Chereads / Red Thread / Chapter 9 - Thread VIII

Chapter 9 - Thread VIII

Kung galit, hindi dapat nagsasalita. Kung may sama ng loob at pagdududa, kontrolin ang sarili. Maraming tao ang nagsasabi na dapat matuto ang bawat isa na pamahalaan ang kanilang nararamdamang galit. Pero, alam niyo kung ano ang pinakamainam na gawin?

Huwag niyong ginagalit ang tao.

Dahil kapag galit tayo, nasasabi natin ang lahat ng totoo.

"Si mama?" tanong ko sa kasambahay na nagwawalis sa salas. Pawang madilim na sa labas ng aming bahay, kaya naman ang aranyang nagbibigay ng kulay dilaw na ilaw ay ganap nang binuksan. Itinigil ng kasambahay ang ginagawa. "Aba ay kalalarga la-ang ho. Madaling-madali nga, e. Daig pa ang kabayong may tambutso." May dialekto siya, pinaghalong Batangenio at Bulacenio. Palibhasa'y matanda na rito sa bahay at matagal na naming kasama ay animo'y kapamilya na rin kung kami ay kausapin.

"Aba ay nagwawala kanina! Akala ko kung ano na ang nangyari, e nawawala lang naman pala ang beret hat. Ako'y napatigil tuloy sa paghilik. Yano 'yan si mam!" dugsong niya.

"Bakit po kaya nagmamadali?" tanong ko. Sa pagkakataong ito ay nakaupo na sa malawak na sofa. Napatingala siya at animo'y nag-iisip nang isasagaot. "Ah, parang nabanggit niya sa akin na siya raw ay tutungo sa Bagho. Ako nama'y 'di pa nakakabisita ro'n kaya 'di na ako nagtanong."

"Ah," tanging sagot ko. Ang Bagho na itinutukoy ni manang ay ang Baguio. Malamang sa malamang ay pupunta siya sa Stanford Main. Mas lalo akong nagtaka tungkol sa sinabi ni Oliver. Na nagwala si mama sa Main. Bakit naman niya gagawin iyon?

Pero ang mas lalo pang nagiging kataka-taka ay kung paano sinabihan ni Sir Willie ang aming club na huwag sulatan ng balita ang nangyari tungkol do'n.

"Ay mabuti pa! Ipaghahain na lang kita ng makakain at nang makapag-pahinga ka na," panimula niya, "ako'y pinaghintay mo kagabi! Kay-aga mo lang umalis kahapon, hindi pa nag-almusal. Pilyo ka talagang bata ka. Alalang-alala ako kung saan ka nag-lagi kahapon!" may pangangaral niyang sinabi.

Si manang, masyadong maingay. Pero gusto ko iyon, dahil kung hindi dahil sa kaniya ay magiging tahimik ang loob ng aming bahay. Hindi naman kami nag-uusap ni mama rito.

"Sorry manang. Nakitulog lang ako do'n sa kaibigan ko. Nagkayayaan kasing kumain sa labas— inabot nang gabi, hindi na ako umuwi kasi delikado na rin," paliwanag ko.

Hindi niya pinansin ang naging tugon ko. Pumasok na lang siya sa kusina, narinig ko naman ang pagtunog ng mga kagamitan do'n.

Huminga ako nang malalim at nagpasyang ipikit ang mata. Nagpasalamat dahil sa hindi ko nakita ang ina ngayon. Dahil sigurado ako na magkakasalubong lamang ang aming galit, lalo na ngayong parehas na mainit ang aming mga ulo.

Ilang minuto ang nakalipas at nakita ko na lang ang sarili ko sa hapag-kainan. "Saluhan niyo na ako, manang. Wala naman akong kasamang kumain ngayon, e," akit ko. Walang ano-ano pa ay hinila na niya ang bangko sa katabi kong upuan at saka sinabayan akong kumain. Tinikman ko ang bagong-init na sinigang sa miso. Masarap iyon, maasim. Pero sa palagay ko ay hindi na bagong luto.

"Kay daming ulam diyan sa ref niyo! Hindi niyo naman sinasaid ang laman. Aba'y grasya! Hindi dapat sinasayang." Hudyat na nagsasabing hindi nga bagong luto ang kinakain ngayon.

Sumagot ako habang may lamang kanin ang bibig, "Ayos lang, mas masarap naman ang luto niyo kesa do'n sa tinda sa cafeteria," sabi ko nang may halong pang-iinsulto sa pagkain sa school, "lasang panis."

Mahinang pinalo ng matanda ang nakalapag na kamay sa lamesa. "Aba'y pilyo ka talaga! Kahit na gaano pa kasama ang lasa ng pagkain sa iyo ay hindi dapat pinagsasalitaan nang ganiyan!" pangangaral niya. Tumango ako kasabay ng aking pagtungo, pilit na nilumod ang malalaking butil ng kanin.

Nagpatuloy kami sa pagkain, madaming kinukuwento si manang— mga napupuna niya rito sa loob ng bahay. "Ikaw naman kasi, hijo, lagi mo na lang sinasagot ang mama mo." Kalmado ang kaniyang boses, may pinagdiinan niyang sinabi ang salitang "lagi." Hindi ako umimik, nagpatuloy lang ako sa pakikinig sa kaniya. Sa katunayan, mas nagugustuhan ko iyong ginagawang pangangaral ni manang tungkol sa mga kilos ko. Si mama naman kasi hindi ako nagagawang bantayan. Puro na lang: "Logan, mag-aral ka." "Logan, behave." "Nagugulo ang buhok ko, Logan."

Walang dulot. Kailan man ay hindi ko narinig ang papuri niya sa mga bagay na nagawa kong tama. Kaya naisip ko, bakit pa ako gagawa ng mga tamang gawain kung hindi rin naman napapansin ni mama. Siya na nga lang iyong nag-iisang kilalang kapamilya, hindi pa ako mapansin. Puro na lang si Mateo.

"Paminsan-minsan kasi ay makikinig sa nanay. Kahit na sa tingin mo ay tama ka, mananahimik ka na lang din. Kapag hupa na ang sama ng loob, saka ka magsalita," sabi niya nang ngumingiti, "madami sa kabataan ngayon na ang pakiramdam ay pinabababayaan dahil sa pinagsasabihan sila lagi. Hindi ba nila alam na ang sarap sa pakiramdam na mapagsabihan."

Tumango ako at sumagot, "Tama ka po. Sana lang ay ganiyan si mama sa akin. Hindi naman niya ako nakikita, e."

Umiling-iling siya habang inaabot ang baso sa katabing dulo. Minabuti ko itong kuhain at saka sinalinan ng malamig na tubig. "Ay, anong hindi? Lagi ka ngang pinangu-nguwento sa akin. Ala'ey kailangan niyo talagang magkaroon nang mabuting pag-uusap. Tandaan mo, anak, walang taong umunlad na may galit sa kanilang magulang," sabi niya. Nagtama ang parehas naming paningin.

Kumunot ang noo ko. "Imposible," panimula ko, "madami naman akong kilalang umunlad na may galit sa magulang nila, e."

Sa pangalawang pagkakataon, siya ay napailing. "Iba naman ata ang hustisiya ng salitang 'unlad' sa atin, e!" sabi niya. Inilapag ko ang kutsara at tinidor sa platong malinis na. Ako ay tumugon, "Ano pa bang ibang ibig-sabihin niyan, manang?" Magkadikit ang dalawa kong kilay.

Binigyan niya ako ng isang lohika, kapwa tapos na kami sa pagkain. "Narinig mo na ba ang isang kasabihan?" panimula niya, "na ang mga kamag-anak o kapamilya ay hindi talaga tungkol sa parehas na dugong mayroon kayo. Bagkus ito ay tungkol sa kung kanino niyo gagawin ang lahat— kayo man ay maging duguan." Tinapos niya ang kaniyang salita na may halong ngiti. Naningkit ako at paulit-ulit na sinabi sa isip ang mga katagang binitawan ng matandang kausap ko. Kung ano ang kahulugan ng lohikang kaniyang iwinika.

Magtatanong pa dapat ako ng mga kadugsong na impormasyon tungkol sa nasabi upang ako ay ganap na malinawan, ngunit pag-silip ko sa aking harapan, walang tao. Napatungo ako sa lamesang kanina lang ay pinaglalapagan ng plato, wala na rin ito ro'n. Makalipas ang ilang segundo ay may bumulong sa kaliwang tainga, "Ingat ka anak." Boses ni manang.

May busina.

Napamulat ako, natagpuan ang sarili sa sofa. Inalala ang panaginip na bagong daan. Ang tungkol sa matandang nakausap ko— si manang na alam kong matagal ng umalis sa bahay. "I'm hallucinating," sabi ko sa sarili.

Kung tatanungin mo kung sino ang kausap kong matanda na may dialekto, na nagwawalis pagdating ko, naghanda ng pagkain, ang matandang hindi naubusan ng kuwento, ang kasambahay na matagal nang namumuhay sa aming bahay, ang masasabi ko lang ay wala akong kausap. Lahat ng iyon ay nasa isip ko, dahil iyon ang huling pagkakataon na nakausap ko siya.

Tumayo ako upang inumin ang pills na nireseta ng doctor sa tuwing ako ay magha-hallucinate. Bumukas ang pinto, pumasok si Mama. Nagsalita ako, "Akala ko nasa Baguio ka?"

Kinunutan niya ako ng noo. Muli akong nagwika, "Right, it was a dream."

"You're hallucinating again, aren't you?" tanong ni mama. Sa wakas ay nag-uusap na kami. "Nakausap mo na naman si manang?" Kumuha siya ng hangin. "I'll be on my bed. If you need something, i-chat mo ako. Kung gutom ka, magpa-deliver ka ng food." Lumarga na siya sa pag-akyat.

Eto ang sinasabi ko, hindi niya ako nagawang kumustahin, kung bakit umiinom ako ng pills. Pero kapag si Mateo, nangingitian niya. Kaya may rason ako para magselos. Dahil ako ang anak.

Mabuti na lang din at umakyat na siya sa kaniyang kuwarto, kung hindi ay panibagong pagtatalo na naman ito. Gusto kong malaman kung siya nga ba iyong nagwala sa main. Gusto ko rin siyang pilitin na i-atras ang decree na ipinatong sa Stanford. Alam kong magiging mahirap na hindi sumunod sa panibagong patakaran, huhulihin ako ng mga CPPS!

Ang malas naman, kung kailan talaga lilipat ako sa dorm ay saka pa nagkaroon ng curfew hours. Kung sanang andito pa si manang sa bahay ay hindi na ako mapipilitan pang umalis. Pero hindi, e. Nasasakal ako sa tuwing kasama ko si Mama.

Tumunog ang cellphone ko. Kinuha ko ito at isinagot ang kararating na tawag. "Hoy, Logan!" si Khen, "ang dami ko ng texts sa 'yo! Ba't mo kinalimutan appointment mo sa dorm?" Tumunog ang kaniyang dila.

"May deadline ba 'yan?" Walang gana ang tono ng aking boses. Malakas at marahas siyang sumagot, "OO! Kapag ikaw naubusan ng kuwarto, h'wag kang makikitulog sa akin, ha!" pagbabanta niya. May narinig akong tawa mula sa kabilang linya.

"May kasama ka?" tanong ko, "si Sheryl ba 'yon?" Naghintay ako ng isasagot ni Khen, pero ang narinig ko ay boses ni Sheryl. "Hi Logan!" Maligalig ang kaniyang boses, nagtatawa pa rin. Iba rin talaga ang mga galaw ni Khen.

"Where you guys at? Bakit kayo magkasama?" Habang nagsasalita, ako ay umaakyat papunta sa kuwarto. Sumagot si Khen, "Ipinatawag ka kanina ng HR ng Building A-B. May pa-special mention ka pa! Mabuti na lang at narinig namin parehas ni Sheryl. Napapunta tuloy kami nang wala sa oras," panunumbat ni Khen.

"WOW, THANK YOU, HA?" Sarkastiko ang tono ko. Nagsimula akong kumuha ng bag na paglalagyan ng gamit. "Ano, pupunta ka ba?" tanong niya. "Oo, nag-iimpake na rin ako. Hintayin niyo na ako. Malawak ba?" tugon ko.

"Mas malawak nang dalawang beses sa kuwarto ko. Iba talaga kapag nasa leaderboard!" sabi niya. Dinig ko ang tawa ni Sheryl.

Matapos iyon ay naging madali ako sa pag-aayos ng gamit. Hindi pa man ganoon katagalan ay handa na ako. Nakasilid lahat ng mga kakailanganin ko sa isang travel bag. Nagawa kong pagkasyahin lahat ng damit ko ro'n. Dinala ko rin ang lahat ng credit cards, wallet, at passports at visa ko. Pakiramdam ko ay tuluyan na akong aalis sa loob ng bahay. Kung puwede rin sanang dalhin ang safe ko, nagawa ko na itong bitbitin. Pero, 'di bali, marami pa naman akong pera.

Nakababa na ako.

"Where are you going?" Nakita ko si mama sa may pinto. "I ordered pizza. Have some," alok niya habang itinataas ang dalawang box ng pizza na sa palagay ko ay bagong dala.

"Thanks, but no thanks." May paninindigan kong sinabi. Kung sanang kanina pa niya ako inalok ay magagawa ko itong tanggapin. Pero huli na ang lahat para sa pangalawang pagkakataon.

"Okay, then," sagot niya. Nakita ko siyang papalapit sa basurahan, animo'y itatapon ang bagong lutong pizza. "Hey!" sigaw at pagpigil ko. Lumingon si mama sa akin. "Ma, don't waste the food!" dugtong ko.

"I didn't waste it by myself. Tinanggihan mo, itatapon ko lang. You know that I can't eat fatty junks," sabi niya, tuluyang itinapon ang kawawang pizza sa basurahan. Nawala na siya sa aking paningin dahil umakyat na siya sa kuwarto. Hindi man lang nagawang hintayin ang sagot ng anak kung saan pupunta.

Sumakay na ako ng kotse at nagsimulang magmaneho patungo sa campus. Mabuti na lamang at sa isang linggo pa mabibigyang bisa ang panibagong decree ng Stanford. Kung Martes ngayon, may ilang araw pa ako upang makapaglayas sa loob ng camp.

"Ang tagal!" bungad ni Khen. Nakahiga siya sa higaang may sapin na puti. Wala si Sheryl sa paligid. Napatayo siya nang may ilapag akong pizza. Naisip kong dumaan sa isang pizza shop, nagutom ako do'n sa amoy kanina.

"Is this how you pay your friend?" natatawa niyang sinabi. Iniikot ko na lang ang aking mata sa loob imbis na sumagot. Malawak nga, tama si Khen. May isang kama na sa palagay ko ay para sa dalawang tao, may kusina, may kubeta, may sala. Small apartment ba 'to?

Sinimulan kong ayusin ang damit sa bakanteng kabinet, habang ang kaibigan ay abala sa pag-nguya. "Hindi ka na hinintay ni Sheryl, madilim na raw, e," pagpapaliwanag ni Khen.

"Para namang may pake ako," tanging sagot ko. Bumalik siya sa pagkain. Sinaluhan ko na rin siya nang matapos ako sa aking ginagawa.

***

Araw ng Miyerkules, makulimlim ang lagay ng panahon. Ilang sandali pa at babagsak na ang tubig na pabigat sa ulap. Nakakatamad pumasok, pero narito ako ngayon sa aming silid. Ako pa lang mag-isa, wala pa akong kasama. Sa palagay ko rin naman ay hindi papasok si Shion dahil sa abala sila sa kanilang rehearsal. At bukod sa kaniya, si Sheryl na lang ang kilala ko. Hindi naman ako madalas makipag-usap sa mga kaklase ko.

Kaklase ko lang sila.

Hindi kaibigan.

Kailan man ay hindi ko nagustuhan ang pakikinig sa mga musika. Hindi ako fan ng mga ganiyang bagay! Kung papipiliin ako sa pagitan ng ungol ng babae at musika. Tiyak na pipiliin ko ang ungol ng babae.

Pagbibiro.

Siyempre, mas mabuting makinig na lang ng musika kesa sa ungol. Isang uri ng porno iyon! Baka maadik pa ako kapag nagsimula akong making ng mga malalaswang audio clip.

Kaya naman kinuha ko ang headset at cellphone mula sa bag. Pumunta ako sa spotify at namili ng tugtuging pakikinggan habang nag-aaksaya ng panahon.

Nais ko lang sanang magpahinga rito sa classroom. Pakiramdam ko ay madaming gagawin ngayong araw, kaya mabuti nang nakapag-pahinga ako bago pa mapagod. Hindi rin naging maayos ang tulog ko kahapon sa dorm. Concreted naman iyong buong silid, pero sa ilang mga rason ay nakarinig ako ng ungol. Hindi ko maintindihan... pakiramdam ko ay sobrang dumi ng pandinig ko.

Makaraan ang limang tugtog ay nagsimula nang dumating ang mga kaklase ko, sinundan ni sir Lopez. Nagsimula ang klase nang walang paligoy-ligoy, pero bago iyon ay binati ako ng guro sa muling pagbabalik, animo'y ilang buwan akong hindi pumasok.

Dumating ang recess at mag-isa akong pumunta sa Leon Building para kumain. Wala akong kasabay sa pagpunta, dahil totoo sa sinabi ko, abala si Shion sa upcoming theatrical performances nila. Pagdating ko naman sa caf, ibang tindera ang sumalubong sa akin. "Nasaan iyong isa niyong kahera?" tanong ko do'n sa matabang babae. Mukhang trabahador ng Stanford.

"Iyong Angela," dugtong ko. Nagkibit-balikat siya at nagsabing hindi niya iyon kilala. Naalala ko naman bigla na kabilang din siya sa Theater Club. Posibleng naroon siya kasama ni Shion.

Nakaupo na ako sa lamesa, tahimik na kumakain habang ang mga tao sa paligid ko ay masayang tumatawa sa kabila ng malungkot na panahon. Tuluyan nang umulan, lalo na akong tinamad tumuloy sa klase. Wala pa man din akong payong! Papaano na ako babalik sa lungga ng mga tigre?

Akala ko ay magiging walang saysay ang pagpasok ko ngayon nang may marinig akong usapan sa kabilang lamesa. Hindi ganoon kalaki ang tainga ko, pero malakas ang aking pandinig.

"Ma-e-expel pa ata ako!" wika nung lalaki. Natatandaan ko siya, iyan ang lalaking nagwala kahapon. "E, hindi naman ako 'yong bumato ng bote! Bakit ako pagbibintangan?" dugtong niya. Ang plastik na boteng hawak niya ay yupi na dahil sa higpit nang pagkakahawak ng kaniyang kamay. May dalawang lalaki sa kaniyang katabi— mukhang kabarkada.

"Tol, malamang, ikaw 'yong unang nagwala, e!" natatawang sabi ng kaniyang kasama, bukod tangi itong hindi nakasuot ng balabal. Di tulad ng kasama niyang dalawa na may bughaw na balabal, ngunit hindi ito kasing tingkad ng akin.

"Oo nga, mabuti na lang talaga at hindi ka namin kasama no'n!" Tumawa nang malakas iyong isa pa niyang kasama. Napansin ko ang pagsara ng kaniyang mga panga. Nanlisik ang mga mata at halatang kumunot ang noo.

"Wala kayong kuwenta," sagot ng galit na lalaki. Tumawa ulit iyong dalawa niyang kasama. "Ginawa ko lang naman iyon para sa ate ko," sabi pa niya, "kung hindi dahil sa lintik na magnanakaw na iyan ay hindi mawawala ang thesis report niya." Galit ang kaniyang tono.

Sa pagkakataong ito, noo ko naman ang nakakunot. Akala ko ba ay walang ninakaw. Akala ko ba walang nawala. Pero ano itong sinasabi ng lalaki tungkol sa thesis report?

Ilang sandali pa at natagpuan ko na lang ang sarili sa iisang lamesa ng lalaki. "I'm Logan," panimula ko, hindi inilalahad ang kamay. Tinitigan ako ng tatlong lalaki.

"Tiger Student. TSK." Tumunog ang dila noong isang lalaki na walang balabal.

"Kent," sabi ng isa.

"Gabriel," pagpapakilala ng taong pakay ko.

May kinuha ako sa wallet na nasa bulsa. Inilabas ko ro'n ang parihabang card. "I'm from News and Report Club, we are inviting you for an interview," sabi ko. Alam niya na kung ano ang ibig kong sabihin.

"Ikapapahamak ko ba iyan?" tanong niya. Halatang gusto niya rin magpa-interview, natatakot lang. "Kung may gagawin kang ikapapahamak mo, oo. Pero kung wala, sagot kita," tugon ko.

Pantay pa rin ang mukha ni Gabriel. Si Kent naman ay tahimik, masama naman ang tingin sa akin nung isa.

Tumugon si Gabriel, "Anong oras?"

"Kung kailan ka puwede ngayong araw. We'll wait," tugon ko.

"Okay. Nakausap naman na ako ni Sir Willie tungkol dito," dagdag ni Gabriel.

Tumunog ang bell at kinailangan na naming bumalik sa kani-kaniyang silid. Paglabas ko ng building, malakas na ang buhos ng ulan. Wala akong payong kaya tinawid ko nang mabilis ang daan. Kung hindi lang sana ako nabigyan ng warning ay hindi na talaga ako papasok.

Masarap matulog kapag naulan.

(More)