Chereads / SOMEONE'S ALWAYS SAYING GOODBYE / Chapter 5 - Chapter 5 BREAK-UP

Chapter 5 - Chapter 5 BREAK-UP

"Mga kasama, narito na ang pagkain natin, ipinaghanda tayo ng mabait kong asawa, tayo na, at gutom na ako!"

"Misis mukhang masarap ang niluto ninyo ah."

"Sige, magsikain na kayo at alam kong gutom na kayo. Mayroon ditong sabaw ng nilagang baboy, kumuha na lang kayo."

"Opo, misis"

"Mr. Chua, ang suwerte naman ninyo sa misis ninyo."

"Aba siyempre naman."

"Sir Oliver, miss Sophia, halina na po kayo, kain na tayo."

"Salamat po Mr. Chua, may usapan po kami ni Oliver na pakakainin niya ako."

"Ganoon ba, eh sige. Sir Oliver ingatan mo iyang maganda mong nobya, ha?"

"Maganda daw," ang bulong ni Oliver.

"Ano kamo?"

"Wala, tayo na"

"Gutom na ako, saan mo ba ako pakakainin?"

"Siyempre sa kilalang restaurant."

At habang naglalakad sina Oliver at Sophia papunta sa kotse ay matamang pinagmamasdan ni Oliver si Sophia. Dama niya ang ginagawang pagmamalasakit nito sa takbo ng kanyang propesyon. Nag-iisip kaagad ng mga paraan kung papaano siya maisasalba sa kahihiyan na aabutin niya kung hindi matatapos sa takdang panahon ang project niya. Ang malasakit ni Sophia ay hindi niya nakita kay Celeste.

"O, eto na tayo, saan kaya tayo puwede mag-park?"

"Ayun Oliver may bakante."

"Marami namang kumakain dito, doon tayo may bakante pa."

May lumapit na waiter at nagbigay ng menu.

"Anong gusto mo, Sophia?"

"Bahala ka na, kahit ano."

"Sophia, salamat ha, bayaan mo kapag natapos na itong project kong ito daragdagan ko ang ibibigay ko sa iyo."

"O, sinabi mo iyan, tatandaan ko yan, ha!ha!ha!"

"Sophia, lalo ka palang maganda kapag nakangiti ka, ngayon ko lang napansin, kasi lagi kang nakasimangot kapag magkausap tayo eh."

"Papaano akong hindi sisimangot eh ikaw ang kausap ko, laging mainit ang ulo," ang tugon ni Sophia na nakatawa.

"Totoo ang sinasabi ko, seryoso ako!" ang medyo napalakas na boses ni Oliver.

"Kita mo na, nanglilisik na naman ang mata mo, ngumiti ka naman."

"O,ayan puwede na ba ang ngiti ko?"

"Ha! Ha! Ha!"

"Bakit ka natawa diyan?"

"Eh, kasi ngiting aso ang alam mo."

"Ewan ko sa iyo... o, ayan ng order natin."

"Hayyy! Nai-blow-out din ako sa wakas."

"Pasalamat ka nga nasa mood ako."

"Ganoon ha, kung wala ka sa mood eh hindi mo ako pakakainin... wow, ito ang gusto ko."

"Alam mo Sophia, may pangako sa akin si Mr. Javier na sagot niya ang isang linggong bakasyon ko sa Boracay, at magsama daw ako kung sino ang gusto ko."

"Tamang tama, isama mo si Celeste."

"Hindi siya puwede, hindi pa tapos ang pelikula niya at isa pa ikaw ang gusto kong isama, hindi siya."

"Nababaliw ka siguro, hindi mo naman ako girlfriend ah."

Natigilan si Oliver sa sinabi ni Sophia, tama siya, wala silang relasyon, dahil peke lang ang samahan nilang dalawa. Pero bakit si Sophia ang gusto niyang kasama at hindi si Celeste. Ito ngayon ang problema ni Oliver, sino ba talaga si Sophia sa puso niya? sa damdamin niya? Sa pakiramdam ni Oliver ngayon ay malaki ang lulutasin ng puso niya, si Sophia o si Celeste.

"Hindi nga, pero ikaw ang gusto ko!"

"Pag-iisipan ko pa, sandali lang naman akong mag-isip eh, pagkakain natin malalaman mo na ang sagot ko."

"O, tapos na tayong kumain, payag ka ba o hindi!"

"Okay, sige payag na ako, tutal naman isang linggo na lang at tapos na ang kasunduan natin at gusto kong isulit ang isang linggo upang maging masaya ako."

Ang maisip lamang ni Sophia na isang linggo na lang at tapos na ang kasunduan nila ni Oliver ay nalulungkot siya dahil masaya na siya na kasama si Oliver.

Maging si Oliver ay gayundin subali't sa pagitan nilang dalawa ay walang nakakaalam na kapwa sila malulungkot dahil sila lang sa sarili nila ang nakakaalam ng lihim ng kanilang damdamin sa isa't isa.

Sa shooting ni Celeste

"Ricky, salamat sa ginagawa mong pagsuporta sa akin."

"Wala iyon, Celeste, masaya ako na natutulungan kita kahit sa maliliit na bagay."

"Kasi magulo lang ang isip ko nitong mga nakaraang araw."

"Bakit naman?"

"Si Oliver, mas pinahahalagahan niya si Sophia kaysa sa akin."

"Eh, bakit ka naman na pumayag na magpanggap sila."

"Hindi pa kasi ako handa na mahayag sa media ang relasyon naming dalawa."

"At dahil doon ay hinayaan mong malapit siya sa iba?"

"Parang nagsisisi nga ako eh."

"Celeste, kung magkakaroon ka ng problema sa inyo ni Oliver ay naririto ako na handang tumulong sa iyo."

Noong una ay laging naiisip ni Ricky ang dating nobya na sumama sa iba kaya hindi siya masyadong makapag-concentrate sa trabaho niya. Subali't ng dumating si Celeste sa buhay niya ay unti unti na niyang nakakalimutan ang nakaraan, kaya lang kung magpapatuloy niyang mahalin si Celeste ay mahihirapan siyang mapaibig ito dahil si Oliver ang nasa puso ni Celeste.

"Ricky, alam ko na may pagtingin ka sa akin at kahit hindi mo sabihin iyon ay halata sa mga kilos mo at pananalita, kaya lang na kay Oliver ang puso ko, sana maunawaan mo ako."

"Kaya kong tanggapin, Celeste, kung ano man ang kapalaran ko. Nabigo na ako at kung mabibigo akong muli ay nakahanda pa rin ako."

"Makinig kayong lahat, malayo ang location natin next week, Baguio tayo, kaya magsipaghanda na kayo, aabutin tayo doon ng isang linggo," ang sabi ng movie director.

"Paano yan, Celeste, malalayo ka kay Oliver."

"Gusto ko nga rin eh, upang matiyak ko rin ang aking sarili. Nasasaktan kasi ako kapag nakikita ko silang magkasamang dalawa sa bahay."

Sa project site ni Oliver

"Mr. Chua, marami pong salamat sa inyo. Humihingi po ako ng pasensya sa mga naging trato ko sa inyo noon. Sana po magkasama tayo uli."

"Walang problema, basta ipangako mo sa akin na mamahalin mo ang nobya mong si miss Sophia at huwag mo siyang bibigyan ng sama ng loob, dahil kapag niloko mo siya ay hindi mo na rin kami makakasama. Alam mo ba na masuwerte ka sa kanya?"

"Huwag po kayong mag-alala."

"Mr. Chua, salamat po,"

"Oliver, kailangan pala na maaga tayo bukas at darating ang may-ari ng bahay na si Mr.Javier."

"Oo, agahan na lang natin."

"Sa wakas, natapos din, alam mo ba Oliver na hindi ako mapalagay hangga't hindi ito natatapos?"

"Salamat, Sophia, kung hindi sa iyo siguradong bigo ako at magpapalit na ako ng aking propesyon."

"Ano naman ang gagawin mong trabaho kung sakali?"

"Siguro magtitinda na lang ako ng fishball."

"Ha! Ha! Ha! Joker ka rin ano?"

"Sophia, malapit na tayong magkahiwalay, kaya gusto ko na sa nalalabing mga araw ay maging masaya ka."

"Sa wakas, mahihiwalay na ako sa iyo. Alam mo? Sa totoo lang mahirap kang pakisamahan, alam mo ba iyon? Pero kahit magkahiwalay tayo, hindi rin kita makakalimutan kasi.... "

"Anong kasi, bakit hindi mo ituloy?"

"Ewan ko? Hindi ko alam?"

"Magkagayon man na malapit ng matapos ang ating pagpapanggap ay parang ayaw pa rin kitang pakawalan, tulad mo hindi ko rin alam."

"Siguro gusto mo na ako, ano?" ang nagtatawang sabi ni Sophia.

Ang pagtawa ni Sophia ay tinugon din ng pagtawa ni Oliver.

"Ha! Ha! Ha! Ano ako sira?"

"O, paano, uwi na tayo at maaga pa tayo bukas."

Pagdating nila Oiliver sa bahay ay naroon na si Celeste

"Matutulog na ako." ang paalam ni Sophia kaya naiwan sina Celeste at Oliver.

Bagama't naiwan ni Sophia sina Celeste at Oliver, ay parang may kirot na naramdaman si Sophia sa puso niya. Hindi niya alam kung nagseselos siya. Alam niya kung may nararamdaman man siya para kay Oliver ay hindi mangyayaring mahalin niya ito at agawin kay Celeste. Hindi siya papayag na maulit na mapagsabihan siyang mang-aagaw, tulad ng nagyari sa kanila ng kanyang kinakapatid na si Vilma, na nag-iwan ng sugat sa puso niya ng basta na lang niya kinuha ang manika nito at pinaglaruan.

Naisip din ni Sophia si Michael, inagaw ito sa kanya ni Adalyn at siya'y labis na nasaktan. Naiyak na lang si Sophia hanggang sa siya'y makatulog dahil sa pagod.

"Oliver, aalis na ako."

"Sige, teka, sa likod ka magdaan at baka may nagaabang na reporter sa labas."

Nang makaalis na si Celeste ay pinuntahan ni Oliver ang kuwarto ni Sophia, kakatukin sana niya pero hindi na niya itinuloy.

Kinabukasan, hindi na nagisnan ni Oliver si Sophia. Maaga itong pumasok. Nabasa na lang ang note ni Sophia... "Kumain ka na diyan, ipinagluto kita ng paborito mong pagkain. Hindi na rin ako sasama sa site, may gagawin ako sa restaurant, smile!"

"Ano itong nangyayari sa akin? Bakit si Sophia ang gusto kong nakikita sa umaga pag-gising ko? Ayokong umibig sa kanya, hindi puwede, papaano si Celeste?" ang nasabi na lang ni Oliver sa kanyang sarili.

Kaya si Liam na lang ang kasama ni Oliver sa site. Tamang tama naman ilang sandali pa at dumating na rin si Mr. Javier.

"Kumusta, Oliver, okay na ba ang lahat."

"Okay na po, samahan po namin kayong ikutin ang buong bahay."

"Sige nga aber, tayo na."

Nang maikot na ni Mr. Javier ang kabuuan ng bahay ay napabuntong hininga ito at habang hindi pa nagsasalita si Mr. Javier ay hindi mapalagay ang dalawa kung ano ang puna nito.

"Perfect! okay na okay na ito sa akin. Salamat, Oliver, hindi mo ako binigo, matutuwa ang misis ko nito dahil ito ang regalo ko sa kanyang kaarawan."

"Salamat po Mr. Javier."

"Maalala ko nga pala, naka-book ka na sa Boracay ng isang linggo, sagot ko lahat."

"Salamat po."

"Boss, alam mo, kinakabahan ako kanina kasi habang nililibot niya ang buong bahay ay hindi siya nagsasalita"

"Oo nga eh, hindi siya katulad ng iba nating kliyente."

Tinawagan kaagad ni Oliver si Sophia at ibinalita ang resulta ng ginawa nilang pagpapakahirap.

"Hello! Sophia, okay na, natutuwa si Mr. Javier at bukas pupunta na tayo sa Boracay, isang linggo tayo doon kaya magpaalam ka na diyan sa office ninyo."

"Ano kaya na si Celeste na lang isama mo."

"Ano? Gusto mo bang magalit ako? Alam mo naman na busy 'yong tao sa shooting niya!" ang medyo mataas na boses ni Oliver.

"Oo na, huwag kang sumigaw!"

Kinabukasan ay natuloy ding umalis ang dalawa papuntang Boracay, at pagdating nila doon ay agad silang sinalubong.

"Sir Oliver, may bilin po sa amin na special guest daw po kayo dito kaya lahat ng gusto ninyo ay sabihin ninyo bukod sa mga gagawin naming pagsisilbi sa inyo."

"Masarap pala dito, Oliver, mabuti pinilit mo ako."

"Hindi ba sinabi ko sa iyo na gusto ko maging maligaya ka sa mga huling araw na magkasama tayo."

"Salamat ha."

"Tena at makapaglakad lakad tayo."

"Iyon ang gusto kong sabihin sa iyo, gusto kong sulitin ang pagsama ko sa iyo dito."

"Doon tayo sa banda roon."

"Ang sarap ng hangin, maupo tayo dito, pagmasdan muna natin ang paligid."

Habang pinanonood nila ang kagandahan ng paligid ay tinamaan ang ulo ni Sophia ng bola galing sa mga naglalarong mga bata.

"Aray"

"Sorry po ate hindi namin sinasadya."

"Okay lang"

"Ate, kuya, sali po kayo sa laro namin."

Nagkatinginan ang dalawa at nagkaisa ang isip nila.

"Teka, ano ba ang laro ninyo?"

"Touching ball, ate. babatuhin ng taya ang sinumang tumatakbo at kapag tinamaan niya ay siya naman ang taya."

"Mukhang madali lang ah, sige sali na kayo."

"Ikaw ate ang unang taya."

"Ako? Ang daya ninyo ah ha! ha! ha!"

"Takbo na tayo, ate bilisan mo ang pagtakbo, hindi ka makatama hi! hi! hi!"

Si Oliver ang hinabol ni Sophia at tinamaan kaya si Oliver naman ang taya. Kaya lang sa pagtakbo ni Oliver ay natisod at nadapa kaya nagtawanan ang lahat sa saya.

"Kayo ha, pinagtawanan ninyo ako takbo na kayo"

"Ha! Ha! Ha! Ano ba Oliver wala kang tamaan ah."

"Eh, paano ang bilis nilang tumakbo."

"Mga bata, pagod na si kuya ninyo kayo na lang ang maglaro."

"Sige ate, kuya, salamat po sa inyo," ang sabi ng mga bata habang tumakbo na ng palayo.

"Nakakatuwa naman."

At dahil sa pagod ay napahiga ang dalawa sa buhanginan.

"O, Oliver, bakit para kang nag-iisip ng malalim?"

"Naisip ko lang na hindi ko naranasan ang maging masaya noong bata ako."

"Huwag mo ng isipin iyon, ang mahalaga ay naging masaya tayo sa pakikipaglaro sa mga bata, hindi ba?"

"Oo nga, salamat sa iyo ha?"

"Bakit na naman?"

"Kasi dahil sa iyo naranasan ko ang maging masaya."

"Alisin mo na ang galit mo sa iyong ina. Kung hindi mo naranasan ang ganito noong bata ka pa dahil laging wala ang ina mo ay mahal ka rin niya. Alalahanin mo kung ano ang katayuan mo ngayon ay dahil iyon sa ina mo."

"Oo, pero nasaan siya ngayon? Nasa malayo siya at hindi ko alam kung magkikita pa kami o hindi na."

"Malaki ang paniniwala ko na magkikita kayo dahil walang isang ina na makatitiis na hindi niya makita ang anak niya. Isipin mo na lang na may dahilan siguro kaya hindi pa siya makapagpakita sa iyo.."

Isang linggo ring naging masaya ang dalawa at sa panahon na sila'y magkasama ay lalong nabuo ang lihim nilang pag-ibig sa isa't isa, subali't kailangan na silang maghiwalay.

"Olivia, pupunta ako sa malayong lugar upang hanapin ko ang aking ina at maging ang kaligayahang para sa akiin."

"Pinayagan ka ba ni Oliver?"

"Aalis ako ng hindi niya alam, basta mawawala na lang ako. Kapag tinanong ka, sabihin mo wala kang alam kung saan ako nagpunta."

"Oo, pero alam ko naman kung bakit ka lalayo eh, natutuhan mo na siyang mahalin sa maikling panahon ng inyong pagkukunwari. Hindi mo papayagan ang sarili mo na agawin mo si Oliver kay Celeste.

"Oo, Olivia, at kahit sa maikling panahon naming pagsasama ay nakadama ako ng ibayong kaligayahan. At sapat na iyon kahit hindi niya ako bayaran sa naging kasunduan namin. Walang katumbas na halaga ang kaligayahang naranasan ko kahit pakunwari lang ang lahat."

"Naiiyak naman ako Sophia sa iyo. Marami ka ng tiniis na kabiguan sa buhay mo."

"Basta mangako ka sa akin, Olivia, wala kang sasabihin kay Oliver."

"Oo na, wala akong sasabihin sa kanya, basta mag-ingat ka na lang sa pupuntahan mo."

"Gagawin ko iyon, at salamat sa iyo."

Nagbitiw nga sa trabaho si Sophia at umalis ng hindi alam ni Oliver. Hinayaan na rin niya na huwag ng kunin ang tatlong milyon na ibabayad sa kanya nina Oliver at Celeste.

Nabahala sina Oliver at Celeste ng hindi na nila nakita si Sophia at baka kung ano ng masamang nangyari dito. Dapat sana noong natapos na ang kontrata ay nagpakita na si Sophia upang kunin ang ibabayad dito, subali't bigla na lang itong nawala.

Sa tindi ng pag-aalala ni Oliver ay napilitan siyang pumunta sa Gosan Hotel. Hinanap niya si Olivia upang itanong kung nasaan si Sophia.

"Olivia, saan nagpunta si Sophia? Pakiusap sabihin mo sa akin."

Sa nakitang pagnanais na malaman ni Oliver kung saan nagpunta si Sophia ay gustong gusto na sana niyang sabihin, subali't nanaig ang pangako niya kay Sophia na wala siyang sasabihin kay Oliver.

"Sir Oliver, talaga pong hindi ko alam, ang huling nabanggit niya lang po ay hahanapin niya ang kanyang ina at hindi naman po sinabi kung saan, pasensya na po."

"Mayroon pa ba siyang ibang sinabi bukod doon?"

"Ang sabi pa po niya ay gusto raw niyang malimot ang lahat ng kanyang kabiguan at hanapin sa ibang lugar ang kaligayahang para sa kanya. Isa pang sinabi ni Sophia ay tungkol po sa inyo."

Sa huling sinabi ni Olivia, ay kinabahan si Oliver at pursigido siyang malaman iyon.

"Tungkol sa akin? Ano iyon Olivia, please sabihin mo na."

Sasabihin na sana ni Olivia ng may tumawag sa kanya.

"Olivia, tawag ka ni manager."

"Ha? Sandali lang sir Oliver at hanap daw ako ng manager namin."

"Sige Olivia, maghihintay ako."

Habang hinihintay ni Oliver si Olivia ay napadako ang paningin niya sa bar ng hotel at lumitaw sa alaala niya kung papaano sila naginom ng alak ni Sophia. Mga sandali na iyon pala ang magiging simula ng pagbabago ng kanyang puso. Ngayon hinahanap niya si Sophia, gusto niyang makita si Sophia, maligaya siya kapag si Sophia ang kasama niya.

Nasa ganoon siyang pagmumunimuni ng bumalik si Olivia na hindi nito namalayan.

"Sir Oliver"

"Ha? Ah, o Olivia, ano iyong sasabihin mo na sinabi ni Sophia tungkol sa akin?"

"Nagulat nga po ako ng ipagtapat niya iyon sa akin dahil hindi ko inaasahan na malaman ang tunay niyang damdamin."

"Olivia, sabihin mo na, huwag mo ng ibitin, puwede?"

Muling may tumawag kay Olivia.

"Olivia, iyong order daw ng table 49, bakit daw ang tagal?"

"Naku, oo nga pala nalimutan ko tuloy, puwede ba ikaw na muna ang mag-asikaso at may kausap lang ako?"

"Okay"

"Sabi ni Sophia wala daw katumbas na halaga ang kaligayahang nadama niya habang magkasama kayo sa panahon ng inyong pakunwaring relasyon, kaya hindi siya interesado sa ibabayad mo sa kanya. Sapat na raw ang madama niya sa puso niya na mahal ka daw niya, kaya siya lumayo ay baka maging hadlang pa siya sa inyong dalawa ni Celeste, ayaw daw niyang mapagbintangang mangaagaw ng isang bagay na hindi naman sa kanya"

Nang marinig ito ni Oliver ay nalungkot siya dahil nakaalis si Sophia na hindi nito alam na siya man ay may pagtingin dito.

Nakauwi si Oliver sa bahay na parang wala sa sarili. Hindi rin niya napansin si Celeste na kanina pa pala naghihintay sa kanya.

"Oliver!"

"Celeste, ikaw pala, kanina ka pa diyan?"

"Oo, parang wala ka sa sarili at nilagpasan mo ako."

"Ganoon ba?"

"Pasensya ka na."

"Oliver, tapos na ang pelikulang ginawa namin at nagpaalam na ako na hihinto na ako sa paggawa ng pelikula, kaya hindi na ako mahihiyang malaman ng lahat na ikaw ang totoo kong katipan at pakakasalan."

Hindi kumibo si Oliver, parang hindi siya masaya sa sinabi ni Celeste dahil ang nasa isip niya ay si Sophia. Kaya upang huwag ng umasa pa si Celeste na sila pa ring dalawa ay minabuti ni Oliver na tapatin na niya ito.

"Celeste, may sasabihin ako sa iyo at hinihingi ko ang iyong pangunawa."

Sa narinig na iyon ni Celeste ay parang alam na niya ang sasabihin ni Oliver at sandaling huminto ang pag-ikot ng mundo sa kanya.

"Celeste, hindi ko namamalayan na unti unti ka ng nawawala sa puso ko, sinubukan ko na higpitan kang nakakabit dito sa puso ko pero kahit anong gawin kong higpit kusa siyang lumuluwag hanggang hindi ko na kayang pigilin pa, pasensya na, wala na akong pag-ibig na nararamdaman sa iyo, inagaw na ito ni Sophia sa iyo."

"Hindi Oliver, mahal kita, nagkasundo tayo na tatalikuran ko na ang showbiz at ikaw na lang ang paguukulan ko ng attention," ang umiiyak na sabi ni Celeste.

"Huli na ang lahat, binago na ng panahon ang damdamin ko. Wala na akong magagawa pa upang ibalik ang nawalang pagmamahal, pasensya na talaga."

Walang nagawa si Celeste kundi tumakbong palabas ng bahay, hindi alintana ang mga nasa paligid ng tumawid siya ng kalsada at nasagi ng parating na kotse.

Hinabol siya ni Oliver at kitang kitang niya ang nangyari kay Celeste at wala itong inaksayang panahon kaya nadala kaagad si Celeste sa ospital.

"Dok, kumusta na po siya?"

"Wala kang dapat na ipangamba, nagkaroon lang siya ng kaunting pasa at galos sa kanyang paa. Hindi muna siya makakalakad ng maayos ng isang linggo."

"Salamat po doktor."

"Celeste, kumusta na ang pakiramdam mo?"

"Sana hinayaan mo na lang ako."

"Hindi kita matitiis na makita sa ganoong sitwasyon, Celeste, dahil kahit papaano ay nagmahalan din tayo, kaya lang talagang mahirap diktahan ang puso."

Nang malaman ni Ricky ang nangyari kay Celeste ay agad na sumugod ito sa ospital.

"Celeste, kumusta ka na? Ano ang masakit sa iyo?"

"Okay na ako Ricky, salamat sa pag-aalala mo."

"Salamat naman at walang malubhang nangyari sa iyo. Alam mo ba na labis akong nag-alala sa iyo?"

Sa sinabi ni Ricky na labis itong nag-alala ay tumanim ito sa puso ni Celeste subali't matimbang pa rin si Oliver.

Dahil dumating na si Ricky at may titingin na kay Celeste ay nagpaalam na si Oliver.

"Celeste, pagaling ka, Ricky, ikaw na ang bahala sa kanya, huwag mo siyang pababayaan, ingatan mo si Celeste."

"Asahan mo Oliver, maghihintay ako na mahalin ako ni Celeste, kahit gaano pa katagal."

"Salamat Ricky, tuparin mo ang pangako mo, aalis na ako."

Nang umalis si Oliver ay alam ni Celeste na dinala nito ang masasayang sandali nilang dalawa at ang naiwan sa kanya ay lungkot ng kanilang paghihiwalay.

At nasabi na lang ni Celeste sa sarili..."Paalam mahal ko, sana lumigaya kayo ni Sophia."