mga kamay ay nakayukom.
"Hali na. Umuwi na tayo," dagdag pa niya. Hinawakan niya akong muli sa kamay at nagsimulang maglakad. Hindi niya alintana ang mga matang nakatingin sa amin ngayon. Marahil, nawaglit sa kanyang isipan na kami ay nasa bayan.
"G-Ginoo, ang aking kamay." Mabuti na lamang at nagawa ko nang magsalita ngayon.
Doon lamang siya natigilan at napatingin sa akin at sa aming kamay. "P-Paumanhin. N-Nawala sa aking isipan."
Tumahimik na lamang ako at yumuko. Hindi ko siya kayang tignan. Pakiramdam ko ang init ng aking pisngi at tibok ng aking puso. Hindi ko alam ang aking gagawin. Nasaan ba kase sina Delilah at Agapito? Bakit nila ako iniwan?
"A-Ayos ka lamang ba?" pangbasag niya sa katahimikan. Maliit lamang ang kanyang boses at nakayuko habang naglalakad.
"O-Opo." Bakit ganito? Bakit ako nauutal? Hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang lakas ng tibok ng aking puso. Bakit niya ba kase ako biglang niyapos at sa harap pa ng mga tao? Ano na lamang ang kanilang sasabihin? Baka isipin nilang mayroon akong ginawa kay Ginoong Severino para ako ay kanyang yakapin. Ngunit kanilang nasaksihan ang buong pangyayari. Wala kang sala, Emilia.
"Ate!/Emilia!"
"Delilah!" Tumakbo ako agad palapit sa kanya. Mabuti na lamang dumating ka makakalayo ako kahit papaano kay Severino. Hindi ko na talaga batid ang aking gagawin kapag tumagal pa ang aming pagsasama lalo na't masyadong maraming nangyari ngayon.
"Pagmasdan mo po ang regalong ibinigay sa akin ni Kuya Agapito, Ate Emilia! Sobrang ganda!" sabay pakita niya sa akin ng isang bimpo na kulay bughaw at abaniko na kulay pilak.
Ako'y ngumiti nang malapad at isa-isang hinawakan ang mga ito. "Ang gaganda! Ikaw ba'y nagpasalamat?"
"Opo, Ate!" Humarap siya kay Agapito na ngayo'y nakatingin sa akin nang may ngiti sa labi. "Maraming salamat pong muli, Kuya!"
Samantalang magkatabi na ang magkasintahan at kasalukuyang nag-uusap ngunit nang ako ay sumulyap kay Ginoong Severino, aking napansin ang malalalim na tingin sa akin ni Binibining Floriana kaya't ngumiti na lamang ako sa kanya.
Bakit kaya?
****
"Maraming salamat, Agapito, lalo na sa mga ibinili mo para sa aking kapatid," hinging pasasalamat ko habang pareho kaming nakatanaw ngayon sa bilog na buwan.
Kami ay kasalukuyang nakaupo sa labas ng kusina at tahimik na pinagmamasdan ang kalangitan at nagkikislapang mga butuin.
"Walang anuman, Binibining Emilia. Laking pasasalamat ko rin na muli ko kayong nakita at napunta pa sa mabubuting kamay." Nakangiti siya sabay sulyap sa akin. "Maraming salamat, Binibining Emilia, hindi mo batid kung paano po ako pinasaya ngayon."
Pinasaya? Bakit ano ang aking ginawa para siya ay aking mapasaya? Kahit na ako ay naguguluhan, ngumiti na lamang ako at tumingala muli sa langit.
"May nobyo ka na ba ngayon?"
"Wala."
"Bakit? Wala ka bang napupusuan?"
"Wala naman. Batid mo namang nakatuon lamang ako sa aking trabaho noon pa man."
Marahan siyang natawa. "Nagbabakasali lamang ako na baka ikaw ay may nobyo na. Matagal tayong hindi nagkita kaya't wala na akong alam sa iyo."
"Tulad pa rin ako noon, Agapito." Bibigyan ko muna ng magandang buhay ang aking kapatid bago ko pagtuunan ng pansin ang aking buhay pag-ibig.
"Maaari ba kitang makasama muli sa pamamasyal?"
"Ngunit ako ay may trabaho, Agapito." Araw-araw akong mayroong trabaho kaya't malabo ang nais niyang mangyari.
"Wala naman akong sinabi na ikaw ay aking gagambalain sa iyong trabaho. Batid ko iyon." Napansin kong siya'y lumingon sa akin kaya't lumingon din ako pabalik. "Maaari naman kitang makasama sa pamamasyal kahit ganito lamang, hindi ba?"
Kumunot ang aking noo sa kanyang tinuran. Hindi ko maintindihan ang nais niyang ipabatid. Nais ba niyang kami ay mamasyal ngayon kung kailan malalim na ang gabi?
"Maaari naman tayong mamasyal kahit gabi na, hindi ba?" sabay ngiti niya sa akin nang matamis.
"Gabi?" Tama nga ako. Bakit niya naiisip ito?
"Palihim lamang natin iyon gagawin kapag tulog na ang lahat para hindi nila malaman." Tumawa siya nang mahina at napahagikhik sa kanyang naiisip. "Huwag kang mag-isip ng masama. Wala akong intensyon na ikaw ay saktan o ano pa man. Nais ko lamang na mamasyal ngayong gabi kasama ka."
Hindi pa ba sapat na pinaunlakan ko ang kanyang paanyaya na maupo rito sa labas ng kusina upang pagmasdan ang kalangitan?
"Nais ko lamang sana punan ang dalawang taong hindi tayo nagkita, Binibining Emilia. Paumanhin ngunit nais kitang makasama pa ng matagal." May bahid na lungkot at tuwa sa kanyang tinig. Mababakas din ang pagkasabik at sinseridad sa kanyang mga mata. "Maaari ba?"
Bumalik sa aking isipan ang mga panahong naninilbihan pa lamang ako sa kanila. Naalala ko kung gaano kabuti sa aming pamilya ang kanyang pamilya. Hindi nila kami tinuring na mga kasambahay ngunit pangalawang pamilya na rin. Sino ba naman ako para tanggihan ang isang makisig na ginoo na marami ng naitulong sa aking pamilya? Ngumiti ako nang matamis at tumango. "Maaari, Agapito."
Tila nawala lahat ng lungkot sa kanyang mga mata at napalitan ng buong saya. Siya ay tumayo at inilahad ang kanang palad para ako ay kanyang alalayan. Malugod ko naman itong tinanggap.
Humakbang ako ng tatlong beses nang ako ay mapalingon sa kusina. Tanging maliit na sulo lamang ang nagsisilbing ilaw doon.
"Bakit, Emilia? May problema ba?"
Ako ay lumingon sa kanya at marahang umiling. "May nakita lamang akong anino sa kusina. Marahil ay guni-guni ko lamang iyon."
"Imposibleng mayroong gising pa. Tulog na ang lahat. Marahil ay anino lamang ng isang bagay."
"Marahil nga. Hali na." Bago kami tuluyang makalayo, lumingon muna akong muli nang mapansin kong gumalaw ang anino at bigla na lamang nawala.
Ano iyon?
---------------
<3~