"Ricky, samahan mo ako kay Oliver, gusto ko siyang dalawin."
"Oo, Celeste, pagdating natin sa Maynila ay dalawin natin siya."
Dumating ang araw ng linggo, naghahanda na ang buong set na pauwi na ng Maynila ng pasukin ni Albert si Celeste sa kanyang kuwarto at pinagtangkaang halayin ito. Nagsisigaw si Celeste na narinig ni Ricky kaya kaagad sumaklolo, nagsuntukan sila subalit't may patalim si Albert kaya nasaksak niya si Ricky. Agad na tumakas si Albert bago nagdatingan ang iba nilang mga kasamahan, kaya nadala kaagad sa ospital si Ricky.
"Ricky!.... Ricky!....," ang umiiyak na sabi ni Celeste habang itinatakbo si Rickiy sa ospital.
Dahil sa matinding tama ni Ricky ay kinakailangang manatili ito sa Ospital. Naging komatos si Ricky kaya naiwan silang dalawa sa Baguio. Binantayan ni Celeste si Ricky, awang awa siya kay Ricky. At habang pinagmamasdan niya ito sa kanyang pagkakahiga ay ngayon niya nadama sa puso niya na mahalaga si Ricky sa buhay niya. Ang magagawa na lang ni Celeste para kay Ricky ay isama ito sa kanyang mga panalangin.
Isang linggo ang lumipas, nakita ni Celeste na iginalaw ni Ricky ang isang daliri nito.
"Doktor!.... Doktor!, naigalaw na ng pasyente ang daliri niya."
"Magandang senyales ito, bumubuti ang lagay niya."
"Dok,magigising na ba siya?"
"Oo, hintayin na lang natin na magising siya."
Habang nakabantay si Celeste kay Ricky ay kinausap niya ito.
"Ricky, gumising ka na, ayaw kong mawala ka sa akin, please. Ngayon ko nadama na mahal kita."
Dalawang araw pa ang lumipas at iminulat na ni Ricky ang kanyang mga mata, kaya napaiyak si Celeste.
"Ricky, salamat magaling ka na!"
Tinitigan lang ni Ricky si Celeste at muling nakatulog dahil sa gamot na itinurok dito.
"Ricky, hihintayin ko na tuluyan kang gumaling, hindi ako aalis sa tabi mo, babantayan kita, mahal kita Ricky."
Pagkaraan ng isang linggo ay tuluyan ng gumaling si Ricky, bagama't nanghihina pa siya.
"Celeste, salamat at hindi mo ako iniwan."
"Hindi ko magagawa iyon ngayon pa na natutuhan na kitang mahalin."
"Salamat, Celeste, mula ngayon poprotektahan kita."
"Sabi ng doktor sa makalawa puwede na tayong bumalik ng Maynila, may ambulansya na magdadala sa atin."
"Mabuti naman."
"Kinontak ko na ang talent manager mo at siya na raw ang bahala sa gastos."
"Celeste, hindi ka ba nasaktan?"
"Ano ka ba, ikaw nga ang muntik ng mamatay eh. Pero, salamat ha? Kung hindi sa iyo ay napagsamantalahan na ako ng Albert na iyon."
"Gagawin ko ang lahat basta maipagtanggol lang kita."
"Alam mo Ricky, tinawagan ko si Oliver, ibinalita ko ang nangyari sa iyo at nalungkot siya para sa iyo. Kinumusta ka nga niya eh. Nalaman ko rin na dumating na ang Mama niya kaya lang may sakit na kanser. Binabantayan niya ang Mama niya kaya hindi siya nakapapasok sa upisina."
"Ganoon ba? Kaawawa naman si Oliver, matagal din niyang hindi nakita ang kanyang Mama at pagkatapos ng magkita sila ay may sakit pa ito. Dalawin na lang natin si Oliver at ang Mama niya."
"Sige"
Muling dinala ni Oliver ang ina nito sa ospital para sa regular check-up.
"Dok, kumusta po ang lagay ng ina ko?"
"Huwag kang mabibigla, palala na ng palala ang kalagayan niya at anytime ay maaari na siyang bumigay."
Nalungkot si Oliver para sa Mama niya, subali't ano pa ang kanyang magagawa kung hindi ang maging matatag siya sa mangyayari.
Muli naisip niya si Sophia. Kung hindi umalis ito ay may kahati sana si Oliver sa kalungkutan na kanyang nadarama.
"Kumusta na kaya si Sophia? Naaalala din kaya niya ako? Sophia gusto ko narito ka sa tabi ko,' ang himutok ni Oliver.
Pagkaraan ng isang buwan ay binawian na ng buhay ang ina ni Oliver.
"Oliver, nakikiramay kami ni Ricky."
"Salamat, Celeste, Ricky, kumusta na kayong dalawa?"
"Okay na ngayon mula sa mga trahedya sa buhay namin. Ibalita na rin namin sa iyo Oliver na magpapakasal na kami ni Ricky sa susunod na taon. Tutal naman tapos na ang ginawa naming pelikula. Hihinto na ako sa pag-aartista, si Ricky na lang ang magpapatuloy."
"Ganoon ba? Hangad ko ang inyong kaligayahang dalawa."
"Kumusta na nga pala kayo ni Sophia? Hindi yata namin siya nakikita."
"Umalis si Sophia, hahanapin daw niya ang kanyang ina, hindi pa bumabalik."
"Oliver, mahal mo ba si Sophia?"
"Oo, Celeste, hindi ko inaasahan na ang pagkukuwari naming mag-karelasyon ay iibigin ko siya. Hindi ko alam ang dahilan niya kung bakit umalis siya ng hindi ko alam."
"Huwag kang mag-alala Oliver, natitiyak ako na babalik siya sa iyo."
"Salamat, Celeste, alam mo nalulungkot din ako sa naging relasyon natin subali't masaya pa rin ako dahil natagpuan mo ang tunay mong pag-ibig kay Ricky."
"Oo, malungkot na masaya at ang namagitan sa atin ay isa na lang alaala ng matamis nating pag-mamahalan."
"Hmm! Nagseselos na yata ako niyan ah?" ang birong sabi ni Ricky.
Sa kinaroroonan ni Sophia
Malungkot na malungkot si Sophia sa pangyayaring nagkalapit na sila ng hinahanap niyang ina ay hindi man lamang niya nalamang si aling Lukre pala ang tunay niyang magulang.
Pinalipas muna ni Sophia ang isang buwan at binalak na niyang bumalik na sa Maynila. Tumira siya sa ibang lugar, malayo sa dating tinuluyan nito. Muli siyang naghanap ng trabaho at sinuwerte namang mapasok sa isang malaking hotel restaurant bilang assistant team leader.
"Sophia"
"Ikaw pala, Dexter."
Si Dexter ang personnel manager ng hotel, guwapo, mataas mga 6th feet ang taas, matikas kung magdamit at may sense of humor. Ito ang ilan sa kanyang mga katangian na gusto ng mga babae.
"Kumusta na ang trabaho mo?"
"Ayos lang at madali naman sa akin ang trabahong ito kasi dati ko ng gawain ito."
"Mabuti kung ganoon, eh, Sophia, puwede ba tayong mag-dinner mamaya?"
"Puwede tutal wala naman akong gagawin pagkatapos ko."
Marami ang nag-apply sa position na inaplayan ni Sophia subali't siya ang nakahihigit dahil sa karanasan nito, kaya humanga dito si Dexter bukod sa kagandahan ni Sophia.
Sa Roxas Blvd nag-dinner ang dalawa. Tamang tama naman ang puwesto ni sa 3rd floor ng restaurant dahil sa kitang kitang ang magagandang tanawin lalo na't nakaharap sa tabing dagat. Ibinabalik ng magagandang tanawin ang mga alaala ng nakaraan kay Sophia.
"Sophia, may itatanong ako sa iyo at sana ay hindi mo ikagagalit."
"Bakit naman ako magagalit?"
"Kasi medyo personal."
"Okay lang, ano iyon?"
"Umibig ka na ba?"
Sa tanong ni Dexter ay lumungkot ang mukha ni Sophia.
"Sorry, Sophia, huwag mo ng sagutin, nasaktan ko yata ang damdamin mo."
"Hindi Dexter, okay lang, gusto ko rin naman na malaman mo. Nagkaroon ako ng kasintahan, si Michael. Nagbalak kaming magpakasal sa LA, subali't iniwan niya ako sa hindi ko malamang kadahilanan. Pero dahil sa iba't ibang pangyayari ay nalimot ko ang pag-ibig ko sa kanya, hanggang dumating ang isang pangyayaring makipag-relasyon ako dahil sa kontrata na babayaran ako, ang pagiging relasyon namin ay pakunwari lamang dahil sa may tunay na mahal ang lalaki na isang artista. Ayaw kasi ng mga fans na may karelasyon ang isang artista kaya nabuo ang aming kontrata. Subali't ng matatapos na ang aming kontrata ay naramdaman ko na mahal ko na siya at upang hindi ako maging hadlang sa kaligayahan nilang dalawa ay lumayo ako ng hindi nila alam kung saan ako nagpunta. At aaminin ko na hangga ngayon ay namamalagi pa siya sa puso ko at siguro kung hindi man kami sa bandang huli ay wala na akong mamahalin pang iba."
"Ang lungkot naman ng naging karanasan ng iyong pag-ibig."
"Oo, malungkot nga dahil hangga ngayon nagdurusa pa ako sa pagkawala ng tunay ko palang pag-ibig sa katauhan ni Oliver."
"So, Oliver pala ang pangalan niya. Meron ka bang balita sa kanya ngayon?"
"Wala, pero siguro natuloy na ang kanilang kasal at maligaya na sila ngayon."
"Sophia, ihahatid na kita."
"Huwag na Dexter at salamat sa pag-imbita mo sa akin, nag-enjoy ako."
"Sige,ikaw ang bahala. ingat ka na lang at sana maulit uli ito."
Naging madalas ang paglabas nila Sophia at Dexter, subali't kahit nagpahayag si Dexter ng pag-ibig sa kanya ay hindi niya ito masuklian ng kapwa pag-ibig din, dahil sa hindi pa nawawala sa puso niya si Oliver.
"Sophia, kahit hindi ako makapasok sa puso mo ay maghihintay pa rin ako."
"Pasensya na Dexter, mahirap kasing turuan ang puso. Basta mamalagi na lang tayong magkaibigan."
"Sige, igagalang ko ang iyong kapasyahan."
Sa isipan ni Sophia ay hindi mahirap mahalin si Dexter dahil nasa kanya ang mga katangiang gusto ng mga babae, subali't si Oliver pa rin ang nasa puso niya at panahon na lang ang makapagsasabi kung hanggang kailan mamamalagi sa puso niya ito... siguro hanggang kamatayan na.
Si Oliver naman sa pagnanasa na gustong makita si Sophja ay ginagawa ang lahat ng paraan na mahanap si Sophia.
"Olivia, maawa ka sa akin, mahal na mahal ko si Sophia, saan siya talaga nagpunta? Baka alam mo, hahanapin ko siya."
"Magagalit kasi sa akin si Sophia kapag sinabi ko sa iyo, pero sige na dahil naaawa na ako sa iyo ay sasabihin ko na."
Nang malaman ni Oliver ang pinuntahan ni Sophia ay hindi ito nagaksaya ng panahon, kaagad pinuntahan ang probinsya na sinabi ni Olivia.
Narating naman ni Oliver ang probinsya na pinuntahan ni Sophia at nagtanong siya sa bawa't makasalubong niya.
"Sa laki ng probinsiyang ito, saan ko kaya siya makikita?"
Inabot din si Oliver ng dalawang linggo sa paghahanap at ang isa sa puwede niyang pagtanungan ay mga restaurant sa dakong pinuntahan niya sa pagbabakasakali na nagtrabaho doon si Sophia.
Ang huli niyang napuntahan ay ang restaurant na kung saan nagtrabaho si Sophia.
'Ano ba George? Mula ng umalis si Sophia dito ay lagi ka na lang wala sa sarili mo? Siguro talagang in-love ka sa kanya ano?" ang sabi ni Vadeth.
"Tigilan mo nga ako Vadeth, palibhasa wala pang lumiligaw sa iyo," ang tugon ni George.
Nang marinig ni Oliver ang pag-uusap ng dalawa ay kaagad nagtanong kay Vadeth.
"Miss, Vadeth ang pangalan mo?"
"Ha? Bakit mo ako kilala?"
"Nadinig ko kasi tinawag ka ng kausap mo kanina na Vadeth."
"Ah, eh, anong maipaglilingkod ko? Oorder ka ba ng pagkain?"
"Hindi Vadeth, itatanong ko lang kung nandito si Sophia? Dito siya nagtatrabaho, hindi ba?"
"Ako si Oliver, ang katipan niya, hinahanap ko kasi siya."
"Ganoon ba? Kasi mula ng mamatay ang nanay niya ay bumalik na siya ng Maynila."
"Ha?"
"Oo, at sa huling pagkakaalam ko na sinabi niya ay babalik na siya dahil naiwan daw niya ang puso niya sa Maynila, na hindi ko naman naintindihan, siguro nagbibiro lang siya."
"Ganoon ba? Sige maraming salamat, Vadeth."
Bumalik kaagad si Oliver ng Maynila at ang una niyang pinuntahan ay si Olivia.
"Olivia, matagal na raw bumalik si Sophia ng Maynila. Hindi ba nagpakita sa iyo?"
"Ano? Bumalik na ng Maynila?"
"Iyon ang nakuha kong information doon."
"Talagang ang bruhang iyan, bumalik na pala ay hindi man lang ako tinawagan o nagtext man lamang sa akin," ang sinabi ni Olivia na masama ang loob.
Ngayong alam na ni Oliver na bumalik na si Sophia ay hindi siya titigil hangga't hindi niya ito nakikita.
Ginawa na ni Oliver ang isang buwang paghahanap, subali't bigo pa rin siya.
"Sophia, magpakita ka na sa akin, hirap na ako, pagod na ako," ang nasabi na lang ni Oliver sa sarili.
Sa bahay ampunan naman na kung saan lumaki si Sophia, ay bumalik si William, ang kababata ni Sophia, at hinahanap siya. Nangako kasi sila sa isa't isa na walang iwanan kaya lang nagkahiwalay din sila ng may umampon sa bawa't isa sa kanila.
"Kumusta na po kayo dito, ako si William ang batang inampon ng mag-asawang nanirahan sa states."
"Aba, ang laki na ipinagbago mo at guwapong lalaki ka na ngayon."
"Mga bata, siya si kuya William ninyo. Dito rin siya lumaki noon tulad ninyo. Tuluran ninyo siya, mabait na bata siya dito noon."
"Opo" ang sabay sabay na sabi ng mga bata.
"Kuya William, sumama ka po sa amin, maglalaro po kami," ang natutuwang sabi ng mga bata."
"Mga bata pagod pa ang kuya William ninyo, kayo na lang ang maglaro at mamaya may ibibigay ako sa inyong pasalubong."
"Yeheyy!"ang sigawan ng mga bata.
At nilibot ni William ang bahay ampunan, hanggang mapadako siya sa classroom nila ni Sophia at natatandaan niya na nakasulat pa roon ang pangalan nilang dalawa.
Hinanap niya ang upuang iyon at nakita naman niya.
"Ah, heto at hindi pa nabubura, 'William Sophia' na nasa loob ng korteng puso."
Lumabas siya ng kuwarto at pinuntahan ang mga lugar na pinaglalaruan nila si Sophia.
"Dito kami madalas maglaro ni Sophia," ang sabi ni William.
At muli bumalik ang mga alaala nila ni Sophia.
"Ang daya mo naman, William, naabutan na kita dapat ikaw naman ang taya."
"Ayoko na, kasi pagod na ako."
"Sige na nga, pahinga na tayo."
"Sophia, ano ang gusto mo paglaki mo?"
"Ang gusto maging isang teacher para tuturuan ko ang mga batang mahihirap."
"Ako naman, ang gusto ko paglaki ko ay maging negosyante, tulad ni mang Nicanor, iyong nagdadala ng mga bigas at gulay dito sa bahay ampunan."
"William huwag tayong maghihiwalay ha?"
"Oo naman, o sige magsumpaan tayo."
At pinag'cross' nila ang kanilang little fingerns para tuparin ang pangako nila sa isa't isa, subali't hindi iyon natupad, kaya bumalik si William upang hanapin si Sophia.
Nasa ganoong pag-iisip si William ng tumunog ang cell-phone niya.
"Hello! William, hanggang kailan ka ba diyan. Sabi ni Papa ay kailangang makabalik ka kaagad dito dahil marami kang gagawin sa opisina."
"Medyo magtatagal ako dito. Ikaw na muna ang bahala diyan. Ikaw na rin ang magasikaso ng mga parating na produkto at pagdating ko na lang diyan aayusin ang mga papeles."
"Okay, ako na ang bahala, pero huwag kang magtatagal diyan kasi alam mo na mahina na si Papa at ikaw lang ang inaasahan niya."
"Alam ko iyon, Basta sisikapin ko na makabalik kaagad. Hahanapin ko lang ang babaing pinangakuan kong babalikan."
"Ganoon ba? Eh, papaano kung hindi na siya malaya, may asawa na kaya o may katipan na?"
"Eh, di aagawin ko," ang pabirong sabi ni William.
"Sira ka talaga, sige bye bye na!"
Nagiisip ngayon si William, papaano na kaya kung may asawa na nga si Sophia o kaya ay may katipan na, anong gagawin niya?
Si William ang naka'check-in' sa Gosan Hotel, ang dating pinagtatrabahuhan ni Sophia.
Patuloy si Oliver sa paghahanap kay Sophia. Marami na rin siyang napagtanungang mga restaurant na posibleng pinagtrabahuhan ni Sophia, subali't bigo pa rin siya. Desidido si Oliver na hindi siya susuko sa paghahanp dahil mahal niya ito. Dinala si Oliver ng kanyang mga paa sa Roxas Blvd. na pinapasyalan nila. May hinabol si Oliver na naglalakad na kamukha ni Sophia.
"Sophia, matagal na kitang hinaha... "
"Ano po iyon?"
"Sorry miss, napagkamalan lang kita."
Dahil sa pagod ay naupo na lang si Oliver sa gilid at pinagmasdan na lang ang lawak ng dagat.
Kung nagpatuloy lang si Oliver sa paglalakad ay nakita sana niya si Sophia na nakaupo din at tulad niya ay pinagmamasdan din ang lawak ng dagat. Ginugunita ang mga lungkot ng buhay na kanyang dinanas. Naiisip din niya si Oliver na kahit papaano ay nagkaroon ng kulay ang daigdig niya kahit sandaling panahon. Iniibig niya si Oliver at panahon na lang ang makapagsasabi ng kapalaran nilang dalawa.
Nasa ganoon siyang pagmumunimuni ng may tumawag sa kanya.
"Sophia!"
"Ikaw pala Dexter. bakit ka nandito?"
"Nagbabakasakali ako na baka nandito ka, at tama ang hinala ko nakita kita dito."
"Ah, oo nga pala, nabanggit ko nga pala sa iyo na dito ako nagpapalipas ng oras upang gunitain ang mga nakaraan sa buhay ko. Teka, bakit mo naman naisipang pumunta dito?"
"Hinahanap ka kasi ng aking mga mata," nakatawang sabi ni Dexter.
"Ikaw talaga, sabagay mabuti nga para may kausap naman ako. Kanina ko pa kausap ang sarili ko eh," ang nakatawang sabi ni Sophia.
"Sandali lang at bibili ako ng makukukot natin, masarap magkuwentuhan kapag may kinakain."
Nakauwi na si Oliver sa kanila at gayundin si Sophia na hindi itinulot ng pagkakataon na magkita sila.
Kinabukas sa pinapasukan ni Sophia
"Hi! Sophia," ang bati ni Dexter.
"Hi!"
"Alam mo? Napansin kita kagabi na kahit magkausap tayo ay bakas sa iyo na malungkot ka."
"Oo, Dexter, iniisip ko pa rin si Oliver ang lalaking nasa puso ko."
"Ako kaya Sophia, kailan mo ako papapasukin sa puso mo?" ang medyo seryosong tanong ni Dexter.
Hindi na nasagot ang tanong ni Sophia ang tanong ni Dexter dahil sa order ng customer.
"Sophia, please pakisuyo naman oh, pakidala sa table 64, pupunta lang ako sa CR."
"Okay"
Nabigla si Sophia ng makita niya sina Ricky at Celeste sa table 64, ang nag-order ng pagkain.
"Celeste, Ricky, kumusta na kayo?"
"Ikaw ang tatanungin namin, kumusta na kayo ni Oliver?"
"Kami ni Oliver?"
"Oo, bakit para kang nabigla diyan?"
"Kasi matagal na kaming hindi nagkikita ni Oliver. Umalis ako at nagpunta ng probinsya ng hindi na ako nagpaalam sa kanya."
"Bakit nag-away ba kayo?"
"Ha? Hindi, mayroon lang akong inasikaso ng biglaan at ng bumalik na ako dito sa Maynila ay hindi na ako nagpakita sa kanya."
"Ganoon ba? By the way, dalo ka sa kasal namin ni Ricky sa isang buwan. Padadalhan kita ng invitation at siguraduhin mong dadalo ka."
"Kayong dalawa?"
"Oo, tinapat ako ni Oliver na wala na siyang feelings sa akin, hindi na niya ako mahal. Buti naman at sa kabila ng lahat ay minahal ako ni Ricky."
Ganoon lang ang naging usapan nila at ng nakauwi na si Sophia ay hindi niya alam ang gagawin sa sarili sa nalaman niyang hindi pala nagkatuluyan sina Oliver at Celeste. Agad niyang tinawagan si Olivia at nakibalita ito tungkol kay Oliver.
"Hello! Olivia, kumusta ka na?"
"Hello! Si Sophia ba ito?"
"Oo, bakit parang hindi mo ako kilala?"
"Bruha ka, masama ang loob ko sa iyo, nakabalik ka na pala dito sa Maynila ay hindi mo man lang ako naalalang tawagan. Kay Oliver ko pa nalaman na nakabalik ka na, kaya ng malaman ko sumama ang loob ko sa iyo."
"Kay Oliver? Papaano niya nalaman?"
"Hinanap ka niya sa pinuntahan mo at nalaman niya sa restaurant na pinagtrabahuhan mo na umuwi ka na dito."
"Pasensya na Olivia, magulo pa kasi ang isip ko. Natagpuan ko doon ang nanay ko."
"Natagpuan mo?"
"Oo, nagkatagpo kami sa hindi magandang sitwasyon, namamalimos siya sa lugar ng simbahan at naawa ako sa kanya kaya pinatira ko siya sa tinutuluyan ko. Hindi ko alam na siya pala ang ina ko kaya pala magaan ang loob ko sa kanya. Nagkaroon siya ng malubhang sakit at namatay. Nag-iwan siya ng sulat na ako ang anak niya dahil sa itim na balat sa braso ko. Hindi niya ipinagtapat sa akin dahil nag-aalala siya na sumbatan ko siya. Kaya masama ang loob ko kasi nakilala niya ako subali't hindi ko nalamang siya pala ang hinahanap kong ina ko. Nakakalungkot, hindi ba?"
"Ang laki pala ng pinagdaanan mong problema, pasensya ka na hindi man lang kita nadamayan, nakikiramay ako Sophia sa pagpanaw ng nanay mo."
"Salamat, Olivia. Puwede ba akong matulog sa inyo ngayon? Marami kasi akong itatanong sa iyo."
"Sige, Sophia, sabik akong makita kita, hihintayin kita sa bahay at marami tayong pag-uusapan."
Nakahanda ng umuwi si Sophia ng lapitan siya ni Dexter.
"Sophia, puwede ba kitang ihatid sa tinutuluyan mo?"
"Naku, Dexter, hindi ako uuwi sa bahay, may pupuntahan ako, sa kaibigan kong si Olivia."
"Ganoon ba? Ingat na lang."
"Salamat"
Nang sapitin ni Sophia ang bahay ni Olivia ay naiyak si Olivia at niyakap ang kaibigan.
"Sophia, pasensya ka na hindi kita nadamayan sa problema mo."
"Okay lang Olivia, kahit papaano ay nakaraos din ako."
"Oo, alam ko iyon, mula pa kay Michael ay nagkaroon ka na ng mabigat na problems."
"Oo nga at ayaw ko ng maalala pa iyon."
"Ito na bang anak mo? Ang laki na ah."
"Oo, at sobrang kulit niyan. Anak, magmano ka sa tita Sophia mo."
"Maiba ako Sophia, alam mo ba na nagmakaawa sa akin si Oliver na ibigay sa kanya ang probinsya na pinuntahan mo?"
"Okay lang at nagtataka ako lang ako kung bakit hinanap niya ako."
"Pero ang kutob ko lang, Sophia, ay mahal ka ni Oliver."
"Bakit mo naman nasabi ang bagay na iyan?"
"Alam ko kasi kapag ang isang lalake ay pursigido na hanapin ang isang babae, sa kilos pa lang at sa pananalita ay malalaman mo na."
"Ikaw talaga, malay mo naaawa sa akin at kaya ako hinahanap ay upang ibigay ang tatlong milyon na napagkasunduan namin sa ginawa naming fake relationship."
"Oo nga ano? Hindi ko naisip iyon ah. Ano ngayon ang balak mo? Makikipagkita ka ba sa kanya?"
"Nagdadalawang isip nga ako eh, baka isipin niya na kaya ako nakipagkita ay interesado ako sa ibabayad niya sa akin na tatlong milyon na sa totoo lang ay hindi ako interesado dahil sa kanya ko nadama ang tunay na pag-ibig, kaya lang lihim iyon at ako lang ang nakakaalam sa sarili ko."
"Sabagay nga may katwiran ka doon."
"Hayaan na lang natin siya. Ayoko naman na pag-isipan niya ako ng masama na mukhang pera."
"Hindi bale, tiyak na babalik iyon sa Gosan Hotel at hahanapin ka niya sa akin."
"Maaari nga pero ang maganda siguro ay huwag mo ng sabihin sa kanya na nagkita tayo. Bahala na lang ang kapalaran kung magkita kami."
"Papaano kung pilitin na naman niya ako tulad noon at dahil sa awa ko ay masabi ko sa kanya?"
"Bahala ka na lang Olivia, pero sa totoo lang ay natutuhan ko na siyang mahalin. Laman siya ng puso ko. Siya ang iniisip ko sa araw-araw, sa bawa't sandali ng buhay ko. Kaya lumayo ako sa kanya dahil takot na akong mabigo, hindi ko na kakayanin iyon,"ang naluluhang sabi ni Sophia.