Chereads / Lost With You (Tagalog BL) / Chapter 19 - FOUND: CHAPTER 17

Chapter 19 - FOUND: CHAPTER 17

"I need to do this, Katya." He said with conviction.

"Alam mo, Riley, minsan hindi kita maintindihan...'yang mga desisyon mo sa buhay talaga napaka-rushed!" dismayadong wika nito sa kabilang linya.

"Hayaan mo na ako...isang linggo lang naman ako mawawala,"

"Anong sasabihin ko sa mga magtatanong kung nasaan ka, magre-release ka ng pelikula tapos mawawala ka bigla?"

"Pag merong maghahanap sa akin, sabihin mo lang na may sakit ako."

"Nasaan ka ba ngayon?" tanong nito. Katya has always been nosy with his errands.

"Nasa airport ako." Pagsisinungaling niya.

"At asan ka naman pupunta? 'Wag mong sabihing hahanapin mo ulit si Cyan?"

Ngumisi si Red tinuran ng kaibigan. "Kailangan ko lang mag-recharge."

"So asan ka nga pupunta?"

"Basta magkita na lang tayo, matapos ang isang linggo." Narinig pa niyang magsalita si Katya pero ibinababa na niya ang kaniyang cellphone. Pinatay niya iyun at inilagay sa kaniyang kama. Agad niyang inayos ang kaniyang mga gamit sa maleta at napabuntong hininga.

Sa pagkakataong ito, aalis siya hindi para hanapin si Cyan kundi para sa sarili niya. Matagal na siyang lubog sa trabaho at sa paghahanap dito. Marami na rin siyang nakalimutang gawain kagaya nang photography na isa sa gusto niyang gawin simula noong bata pa siya.

Napagdesisyunan din niyang sa byaheng ito, gagawin niya ang mga bagay na magpapasaya sa kaniya. Napag-isip isip niyang kung sila talaga ni Cyan, magkikita't magkikita sila sa utos ng tadhana.

***

Habang naghihintay sa flight niya, napansin niya ang isang batang lalake na nakaupong mag-isa. Nasa lima hanggang anim na taong gulang ito base sa taas at itsura nito, palingu-lingo ito sa paligid na parang may hinahanap.

Agad niyang nilapitan ang bata. Napaka cute nito ay may mapupungay na mata. "Baby, nasan ang mommy mo?" wika niya dito.

Hindi naman ito sumagot at tahimik lang siyang tinignan sa mata. Inilibot niya ang paningin subalit wala siyang makitang magulang na naghahanap ng bata. Dinala niya ang bata sa security para ipahanap ang magulang nito. Dale dale namang binanggit sa intercom ang detalye nang batang natagpuan niya.

Ilang minuto ang dumaan, dumating ang isang babaeng hinihingal mula sa pagtakbo. Nasa late 20's pa lang ito at hindi mapagkakailang magandang babae. Nagpakilala siya bilang si Lorimel Castillo, ina ng bata at ipinakita niya ang kaniyang ID at mga dokumento na siya nga ang ina ng bata. Narecognize naman siya ng batang paslit.

"Pasensya na po talaga, may kausap po kasi ako sa cellphone at hindi ko namalayan na humiwalay na pala siya sa paghawak sa akin," naiiyak na wika niya. Agad siyang niyakap ng bata.

"Sino po pala ang nakahanap sa anak ko?" tanong nito sa security. Bumaling ang tingin nito kay Riley at nginitian niya ito.

Paulit siyang pinasalamatan ng babae. "Maraming salamat po talaga," naluluha nitong wika.

"Walang anuman po...mabait ding bata ang inyong anak..." nakangiting tugon niya. "Maari ko bang malaman ang pangalan niya?"

"Red," At magkapalangan pa kami... wika niya sa isip niya.

"Kumusta, Red. Ako pala si Tito Riley," sabay gulo ng buhok ng bata. "Wag ka nang bumitaw kay mommy ha?" nakangiting baling niya dito.

Nagpasalamat pa ulit sa kaniya ang babae, biglang inanunsyo ang flight number niya at napag-alaman nilang magkasabay pala sila ng filght ni Lorimel papuntang Siargao.

Sabay na silang tumungo dahil magkatulad lang naman ang kanilang byahe. Tinulungan na rin niyang dalhin ang maletang dala ni Lorimel habang karga nito si Baby Red. Habang naglalakad, biglang tumunog ang cellphone ni Lorimel, ayaw namang maki-usyuso ni Riley pero naririnig niya ang pinaguusapan ni Lorimel at ng nasa kabilang linya.

"Pasensya na Cyan, oo natagpuan ko na si Red...okay na, sige sasakay na kami sa eroplano, sige...sige...bye."

Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Riley sa narinig. "Cyan" ba talaga ang pangalan ng kausap nito? Si Cyan nga ba ito? Ilang bang tao sa mundo ang nagngangalang Cyan? Hindi niya ma-ikalma ang sarili, gusto niyang tanungin si Lorimel pero ayaw naman niyang magmukhang weirdo.

"Ah...Lorimel, maitanong ko lang, nasaan pala ang tatay ni Red?"

"Kausap ko ngayon lang, yung tatay niya hindi na sumabay sa amin dito sa Manila kasi may phobia yun sa eroplano. Kaya naiwan siya doon sa Siargao."

Tumango nalang si Riley bilang tugon. Kalmado lang yung mukha niya pero napakalakas ng tibok ng puso niya. Sa mga narinig niya...malaki ang posibilidad na ang tatay ni Red ay si Cyan Dale Baltazar—ang taong matagal na niyang hinahanap, ang taong nagpatibok sa kaniyang puso.

Tahimik lamang si Riley hanggang sa makarating siya sa loob ng eroplano, napagalaman din niyang magkatabi lang din sila ni Lorimel ng upuan. Tensed siya at punong puno nang katanungan ang kaniyang isipan.

Nais niyang tanungin si Lorimel at kumpirmahin subalit natatakot din siyang malaman ang katotohanan. Paano kung si Cyan nga ang ama ng batang ito? Ibig sabihin, may minamahal na itong ibang tao. Ibig sabihin nakatali na ito.

Pero Castillo ang apelyedo ni Lorimel at hindi Baltazar...

"Ah, Lorimel...pwede mag tanong?"

"Oh, bakit?"

Natigilan si Riley, hindi niya alam kung ano ang itatanong. Bahala na. "Anong magandang puntahan sa Siargao?" Gusto niyang murahin ang sarili sa itinanong niya.

"Marami. Actually ang buong isla, pwedeng pwede mong libutin...magbabakasyon ka ba doon?"

"Ah, isa kasi akong indie film maker, tapos nagta-travel din ako para makahanap ng inspirasyon sa bawat lugar na pupuntahan ko. At dahil taga roon ka naman, baka may masuggest ka sa lugar niyo."

"Kung hindi mo naitatanong, ang family namin ay resort owner. Kung gusto mo, doon ka na mag check in maganda ang services namin! Kung marunong ka namang gumamit ng motorsiklo, pwede kang mag renta doon. Isa pa, madali lang makagala doon, maiikot mo na ang buong isla sa isang araw lang."

"Anu-ano ang mga pwedeng gawin doon?"

"Pwede kang mag island hopping, mag underwater diving, mag bar hopping din, tsaka maraming masasarap na pagkain doon, marami ring mga preskong isda at lamang dagat na pwede mong ipaluto. Tapos kung gusto mong mag sunset at sunrise viewing, magagawa mo doon sa Siargao."

"Talaga?"

"Oo, kasi maliit nga lang yung isla kaya pwede mo siyang maikot. Kung gusto mo, pasamahan kita sa mga crew namin doon," masiglang suhestiyon ni Lorimel.

"Sige, gusto ko 'yan, baka nga sa Siargao na ang perfect venue sa susunod kong pelikula." Wika pa niya. Pero alam niya sa sarili niyang hindi na ito tungkol sa Siargao, kundi tungkol ito kay Cyan.

Tinanggap ni Riley ang offer ni Lorimel, kung totoo ngang si Cyan ang makikita niya doon, handang handa na siya.

Handa na nga ba siya?

***

Mabilis ang tibok ng puso ni Riley habang nakasakay ng close cab. Nakatingin siya sa malayo at hindi mapanatag ang kaniyang isip. Magkahalong takot, kaba at tuwa ang kaniyang nadarama habang binabagtas ng mumunting sasakyan ang daan patungo sa resort nila Lorimel.

Natatakot siyang mabigo sa pagkakataong ito. Paano kung hindi ito si Cyan? Paano kung nagkataon lang na Cyan ang pangalan nito at takot din ito sa eroplano? Pero isang parte ng pagkatao niya ang umaasang sana ay ito nga ang hinaganap niya.

Ibinaling niya ang atensyon sa daan at napansin niyang humihina na ang takbo ng sasakyan. Huminto ito sa tapat ng isang resort. Bumaba na sila ni Lorimel kasama si Red. Iginala ni Riley ang mata sa lugar at namangha siya sa kaniyang nasilayan.

Maraming turista at locals sa paligid. Natatanaw din niya mula sa kaniyang pwesto ang dagat napakagandang pagmasdan.

"Sir Riley, dito po tayo." Iginiya siya ni Lorimel patawid ng kalsada. "Resort po namin 'yang Paraiso. Dito naman sa harap ang dormitel at mga pa rentahan naming kwarto." Sumunod siya kay Lorimel at napansin niyang napakaraming tao sa loob.

"Nariyan na pala kayo!" bati ng isang ginang nasa 40 years old na. Agad nitong niyakap si Lorimel at hinagkan si Baby Red.

"Sir Riley, ito po pala ang mama ko, nay, si Sir Riley."

"Magandang umaga sa inyo, ako po si Sally. Tawagin mo nalang akong Nana Sally." Matamis ang ngiting binaling ni Riley sa ginang. At nakipagkamay siya dito.

"Riley po. Riley Estimo Domingo." Nakangiting pagpapakilala niya dito. Tinitigan siya ng ginang at biglang kumislap ang mga mata nito.

"Ma, bakit ang daming tao dito?" singit ni Lorimel.

"Yun na nga, mga teachers 'yan galing Davao, may rest and recreation activity sila dito. Eh diba, nasunog yung dormitel nila Larry? Eh doon sila nakapareserve dati, kaya dito na sila pinatuloy."

"Ganun ba, eh may bakante pa bang kwato para kay Sir Riley?"

"Naku, punong puno na." malungkot na wika nito.

"Wala pong problema, pwede naman po ako maghanap ng ibang hotel o room dito,"

"Naku, nakakahiya naman. Ganito nalang...bakante naman yung kwarto ni Kuya diba? Doon nalang muna siya, ma. Pwede ba iyun?" sabi ni Lorimel sa ina.

"Nakakahiya naman. Okay lang po talaga ako,"

"Magandang ideya, naku, Sir...welcome na welcome ka sa bahay namin. Naikwento ni Lorimel kanina pagbaba ng eroplano na ikaw ang nakahanap kay Red. Hindi ka naman siguro killer, ano?" nagtawanan sila sa tinuran ni Nana Sally.

Pumanhik na sila sa bahay nina Lorimel na nasa likod lang ng dormitel. Dalawang palapag ang bahay nila na gawa sa kahoy. Mukhang maaliwalas naman dahil sa malalaking bintana at mga puno sa paligid.

"Sir Riley, nasa taas ang kwarto ng kuya ko. Si kuya kase lumipat na doon sa resort kasi siya naman nagma-manage doon. Wag na wag kang mag alangan, ha. Be at home!" nakangiting wika ni Lorimel. Tumango lang si Riley bilang tugon.

"Huwag mo na akong tawaging Sir...Riley na lang." nahihiyang wika niya.

"O sige kung iyan ang gusto mo. Pero okay lang ba kung Direk ang itawag namin sa'yo?" Tumango siya bilang tugon.

Nang makapasok sila bahay, agad siyang iginiya ni Nana Sally sa loob ng magiging kwarto niya. At sinabihan siya nitong bumaba pagkatapos magbihis para makakain na.

Nakapagbihis na si Riley at bumaba, dumeretcho siya sa hapagkainan at nandoon si Lorimel at si Nana Sally. Masayang nakipagkwentuhan si Riley sa mag-ina. Ikwenento niya dito ang mga pelikulang ginawa niya, at ilan sa mga ito ay napanood din nila.

Biglang tumunog ang cellphone ni Lorimel at sinagot niya iyun. "Oh, Cyan?"

Agad na tumigil ang mundo ni Riley. Ito na ba ang matagal na niyang hinihintay?

"Ma, Riley...lalabas lang ako sandali nagpapatulong si Cyan sa dala niya."

"O sige," tugon ni Nana Sally dito.

Pekeng ngiti ang isinagot ni Riley. Hindi siya makagalaw sa kaniyang inuupuan habang hinihintay na makapasok si Lorimel at si Cyan. Sa sobrang bilis ng takbo ng kaniyang puso ay parang lalabas na ito sa kaniyang katawan. Nanginginig ang kaniyang mga kamay at hindi niya mabatid kung bakit siya nagkakaganoon.

"Maupo ka dito, kakasimula pa lang namin." Wika ni Lorimel. Bumalik ito sa pwesto niya.

"Nana, narito na po ako..." lumapit ito kay Nana Sally at nagmano. Hindi makapaniwala si Riley sa boses ng nagsalita. Gusto niya itong lingunin pero natatakot siya. Umupo ito sa tabi ni Lorimel na nakaharap sa kaniya. Biglang tumulo ang luha sa mga mata ni Riley nang masilayan ang kaharap. Nagtama ang kanilang mga mata at kapwa natigilan.

"Direk, si Cyan nga pala." Pagpapakilala ni Lorimel sa katabi. Ito nga si Cyan—ang taong matagal na niyang hinahanap.