Chereads / Red Thread / Chapter 6 - Thread V

Chapter 6 - Thread V

Madalas kong iniisip kung bakit kailangan kong pag-aralan ang iba't ibang bagay na malinaw para sa'kin na walang ibang maidudulot liban sa pagpupuno ng aking isip.

Kailangan ko ba talagang malaman ang buhay ng mga taong kailanman ay hindi ko nakita? Iyong nakaraan? Halimbawa na lang ang nangyaring Death March o di kaya ang dalawang pandaigdigang digmaan.

Anong importansya ang maibibigay nito tulad sa mga estudyanteng katulad ko. Katulad ko na nag-aaral lang dahil kailangan. Pero hindi sa dahil gusto ito.

Minsan din, naisip ko na lang na dapat kung ano lang ang tatahaking mong trabaho sa hinaharap, ganoon na lang din ang pag-aaralan mo sa loob ng humigit kumulang dalawang dekada.

Balang-araw, sinisigurado ko na magiging ganap na magiting na journalist ako... o hindi kaya ay maging mabuting ekonomista. Puwede ring pumasok ako sa mundo ng politika. Pero kahit na makamit ko ang tanging hangad. Iisipin ko pa rin hanggang sa pag-tanda kung bakit ako nag-aral ng mga bagay na hindi ko magagamit sa'king trabaho.

Hindi siguro tatalakaying sa law school ang mga sikat na akda ni William Shakespeare, tulad ng paborito ng masa; ang "Romeo and Juliet" Na tandang-tanda ko pa rin kung paano kami nangarag noong kami ay nasa ninth grade.

Sinasabi ko lang ito upang ipahiwatig sa paaralan at maging sa mga guro ang kanilang kakulangan. Nakatatawa, napunan at binigyan nila kami ng labis na kaalaman tungkol sa mga bagay sa loob at labas ng sanlibutan, ngunit nagkulang sila sa parte ng pagtalakay ng kahalagahan nito.

Iyon ang kulang. Iyong iyong mali. Hindi namin alam kung bakit kami nag-aaral. Tuldok.

"Oh, nakagusumot ata mukha mo?" Nagsasapot si Khrn nang makabalik ako. "Kumusta si Angela? Grabe ka, bro! Pinatakbo mo pa talaga ako para lang makabili ng lugaw, ha?" Natatawa siya habang nag-aayos. Nakasimangot pa rin ako.

Pinansin ko siya pagkatapos humilata sa higaan. "Saan ka?" tanong ko. "Parang masyado kang nag-aayos? May date?"

Tiningnan niya ako nang masama. Palagay ko ay kasal na ito sa mga libro. "Biro lang, akala ko kasi may ganap ngayon. Parang ang daming van at bus sa parking pagdaan ko."

"Punta lang ng lib," sagot niya, "magbabasa."

"Hindi ka papasok? Tinatamad ka na rin siguro." Tumawa ako.

Tamad niya akong pinasadahan ng tingin. "Hindi ka ba nakikinig sa announcement?" Hindi ako nagsalita.

"Ibig sabihin, hindi nga," walang gana niyang sinabi habang inaayos ang gamit. "Canceled lahat ng remaining classes. May meeting daw. Pero ang alam ko, kaya madaming van at bus d'yan sa labas kasi may mga estudyante mula sa ibang branches," sabi niya.

Umupo si Khen sa may tapat ko. Pinagkrus niya ang dalawa niyang kamay. Nagbuntong hininga siya, saka may iniabot na sobre.

"Ano 'to?" Kinukuha ko ito nang nagkibit-balikat siya. Pagkabukas ko, mabilis na kumunot ang noo. "Warning from Guidance? Anong offense ko?"

Tumunog ang dila niya. "Nung wala ka kanina, may pumuntang Beadle. Sheryl daw, same class kayo. Dinala niya 'yan sa'kin. Tinanong ko nga kung bakit sa'kin pa, when clearly, she can hand it directly to you. Sabi niya: "Uh, he doesn't come to class. Hindi ko siya na-aabutan." Siyempre ang ginawa ko, kinuha ko iyong sobre kasi Beadle iyon. 'Lam mong highly respected sila," ani Khen. "Do you know her?"

Tumango ako. "Si Sheryl, Class Beadle nga." Humigit ako ng hangin.

Tahimik akong tinitigan ni Khen. "Totoo ba?"

"Na?" sagot ko.

"Na hindi ka pumapasok?"

Umiling ako.

"Pero sabi ni Sheryl—"

"Pumapasok ako kapag wala akong ginagawa. Pero, hindi totoo na hindi ako napasok," sabi ko. Nanlaki ang kaniyang mga mata.

"What?! Alam mo ba na ang hirap mag-aral sa Stanford tapos nagagawa mo pa talagang mag-skip?" Marahas siya.

"E, hindi lang ako! Madami rin diyang nags-skip, ah!" depensa ko.

"Well." Habang ipinapatong ang kanang braso sa kaliwa, "Hindi sa dahil hindi lang ikaw ang gumagawa noon, hindi ka na mali."

"Bakit mo ba ako inaaway? Why are you arguing with me?" tanong ko.

"Hindi kita inaaway, siraulo," sagot niya.

"Kunwari naniniwala ako." Bumalik ako sa'king pagkakahiga.

Tumunog ulit ang dila niya. Naramdaman kong tumayo siya. Umayos ako ng upo at agad na tumayo. Wala pala akong ganang humiga.

"Oh, saan ka?" tanong ni Khen.

"Papasok," matipid kong sagot. Inaayos ko na iyong bag ko.

"Stupid, wala ngang pasok, 'di ba?"

Marahan kong inihiling ang ulo. "Sa CR," palusot ko.

"Kasama bag?" pang-iinsulto ni Khen. "Sige na, aalis na'ko. Ikaw muna bahala dito. 'Wag mong susunugin, gago. Kapag may pupuntahan ka, lock mo na lang." Aalis na siya. Nasa harap na siya ng pintuan nang muli siyang magsalita, "Iyong appointment mo pala ulit sa dorm, don't forget." Nagpatuloy na siya.

Nang nasigurado kong siya ay nakaalis na, binasa ko ulit iyong nasa loob ng sobre. Hindi ako makapaniwala na magagawa akong bigyan ng warning. Para sa hindi lang ako pumasok? Bulok talaga sistema ng Stanford. Bulok siguro director nito. Kaya kinuha ko iyong cellphone, tatawagan si Sheryl.

"Uhm, hey, Logan?" una niya. "Is this about the warning that the Guidance gave you?" tanong niya. Hindi ako umimik. Dapat siguro, nag-text na lang kami. Pero kahit pala mag-text kami, like lang ang kaya kong ibigay.

"Bakit ba hindi ka na pumapasok? Tinanong ko iyong kaibigan mo, si Khen? Sabi niya busy ka raw sa girlfriend mo. May nobya ka pala?"

Siraulo talaga si Khen. Mukha lang matino dahil sa ang hilig mag-aral pero gago rin pala.

"Anyways, you don't have to answer both of my questions. Whatever it is you are dealing with, as the class beadle, I wanted you to focus on your academics. Meet me at the library. Alam kong hindi ka magsasalita kahit anong gawin kong pagkausap. I'll hang up the call."

Siya si Sheryl Magsino. Class beadle ng limang klase, matalino, masipag, mabait. Mayroong mahabang buhok na abot hanggang bewang, hindi lang ito pansin dahil lagi niyang ipinupuyod nang mataas. Kasama rin siya sa leader board, pangatlo siya, sinusundan ako. Pero hindi tulad ng mga naiisip niyong tipikal na matatalino, wala siyang salamin sa mata, walang braces sa ngipin, walang kulot na buhok, hindi laging hawak ang mga libro, at hindi anti-social. Kaya kakaiba siya... kakaiba sa paraan na hindi ko gusto.

Matagal kong pinag-isipan ang kaniyang sinabi. Pupunta ba ako ng library?

Nagbuntong-hininga ako at natahimik. Itinigil ko muna ang pag-iisip. Parang ipinanganak lang ako para mamroblema. Ang dami ko pang iisipin, sumabay pa 'tong warning ng Guidance. Alam kong kapag ito ay nasundan, mawawala ako sa leader board, at alam kong mahihirapan akong makabalik dahil sa mababawasan ako ng puntos.

Ilang araw lang akong hindi pumasok. At tuwing morning classes nga 'yon! Madalas puro pananaliksik lang ang ginagawa namin. O 'di kaya komunikasyon. Nakakawalang gana, ganoon lagi ginagawa namin sa Club!

Sabi ko ay hindi ko muna iisipin ang mga problema ko, pero hindi ko nagawa nang bigla akong tumayo at kumuha ng lapis at papel, umupo sa bakanteng lamesa, at nagsimulang mag-sulat.

Sinulat ko mga problema ko, mula doon sa pagkahulog ko sa hagdan, warning ng guidance, si Mateo, si Mama, Oliver, Enrico, Nicole, hanggang kay Angela. At habang sinusulat ko ito, napansin ko na puro tao lang ang pino-problema ko.

"Tama," saad ko. Mabilis kong isinulat ang panibagong problema. "Kailangan kong maging EIC ng Newspaper namin."

Nang matapos ako sa pagsusulat, hindi ko namalayan ang pagdagil sa katabing remote. Bumukas ang T.V.

"Bakit ka umiiyak?" sabi ng host, DNS Jasmine. Hinahagod niya ang likod ni Nicole. Halatang ipinipeke iyong iyak. Nasa Theater Club iyan kaya halatang magaling umarte.

"H-hindi ko lang kasi... maintindihan. K-kung bakit may nagagalit pa rin sa 'kin. I mean, mabait ako, 'di ba?" ani Nicole sa pagitan ng mga hikbi. Tumango lang si Jasmine. Totoo ngang kahiya-hiya ang balita nila. Iniisip ko tuloy kung ano ang magiging feedback nito.

"Gusto ko lang sanang tawagin ang atensyon ni Angela." Nilinaw niya ang pananalita. "I wanted to apologize if I hurt you...or if I failed to be a friend. I'm really sorry, pero natatakot ako sa pagbabanta mo—"

Agad kong pinatay ang T.V., alam kong puro kasinungalingan ang sasabihin ni Nicole. Sigurado ako na pagkatapos ng interview nila, mababatikos si Angela.

Logan: Shion, kasama mo pa rin si Angela?

Shion: Oo, tulog pa rin mula nung umalis ka. Pinipilit ko ring pakainin kanina, kaso kakatapos niya lang daw kumain.

Logan: Ganoon ba? Ikaw, kumain ka na rin. Pupunta ako mamaya, may gagawin lang ako. Tapos, 'wag mo munang bubuksan iyong T.V.

Shion: Nakakain na ako. Hindi mo na rin kailangang pumunta dito, papalabasin na si Angela mamaya, pahinga lang daw ang kailangan niya.

Hindi na ako nag-reply. Bago ko pa itabi ang cellphone na hawak. Nag-download ako ng application ng Facebook. Gusto kong makita ang post ni Angela.

Dahil sa mabagal na wifi ng Pilipinas at sa pipitsuging network receptionist ng bansa, inabot na'ko ng labing-limang minuto bago ito ma-install.

Bagama't may Facebook application na ako, nakalimutan ko ang email address at ang password nito. Hindi talaga ako para sa mga ganitong bagay. Bakit kailangan ko pang mag-facebook kung nagkikita-kita kami ng mga kaibigan ko araw-araw. Kaya nawawalan ng panahon ang ibang kabataan dahil sa masyado silang tutok sa mga ganitong application. At dahil sa mas pinangangalagaan nila ang kanilang social network's validation.

"Create Account. Enter your name," basa ko. "Gan Lo." Ini-enter ko ang naisip na pangalan. Sigurado akong walang makakahalata na ako ito.

Hindi ako nag-select ng Profile Picture. Hinayaan ko na lang ang pigura ng isang lalaki rito. Natapos ang mahabang dinaanan, makagawa lang ng panibagong account na gagamitin sa loob ng maikling panahon. Agad kong tinipa sa search bar ang pangalan ng FB Group ng Stanford.

Nahanap ko ito, nag-send ng member request. Gumawa muna ako ng dalgona coffee para hindi antukin habang naghihintay na i-approve ako. Nakaka-kalahati na ako sa iniinom na kape ng may mag-pop-up na notification.

Nagmamadali akong pumunta, hindi pa man ako nakalalayo ng scroll. Nakita ko na agad ang post ni Angela. Umaabot na ito sa tatlong libong reactions. Magco-comment ako, pero close na ang comment box. Siguro'y may nag-close na admin.

Masyado akong nabahala, sa isang post ni Angela, nasira na agad ang pangalan niya. Tapos, pangalan lang ni Nicole iyon! Hindi talaga ako makapaniwala kung paano nakikisabay ang mga taong walang alam sa isyu. Ang alam lang nila ay kung ano ang tsismis. Pero hindi ang totoo. At kahit man malaman ang katotohanan, hindi ito magagawang pansinin dahil siguradong papanig sila sa mas sikat.

Sa baba ng post ni Angela ay may panibagong post. "Freedom Wall" Nakalagay dito, bukas daw sa "discussion" Napaka-timely nito. Kung kailan kasagsagan pa talaga ng alitan nila Nicole.

Inasahan ko na magiging dagsa ang komento ukol sa kagaganap lang na isyu. Ang inasahan ko ay pupunuin ito ng mga hate comments tungkol kay Angela, na may papanig kay Nicole. Pero nagkamali ako.

>#NoToCurfew #NoToCPPS_Deployment #MassPromotionNow<

Tatlong malalaking hashtag ang nakita ko sa comment section. Kasama nito ang pambabatikos sa Student Board, Executive Committee at Minority Whips, na mula sa iba't ibang sangay. Maraming comments dito. Wala akong ideya kung bakit lipana ang ganitong usapin. Mula sa oposisyon, may ilang nagpapaliwanag kung bakit tutol sila sa napag-usapan ng Stanford's Division and Elected Board (SDEB). May ilang dumidepensa.

Dahil sa naguguluhan, pumunta ako sa pinned announcement. Doon ko nakita ang pinost ng Diplomatic Urges.

"Just In! Stanford's Division And Elected Board Releases A Congenial Order, Implementing Curfew Hours and Deployment of CPPS." Gawa ni Angelyka iyong balita, may litrato na kinuha ni Jeff.

Umawang ang labi ko matapos basahin ang headline. Pinilit kong intindihin ang report. Pero kahit ganoon, hindi ko aakalaing magkakaisa ang bawat sangay ng Stanford, na may magkakaibang Elected Board, na pa-igtingin ang kapangyarihan ng CPPS at pagpapatupad ng Curfew Hours.

May lumabas na panibagong post mula sa pinned announcement. Live report ng Diplomatic News Station - Stanford Main. Kinuha ko ang aking headphone, pinindot ko ang play button.

"Sa katatapos na meeting ng Stanford's Division and Elected Board o SDEB, nagpasiya ang director na si Professor Vivien Stanford na pirmahan ang ipinasang report ng nagkaisang lider. Dahil dito, prinoklama niya ang Stanford Decree Number 0812, na nagpapatupad ng Curfew Hours, mula alas-sais ng hapon hanggang alas-singko ng madaling araw. Pinaiigting din nito ang kapangyarihan ng CPPS na mag-ronda. Aniya ng director, "Nagiging iresponsable at nawawalan nang disiplina ang mga bata, dahil dito, tumaas ang ating "Bully-Rate" I want this to be taken control. Naniniwala ako sa husay ng SDEB." Kadugtong nito ay ang survey na kinuha last year. Lumabas dito na sa bawat tatlong estudyante, dalawa ang nangangamba sa kanilang kalagayan bilang mag-aaral. DNS, Live Report. News on line!"

Dahil ayaw ko nang tumagal na nakatitig sa'king cellphone, tumayo ako. May natanggap ako na mensahe mula kay Sheryl.

Sheryl: Logan, I'm already here. Nasaan ka?

Logan: K. IBT.

Sheryl: SYIMT

Kumunot ang noo ko. Anong SYIMT? Nasisiraan na ata ito ng bait.

Kahit tinatamad, mabilis kong isinuot ang aking black topcoat sa ibabaw ng white tee. Nakasuot din ako faded pantalon na pinaparesan ng katad na slip-on shoes.

Dadaan muna ako sa Building A-B para i-check ang dorm. Pero paglabas ko, nakita ko sa ibaba ang mga estudyanteng may hawak na pang-protesta. Magra-rally sila! Tila 'di maliparang uwak ang ground dahil sa mga estudyanteng nakapang-civilian, papunta sila sa Leon Building.

Biglang napaurong iyong mga paa ko. Hindi na pala ako pupunta muna. May ibang araw pa, 'di ba?

Mga ilang segundo akong nakatayo sa pagitan ng pintuan ng silid ni Khen at ng pasilyo. Pupunta pa ba ako sa lib? Sigurado akong puno iyong labas ng Leon Building. Paano ako makakapasok?

Biglang nag-vibrate ang cellphone ko.

Sheryl: 😊 SYIMT

"See You, Ingat. Madaming Tao," sabi ko. Napalingon ako sagawi ng mga estudyanteng handa nang mag-rally. Wala akong nagawa kundi lumusobsa dagat ng tao. Bahala ng makipagsiksikan!

(More)