Chereads / Lost With You (Tagalog BL) / Chapter 20 - FOUND: CHAPTER 18

Chapter 20 - FOUND: CHAPTER 18

Dalawang araw na si Riley sa Siargao at hindi parin sila nakakapag-usap ni Cyan. Nasasaktan siya sa hindi nito pagpansin sa kaniya; subalit isang parte ng pagkatao niya ang nagagalak nang makita itong muli.

Malaki ang ipinagbago ng itsura nito. Dati ay maliit at payat ang katawan nito pero ngayon ay nagkalaman na. Tumaas na rin ito ng ilang pulgda at mas bilugan na ang mukha nito. Pero kahit anong ipinagbago ng pisikal na anyo nito, ito parin si Cyan Dale Baltazar na bumihag ng puso niya.

Sa loob ng dalawang araw na iyun ay mag-isa siyang pumupunta sa mga resort na malapit sa tinutuluyan niya, ayaw din kasi niyang mamalagi sa bahay nina Cyan baka hindi siya makapagpigil at hagkan niya ito.

Nalaman niya mula kay Nana Sally na si Cyan ay alaga niya ito mula pagkabata, at ang dalawa niyang anak na sina James at Lorimel ay kasama ni Cyan na lumaki. Gusto niyang itanong sa ginang kung anak nga ba nina Lorimel at Cyan si Baby Red pero natatakot siyang baka paghinalaan siya nito.

Nasa Magpupungko Seascapes resort si Riley nang araw na iyun, umarkila siya ng banig at nahiga doon napakaganda doon at pero tinatamad siyang gumala dahil sa loob loob niya gusto niyang masolo si Cyan.

Biglang nag ring ang kaniyang cellphone, si Lorimel ang tumatawag sa kaniya.

"Riley, nasaan ka ngayon?" tanong nito, rinig na rinig niya ang tunog ng makina sa background, malamang ay nakasakay ito ng motorsiklo.

"Sa Magpupungko," tanging sagot niya.

"Nandiyan ka na naman?" gulat na tanong nito. "Eh diba, kahapon diyan ka rin pumunta?"

"Oo, maganda kasi dito." Pagsisinungaling niya. Totoo naman talagang maganda ang lugar pero wala talaga siyang ibang mapuntahan.

"Anu-anong resort na ba ang nadalaw mo?"

Napaisip si Riley. "Cloud 9 at Magpupungko pa lang."

Natawa si Lorimel mula sa kabilang linya. "Ano ba 'yan, Direk, you're missing everything!"

"Hayaan mo na," nahihiyang banat niya.

"Ganito, mamayang 3 pm, sumabay ka sa amin sa island hopping."

"O sige, walang problema." Tanging naisagot niya. Sa dalawang araw niya sa Siargao nakilala niya si Lorimel at masasabi niyang napakabuti nitong tao. Kaya hindi rin siya magtataka kung nahulog si Cyan dito at bumuo pa ng pamilya. "Asan tayo magkikita mamaya?"

"Sa General Luna lang. Doon sa Department of Tourism office,"

"Okay, noted."

"Aasahan ko yan, Direk Riley."

***

Nagulat si Riley sa mga taong makakasama nila sa island hopping. Ang buong akala niya ay ang pamilya ni Lorimel ang makakasama niya, yun pala mga kaibigan nito na hindi niya kilala. Ipinakilala naman siya nito subalit hindi naman siya ganoon kagaling sa pakikipagkaibigan.

"Kasama natin sila sa island hopping, pati rin si Cyan at Kuya James, sila nalang ang hinihintay natin." Wika ni Lorimel.

Biglang gumaan ang kaniyang pakiramdam nang marinig ang pangalan ni Cyan. Pero kung makakasama niya nga ito, hindi mawawala ang katotohanang kasama nito si Lorimel—ang ina ng anak niya.

Biglang may humintong motosiklo sa harap nila. Dalawang tao ang sakay niyon at pawang nakahelmet. Pero kahit hindi makita ni Riley ang mukha ng driver, kilalang-kilala niya ito. Hindi niya alam marunong din pala itong magdrive ng motorsiklo.

Dahan dahang gumalaw ang lahat nang tanggalin ni Cyan ang suot nitong helmet. Biglang lumiwanag ang lahat at gumaan ang kaniyang kalooban. Masama man ang ipinukol nitong tingin sa kaniya subalit ang masilayan ito ng malapitan na hinintay niya sa loob ng limang taon ay napakasayang sandali para sa kaniya.

Nang makababa ito sa motorsiklo ay dinaanan lang siya nito. Ouch!

"Oh, kumpleto na ata tayo!" masayang wika ni Lorimel. Umingay ang grupo na indikasyong handa na ang lahat.

Dalawang de-motor na bangka ang nirentahan ng grupo. Sa isang bangka, kasama ni Riley ang magkapatid at si Cyan. Habang hinihintay na umalis ang bangka, biglang may tumawag kay Lorimel. Hindi man niya narinig ang napagusapan pero batid niyang importante ito.

"Naku, paano 'yan." narinig niyang wika nito na kausap si Cyan at James.

"Sasamahan kita," sambit ni Cyan.

"Paano si Riley?"

"Anong problema?" tanong niya nang matunuggan ang pangalan.

"Ganito kasi, Direk...si mama, dumating ng maaga. Kailangan niya ang susi sa bahay, eh ako lang ang may alam kung saan itinago. Kaya kailangan kong bumalik."

"Ako nalang ang sasama sa iyo, Mel. Cyan, samahan mo muna si Direk dito baka ma-OP siya." Suhestiyon naman ni James.

"Naku, pwede naman nating ipagpaliban muna," wika ni Riley. "Nakakahiya naman kung ako lang ang inaalala niyo." Pahayag niya sa mga ito.

"Hindi, ano kaba. Mas nakakahiya nga, inimbitahan kita pero hindi kita masasamahan. Ano, Cyan, okay lang ba?"

Lahat sila ay bumaling kay Cyan, wala itong ibang reaksiyon kundi ang tumango. Agad na bumaba sina Lorimel at James sa Bangka at nagpaalam sa mga kasamahan. Mayamaya pa'y umandar na nga ang sinasakyan nila. Hindi mapigilan ni Riley ang mapangiti sa isiping kasama niya si Cyan. Naniniwala siyang tadhana talaga ang nagdala sa kaniya dito.

Tahimik lang siya habang umaandar ang sinasakyan nila, pinagmamasdan niya si Cyan habang nakatingin ito sa malayo. Wala paring nagbago sa mukha nitong maamo kahit pa naiinis, sa kilay nitong nagtatagpo kapag nagagalit, sa labi nitong kay pula at palaging nakatikom pag may kinikimkim. Mas tumaas man ito ng ilang pulgada o bumigat man ito, hindi magbabago ang katotohanang ito ang minahal niya at mamahalin niya.

Sana ay hindi siya nito nakalimutan.

Bumaba na sila sa unang destinasyon—sa Daku Island. Hindi bumaba si Cyan at nanatili sa loob ng bangka. Nalungkot si Riley pero bumaba siya sa isla. Maliit lang ito pero napakaganda at napakalinis. Maraming mga duyan na pwede mong upuan at mag muni-muni.

Masaya ang mga kasama niyang nagpicture taking samantalang siya ay magisang nilibot ang isla. Pumunta siya sa bar na nag titinda ng mga fruitshake, naupo siya sa duyan nang nakasandal ang likod. Hanggang sa nakatulog siya roon.

"Red..." may kamay na humaplos sa kaniyang buhok.

"Red..." naramdaman niyang bumaba ito sa kaniyang pisngi.

"Direk..." inalog siya nito. Agad niyang naidilat ang mata, nakita niya si Cyan na nakatayo sa harap niya.

"Naku, pasensiya na nakatulo—" Hindi niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil sumingit ito bigla.

"30 minutes lang tayo dito, may pupuntahan pa tayong ibang isla." Matabang ang pakikitungo nito sa kaniya. Agad din itong tumalikod pero mabilis niya itong hinawakan sa braso at pinaharap sa kaniya.

"Tinawag mo akong Red." Kumunot ang noo nito at masama ang tinging ipinukol nito sa kaniya.

"Anong pinagsasabi mo?" naiinis tanong nito.

"Kanina, habang natutulog ako tinawag mo akong 'Red'."

"Nahihibang ka na! Bitawan mo nga ako!" Malakas na pagkakasabi nito. Nabitawan ni Riley ang kamay ni Cyan dahil sa talim ng mga titig nito. "Kanina ka pa hinihintay ng bangka." Pabagsak nitong sabi sabay lakad paalis.

Ilang beses man siyang saktan nito, alam niya sa sarili niyang hindi siya susuko. Kaya niyang iwanan ang lahat para dito. At ito ang pagkakataon para makausap ito.

Nang makasakay siya ulit sa bangka, agad itong umandar. Nagsalita ang bangkero na isang isla nalang ang bibisitahin nila dahil malapit na ring gumabi.

Namangha si Riley nang makalapit sila sa ikalawang isla na pupuntahan nila, ang Naked Island. Isang islang nakausli sa karagatan. Walang puno o kahit anuman, tanging umpok buhangin. Maraming turista ang nandoon na naliligo at kumukuha ng larawan.

Agad bumaba si Riley at iginala ang mata sa paligid. Hindi mo na kailangang lumakad para malibot ang isla kasi maliit lang ito at isang buong ikot lang ay makikita mo ang kabuuan nito.

Hinubad ni Riley ang suot na damit at lumangoy sa tubig dagat. Napakalinaw at napakalinis ng tubig. Habang lumalangoy, nakaapak siya ng matulis na bato dahilan para bumalik siya sa dalampasigan na paika-ika.

Napaupo siya sa buhangin at pinunit ang sandong iniwan niya kanina. Ibinalot niya iyun sa kaniyang sugat.

"Red! Napano ka?" nag-aalalang tanong nito sa kaniya.

Biglang napalingon si Riley sa may-ari ng boses. Hindi siya makapaniwala na nilapitan siya nito, tinawag siyang "Red" at nag-aalala ito para sa kaniya.

Ngumiti si Riley. Inabot niya ang kamay nito at kinabig papunta sa kaniya. Natumba si Cyan pero mabilis siyang sinalo ni Riley at niyakap ng mahigpit.

Itinulak siya ni Cyan pero mas lalo lang iyung hinigpitan ni Riley ang kabig dito. "I can't lose you again this time..." biglang nanghina si Cyan at bumigay sa yakap ni Riley.

"Can't we be like this for a while? I've been longing for so long to have you back in my arms." Nararamdaman ni Riley ang bilis ng pintig ng puso ni Cyan. He can't be mistaken, Cyan still love him.

"Why can't we be like this forever, Cy?" malungkot niyang wika.

Bigla siyang itinulak nito. Tumayo si Cyan at tumalikod sa kaniya. "Because you're tied and it would be unfair for your wife."