Chereads / Red Thread / Chapter 4 - Thread III

Chapter 4 - Thread III

Kahit sa munting paglalaro at pagkain, kami'y ginabi. Kaya sabay nang nagpaalam ang dalawang club. Si Nicole na kanina'y mapang-asar, natahimik.

"Aray." Dinig kong wika ni Angela. Tiningnan ng babae kung sino ang nakabunggo niya sa pinto. Ngunit, hindi na hinintay na humingi ng tawad ang salarin. Si Oliver ang nakabangga.

"Una ka na," ani Angela

Tiningnan siya ni Oliver. "Bago ka lang?"

Ako'y nakatayo sa bandang likod nila, naghihintay na makalabas. Sa tabi ko'y si Shion, buhay na buhay pa rin ang diwa.

Tumango si Angela.

"Ah," ani Oliver, "you smell good, though."

"Ako?" tanong ni Angela, "wala akong pabangong suot."

Ngumiti ang binata. "Ganoon ba? Hatid na lang kita, gabi na rin."

Naningkit ang parehas kong mata. Nagbigay ako ng pilit na ubo, silang dalawa'y napalingon.

"Ah, 'wag na," ani Angela, "may maghahatid sa'king iba." Nagtama ang paningin naming dalawa.

Tumunog ang dila ni Oliver. "Sino?"

Ang titig ni Angela'y nanatili sa'kin.

"Ako," wika ko, "so, if you don't mind, baka puwede ka nang umusad?"

Umiling-iling si Oliver, nagpatuloy sa paglabas. Sumunod ako, pero nahigit ang kamay. "Salamat," ani Angela, "ayaw ko lang talagang magpahatid kay Oliver."

Tumango ako. "Wala iyon. Kahit naman sino'y hindi ko papayagan na sumabay sa kaniya. Sabay ka na lang sa'min. Ihahatid ko si Shion sa dorm. Nagdo-dorm ka rin, 'di ba?" Napatingin ako kay Shion.

"Oo, sumabay ka na, Angela. Delikado kung magco-commute ka. Hating-gabi na, walang magpapasakay," pangungumbinsi ni Shion, um-oo ang dalaga.

Tumungo kami sa parking lot upang sumakay sa kotse ko. Katabi ko si Shion sa unahan, sa likod si Angela.

"Nagdo-dorm ka rin ba, Logan?" tanong ni Angela.

Umiling ako. "Pero nag-avail ako ng dormitory sa campus. Ewan lang kung kailan lilipat."

"Sigurado ka ba na ihahatid mo kami, baka malayo bahay mo?" kaniyang tanong.

Matipid akong tumawa. "Ayos lang, baka makitulog muna ako kay Khen, nasa dorm din."

Matapos iyon, tahimik na kami sa kotse hanggang sa makarating kami sa dorm ni Shion. "Una na ako!" Sa kabila ng oras, masigla pa rin ang boses.

"Dito na rin siguro ako, Logan," ani Angela.

"No, ihahatid na kita do'n" may paninindigan kong sagot.

"Pero, nahihiya ako."

"Huwag kang mahiya. Parang hindi tayo magkaibigan." Tawa ko. Dahil sa sinabi'y naalala ang kaniyang opinyon sa pagkakaibigan.

"Sorry nga pala," sabi niya, "my logic sucks."

"Hindi naman," sagot ko, "all things deserve equality. You have a point. So, don't ever feel like your opinion is being invalidated because it's different from the rest." Ngumiti ako, nagpatuloy sa pagmamaneho. Nang makarating kami sa kaniyang dormitory, napansin kong pakapa-kapa siya sa bulsa.

"Ayos ka lang?" usisa ko.

"Nawawala ata phone ko. Naiwan siguro sa restaurant."

"Babalik ako." Hinawakan ko ang manubela.

"Teka, huwag na! Gabing-gabi na," pigil niya.

"Kapag bukas pa, hindi mo na mahanap iyon," wika ko, "give me your number, tatawagan ko na lang."

"Hindi ko kabisado number ko, e," nag-aalala niyang sambit, "pero, naibigay ko kanina sa Club Adviser niyo."

"Kay sir Willie? Bakit?" tanong ko.

"Kailangan ko kasi ng tulong para sa General Science, narinig ko na major niya iyon."

"Sige, subukan kong tawagan si sir." Sinimulan ang pag-dial ng number ng guro. Walang sumasagot, tulog yata.

Lumabas ako ng kotse at sinamahan si Angela sa labas. "Walang nasagot."

Nagbuntong-hininga siya. "You should go, Logan. Bukas na lang," kaniyang wika. Tumayo siya at pumasok sa loob ng main hall. Bago iyon, tinawag ko ang kaniyang pangalan, napalingon siya. "Bakit?"

Pumunta ako sa kaniyang posisyon. "Hindi kaya, gawa ni Oliver?" tanong ko.

Naningkit ang mata niya. "Huh? Bakit?"

"Nabangga ka niya kanina, baka kinuha niya phone mo."

"And why would he do that?" tanong niya.

Nagkibit-balikat ako. "Baka... dahil gusto ka niya?"

***

Kung sa iba'y tunog ng orasan, tilaok ng manok, o hiyaw ng nanay ang kanilang pampagising. Sa'kin, binasag ng isang matinding sipa ang mahimbing kong pagkakatulog. Dahilan upang mahulog mula sa malambot na kutson.

"Aray!" bulalas ko.

Ang sinag ng araw, bahagyang tumatama sa kabilang pisngi. Nasisilaw nito ang nakapikit na mata. Hinawakan ko ang pwet at saka hinimas ang pagmamay-ari. "Ba't mo ako sinipa!" tanong ko nang tumatayo.

"Nakapasok na'ko lahat-lahat, tulog ka pa rin."

Sa pagkakataong ito, nasinagan ng aking paningin ang binatang nakatayo sa harap ng refrigerator. Nakasuot ng uniporme ng Stanford na may bughaw na balabal.

Hinawakan ko ang masakit kong ulo. "Ano'ng oras na?" tanong ko.

Matangkad siya, mahaba ang kaniyang mga biyas. At kapansin-pansin din ang payat na katawan. Mayroon siyang tattoo sa leeg. Nakapinta do'n ang kulay itim at nagfe-fade na imahe ng tatlong pirasong dahon. Sa kaniyang mukha'y ang kunot na noo, matamlay na mata, at matangos na ilong. Ngunit, sa kabila ng pagkakaroon ng anemic na kulay, napanatili ng labi ang natural na tinta ng limbaon.

Total Opposites kami ni Khen. May maikli siyang buhok, ako'y medium-length, maalon-alon, at kulay gray. Kung makapal ang kilay niya, may hiwa ang akin.

Dahil siguro sa pagkakaiba namin, naging magkaibigan kami ngayong Senior High, kahit na nabibilang sa magkaibang bahay. Nasa bahay siya ng Wolf, matalino sa Math at Science. Kaya sa tuwing magkasama kami, bukambibig niya ang siyensya't matematika.

"Twelve noon," kaniyang sagot.

Mabilis akong bumangon, dali-daling kumuha ng tuwalya. "Bakit hindi mo ako ginising?!"

"Anong oras ka na nakatulog kagabi. Masama magpuyat kaya hindi na kita pinapasok." Tumunog ang kaniyang dila. "At masama ang pagpupuyat. Sabi sa pag-aaral—"

Nagsimula na siyang magdiskusyon sa siyensya, pumasok na lang ako sa banyo at naligo.

Nagkakamali kayo, hindi ako nagmamadali dahil late na ako. Nangako kasi ako kay Angela kagabi, sabi ko: "Sige, tulungan na lang kita bukas ng umaga."

"Sigurado ka? Baka tulog ka pa niyan? Anong oras na rin, Logan."

"You don't have to mind, maaga akong gumigising."

Pero ang mga sinabi ko'y totoo! Maaga akong gumigising... hindi ko lang alam kung ano ang tumama sa'kin ngayon.

"Ah, Logan. May pumunta palang babae kanina," hiyaw ni Khen mula sa labas ng banyo. Tunog ng shower ang naging sagot ko.

"Hinahanap ka. Kaso sabi ko natutulog ka pa. Tinanong ko kung ano'ng sadya niya, hindi sumagot."

Napasabunot ako sa'king buhok. Nagmamadali akong lumabas at agad na nagbihis.

"Puwede ba, magdahan-dahan ka." Pangaral ni Khen dahil ang dami kong nabubunggong gamit. Matapos kong damitan ang sarili, kumuha ako ng dalawang itlog mula sa ref. Lulutuin ko, kaso nagreprisenta si Khen.

"Salamat," wika ko habang si Khen ay naghahanda ng kaniyang lulutuin.

"Kumusta ka pala kahapon? Ang tamlay ng boses mo nung tinawagan kita," wika ko habang nagsasapatos.

"Ah... wala kaming teacher kahapon, nakaka-badtrip lang. Hindi kami sinipot ni sir Willie."

Napatigil ako sa ginagawa. "Sir Willie? Mula sa Club ko?"

Um-oo siya. "Teacher namin sa General Science. Pero ako, sa tatlong subject: General Science, IT, General Math."

"IT?" tanong ko.

Tumango siya. "Oo, IT, bakit?"

"Diba nasa Wolf's House ka? Bakit kayo nag-aaral ng IT? Specialized for Tiger's House iyan, ah," tanong ko.

Naamoy ko na ang nilulutong itlog. Pumunta ako sa lamesa at naupo.

"Anak ka ba talaga ng direktor?" ani Khen, "may program ang Stanford para sa mga estudyanteng gustong mag-avail ng subjects mula sa ibang houses."

Hinango niya na ang pritong itlog, nilagay niya ito sa lemesa. Kumuha ako ng dalawang plato at naghain ng sinaing niya.

"Ibig sabihin, kasama ka sa mga nag-avail? Ibang klase ka rin, e." Ngiti ko.

Ilang sandali pa, nagsimula na kaming kumain. "Naks! Sarap ng luto mo. Huwag na kaya akong mag-avail?" Tawa ko.

Ang mga dormitory sa Stanford ay sadyang pang-isang tao lang. Ito'y malawak na silid; may higaan, may lamesa, may banyo. Ikaw naang bahala maghanap ng gagamitin mo. Malawak din kahit papaano, libre pa.

"Sira ka talaga, Logan. Ngayon appointment mo sa dorm. Building A-B ka ata," sagot niya. Hindi ako umimik, nagpatuloy lang ako sa pagkain.

Samantala, habang abala kami sa pagkain, may kumatok sa pinto. Napalingon kami.

"Siya iyon, Logan. Iyong pumunta kanina," wika ni Khen.

"Shion?" tanong ko, "ba't napabisita ka?"

Si Shion, bakas sa kaniyang mukha ang inaantok na mga mata.

"Shion?" Pag-uulit ni Khen. "Ah, si Shion! Sabi ko na nga ba, pamilyar siya."

Hindi ko pinansin ang sinabi ni Khen. Ilang beses na niyang nakakalimutan si Shion. Tumayo ako at pumunta sa kaniyang harap.

"Ah, bagong gising ka ata," panimula niya, "itatanong ko lang sana kung nakita mo si Angela."

"Huh? Hindi, tinanghali na ako gumising. May nangyari ba?" tanong ko.

Tumango siya nang dahan-dahan. Nakita ko ang pagkagat sa ibabang labi. "Nag-away sila ni Nicole kanina, masyado atang napuno sa panunukso nung bruhang iyon."

"Normal lang iyon, 'di ba? Madalas napapasama sa sagutan si Nicole."

Umiling si Shion. "Para kasing may iba. Umiiyak si Angela sa backstage. Gusto ko siyang lapitan, kaso nahihiya ako. Pagkatapos ng rehearsal, hindi ko na siya nakita. Baka may alam ka na puwede niyang puntahan?"

Napakamot ako sa ulo. "May pupuntahan sana kami ngayon. Nawawala iyong cellphone niya, kaya nangako ako na tutulong," nag-aalinlangan kong sagot.

"Kaya pala hindi namin siya ma-contact. Nag-aalala na rin si direk."

"Don't worry," sabi ko, habang hinahawakan ang kaniyang kaliwang balikat, "baka nagpapahangin lang siya." Minabuti kong ngumiti.

Pagkalipas ng ilang minuto, sinimulan namin ang paghahanap kay Angela. Subalit, hindi pa man kami nakalalayo, may tumawag sa cellphone ni Shion. Sinagot niya ito. "Hello, Cassandra? ANO? Nasa infirmary si Angela?"

Mabilis akong napalingon sa gawi niya. Tinanguhan ko siya't mabilis na tumakbo papunta sa mismomg campus. Ang bawat hakbang ay naging mabilis at malaki. Pinagpapawisan na rin ako kahit mahangin sa Stanford. Ang bawat butil ng likidong pumapatak mula sa noo paibaba sa baba ay pulido.

"Logan!" wika ni Shion. Pinigil niya ako sa pagtakbo.

"Bakit?" nagmamadaling tanong.

"Mag-ingat ka sa daan. Baka madapa ka," wika niya. Lumapit siya at tumingkayad. Inayos niya ang bendahe ko sa ulo. "Mauna ka na, susunod na lang ako."

"Saan ka pupunta?" tanong ko.

"Sa dorm, magpapalit lang ng damit. At huwag ka masyadong mag-alala, sinisigurado ko sa 'yong ayos lang si Angela." Ngumiti siya.

Umiling ako. "Sana nga. Kaso baka may nangyari sa kaniya. Infirmary, really? Kaya uuna na'ko, ingat ka rin."

Nagpatuloy ako sa pagtakbo, habang si Shion, papunta sa kaniyang dorm.

Takbo, dapa, talisod, pawis. Akala ko, daang semento lang ang tatahakin. Pero kaba, pag-aalala at pusong kumakabog nang mabilis, siyang kasama rin. At ang naging gabay upang tutok sa anumang sasapitin.

Hanggang kailan na lang kaya magiging ligtas ang paaralang ito? O... ligtas pa rin nga ba? Isang halimbawa ang naging insidente sa'kin. Na pinaniniwalaan ng lahat bilang pagkakamali. Na isang aksidente lang ito at hindi dapat bigyan at pagtuunan ng pansin. Maging si mama ay hindi magawang kilalanin at harapin ang katotohanan. Ang katotohanan na may intensyonal na tumulak.

(More)