Chapter 12 - CHAPTER TEN

MAG-UUMAGA na ngunit hindi parin dalawin ng antok si Zain, sapagkat patuloy siyang ginagambala ng mga samo't saring kaisipan. Nababahala na siya sa mga nangyayari sa mga kapatid.

Dahil na rin sa may kakayahan siyang makakita ng nakalipas na at hinaharap, mula sa kanyang inhibisyon. Katulad nalang ng mga nagaganap kina Halls at Oreo.

Napakuyom siya ng kamao, habang nag-uumigting ang baga na nanatili lamang siyang nakatanaw mula sa labas ng bintana kung saan, kitang-kita niya ang pag-ahon ng haring araw sa silangan.

Masasalamin sa maamong mukha ng binata ang labis na kalungkutan sa palalang crisis sa kanilang magkakapatid.

Masakit na wala na talaga yata silang pag-asang makatakas sa idinikta ng tadhana sa kapalaran nilang magkakapatid.

Na kahit bali-baliktarin ang mundong kanilang ginagalawan ngayon ay wala ng mababago pa sa mangyayari. Kung maari lang sana na balikatin nalang niya ang lahat ng pasakit na naibahid sa kanila, ayos lang na siya nalang.... siya nalang ang magsakripisyo.

Biglang sumungaw sa mapanglaw na mata ni Zain ang imahe ng mga magulang noong nabubuhay pa ang mga ito. Kung saan sa bawat araw na lumilipas sa buhay ng binata ay tila patak ng ulan naman na dumaloy lamang ang mga masaya at malungkot na alaalang muling nagsisilimbayan sa kanyang gunita.

Kahit paano'y naranasan ng kanilang magulang na mahalin ang isa' t isa ng lubos. Hanggang sa tuluyan kuhanin ito ng mga nilalang na patuloy na tumutugis sa kanilang lahi.

Mapait siyang napangiti, nakikinita na niyang pagdating ng unang eklipse'y ang pagbawi ng lahat ng mayroon sila ng mga kapatid na maski ang mga walang pintig na puso nila'y tuluyang titigas at madudurog.

Napatigil sa paglilimayon ang isip ng binata nang maramdaman niya ang presensiya ni Eleezhia sa silid na kanyang kinaroroonan.

Naglakad ito palapit sa kanyang kinatatayuan, hanggang sa tuluyan nasinagan ang balat nito ng sinag ng araw na nakatanglaw sa bintanang nakasarado.

"Hindi ka na naman natulog Zain."pahayag ng dalaga. Hindi agad nakasagot ang binata, nanatili pa rin ang pansin nito mula sa labas.

Ngunit makaraan ang ilang sandali, nasumpungan nalang niya ang sarili na kinakausap si Eleezhia.

"Hindi ko alam kung may karapatan akong magtanong sa iyo Eleezhia sa bagay na may kaugnayan sa nakaraan. Pero napagisip-isip ko... iilang araw na lang ay magaganap na ang eklipse, siguro naman m-may karapatan akong malaman ang lahat n-ng tungkol sa ... hmmmm sa ating naging nakaraan?"napuno ng pag-aasam ang nasa tinig ng binata.

Unti-unting ibinalik ni Eleezhia ang mga mata sa katabi, ramdam niya mula sa titig ng binata ang pagtatanong.

Sa sandaling iyon, mataman na nag-isip ito. Isang pagbuntong-hininga muna ang ginawa ng dalaga.

Makakaya na ba niyang sabihin ang lahat-lahat dito? Dahil kahit sabihin niya ang lahat wala ng mababago pa...

Sa ikalawang pagkakataon naramdaman muli ni Eleezhia ang pait na naramdaman niya dati noong unang panahon sa mundo ng Acerria. Kung saan sa unang pagkakataon sa buhay niya'y naranasan niya ang saya at pait na dulot ng pag-ibig---- na hindi nararapat sa katulad niyang banal.

"Zain nakahanda ka ba sakali sa mga maririnig mo?"malumanay na bigkas ni Eleezhia rito.

"Nakahanda ako zhia, katulad ng pagiging handa ko sa mangyayari sa akin sa darating na eklepsi..."nakangiti ito ngunit hindi umabot ang kislap niyon sa mga mata ng binata.

Iniwasan ni Eleezhia ang mga titig ng binata. Katulad pa rin ito ng dati, tila may binubuhay na kung ano man ito sa kanyang kaloob-looban na hindi dapat.

Malungkot siyang bumaling sa labas, katulad sa klima ngayon ang panahon noon... Kung saan una niyang nakilala si Vermous ang pinakaunang hari na may purong dugo ng Bampira o Alpha.

Ang kauna-unang nilalang na napadpad sa mundo ng Acceria, Ang mundong Ibinigay sa kanya ng nakakataas sa kanya ang mundong kanyang nilinang ng madaming taon ngunit nawasak din.

~~~~~

ISANG mabining simoy ng hangin ang sumalubong sa Dyosang si Herriena sa mundo ng Acerria kung saan ito rin ang unang araw na pangangalagaan niya ang mundong ito.

Pagkasabik, kasiyahan at karangalan ang namayani sa busilak na puso ni Herriena sa mga sandaling iyon. Pinaghandaan niya iyon sa totoo lang, labis siyang natuwa. Sa kanilang magkakapatid siya ang inatasan ng ama niyang si Grimmo na pangasiwaan ito.

Dahan-dahan niyang itinapak sa madamong kapaligiran ang kanyang paa na walang sapin. Mababanaag sa napakagandang mukha ng Diyosa ang kaligayahan.

Bawat daanan niyang mga puno't bulaklak ay bumubuka at yumuyukod sa kanya na tila nagbibigay pugay sa kanyang pagdating. Maski ang mga iba' t ibang klase ng hayop ay nagdudumaling lumapit sa kanya.

Magaan niya lang tinapik ang ulunan ng mga ito na sinasabayan niya ng malawak niyang pagkakangiti sa lahat.

Ang sariwang hangin na dumarampi sa kanyang balat ay nagbibigay ng kapayapaan sa Diyosa.

Lalong lumuwang ang pagkakangiti ni Herriena ng sabay-sabay na nagsihuni ang mga hayop na naroroon, pakiramdam niya'y magiging matiwasay at madali niyang maisasaayos ang mga nilalang sa mundo ng Acceria.

Ngunit iyon ang inakala niya...

MADILIM na ang buong kapaligiran, matatanaw ang malawak na kalangitan ang mga nakasabog na bituin at iba' t ibang uri ng hugis ng Buwan sa madilim na kalangitan.

Marahan hinawi ni Herriena ang isang buwan para ilipat iyon sa kabilang panig ng langit. Maski ang mga bituin ay magaan niyang iniangat gamit ang kamay, isang kumpas ang kanyang isinagawa. Nangislap ang mga mata ng Diyosa ng sumunod ang mga mumunting bagay sa nais niya.

Makaraan ang ilang sandali nanatili na lamang siyang nakatanaw. Ang kislap na bumabalot sa kanyang mga magagandang mata'y tila nahalinhinan ng panglaw.

Mayamaya'y naramdaman na lang niya ang isang magaan at kakaibang enerhiya na kadalasan nadadama niya kapag magpapakita ang pinakamataas sa lahat--- Ang ama ng lumikha sa lahat.

Hindi nga siya nagkamali dahil, unti-unti'y isang puting liwanag ang bumaba mula sa langit at tuluyang nagkahugis tao.

"Kamusta ka aking anak?"magaan nitong pangangamusta sa kanya na tila siya'y idinuduyan sa gaan ng tinig ng kausap.

"Maayos naman ako Ama, ano ang dahilan at ika'y bumaba pa rito?"tanong ng dalaga.

Mataman siya muna nitong pinagmasdan bago nito sinabi ang ipinunta nito.

"Napansin ko lamang na tila nalulungkot ka sa mga nakaraang araw. Kaya ang naisip ko'y magpadala ng mga nilalang na magiging kabalikat mo upang pangasiwaan ang mundong ito na nararapat sa mga katulad niyo ng ama mong si Grimmo. Bagamat may kasa-kasama ka ng hayop mas mainam ang gagawin ko sakali."mahaba nitong paliwanag sa nakikinig na si Herriena.

"Sige po kung iyon ang nararapat,"nakangiti niyang sabi.

Mayamaya'y naramdaman nalang ni Herriena ang isang bagay na bumitin sa kanyang leeg.

Isang hugis bilog iyon, tila pinakinis na bato na kasing kulay ng luntiang kapaligiran. Ngunit kung titignan maigi ay may iba't ibang kulay pa ang mapapansin, pula na tila alab ng apoy; kayumanggi na katulad sa lupang maalikabok at bughaw na kulay ng tulad sa langit.

Marahan na pinaglandas ni Herriena ang malambot nitong palambat sa hugis bilog na iyon na nakakabit sa kanyang leeg. Naramdaman niya ang kakaibang enerhiya na nakapaloob mula sa bagay na iyon na kaloob ng Amang lumikha.

Mabilis na napabaling ang pansin ng Dyosang Herriena ng muli itong magsalita, kasabay ng paglalaho nito sa kanyang harapan.

"Pakaingatan mo sana ang bato na iyan Dyosa Herriena, dahil nakapaloob diyan ang balanse ng mundong ito at ng mundo ng mga tao upang patuloy ang kapayapaan sa bawat magkabilang mundo. Huwag mong babahiran ng pagkaimbot at kasamaan o pagkaganid ang iyong puso dahil kung hindi... isa sa mga iniingat-iingatan na mundo ang mawawasak... o mas masahol ay parehas na mawala ang mga ito."may lakip na babala at pagpapahiwatig ng dobleng pagiingat kay Herriena sa dagdag na bagong obligasyong ipinagkaloob sa kanya ng mga sandaling iyon.

"Makakaasa ka Ama. "Naisatinig nito, kababakasan ng paninindigan ang mga salitang binigkas ni Herriena.

DUMATING nga ang ang sandaling iyon, kasalukuyang nagtatampisaw sa malinis na batis si Diyosa Herriena. Kasalukuyan niyang ibinababad ang hubo't hubad niyang katawan sa malinaw na batis. Kitang-kita ang angkin nitong kariktan.

Marahan niyang binabasa ang katawan ng makaramdam siya ng kakaiba, naging alerto siya. Maski ang mga hayop na nasa paligid ay nagsihuni, sa pagtataka niya'y biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Bigla-bigla ang pag-iiba ng temperatura sa paligid, mabilis na nagkumpulan ang mga ulap. Anumang sandali ay tila babagsak ang malakas na ulan.

Isang pigura ang nakita niya mula sa 'd i kalayuan sa kanyang kinaroroonan. Kitang-kita niya ang isang lalaki na nakatayo mula sa sanga ng isang matandang puno. Maiigi niyang pinag-aralan ang mukha nito, ang buhok nitong paalon-alon. Ang mga mata nitong kulay pula; ang kilay nitong makapal na lalong nagdagdag sa panghalina; ilong nitong pagkatangos-tangos; labi nitong katamtaman lamang ang nipis--- labi nitong mamula-mula na tila kaysarap halikan?

Dahil sa huling pangungusap biglang natigil si Herriena sa pag-aaral sa kaanyuan ng kaharap. Bagamat nakaramdam ito ng matinding kuryusidad ay mabilis na iniwala ni Herriena sa isip iyon. Aminin niya saglit siyang nahalina sa angkin nitong katangian. Tama nga ang pagkakasalaysay ng Ama ng lahat ng lumikha na sadiyang napakagandang nilalang ang mga lahi ng bampira na dapat ay may lakip na pag-iingat ang gagawin niya.

Isang babala ang bigla'y nangislap sa balintataw ni Herriena.

"Kailanman ay hindi maaring makaramdam ng kung ano man ang isang katulad niya. Mariin na ipinagbabawal iyon sa katulad niyang banal..."

Hanggang sa nagkatagpo ang mga mata nila ng estrangho. Hindi niya maintindihan, ngunit may tila puwersang humihigop sa kanyang kamalayan habang pinagmamasdan niya ang perpektong mukha ng kaharap. Maski ito man ay tila nakakitaan niya ng kislap sa mga mata.

Bigla siyang nagising sa ginagawa ng mapagtanto ni Herriena ang isang bagay. Wala pala siya ni isang saplot sa katawan aninaw na aninaw ang angkin niyang kariktan sa batis kung saan siya nakaloblob.

Bigla-bigla'y nakaramdam si Herriena ng pag-iinit sa kanyang magkabilang pisngi. Sisigawan na sana niya ito, pero mabilis na itong naglaho sa kanyang harapan.

Mabilis niyang ikinampay ang kamay, agad ang pag-angat ng mga kasuotan niya papunta sa kanyang direksyon. Nagdudumali na siyang magbihis at inayos ang sarili pagkatapos.

Pagkaapak palang ng kanyang mga walang sapin na paa sa malamig na marmol ng kanyang silid ay agad na niyang natanaw ang lalaki. Nasa terasa ito, kasalukuyang nakatutok mula sa malayo ang pansin nito.

Marahan na humakbang si Herriena palapit sa binata, akma na siyang magsasalita ng bigla itong napaharap sa kanya kasabay ng pagyukod nito sa kanyang harapan.

"Patawarin mo ako mahal kong Diyosa Herriena kung naging hindi maganda ang una nating pagtatagpo. Asahan mo hindi na mauulit ang nangyari." sensiro at bukal sa loob na sabi ni Vermous sa kanya.

"S-Sige, kung m-maari'y gusto kong mapag-isa..."maiksi lamang niyang sagot kasabay ng kanyang pagtalikod rito.

Dahan-dahan naman siyang sinundan ng tingin ng binatang bampira, mahihinuha sa maamong mukha nito ang lungkot sa mga sandaling iyon.

Agad naman na nagtuloy si Diyosa Herriena sa kanyang higaan, agad siyang napaupo roon. Lakip ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso' y ang kakaibang damdamin na biglang bumalot sa kanya. Hindi niya mawari ngunit napakabanyaga sa kanya ng emosyon na umaalipin sa kanya sa mga sandaling iyon.

Na maski ultimo katawan niya'y nanlalambot.

Agad ang paglipad ng malagintong kulay ng mata ni Herriena sa labas ng kanyang silid, kung saan kitang-kita niya ang berdeng kapaligiran.

Sa hindi niya malamang dahilan ay tila kabuteng bigla na lamang sumulpot sa isip niya ang imahe ni Vermous. Mabilis niyang iniyakap ang mga kamay sa katawan, mariin itong napapikit habang naiiling.

Mula sa 'di kalayuang bundok, naroroon naman si Vermous. Nakatayo ito mula sa ituktok niyon, habang pinagmamasdan nito ang napakagandang si Diyosa Herriena na kasalukuyang nakapikit at abalang inaalisa nito ang sariling damdamin sa mga tagpong iyon.

Labis siyang natuwa ng ipamalita ng Ama ng lumikha na nais siya nitong papuntahin sa sagradong mundo, nais nitong isa siya sa tumulong sa pagpapalaganap ng kaayusan rito.

Maligayang-maligaya siya sapagkat unti-unti ng bumabalik sa dati ang pagtitiwala nito sa kanilang lahi, kaya hindi niya sasayangin ang pagkakataong ipakita rito ang kanyang katapatan at tuluyang pagbabalik-loob rito.

Ngunit ang inaakala niyang mapapadaling paglalagi sa mundo ng Acerria'y biglang naging malabo. Dahil sa kadahilanan na bawal siyang mahumaling sa Diyosa na nangangalaga sa mundong ito.

Ang puso niyang nanlamig at hindi tumitibok ay tila biglang nagkaroon ng sariling ritmo patungkol sa babaeng kasalukuyan niyang tinatanglaw....