Chapter 8 - CHAPTER SIX

KASALUKUYANG tinutugpa ng mga paa ni Hailey ang kalagitnaan ng kagubatan ng maramdaman niya ang napakapamilyar na pakiramdam.

Napalunok siya pagkatapos, ngunit hindi niya hinayaan na madaig ng tensyon na tuluyang kumakalat sa kanyang sistema.

Marahan niyang ipinihit ang sarili paharap, kasabay ng pagdapo ng isang paniki mula sa 'di kataasang sanga ng puno na kanyang kaharap lamang.

Isang maluwang na ngiti ang ipinaskil niya ng tuluyang magtagpo ang paningin nila nito.

Madilim man ang kanilang kinaroroonan ay namalas pa rin ni Hailey ang kabuuan ng kaharap. Kitang-kita niya ang mapulang pares na mata nitong nanatiling nakatunghay sa kanya ng pagkatalim-talim.

Ang paniki na kanyang kaharap ay unti-unting nadeporma sa anyong tao.

Nag-isang linya ang labi niya ng tuluyang magbagong anyo ito.

"Kamusta ka na Yalena? Mukhang nae-enjoy mo ang pakikipaglapit mo sa pamilya Grae."nakangiti nitong sabi sa kanya, ngunit para sa dalaga iba ang dating ng malamig nitong boses sa kanyang pandinig.

Agad niyang iniiwas ang paningin sa kaharap, ngunit mabilis niya rin ibinalik dito ang pansin sa salitang nanulas sa bibig nito. Kitang-kita ng dalaga ang dahan-dahan nitong paglapit sa kanya.

"Nakakalimutan mo na ba ang totoong dahilan kung bakit kailangan mong mapalapit sa kanila? Kung bakit ba magpahanggang ngayon ay hindi mo pa rin natatapos ang matagal ng dapat tapos!"marahas nitong bulong sa tenga ni Hailey.

Nakaramdam ng kaba at takot si Hailey sa sandaling iyon ngunit hindi para sa kanyang sarili. Ngunit para kina Halls.

Sa pagbanggit ng pangalan ni Halls sa isip niya'y nakaramdam siya ng panic.

Naalala niyang kikitain pala niya ang binata sa ilog na natuyot. Kung saan mage-star gazing sila, doon nito ipapakita sa kanya ang nadiskubre nitong bituin kamakailan lamang.

Sa isip ng dalaga'y sana hindi ito magkamaling magpunta ito sa kanyang kinaroroonan.

Ayaw niyang may masamang mangyari rito sakali. Biglang siyang napapiksi ng muli niyang marinig ang malamig na tinig nito.

"Mahigit isang-daang libo akong nakatulog Yalena pero pinalampas mo ang magandang pagkakataon upang matuldukan ang sumpang matagal nang namamahay sa lahi ng bampira! Ngayon ako na ang tatapos sa hindi mo kayang tapusin!"

Agad itong naglaho matapos itong mapalingon sa gawi ng likuran ni Hailey. Maski ang mabilis na ritmo ng tibok ng puso ni Hailey ay parang bulang naglaho.

"B-Bakit ka narito Eleezhia?"tila may bikig sa lalamunang saad ng dalaga rito.

Marahan itong naglakad palapit sa kanya, mababanaag kay Eleezhia ang hinahon. Maski ang mga tunog ng panggabing hayop ay tuluyang naglaho.

Ang madilim na kagubatan na kanilang kinaroroonan ay lalong binalot ng dilim sa pagdaan ng sandali.

Itinaas ni Eleezhia ang kamay sa mga tuyong dahon na dahan-dahang nagsisipagbagsak sa lapag. Bawat masagi nito'y nagiging abo.

"Naramdam ko kasi ang presensiya ng iyong ama Yalena. Mukhang gising na ito sa mahabang pagkakatulog nito..."tugon nito sa tanong ni Hailey sa kanya.

Napakagat-labi si Hailey ng mapansin niya ang pagbabago ng kulay ng mata ni Eleezhia. Naging puti ito, maski ang banal na punyal na pampatay sa mga bampira ay bigla rin sumulpot sa palad nito.

Napaatras siya. Kasabay naman ng paglapit ni Eleezhia, mababanaag sa anyo nito ang kawalan ng awa.

"Sinabihan na kita noon pa man sa mundo ng Acceria, Yalena na huwag na huwag kang magiging hadlang. Pero hindi ka nakinig, ipagpatawad mo pero babawian na kita ng buhay!"malamig nitong tugon kasabay ng paghawak nito ng marahas sa braso ni Hailey.

Napaigik si Hailey matapos nitong maramdaman ang mahigpit na pagkakahawak ni Eleezhia sa kanyang kamay.

Mabilis siyang hinila nito palapit, pati ang hawak nitong punyal ay mabilis na sumalubong sa katawan ni Hailey. Naging mabilis ang buong pangyayare.

Napaawang ang labi ni Hailey sa nasaksihan, kasabay ng pagtulo ng masaganang dugo sa lupa.

RAMDAM nito ang tila pagkawala at panghihina ng lakas nito. Ngunit hindi niya hinayaan na mawalan siya ng ulirat!

Ang nasa isip niya'y kailangan siya nito, kahit nanlalambot ay mabilis niyang hinawakan ang kamay ni Eleezhia na nanatiling nakahawak sa kamay ni Hailey.

Isang malakas na puwersa ang ginawa niya para mapabitaw ang kamay nitong mahigpit na nakahawak sa kamay ni Hailey.

"Hinding-hindi ako makakapayag na saktan mo si Hailey. Mamatay na muna ako bago mo magawa 'yan!"Gigil na sigaw ni Halls.

Unti-unti namang nagbalik ang kulay gintong mata ni Eleezhia, naging mahinahon na rin ito sa sandaling lumipas. Nagsukatan lamang ng tingin ang dalawa.

"Hindi ako ang kalaban niyo Halls, lagi mo sana iyang pakatatandaan."anas nito kasabay ng unti-unti nitong paglaho.

Mayamaya'y agad itong nilapitan ni Hailey.

"Halls! Okay ka lang? B-Bakit mo iyon ginawa?!"hysterical na sabi ni Hailey.

Ngunit bago pa ito makasagot ay mabilis itong napaluhod. Agad itong dinaluhan ni Hailey.

"Halls! Halls!" Patuloy na pagtawag ni Hailey sa pangalan ng binata. Kasabay ng pagsapo ng palad ng dalaga sa mukha ng binata.

Agad na iminulat ni Halls ang mga mata nito, kasabay ng pagpapalit ng natura nitong mata sa pula.

Nalanghap niya ang sariwang dugo ni Hailey mula sa kamay na nahawakan ni Eleezhia. Patuloy ang pagtulo ng masagang dugo sa kamay nito.

Pagkagulat ang namayani kay Hailey ng marahas na hinablot ni Halls ang kamay niyang may sugat.

Napakagat-labi siya ng sip-sipin ng binata mula roon ang dugong patuloy na tumutulo.

Hindi na lang umimik ang dalaga, hinayaan niya lang ang binata.

Hindi pa siya nakakahuma ng mahigpit siyang hinila at niyakap ng binata palapit sa katawan nito.

Napalunok ng ilang beses si Hailey ng maramdaman niya ang marahas na hininga ni Halls sa leeg niya, kasabay ng pagsinghot nito roon.

Napaawang ang bibig at napatingala sa madilim na langit si Hailey kung saan tuluyang itinago sa makakapal na ulap ang mga bituin na sana'y kanilang mamalasin ngayong gabi ni Halls.

Ramdam niya ang pagbaon ng mga pangil ni Halls sa nakalitaw niyang leeg.

Unti-unti niyang ipinikit ang mata, matagal siya sa ganoong ayos.

"Hailey..."mahinang anas ng binata sa kanyang pangalan. Mayamaya'y marahan niyang iminulat nito ang kulay dugong mata kasabay ng pagtubo ng kanyang pangil. Isang matagumpay na ngiti ang namutawi sa mapupulang labi ni Yalena...