Sabi nila, may dalawang pinakamahalaga na araw sa buhay ng isang tao. Una, ang araw na ipinanganak siya sa mundo. At pangalawa, ang araw na nalaman niya ang dahilan kung bakit siya ipinanganak.Sa kasamaang-palad, huli na ang lahat bago pa man dumating ang mahalagang araw na iyon sa buhay ko.
Ang totoo, ang kuwentong ito ay hindi lamang tungkol sa akin. Ngunit nagsimula ito sa araw kung saan nagtapos ang buhay ko sa isang 'di malinaw na dahilan. At kung paano 'yon nangyari? Wala ring nakakaalam. Alam ko na medyo kakatuwang isipin na magsisimula ang kuwentong ito sa katapusan. Pero kung minsan, sa katapusan nag-uumpisa ang totoong simula.
Nagtapos ang mga huling sandali ng buhay ko sa isang makabulag-matang kislap ng liwanag. Pagkatapos niyon, hindi ko na alam kung ano nang nangyari sa naiwan kong katawan sa lupa. Basta't nagising na lang ako sa isang lugar na puno ng mga puting bulaklak - mga liryo. Para silang isang malaking puting kumot na ginawa para takpan ang malawak at mamasa-masang lupa. Ang pamumukadkad nila'y parang isang mainit na pagsalubong patungo sa isang bagong simula, sa isang bagong pagkakataon, at sa isang bagong mundo.
Pero...ano ito?
Bakit bigla akong nabalisa?
May nawawala ba sa akin?
Bakit pakiramdam ko'y may nakalimutan akong gawin?
At habang nakatayo ako roon at nag-iisip ng malalim ay natanaw ko ang isang mahabang puting mesa. Lumapit ako't nakita ko ang isang pluma, isang pananda sa aklat, at isang laruang parasyut. Hindi ko alam kung anong kinalaman ng mga ito sa akin. Pero may kung ano sa mga bagay na ito ang 'di ko lubos na maipaliwanag.
Hanggang sa...
"Kumusta, Rowan? Kanina pa kita hinihintay."
Nabigla ako nang may nagsalita mula sa likuran ko. Agad akong lumingon at nakita ko ang isang lalaki. Kasing itim ng gabi ang kaniyang suot, gano'n din ang kulay ng kaniyang maalong buhok na tugma sa matingkad niyang asul ngunit patay na mga mata. Lumapit siya sa akin at inunat ang kaniyang kanang kamay na nag-aanyayang sumama ako sa kaniya.
"Halika." Aniya, "Tutulungan kitang mahanap ang liwanag."