Chereads / SOMEONE'S ALWAYS SAYING GOODBYE / Chapter 6 - Chapter 6 AILING MOTHER

Chapter 6 - Chapter 6 AILING MOTHER

"Celeste, paggaling mo, payag ka bang sumama sa akin sa aming probinsya para magbakasyon at malimutan mo ang mga nakaraan sa buhay mo?"

Ngumiti lang si Celeste sa tanong ni Ricky dahil alam niya na hindi siya makakatanggi sa alok ni Ricky. Maganda iyon upang makalimot siya at makalimutan si Oliver.

"Pero, Ricky, baka tayo magtagal sa probinsya ninyo, kasi huling shooting na natin ito na gagawin sa Baguio, hindi ba?"

"Eh, di magpaalam muna tayo, sabihin nating magpapagaling ka muna."

Nagpaalam nga sila sa movie director subali't hindi sila pinayagan, kaya nagkasundo sila na pagkatapos na lang ng huling shooting sila magbabakasyon sa probinsya ni Ricky.

Sa bahay ni Oliver ay ramdam niya ang lungkot ng wala si Sophia.

"Sophia, bakit umalis ka na hindi nagpaalam sa akin, bakit? Sana narinig mo sa aking bibig ang itinitibok ng aking puso na ikaw ang tunay kong mahal, pero nasaan ka ngayon?" ang malungkot na sabi ni Oliver.

Madalas na wala sa sarili si Oliver dahil sa pag-alis ni Sophia. Pupunta sa silid ni Sophia, bubuksan ito, ililinga ang paningin sa apat na sulok ng kuwarto at saka isasara na ito. Parang hinanap lang niya sa loob si Sophia. Hinanap niya ang isang bagay na wala na at maaaring hindi na niya makita.

Hindi niya akalain na ang pagkukunwaring relasyon nilang dalawa ni Sophia ay mauwi sa tunay na pagmamahal na siya ngayon ang labis na naapektuhan, dahil sa puso niya ay mahal niya si Sophia. Nangako siya sa kanyang sarili na hahanapin niya ito, kahit saan pa ito nagpunta.

Matuling lumipas ang mga araw, biglang dumating ang ina ni Oliver sa bahay.

"Bakit bumalik pa kayo? Nasaan kayo noong panahon na ako'y nalulungkot sa paghihintay sa inyong pagbabalik. Apat na taon iyon, mama, natiis mo na hindi ako makita," ang matigas na wika ni Oliver sa ina.

"Oliver, anak, patawarin mo ako, ipaliliwanag ko sa iyo ang dahilan," ang umiiyak na sabi ng ina ni Oliver na si Victoria.

Hindi na hinintay pa na marinig ang paliwanag ng ina, umalis ng bahay si Oliver, nagpunta sa kanyang upisina.

"Anak, hindi kita masisisi kung sa loob ng apat na taon na hindi tayo nagkita ay magbunga ito ng poot sa dibdib mo, patawad anak," ang nasabi na lang ng ina ni Oliver sa kanyang sarili.

At dahil hindi siya matanggap ni Oliver na makita at mapatawad ay nagpunta siya ng ospital dahil masama ang pakiramdam sa taglay nitong sakit na cancer.

Sa ospital ay hindi na pinayagang umalis si Victoria dahil sa pagsusuri ng mga doktor ay stage four na ang kanyang cancer at anytime ay maaari siyang mamatay.

"Misis, kunin po namin ang pangalan ng kamag-anak ninyo para maipaalam na narito kayo sa ospital," ang sabi ng nurse na nababahala sa kalagayan ni Victoria.

Hindi kaagad nakapagsalita si Victoria, iniisip niya na sabihin man niya ang pangalan ni Oliver ay hndi naman siya pupuntahan nito kaya nanatili siyang hindi nagsasalita at ipinikit ang mga mata.

"Sige po, misis, mamaya ko na uli kayo tatanungin, magpahinga na muna kayo," ang sabi ng nurse kay Victoria matapos painumin ng gamot.

Nang umalis ang nurse ay napaiyak si Victoria. Iniisip niya na kung sakaling pumanaw siya at hindi pa siya pinatatawad ni Oliver ay baka magbigay sa anak niya ng alalahanin na ayaw niyang mangyari.

Gabi na ng dumating si Oliver sa bahay at nagtaka siya dahil wala ang kanyang mama.

"Saan kaya siya nagpunta? Siguro may binili lang at babalik din," ang nasabi na lang ni Oliver ng malamang wala ang mama niya.

Bagama't masama ang loob ni Oliver sa ina ay hindi pa rin nawawala ang pag-aalala dito. Naghintay siya sa sala sa pagbabalik ng kanyang mama. Dahil sa totoo lang ay naging masaya siya ng makita ang kanyang ina, na apat na taon ding nawala mula ng magpunta ng states.

Habang hinihintay ni Oliver ang ina ay naalala niya ang mga sinabi sa kanya ni Sophia.

"Oliver, ano ka ba? Hindi ka dapat magalit sa ina mo. Kahit baligtarin mo pa ang mundo ay mananatiling siya pa rin ang nanay mo. Kung nawala man siya sa piling mo ng matagal na panahon ay maaaring mayroon siyang dahilan, kaya hindi ka dapat magkimkim ng poot diyan sa dibdib mo," ang sinabing ito ni Sophia ang naiisip ngayon ni Oliver at hindi niya maiwasan na ilapit si Sophia sa puso niya.

"Sophia, kahit saan ka man naroroon ay sana maging maligaya ka," ang nasabi na lang ni Oliver sa kanyang sarili hanggang makatulog siya sa paghihintay sa ina.

Umaga na ng magising si Oliver at ng malamang hindi bumalik ang ina ay labis siyang nag-alala dito.

Hindi pumasok sa office si Oliver. Hinanap niya ang kanyang ina. Nagtanong siya sa himpilan ng pulisya, subali't bigo siya. Naglakad lakad siya, palinga-linga sa pagbabakasakali na makita ang ina, subali't bigo pa rin. Hindi naalala ni Oliver na magtanong sa mga ospital at baka napahamak ito o naaksidente.

"Iyan ang nanay ko, wala talaga akong halaga sa kanya. Umalis na naman siya, iniwan uli niya ako. Bahala na nga siya sa buhay niya," ang mga katagang binitiwan ni Oliver na puno ng pagdaramdam sa kanyang ina.

"Boss Oliver, papasok ka ba bukas? Kasi inip na si miss Isabelle sa ipinagagawa niya sa iyo. Bakit daw ang tagal mong gawin ang plano."

"Liam, ikaw na lang ang gumawa ng plano, marunong ka naman, hindi ba?" ang naiinis na sagot ni Oliver.

"Eh, boss, ikaw ang gusto niyang gumawa, sinabi ko na nga sa kanya na ako na lang ang gagawa eh ayaw, ikaw ang gusto. Alam mo, boss, sa tingin ko gusto ka lang niyang makita."

Lumipas pa ang isang linggo na walang balita si Oliver sa kanyang ina na si Victoria ay inakala na lang niya na bumalik na ito sa ibang bansa at tulad ng dati iniwan na naman siya.

Isang araw, paalis na si Oliver patungong office ay may tumawag sa kanya.

"Hello!, si mister Oliver po ba ito?"

"Oo, sino ito?"

"Sa ospital po ito at ipinasasabi ng inyong ina na narito siya."

"Ho? Anong nangyari sa kanya? Naaksidente ba siya?" ang nababahalang mga tanong ni Oliver sa kausap.

"Eh, ayaw po niyang pasabi kung bakit siya narito sa ospital, basta ang bilin lang niya ay ipaalam lang sa inyo."

Alam na ni Oliver kung bakit ayaw ipasabi kung bakit nasa ospital ang ina, dahil iniisip ng ina niya na galit siya dito at walang saysay kung malaman man niya ang dahilan o hindi.

"Salamat, pupunta na ako diyan."

"Boss Oliver, papasok ka ba ngayon? Kasi narito na naman ang makulit na kliyente mo, si miss Isabelle. Hello? Hello?..... Hayyy! binabaan ako ng telepono."

Pagdating ni Oliver sa ospital ay nababahalang nagtanong sa kalagayan ng kanyang ina.

"Dok, kumusta po ang aking ina?"

"Puntahan mo na lang sa room niya para magkausap muna kayo."

"Mommy, ano ang nangyari sa inyo? Bakit ka nadito sa ospital?"

"Oliver, kung sakali bang iwanan kita uli ay magagalit ka ba sa akin?"

"Mommy, ng bumalik ka at nakita kitang muli ay hindi kita matanggap, galit ako sa iyo at sabi ko bakit bumalik ka pa, kaya umalis ako ng bahay, iniwan kita, kasi galit ako sa iyo mommy."

"Alam ko, anak, naiintindihan kita at hindi ako nagdaramda sa iyo."

"Alam mo, ma? Ng bumalik ako sa bahay at hindi kita nakita, nabahala ako, tinanong ko ang sarili ko, saan ka kaya nagpunta, hinanap kita sa police station, wala silang alam. Kaya naisip ko na lang bumalik ka uli sa states at iniwan mo na naman ako at nagalit ako uli sa iyo."

"Salamat, anak, nag-abala kang hanapin ako at ngayon magaan na ang aking loob, iwanan man kitang muli ay alam kong patatawarin mo ako, hahanapin mo ako uli kahit sa iyong alaala."

Muling naalala ni Oliver ang sinabi sa kanya ni Sophia.

"Oliver, hindi porke iniwan ka ng iyong ina ay hindi mo na siya ina."

"Mommy, bakit ganyan kang magsalita? Ano ba talaga ang sakit mo?"

"Wala ito anak, napagod lang siguro ako sa biyahe, gagaling din ako."

Nakatulog si Victoria dahil sa gamot na ipinainom sa kanya. Pinagmasdang mabuti ni Oliver ang natutulog na ina. Sa totoo lang kahit galit siya sa mommy niya ay nasa puso pa rin niya ang kasabikang makapiling ito, yakapin ng mahigpit dahil sabik siya sa ina, kasabikang matagal niyang inasam na makapiling ang ina na hindi niya nakita ng apat na taon. Ngayon mayayakap na niya ito pero bakit siya kinakabahan may pakiramdam siyang muli itong aalis at iiwanan siya. Sa pagkakataong ito ay hindi na siya papayag pa.

Nasa ganoong sitwasyon si Oliver ng pag-iisip sa kanyang ina ng lapitan siya ng doktor na nagsuri sa sakit ng kanyang ina.

"Ikaw ba ang anak niya?"

"Opo dok, kumusta po ang aking ina?"

"Doon tayo sa office ko mag-usap upang maipaliwanag kong mabuti sa iyo."

Habang papunta sina Oliver sa upisina ng doktor ay parang kinakabahan ito sa sasabihin sa kanya.

"Maupo ka."

"Salamat po."

"Oliver ba ang pangalan mo?"

"Opo"

"Iyon nga ang ibinigay ng mother mo sa nurse station kaya ka nila natawagan."

"Eh, dok, ano po ang lagay ng mother ko."

"Huwag kang mabibigla, Oliver, pero may taning na ang buhay ng ina mo. Mayroon siyang lung cancer at nasa fourth stage na."

"Ho?"

Sa narinig ni Oliver na ipinagtapat ng doktor ay parang bombang sumabog sa kanyang pandinig. Hindi siya makapaniwala sa naging karamdaman ng kanyang ina.

"Dok, hindi totoo ang sinabi ninyo, sabihin mo dok, hindi totoo ang narinig ko."

"Tatagan mo ang iyong loob. Ang maipapayo ko lang ay gawin mo ang lahat ng ikaliligaya niya sa mga nalalabi pa niyang araw sa mundo."

Bumalik si Oliver sa kuwarto ng ina. Pinagmasdan niyang mabuti ang ina na natutulog pa. Hindi niya namamalayan na tumutulo na pala ang luha niya.

"Ma, bakit nangyari sa atin ito? Matagal kong pinanabikan ang makapiling ka, at ngayong kapiling na kita ngayon ay iiwanan mo ako uli. Ma, bakit? Hindi mo ako mahal, galit ako sa iyo ngayon," ang umiiyak na wika ni Oliver habang nakasubsob ang mukha sa gilid ng kama.

Tinawagan ni Oliver si Liam

"Hello! Liam, ikaw na muna ang bahala sa office, matagal akong mawawla.

"Ha? Bakit? May problema ba?"

"May sakit si mama at kailangan ko siyang bantayan. May cancer siya at gusto kong paligayahin siya sa mga nalalabing araw niya."

"Nakakalungkot naman boss, sige ako na muna ang bahala dito"

Hindi na nga umalis si Oliver sa ospital at binantayan ang kanyang ina. Habang malungkot niyang pinagmamasdan ang ina ay nagising ito.

"Ma, kumusta ka na?" ang tanong ni Oliver na hindi ipinahahalata sa ina na alam na niya ang sakit nito.

"Oliver, salamat at pinuntahan mo ako. Inasahan ko na na hindi ka pupunta, pero nandito ka ngayon, salamat anak," ang medyo hirap sa pagsasalitang bigkas ni Victoria.

"Ma, mula ngayon babantayan at aalagaan kita, hindi na tayo magkakahiwalay pa. Kapag kaya mo ng lumakad ay ipapasyal kita sa mga lugar na gusto mo, sabay tayong kakain, magsasaya tayo."

"Papaano ang trabaho mo?"

"Bayaan mo 'yon, basta ang mahalaga ay lagi tayong magkasama ngayon."

"Ikaw na nga ang bahala. Sa totoo lang ay maligayang maligaya ako, anak, kasi narito ka sa tabi ko," ang naiiyak na sabi ni Victoria.

Halos hindi na iniwan ni Oliver ang ina at ngayon sumasagi sa isip niya si Sophia na sana ay kasama niyang nag-aalaga sa kanyang ina.

"Sophia, sana narito ka, sana nakilala mo ang nanay ko," ang bulong sa sarili ni Oliver.

"Oliver"

"Ma, ano po iyon?"

"Ipasyal mo ako sa paligid ng ospital, gusto kong sumagap ng sariwang hangin."

Habang tulak ni Oliver ang wheelchair ni Victoria ay awang awa si Oliver sa ina.

"Alam mo Oliver, noong sanggol ka pa, ipinapasyal kita sa labas ng bahay natin, pinaarawan kita sa umaga at kapag ngumiti ka maligayang maligaya ako. Ang sarap gunitain ang mga sandaling iyon sa buhay ko. Kapag umalis ako upang maghanap-buhay ay iiwanan kita sa ating kapitbahay at sa uwian nagmamadali ako upang muli kang kargahin. Pasensya ka na kung lagi akong wala sa bahay, kailangan ko kasing kumita upang may pambili tayo ng pagkain. Kapag kinarga na kita noong sanggol ka pa sinasabi ko sa sarili ko na ikaw ang aking kaligayahan, wala ng iba. Ganoon ang buhay natin hanggang maitaguyod ko ang iyong pag-aaral hanggang makatapos ka. Alam ko mayroon kang hinanakit sa akin noon, pasensya ka na. Naaalala mo pa ba, anak, noong kaarawan mo ay hindi ako nakarating dahil kailangang madagdagan ang aking kita at iyon ay para sa iyo din, sa ating dalawa. Ngayong malaki ka na at nasa maayos ng kalagayan ay masasabi ko ngayon na hindi ako bigo, nagtagumpay ako anak," ang madamdaming sinabi ni Victoria habang tumutulo ang kanyang luha, luha ng kaligayahan.

Damang dama ni Oliver ang mga sinabi ng ina at ngayon niya naunawaan ang lahat at hindi siya dapat magalit dito.

Sa kabilang dako, sa malayong probinsya na pinuntahan ni Sophia ay si Oliver ang madalas isipin ni Sophia. Subali't kailangang lumayo siya, huwag ng magpakita kay Oliver, alang-alang sa kaligayahan nila ni Celeste.

Subali't ang hindi alam ni Sophia ay pinalitan niya si Celeste sa puso ni Oliver. Hindi rin niya alam na sobrang lungkot ni Oliver dahil hindi siya nagpaalam dito ng siya'y umalis at sana nalaman niya na siya ang totoong mahal ni Oliver. Nangako si Oliver sa sarili na hindi siya titigil na hanapin si Sophia.

Upang magtagal si Sophia sa probinsya na pinuntahan ay pumasok siyang magtrabaho sa isang restaurant doon. At tuloy maipagpapatuloy niya ang paghahanap sa kanyang ina. Madali namang natanggap si Sophia dahil may karanasan na siya sa gawain sa restaurant sa dati niyang pinagtrabahuhan.

"Sophia"

"Ikaw pala, George"

"Oo, napansin ko lang na may malalim kang iniisip."

"Naisip ko lang ang ang kaibigan ko, si Olivia, sa restaurant din siya nagtatrabaho, magkasama kami doon."

"Teka, bakit ka nga pala napadpad dito sa probinsya namin?"

"Hinahanap ko ang aking ina. Batay sa natanggap kong information ay dito siya nagmula sa probinsyang ito at magbabakasakali ako na narito siya."

"Ha? Bakit?"

"Iniwan niya ako sa bahay ampunan. Doon ako lumaki hanggang may umampon sa aking mag-asawa."

"Pero sa dami ng tao dito sa probinsya, papaano kayo magkikita? Ano ang magiging palatandaan na ikaw nga ang anak niya kung sakali na makita mo siya?"

"Maaaring hindi ko siya makilala, pero ang balat na ito sa aking braso ang magiging palatandaan niya para niya ako makilala."

"Ah, ganoon ba?"

"Oo, kapag nakita niya ito tiyak na tatanungin niya ako tungkol sa pagkatao ko."

"Sophia, tawag ka ni boss sa upisina."

"Salamat, Lorie"

"George, maiwan na kita."

"Sige, at huhugasan ko na ang mga pinggan."

Sa upisina ng may-ari ng restaurant

"Sophia, mula ng mamasukan ka dito sa restaurant namin ay napansin naming mag-asawa na dumami ang mgta customer namin. Kaya napagpasyahan naming mag-asawa na dagdagan ang iyong suweldo at gawin kang team leader ng lahat ng tauhan sa restaurant. Ikaw ang kanilang susundin sa dapat gawin sa pamamalakad sa restaurant."

"Ho? Naku marami pong salamat."

"Sabi mo hinahanap mo ang iyong ina sa probinsyang ito. Ano ang pangalan niya?"

"Lukrecia po ang kanyang pangalan, iyon po ang sabi sa akin sa bahay ampunan."

"Lukrecia? Bayaan mo kapag may information kami sa nanay mo ay ipaaalam namin sa iyo."

"Marami pong salamat? Babalik na po ako sa ginagawa ko."

"Sige iha, at huwag kang mawawalan ng pag-asa, makikita mo rin ang ina mo."

"Salamat po"

Nang uwian na ay lumapit si George kay Sophia.

"Sophia, sabay na tayo sa pag-uwi, malapit ang tirahan namin sa tinutuluyan mo."

"Sige, para may kasabay ako."

Habang naglalakad ang dalawa

"George, baka magalit ang girlfriend mo kapag nakita niya tayong magkasabay?"

"Hindi naman selosa iyon, huwag kang mag-alala."

"Paano dito na ako, George."

"Okay, doon pa ang sa amin. Good night."

Kapag matutulog na si Sophia ay hindi niya maiwasan ang isipin si Oliver, hanggang sa siya'y tuluyang makatulog at mapanaginipan si Oliver.

"Oliver!"

"Sophia!

"Kumusta ka na Oliver?"

"Heto malungkot."

"Malungkot? Bakit?"

"Iniwan na ako ng mahal ko."

"Huwag kang malungkot, babalik din siya sa iyo."

"Ikaw, Sophia, kumusta ka naman? Nakita mo na ba ang prince charming mo?"

"Hindi pa eh, wow, naririnig mo iyon Oliver?"

"Ang alin?"

"Napakagandang awitin."

"Halika Sophia, isayaw natin."

At nagsayaw ang dalawa sa saliw ng magandang awiting, SOFTLY AS I LEAVE YOU nainawit ni Elvis Presley;

"Sophia, napakaganda mo sa gabing ito."

"Hmm! Ikaw lagi mo akong binobola."

"Totoo, at kapag yakap kita tulad nito ay para akong nasa langit sa saya."

"Magkaibigan tayo Oliver at halimbawang hindi mo na ako makita dahil nagpunta ako sa malayo at posibleng hindi na magbalik, ano ang gagawin mo?"

"Siyempre hahanapin kita."

"Bakit mo naman ako hahanapin eh mayroong isang nagmamahal sa iyo, si Celeste.

"Pero ikaw ang mahal ko."

"Mahal din kita, subali't hindi tayo para sa isa't isa, paalam na."

"Sophia!... Sophia! Huwag mo akong iwan, huwag kang umalis!"

At nagising si Sophia at ang panaginip na magkasama sila ni Oliver ay naglaho.

"Kumusta na kaya si Oliver? Masaya siguro sila ni Celeste."

Kinabukasan ay maagang pumasok si Sophia

"Good morning ma'am Sophia."

"Huwag na ninyo akong tawaging ma'am, Sophia na lang, okay?

"Gearge, nahugasan na ba ang mga gulay na isasahog natin?"

"Oo, kanina pa nahugasan."

"Ganito mga kasama, kailangang maging magalang tayo sa mga customer natin, para mawili silang dito kumain, maliwanag ba?"

"Maliwanag"

"Sige, kilos na tayo."

Dumating ang uwian

"Sophia, sabay na tayo sa pag-uwi.

Napadaan ang dalawa sa simbahan

"George, mauna ka na dadaan lang ako sa simbahan."

"Sige, ingat na lang."

"Teka, gusto mo samahan kita.":

"Huwag na"

"Okay"

Bago pumasok si Sophia sa loob ng simbahan ay naglimos muna siya sa isang matandang babae.

"Salamat, iha"

"Wala pong anuman."

Paglabas ni Sophia ng simbahan ay biglang umulan ng malakas. Nang buksan niya ang payong ay nakita niyang muli ang babaing binigyan niya ng limos na nababasa ng ulan. Lumapit siya dito at isinukob niya ito sa payong. Hindi muna siya umuwi.

"Bakit po wala kayong kasama?"

"Nag-iisa lang ako sa buhay, iha, at ito lang ang alam kong hanapbuhay, ang mamalimos, dito na rin ako halos nakatira."

"Wala po ba kayong mga anak?"

"Iyon nga ang malaki kong pagsisisi sa buhay na iniwan ko ang aking sanggol sa bahay ampunan."

"Kung gusto po ninyo doon na kayo sa tinutuluyan ko kayo tumira muna, wala po akong kasama sa bahay."

"Naku iha napakabait mo, maraming salamat. Siguro kung makikita ko ang aking anak ay gasing laki mo na siya ngayon, at magkasing edad kayo."

"Sophia po ang pangalan ko, kayo po ano ang pangalan ninyo?"

"Iha, tawagin mo na lang akong aling Lukre."

"Sige po aling Lukre, pagtila ng ulan ay sumama na kayo sa akin."

"Salamat, Sophia, pero hindi ba nakakahiya sa iyo?"

"Naku, aling Lukre, hindi po."

"Sophia, mayroon kang ginintuang puso," ang naiiyak na sabi ni aling Lukre.

"Bakit po kayo naiiyak?"

"Naaalala ko kasi ang ipinaampon kong anak, labis akong nagsisisi sa ginawa ko."

"Sa tingin ko po sa inyo ay mabait kayong ina, may dahilan siguro kaya ninyo iyon ginawa."

"May dahilan nga kung bakit ko siya iniwan sa bahay ampunan. Nang malaman ng aking katipan na buntis ako ay naglaho na siya sa buhay ko at nawalan na ako ng pag-asa. Sa tuwing iiyak siya dahil nagugutom ay wala akong magawa. Bata pa ako noon ng mabuntis. At dahil sa awa ko sa anak ko, na hindi ko naman maibibigay sa kanya ang magandang buhay ay napilitan akong iwanan siya sa bahay ampunan."

"Ayan na po aling Lukre, wala na pong ulan, tayo na po kayo."

Pagdating sa tinutuluyan ni Sophia

"Aling Lukre, nabasa po kayo ng ulan, magpalit na po kayo ng damit."

"Kaya lang nabasa din ng ulan itong dala kong mga damit."