Chereads / Lost With You (Tagalog BL) / Chapter 14 - LOST: CHAPTER 13

Chapter 14 - LOST: CHAPTER 13

Hindi na nila nasilayan ang araw nang lumubog ito dahil sa maitim na ulap sa buong kalangitan. Malapit nang gumabi at ang magkasintahan ay natatakot sa posibleng maganap na pag-ulan.

Sa pagkakataong ito, nakakatayo na sila sa patag na parte ng puno, at hanggang tuhod na lang ang tubig. Natatanaw na rin nila ang mga dahon ng ibang punong kahoy pero ang mga katawan ng mga ito ay nakalubog pa rin sa tubig.

"Paano na iyan?" nag-aalalang tanong ni Cyan kay Red.

"Ang mahalaga, may matatayuan tayo ngayong gabi. Hindi katulad noong nagdaang gabi na umaasa tayo sa sanga." Pahayag niya dito.

"Nagugutom at nauuhaw na din ako. Kailan ba matatapos 'to?" nanlulumo niyang sabi.

Hinalikan ni Red ang noo nito. "Gabi na rin kasi, hayaan mo…bukas na bukas hahanap ako nang paraan. Pero malay mo, babalik ang mga firefly squid mamaya," nakangiting wika niya.

Hindi na sumagot si Cyan at niyakap siya nang mahigpit.

Tahimik silang dalawa na naghihintay ng pagbabago sa paligid. Lumalalim na ang gabi at lumalamig na ang hangin. Nakaramdam si Red nang pagkirot sa kaniyang ulo pero binalewala niya lang iyon.

Ilang sandali pa ang dumaan, napahawak siya sa kaniyang sentido at napaluhod siya sa sobrang sakit ng kaniyang ulo.

"Anong nangyayari, Red?" nagaalalang tanong nito.

"H-hindi. O-okay lang ako." Sagot niya dito. Nais niya lang na huwag na itong mag-alala sa kaniya subalit mas lalo lamang itong sumakit. Tila pinalo ng isang martilyo. Umiikot na rin ang kaniyang paningin. Naisandal niya ang likod niya sa sanga at hawak hawak niya ang kaniyang ulo.

"Red, masakit ba ang ulo mo?" Hindi siya sumagot dito. Iniinda niya ang kirot nito at hindi niya alam kung paano ito maiibsan.

Biglang lumakas ang hangin. Ang mga sanga ng punong kinatatayuan nila ay nagsimula nang gumalaw maging ang mga dahon na nakausli mula sa ibang punong kahoy ay sumasayaw na rin. Nagsimula na rin gumalaw ang tubig na gumagawa nang mumunting alon bagay na kinakatukan nilang lumakas pa. Sa pagkakataong iyun, nakalimutan ni Red na sumasakit ang ulo niya.

Napatayo siya at niyakap ang kasintahan. "Kahit anong mangyari, 'wag kang bibitaw sa akin." Tumulo ang luha sa kaniyang mga mata. Natatakot siya sa kung ano ang pwedeng mangyari sa kanilang dalawa. Hindi ligtas ang pwesto nila, walang pader na haharang sa hangin at mga alon, walang bubong laban sa nagbabadyang ulan.

Sa 'di kalayuan, natatanaw nila ang kidlat na sinundan ng malakas na kulog. Napapikit si Cyan at mas lalong hinigpitan ni Red ang pagkayap dito.

"Alam mo ba, na mataas ang tsansa nating matamaan ng kidlat lalo pa't malapit tayo sa tubig at nasa taas tayo ng puno?"

"Talaga ba?" tanong niya dito. Napatitig ulit siya sa mga kidlat na tila nagsasayawan sa kalangitan, kaaya aya mang tignan ang kulay nito pero nakakatakot naman ang dala nitong tunog at panganib. Napabuntong hininga siya sa isiping nasa gitna sila ng karagatan sa taas ng isang puno, at kinakaharap ang isang delubyo.

Tumango lang si Cyan bilang tugon. Ngumiti siya dito. "Okay…basta ipangako mo sa akin na kahit anong mangyari, hindi ka bibitaw." Kalmado niyang wika dito pero sa loob loob niya ay takot na takot na siya.

Nagsimula nang bumuhos ang ulan. Patuloy ang pagtama ang kidlat at ang nakakabinging kulog. Nakayuko silang dalawa habang magkayakap. Lumalakas na rin ang alon na tumatama sa kanila.

Napansin niyang may kung anong binubulong si Cyan habang nakapikit. Narealize niyang nagdadasal ito. Napapikit na rin si Red at nagsimulang magdasal. Hindi man niya tiyak kung ano ang kaniyang relihiyon, ipinagdadasal niya ang kaligtasan nilang dalawa ni Cyan.

"Lord, iligtas mo kaming dalawa ni Cyan sa kapahamakan. Mahal ko po siya at hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may mangyaring masama sa kaniya. Ipinagdadasal ko po ang kaligtasan namin sa delubyong kinakaharap namin ngayon. Ikaw lamang ang makakapligtas sa amin at wala nang iba." Naluluha siya habang tahimik na nagdadasal.

Hindi niya batid kung anong klase siya nang tao noong hindi pa nawawala ang kaniyang alaala, kung paladasal ba siyang tao o hindi; kung mabuti ba siya o masama, wala siyang alam. Pero ngayon, ay tanging ang nakakataas lamang ang makakatulong sa kanilang dalawa, wala nang iba pa.

Nagpatuloy sa pagbuhos ang ulan at mas lalong lumakas ito. Ang mga alon ay tila galit na humahampas sa kanilang mga biyas na dahilan para mayanig ang kanilang tindig. Ang dumadagundong kulog na halos punitin ang kanilang mga tenga at ang nakakasilaw na kidlat na tila flash ng camera.

"Red?"

"Bakit, Cy?"

"Masakit pa ba ang ulo mo?"

"Huwag mo akong intindihin." Hinaplos ang puso ni Red sa pagaalala ng kasintahan sa kaniya. Kahit pa kapwa silang takot at walang ibang matatakbuhan ay nagawa pa nitong isipin siya sa gitna ng krisis.

Umihip pa nang malakas ang hangin na halos ikatumba nilang dalawa. Bumitaw sila sa pagkakayap at isinandal ang mga likod sa sanga kung saan kabaligtaran ng direksyon ng hangin—kahit papano'y naiibsan ang lakas ng salpok ng hangin at alon laban sa kanila.

Sa mga split-second na liwanag na gawa ng kidlat, natatanaw ni Red ang takot sa mga mata ni Cyan. Nararamdaman din niya ang panginginig nito sa sobrang takot. Agad niya itong niyakap at ramdam niya na nilalamig na ito.

Naramdaman ulit ni Red ang pagkirot ng kaniyang ulo, pero binalewala niya iyun. Mas importanteng masiguro niyang ligtas silang dalawa ni Cyan. Umiikot ang kaniyang paningin at hindi niya maiayos ang kaniyang balanse. Isinandal niya ang kaniyang likod sa sanga habang yakap yakap si Cyan.

Pero kahit anong gawin niyang pagpapakabayani, hindi na ito kinaya ng kaniyang katawan.

***

Naririnig niya ang mga huni ng ibon na tila nag kakantahan sa galak, nararamdaman din niya ang halik ng araw sa kaniyang mga pisngi. Iminulat niya ang kaniyang mga mata at nasaksihan ang bughaw na kalangitan.

Agad siyang bumangon, inilibot niya ang kaniyang paningin at napansing wala si Cyan sa puno. Napansin din niyang mababa na ang lebel ng tubig—nasa kalahati nalang ng katawan ng puno ang nakababad sa tubig maging ang ibang puno sa paligid.

"Cyan!" sigaw niya dito. Umalingawngaw ang boses niya sa islang lubog parin sa tubig. Walang Cyan na sumagot.

Agad niyang napansin ang damit nito na nasa paanan niya. Napatayo siya at hinanap si Cyan. Sa bandang unahan natanaw niyang lumalangoy ito pabalik sa puno. Gumaan ang kaniyang pakiramdam nang makita itong ligtas.

Nang makarating na ito sa puno, tinulungan niya itong makaakyat. May dala itong mga buko ng niyog. Hinihingal pa ito nang makaakyat sa puno.

"Ikaw ang kumuha nang mga ito?" turo niya sa dala nitong mga buko.

"May iba pa bang kukuha niyan?" pilosopong sagot nito.

"Ang ibig kong sabihin, ikaw talaga ang umakyat sa puno?" Ngumiti lamang ito bilang sagot. Agad niyang napansin ang pamumula ng katawan nito, malamang ay nakuha nito iyon sa pagakyat ng puno ng niyog.

"Ikaw, mabuti na ba ang pakiramdam mo?" wika nito sabay hawak sa leeg niya—pinapakiramdaman ang temperatura niya.

"Ano ang nangyari kagabi?"

"Natumba ka bigla, marahil sumakit ulit ang ulo mo. Nang bumagsak ka, mayamaya ay tumigil din naman ang ulan. At medyo umangat na ang isla kaya hindi na ako nahirapan." Kwento pa nito. "Alam mo bang hindi ko alam ang gagawin ko nang bumagsak ka?"

"Okay naman na ako. Hindi na rin sumasakit ang ulo ko, I'm glad you're safe." Agad niyang niyakap ito.

"Halika na, kainin na natin 'to?" yaya ni Cyan sa kaniya. Biglang tumunog ang kaniyang tiyan. Ang huli niyang pagkain ay ilang piraso ng firefly squid at noong nagdaang gabi pa iyun. Hindi pa din siya nakakainom ng tubig tabang dahil napapalibutan sila ng tubig alat sa loob ng dalawang gabi.

Agad nilang nabuksan ang buko gamit ang lakas at tulong ng nakausling mga tuod ng puno. Walang natirang kahit isang patak ng buko juice ang naiwan sa sobrang pagkauhaw nila. Pati ang laman ng buko at nilantakan narin nila.

"Sa tingin ko, nasa mga dalawang araw pa ang hihintayin bago tuluyang bumalik ang isla sa dati." Wika ni Cyan habang tinatapos ang huling kagat.

"Ganoon din ang palagay ko," aniya na nakatingin sa lebel ng tubig. Biglang dumighay nang malakas si Cyan bagay na pinagtawanan nilang pareho.

"Grabe, sunog na sunog na talaga ang balat ko," reklamo nito habang sinusuri ang balat. Napatingin naman si Red sa kaniyang mga braso at marka doon ang hindi pantay na kulay gawa nang pagkababad sa araw ng matagal na oras.

"Halos magkasingkulay na tayo,"

"Wala namang problema, kaso baka aabot ito sa sun burn,"

Lumapit si Red dito at kinandong ito. Napansin niyang medyo gumaan ito. "Okay lang naman sa akin kahit anong mangyari sa balat mo,"

"Korni mo!" sabay palo dito ng mahina. Natawa naman si Red sa naging reaksyon nito.

"Cy…" biglang sumeryoso si Red.

"Bakit?"

"Hindi kaba talaga napahamak? Okay ka lang ba? Ano ang nangyari nang mawalan na ako ng malay?" gusto niyang malaman ang pinagdaanan nito nang nagdaang gabi.

"Hmmm…gaya nga ng sabi ko, mga ilang minuto rin, tumigil na ang ulan. Pero the moment na bumagsak ka, I really don't know what to do. Natatakot kasi ako sa kidlat at kulog. Naguguluhan ako sino ang uunahin ko."

"Napansin ko nga kagabi ang takot mo," hinaplos niya ang buhok nito.

"That's the reason why I never tried another airplane. Noong 7 years old ako, pumunta kami ng Hongkong, kasama ko si Lolo at mga magulang ko. That was my first time flying on an airplane. Excited ako nun, pero nang lumilipad na kami, nagkaaberya noon. I remembered how everyone went panicked when a lightning striked the left wing of the plane. Mabuti nalang at magaling ang piloto at mga crew, they managed to perform an emergency take off. Akala ko mamatay na ako noon sa murang edad." May luhang pumatak mula sa mga mata ni Cyan.

"But that was in the past. Kaya as much as possible, hindi na ako sasakay ng eroplano. That's why my lolo decided to invest with cruise ships, para pag gusto niya akong dalhin sa ibang bansa madadala niya ako." Nakangiti na si Cyan sa alaalang iyon.

"It seemed like you and your grandfather are very close."

"We are. Nagseselos na nga yung ibang pinsan ko kasi ako lang palagi ang kasama ni Lolo. But of course, mahal naman niya kaming lahat."

"Nabanggit mo nag invest ang lolo mo sa mga cruise ships, ibig sabihin yung sinakyan nating barko, yun din ang—"

"No." putol ni Cyan sa winika niya. "Hindi ako sumakay ng cruise ship line na pagmamay-ari ng pamilya. As much as possible I want to be invisible to everyone when I decided to travel alone,"

"Pero sa cruise ship, hindi ka ba nagka-phobia? I mean, sumabog din iyon?"

"Hindi ko alam. Pero there's something in the water na hindi ko kayang hindian. Alam mo yun? It seems like ocean has always been part of me. Like songs of sirens," anito.

"Mabuti naman kung ganon,"

"What do you mean?"

"Gusto kasi kitang ilibot sa buong mundo. Siyempre, takot ka sa eroplano kaya sa barko nalang tayo sasakay. Mabuti na lang at hindi ka takot sa tubig!"

"Ikaw talaga, kung anu-ano nalang naiisip mo!" sapok niya dito ng mahina. Nagtawanan silang dalawa sa isiping iyon.