Chereads / SOMEONE'S ALWAYS SAYING GOODBYE / Chapter 7 - Chapter 7 THE BEGGAR

Chapter 7 - Chapter 7 THE BEGGAR

"Sandali lang po at bibigyan ko kayo ng damit."

"Salamat, iha, nahihiya ako sa iyo ng labis."

"Huwag na po kayong mag-isip ng ganyan at mula ngayon ay dito na lang kayo sa bahay, hindi na kayo mamamalimos, ituring ninyo ako na inyong anak at ituturing ko naman kayo na aking ina."

Sa sinabi ni Sophia na iyon ay naiyak si aling Lukre dahil sa pakiramdam niya ay kasama niya ngayon ang anak niyang ipinaampon noon ng matagal na ring panahon.

Mula noon ay naging masaya naman si Sophia dahil nagkaroon siya ng isang matatawag na ina, mabait at masipag na ina, na kahit bawalan niyang magpahinga na lang sa bahay ay ginagampanan pa rin ang mga gawaing bahay.

Tuwing uuwi si Sophia buhat sa trabaho ay may nakahanda ng pagkain nila, bukod sa maayos niyang nadaratnan na malinis ang bahay. Tuwang tuwa si Sophia at sa pakiramdam niya ay nakita na niya ang kanyang ina, bagama't hindi niya ito tunay na ina. Ngayon niya naranasan kung gaano pala kasarap ang may isang ina.

"Aling Lukre, mula po ngayon ay "inay" na ang itatawag ko sa inyo ho."

"Ikaw ang bahala, iha, alam mo sabik akong may tumatawag sa akin ng inay," ang parang naluluhang sabi ni aling Lukre.

"Kumain na po tayo inay, at may dala rin akong pagkain, bigay po sa aking pinagtatrabahuhang restaurant. Alam nyo po inay, mababait ang mag-asawang may ari ng restaurant."

"Talagang mabait ang Diyos sa mga katulad mong mapagmahal."

Totoo po ang sinabi ninyo, inay, ng dumating po ako sa probinsyang ito ay wala akong kakilala, at ngayon po ay may maganda akong hanapbuhay, bukod sa nagkaroon pa ako ng isang matatawag na inay."

Mula ng tumira si aling Lukre sa tinutuluyan ni Sophia ay naging masaya ang matanda, bagama't paminsan minsan ay nagkakaroon din siya ng kalungkutan kapag naaalala niya ang anak na iniwan niya sa bahay ampunan.

"Kung naging matatag lang ako na harapin ang pagsubok ng buhay ay sana kapiling ko ang aking anak," ang naluluhang sabi sa sarili ni aling Lukre.

At kapag nasa ganoong sitwasyon si aling Lukre ay saka siya nakadarama ng pagsisisi sa kanyang nagawa.

"Inay, bakit malungkot ka?"

"Wala Sophia, naaalala ko lang ang anak ko na iniwan ko sa ampunan ng baby pa siya. Siguro gasing laki mo na rin siya, maganda, masayahin, mabait, at punong puno ng mga pangarap sa buhay."

"Inay, iiyak ka na naman!"

"Hindi ko mapigilan ang sarili ko, pasensya na."

"Huwag po kayong mag-alala, sigurado ako na masaya siya sa buhay niya ngayon. At kapag nagkita kayo, sasabihin niya sa inyo na... 'Salamat inay, kahit iniwan ninyo ako sa ampunan ay masaya pa rin ako, kasi ikaw ang ina ko na nagsilang sa akin sa mundong ito, kung hindi sa iyo ay hindi ko mararating ang kinalalagyan ko ngayon, salamat ina ko'... ganoon ang sasabihin niya sa iyo. Dahil natitiyak ko lumaki siyang mabait."

"Ikaw Sophia, nasaan ang mga magulang mo?"

"Hindi ko pa sila nakikita hangga ngayon mula ng iniwan ako sa ampunan, Sabi po sa ampunan ay nakita nila ako sa labas ng pinto, balot na balot ako ng pangginaw at umiiyak dahil sa lamig ng panahon noon. Nang dumating ako sa edad na pito ay may umampon sa akin na mag-asawa na may anak ding babae na anim na taong gulang. Naging malungkot ang buhay ko dahil lagi akong inaaway ng kinakapatid ko. Minsan umalis sila at naiwan ako sa bahay. Pumasok ako sa kuwarto ng kinakapatid kong si Vilma at hiniram ko ang manika niya at dinala ko sa kuwarto ko. Nang dumating sila ay hinanap niya kaagad ang manika niya at ng makita na nasa akin ay nagalit siya at pinagbintangan niya ako na magnanakaw. Inaway niya ako hanggang maitulak ko siya ng hindi sinasadya at natumba siya. Nagalit sa akin ang mag-asawang umampon sa akin dahil nabalian siya ng kamay. Dahil doon ay ipinaampon nila ako sa iba."

"Naging malungkot pala ang pinagdaanan mo."

"Opo, pero isa po sa nais kong mangyari ay magkita kami ni Vilma at humingi sa kanya ng tawad, alam ko po kasi na kinamumuhian niya ako."

"Anak mahuhuli ka na sa trabaho mo."

"Sige po aalis na ako."

Paglabas ni Sophia ay siya namang pagdating ni George upang magsabay na sila sa pagpasok sa trabaho.

"Mukhang masaya ka yata, Sophia," ang bati ni George.

"Oo, kasi nagkaroon ako ng nanay."

"Nanay?"

"Oo, may tatawagin na akong inay. Natatandaan mo ng dumaan ako sa simbahan? Nakita ko siya doon nagpapalimos. Umuulan noon at nababasa siya ng ulam, naawa ako at pinayungan ko siya hanggang tumila ang ulan. Dahil wala naman siyang tinutuluyan ay niyaya ko siya na sa akin na siya tumira para may makasama rin ako sa bahay.

"Kaya pala maganda ang umaga mo."

"Ikaw, kumusta naman ang girlfriend mo?"

"Bihira na kaming nakapaguusap, masayado siyang busy sa work niya."

"Yayain mo na siyang pakasal na kayo."

"Nag-propose nga ako sa kanya, kaya lang tumanggi, sabi bata pa raw kami."

"Ganoon ba?"

"Ikaw Sophia, nasaan ang boyfriend mo?"

Sa tanong ni George ay natahimik si Sophia. Muli niyang naalala si Michael na lumayo at nagpunta ng ibang bansa. Iniwan siya na hindi niya alam ang dahilan.

"Hoy! Bakit ka natulala sa tanong ko?"

"Ha? Ah, eh nasa abroad siya," ang nasabi na lang ni Sophia upang hindi na magtanong pa si George.

"Alam mo Sophia, napanaginipan kita kagabi. Hindi ko nga alam kung bakit kita napanaginipan."

"Ha! Ha! Ha1 Siguro in-love ka sa akin, ano?"

"Hindi ha! Gusto mo bang patayin ako ng girlfriend ko."

"Ano naman ang panaginip mo?"

"Nasa beach daw tayo at para tayong mga bata na naghahabulan. Gumawa tayo ng malaking bahay mula sa buhangin at ng umalon ng malakas ay naabot ang ginawa nating bahay at gumuho ito."

"He! He! Ang korni naman ng panaginip mo."

"Ikaw talaga kapag nagkukuwento ako, lagi mong sinasabi... korni."

"Eto na pala tayo, trabaho uli."

Dahil laging magkausap sina George at Sophia, bukod pa sa sila'y sabay umuuwi ay nagkaroon ng lihim na pag-ibig si George kay Sophia. Lihim lang dahil sa siya'y mayroon ng nobya at si Sophia ay nasa abroad ang nobyo tulad ng alam nito.

Ang lihim na pag-ibig ni George ay lalong tumitindi sa pagdaraan ng mga araw.

"Sophia, puwede ba kitang dalawin sa bahay ninyo?"

"Huwag na George mamaya mo malaman ng nobya mo ay sugurin pa ako at awayin. Tama na sa atin na magkaibigan lang tayo, okay?"

"Okay"

Hindi na inulit ni George ang sinabi niya kay Sophia dahil ayaw rin naman niya na lumalim pa ang kanyang nararamdaman dito.

Mula noon ay bihira ng sumabay si George ng pag-uwi kay Sophia at maging sa restaurant ay bihira na niyang kausapin si Sophia.

"Hoy! George, bakit parang umiiwas ka sa akin? Siguro nagalit ang girlfriend mo sa iyo at nagseselos ano?" ang nagbibirong sabi ni Sophia.

"Hindi ha!, kasi....."

"Anong kasi? Bakit hindi mo ituloy?"

"Wala, huwag mo na lang pansinin iyon"

"Sophia, sabi ng amo natin,magkakaroon tayo ng outing sa susunod na linggo," ang sabi ng kasamahan nilang si Vadeth.

"Talaga?"

"Oo, kaya paghandaan natin at puwede nating isama ang pamilya natin."

"Wow, masaya ito, isasama ko ang inay ko."

"Inay mo? Bakit nakita mo na ba ang nanay mo?"

"Hindi, ang ibig kong sabihin ay nanaynanayan ko."

"Ah, ganoon ba?"

At ikinuwento niya kung papaano siya nagkaroon ng nanay.

"Ha! Ha! Ha! Ang ibig mong sabihin ay nakapulot ka ng nanay."

"Oo, at mabait siya."

Sa ospital na kung saan ay naratay ang ina ni Oliver na si Victoria

"Oliver, sabi ng doktor ay puwede na raw akong umuwi at sa bahay na lang daw ako magpapagaling."

"Ma, sinabi ba ng doktor sa iyo kung ano ang sakit mo?"

"Kahit hindi nila sabihin sa akin ay alam kong malubha ang sakit ko dahil nararamdaman ko pahina na ako ng pahina."

Sa sinabing iyon ng ina ay hindi maiwasan ni Oliver ang sariling damdamin. Alam niya hindi na magtatagal ang buhay ng kanyang ina.

"Alam mo Ma? Ang daya mo, kaya galit ako sa iyo kasi matagal na panahon mo akong iniwanan at ngayon na naman ay iiwanan mo ako uli, bakit Ma, hindi mo na ba ako mahal?" ang medyo naluluhang sabi ni Oliver sa kanyang ina.

"Oliver anak, patawarin mo ako, hayaan mo na lang ako, basta ang mahalaga ngayon ay kapiling kita, anak, kahit sandali lang kitang makasama ngayon sa mundong ito ay isang libo't isang kaligayahan ang aking nadarama. Anak, huwag ka ng magalit sa akin,ha?"

Hindi napigilan ni Oliver ang sarili at mahigpit na niyakap ang ina na parang batang umiiyak.

Oliver, gusto kong ipasyal mo ako sa tabing dagat."

"Oo Ma, ipapasyal kita kung saan mo gusto."

Dinala ni Oliver ang ina sa tabing dagat, nakaupo sa wheelchair, at pinagmamasdan ang mga alon na walang sawang parito't paraon sa gitna ng dagat. Mga alon sa pagsubok sa buhay ng isang tao, kung papaano haharapin ang mga kabiguan nito.

Mga mangingisda na madaling araw na ay nasa laot na, nagsisikap sila upang may pangtawid ang kanilang pamilya upang mabuhay.

Mga batang nasa paligid nila na masayang naglalaro sa buhanginan.

"Oliver, pagmasdan mo ang mga bata, masaya silang naglalaro, hindi ba?"

Tiningnan ni Oliver ang mga bata, masayang naghahabulan, nagbabatuhan ng bola, at naalala niya si Sophia.

"Nasaan na kaya si Sophia? Kumusta na kaya siya? Naaalala rin kaya niya ako? Ganito kami noon, nakipaglaro sa mga bata kahit malaki na kami at noon ko lang naranasan iyon, masaya pala na hindi ko naranasan noong bata pa ako na makipaglaro sa kapwa bata. Sophia, ipinangako ko na sa sarili ko na hahanapin kita kasi mahal kita."

"Oliver, anak, pasensya ka na sa akin kung nagkulang ako noong bata ka pa. Hindi kita nasubaybayan dahil sa aking trabaho, sana'y naranasan mo rin ang makipaglaro noon sa kapwa mo bata."

"Nakalipas na iyon Ma, kumusta ang pakiramdam ninyo?"

"Kapag ganitong kasama kita ay wala akong masakit na nararamdaman dahil kasama kita, anak, salamat sa iyo," ang sabi ni Victoria na hindi napansin ang pagtulo ng kanyang mga luha.

"Ma, tayo ng umuwi, mataas na ang araw."

"Sige anak"

"Sabi ng doktor ay bukas ang regular check-up mo kaya maaga tayo bukas sa ospital."

Mula ng gumaling si Celeste sa aksidente na nangyari sa kanya ay itinuloy ang huling shooting ng pelikulang ginagawa at ito ay gagawin sa Baguio. Kaya lahat ng kasama sa shooting ay sabay sabay na dumating doon.

"Sophia, kanina ko napapansin sa sasakyan habang patungo tayo dito na malungkot ka, bakit?"

"May naalala ako Ricky."

"Si Oliver ba?"

"Oo, hindi ko pa siya kaagad agad maiaalis sa isipan ko, naririto pa siya sa puso ko, pasensya na Ricky."

"Okay lang, naiintindihan kita, dahil ako man ay naranasan ko na rin ang nararanasan mo. Naging malungkot ako noon ng iwanan ako ng dati kong nobya at sumama sa iba. Napakasakit sa akin iyon, para akong nasa gitna ng dagat na unti unting nalulunod, nagkaroon lang ako ng pag-asang mabuhay ng may sumagip sa akin, at iyon ay ikaw, Celeste."

"Bayaan mo Ricky, matutuhan din kitang mahalin, bigyan mo lang ako ng kaunting panahon."

"Maghihintay ako, kahit gaano pa katagal."

"Salamat Ricky, lagi kang nasa tabi ko, mayroon akong napaghihingahan ng sama ng loob."

"Direk, naka ready na po ang lahat."

"Makinig kayo, ito na ang huling shooting para sa pelikula na ating ginagawa, kaya pagbutihin ninyo, focus lang at alisin sa isip ang mga personal na damdamin, maliwanag ba?"

"Ano Celeste, okay ka na?"

"Okay na ako, Ricky, tayo na."

"Ricky, alam na ba ninyo ni Celeste ang gagawin? Tandaan ninyo kailangang ma-perfect ninyo ang eksena. Makikita mo si Celeste na tumakbo palapit sa iyo kaya lang may dumarating na sasakyan at tatakbo ka upang iligtas siya kaya lang ikaw ang nahagip ng sasakyn at hindi si Celeste. Ikaw Celeste ng makita mong nahagip ng sasakyan si Ricky ay nag-histerical ka at umiiyak kang nilapitan ito na humihingi ka ng tulong. Ganoon lang, paghusayan lang ang pag-arte at kailangan kabisado ninyo ang inyong dialogue, maliwanag?"

"Opo Direk."

"Pagkatapos ay paghandaan ninyo ang susunod na eksena."

Nang matapos ang shooting ay nilapitan si Celeste ni Albert, isa sa mga crew na masugid ding mangliligaw ni Celeste. Guwapo si Albert, magandang magdala ng damit kaya marami siyang mga babaing nakukuha maliban kay Celeste. Kay Celeste lang siya nasira, hindi umubra dito ang pakindat kindat na ginagawa niya sa ibang babae.

"Celeste, kumusta ka na?"

"Ikaw pala, Albert."

"Kailan mo ba ako sasagutin? Alam mo naman na mahal na mahal kita"

"Pasensya na Albert, may nagmamay-ari na ng aking puso."

"Okay, pero hindi pa rin ako susuko, tandaan mo 'yan!" ang sabi ni Albert na may halong pagbabanta.

Ganoon lang ang naging pag-uusap ng dalawa at umalis na si Albert.

Dumating si Ricky na may dalang pagkain nila.

"Nakita ko sa Albert na galing dito."

"Oo nga eh, nangungulit na naman."

"Basta't huwag lang siyang gagawa ng hindi maganda sa iyo at mayroon siyang kahihinatnan."

"Bayaan mo na lang siya, huwag mo na lang pansinin, akala kasi niya porke guwapo siya ay kaya niya lahat ng babae."

Alam ng dalawa na si Albert ay may pagkamayabang, kilos sanggano, parang laging gustong makipag-away, malaki ang tiwala sa sarili.

"Okay, mag-ingat na lang tayo sa kanya."

Halos gabi na at nagpapahinga na ang lahat, sina Celeste at Ricky ay lumabas ng kanilang kuwarto upang mag-usap at panoorin ang ganda ng paligid. Nakatingin sila sa ganda ng mga nagkikislapang bituin na nagbibigay ng ningning sa kadiliman ng gabi.

"Ano ba ito at sobrang lamig naman dito."

Hinubad ni Ricky ang suot na jacket at inilagay sa mga balikat ni Celeste.

"Salamat Ricky, na-touched naman ako sa ginawa mo."

"Alam mo Celeste, maligaya ako kapag ikaw ang katabi ko, sana huwag ng matapos ang sandaling ito."

"May itatanong ako sa iyo Ricky."

"Ano iyon?"

"Medyo personal, sana okay lang sa iyo."

"Okay lang sa akin, sige."

"Gaano ang naramdaman mong sakit sa paghihiwalay ninyo ng dati mong nobya?"

Hindi kaagad nakasagot si Rickiy. Tumingin muna sa malayo na parang may hinahanap sa madilim na dako ng kapaligiran at saka sinagot ang katanungan ni Celeste.

"Masakit, hindi lang basta masakit, kundi napakasakit sa damdamin na kahit ako isang lalake ay hindi ko matanggap na hiniwalayan niya ako. Bawat salita na binitiwan niya ng magpaalam na gusto na niyang makipag-break ay parang patalim na sunod sunod na tumatama sa puso ko, at muntik ko na iyong ikamatay. Tumigil ang ikot ng mundo noon sa akin."

"Ano ang ginawa mo?"

"Gabi gabi, nagpupunta ako sa mga inuman, nilalasing ko ang aking sarili upang kahit sandali ay makalimutan siya. Minsan sa pag-uwi ko ng lasing ay muntik na akong masagasaan, nagalit ang driver at minura ako. Pagkatapos niya akong murahin, alam mo ba kung ano ang sinabi ko sa kanya na lalo niya ikinainis?"

"Ano ang sinabi mo sa kanya? Minura mo rin?"

"Sabi ko pare sana sinagasaan mo na lang ako para tapos na ang sakit na nararamdaman ko. Tapos sinagot niya ako ng.... SIRA ULO!, biro mo yon, sinabihan ako ng sira ulo."

Sa huling sinabi ni Ricky ay nagkatawanan ang dalawa.

Lingid sa dalawa, habang sila'y nagkakatawanan ay pinagmamasdan pala sila ni Albert na nagngingitngit ang kalooban sa selos. Hindi niya matanggap na dami ng mga babaing nakuha niya ay kay Celeste pa siya nakaranas na mabigo. Kaya unti unting naipon sa puso niya ang poot, ang inggit kay Ricky.

Samantala sa probinsya na pinuntahan ni Sophia ay naging masaya nga ito dahil sa pagkakaroon ng nanay-nanayan. Subali't naroon pa rin sa puso at isipan niya na mahanap ang tunay niyang ina.

"Anak, Sophia, kailan nga iyong outing ninyo?"

"Sa isang linggo na po at isasama ko kayo, inay."

"Naku, huwag na lang, dito na lang ako sa bahay. Matanda na ako at hirap na ring magkikilos."

"Sayang naman po, inay,sumama na kayo para makapag-enjoy din kayo."

"Sophia, ikaw na lang, maligaya at masaya ako kapag nakikita ko na masaya ka, anak."

"Sige po, hindi ko na kayo pipiliting sumama, dadalhan ko na lang kayo ng pasalubong."

"Bahala ka, mag-inga ka sa pupuntahan ninyo."

Dumating ang araw ng linggo, lahat sila ay masasaya. Ang pinuntahan nila ay isang kilalang beach resort sa probinsyang iyon. Walang pagsidlan sa tuwa ang bawat pamilya, ang mga bata ay takbuhan ng takbuhan sa maputing buhangin ng beach.

Kapansin pansin ang lahat na masaya, maliban kay Sophia na humiwalay sa grupo at nagpunta sa isang lugar na puwede siyang mag-isa, naupo sa mapuputing buhanginan, nakatingin sa kalawakan ng dagat, pinagmamasdan ang kagandahan nito na nagbibigay ng aliw sa kanya.

Sa paligid niya ay dinig na dinig niya ang mga batang nagkakaingay sa paglalaro, naghahagisan ng bola. At naalala niya si Oliver, parang nakita niya ang sarili at si Oliver, na sumali sila sa mga naglalarong mga bata at wala silang pagsidlan sa tuwa. Naalala niya ang sabi ni Oliver:

"Ayoko na Sophia, pagod na ako."

"Ako rin, hayy ang sarap ng maging bata paminsan minsan"

Ang mga sandaling iyon na kasama ni Sophia si Oliver ang unti unting bumigkis sa kanya upang mahalin at ibigin si Oliver, pag-ibig na hindi magkakatotoo dahil kay Celeste, kaya minabuti na lang niyang lumayo, ayaw niyang masabihang muli na siya'y mang-aagaw.

Ang mga alaala ni Oliver ang hindi mawawala sa isipan ni Sophia, kahit sandali lang silang nagsama dahil sa kontrata nila na maging huwad na magkatipan ay nadama niya sa puso niya ang isang kaligayahang walang katumbas na halagang salapi, mahal niya si Oliver.

"Kumusta na kaya sina Oliver at Celeste. Nakasal na kaya sila? Siguro maligayang maligaya na sila ngayon," ang nasabi na lang ni Sophia sa sarili.

Naalala din niya ang ina na kanyang hinahanap sa probinsyang ito.

"Saan ko kaya siya matatagpuan? Ano na kaya ang buhay niya ngayon? Masaya kaya siya?"

Nasa ganoon siyang pagmumunimuni ng sa 'di kalayuan ay narinig niya ang pag-aaway ng dalawang batang babae.

"Akin iyan, bakit mo kinuha?"

"Hindi ko kinuha, hiniram ko lang."

"Bakit basta mo na lang kinuha, hindi ko alam?"

"Ano ba kayo mga anak, huwag nga kayong mag-away."

"Kasi si ate inay, kinuha ang laruan ko."

"Mga anak dapat kayong naghihiraman at nagbibigayan, sige tama na iyan at kakain na tayo."

Ang mga nakita at narinig ni Sophia ang nagpaalala sa kanya kay Vilma ng hiramin niya ang manika nito ng hindi nito alam, at nakarinig siya ng masasakit na salita kaya sila nag-away.

"Bakit kaya ganito ang buhay ko? Hindi ko pa nahahanap ang kaligayahang para sa akin?" ang bulong sa sarili ni Sophia.

"Sophia!"

"Ikaw pala, George."

"Hinanap kita, nandito ka lang pala."

"Gusto ko kasing mapag-isa at isipin ang lahat ng kalungkutan ko sa buhay."

"Ano ka ba? Nandito tayo para magsaya, hindi ba?"

"Ikaw George, ano ang kahulugan sa iyo ng salitang masaya?"

"Masaya? Ang alam ko masaya ang isang tao dahil hindi siya malungkot."

"Ha! Ha! Ha! Ikaw talaga ang korni mo."

At dahil sa sagot ni George ay napawi ang lungkot ni Sophia.

"Kenkoy ka rin pala."

"Hindi naman, gusto lang kitang patawanin kasi isang bilaong lungkot ang mukha mo eh."

"Teka, bakit hindi mo kasama ang girlfriend mo?"

Hindi kaagad nakasagot si George sa tanong ni Sophia.

"Wala na kami ng nobya ko. Nakipag-break na siya sa akin, kasi hindi ko na raw siya nabibigyan ng pansin. Wala daw akong panahon sa kanya."

"Pasensya na George, naitanong ko pa."

"Okay lang iyon, buti nga alam mo na."

"Kaya pala halata na malungkot ka kapag nasa trabaho tayo."

Oo, pero unti unti ko na rin siyang inaalis sa isipan ko. Kung saan siya maligaya ay maligaya ay doon na rin ako maligaya."

Tama ang ginawa ni George, kung saan maligaya ang kanyang naging nobya ay maligaya na rin siya at nakikita niya ang sarili niya sa katauhan ni George. Mahal ni Sophia si Oliver kaya lumayo siya dahil alam niya na magiging maligaya siya sa piling ni Celeste. Alam niya at dama niya sa mga ikinikilos ni Oliver na unti unti ng nahuhulog ang damdamin nito sa kanya at ayaw niyang agawin si Oliver kay Celeste, kaya nagparaya na siya.

Pag-uwi ni Sophia sa bahay ay kaagad hinanap ang ina-inahan na si aling Lukre.

"Inay, nasaan po kayo?"

"Narito ako sa kuwarto, anak."

"Bakit po kayo nakahiga, may nararamdaman po ba kayo?"

"Masama lang ang pakiramdam ko, mawawala din ito."

"Mainit kayo inay, sandali po kukuha lang ako ng gamot."

"May dala po akong mga pagkain, inay."

"Sige na anak, ikaw na lang ang kumain, busog pa ako."

Magdamag na hindi humuhupa ang lagnat ni aling Lukre

Nabahala si Sophia sa kalagayan ni aling Lukre, kaya pagdating ng umaga ay dinala niya sa center ito.

"Iha, dalhin mo na sa ospital ang iyong ina dahil sa pagsusuri namin sa kanya ay may iba pa siyang sakit."

"Ganoon po ba? Sige po, salamat po."

Sa ospital

"Dok, kumusta po ang lagay ng aking inay?"

"Hindi pa namin matiyak ang tunay na karamdaman niya, mas mabuti ay i-confince mo siya upang matiyak ang tunay niyang sakit."

"Sige po dok, gawin ninyo ang nararapat upang gumaling ang aking inay."

Nagpasabi si Sophia sa pinapasukan niya na hindi muna siya makapapasok dahil sa kalagayan ni aling Lukre. Binantayan ni Sophia ang ina-inahan sa ospital. Pagkalipas ng dalawang araw na pagsusuri ay lumitaw sa resulta na may sakit na kanser si aling Lukre, kanser sa bituka. Nakuha niya ito marahil sa panahon na siya'y nagpapalimos dahil kung minsan ay nalilipasan siya ng gutom.

Dahil sa kalagayan ni aling Lukre ay nalungkot si Sophia at nasabi na lang niya na bakit kaya nawawala ang mga taong mahal niya, at hindi nito napigilan ang lumuha. Nilapitan ang ina-inahan at hindi siya nagpahalata sa tunay na sakit ng ina.

"Anak, ano raw ang sakit ko?"

"Okay naman daw po kayo sabi ng doktor at puwede na daw tayong umuwi, sa bahay na lang daw po kayo magpapagaling."

"Eh, bakit para kang naiiyak, anak."

"Huwag po ninyo akong pansinin, inay, ayaw ko lang po na may sakit kayo."

"Salamat, Sophia, nadama ko rin ang pagmamahal ng isang tunay na anak."

"Bakit po aling Lukre?"

"Ano pong ibig ninyong sabihin?"

"Wala, anak, salamat at itinuring mo akong tunay mong ina, sapat na iyon at kung mawawala ako sa buhay mo, patawarin mo na lang ako sa mga nagawa kong mali sa iyo, sa mga pagkukulang ko."

"Inay, ano ba ang sinasabi ninyo, pinaiiyak naman ninyo ako eh."

"Hindi anak, basta ingatan mo lagi ang sarili mo, sapat na sa akin iyon."

Inilabas na ni Sophia si aling Lukre sa ospital upang sa bahay na ito magpagaling.

"Inay, huwag na po kayong gagawa dito sa bahay, ako na po ang bahala, basta pahinga lang po kayo, huwag kayong magpapagod."

Isang buwan ding ininda ni aling Lukre ang kanyang karamdaman hanggang sa bawian siya ng buhay. Lungkot na lungkot si Sophia sa nangyari sa ina-inahan, dahil itinuring niya itong tunay na ina.

Naging maayos naman ang libing ni aling Lukre sa tulong na rin ng mga kasamahan sa trabaho ni Sophia at maging ng amo niya.

Lumipas ang isang linggo mula ng ilibing si aling Lukre, naglilinis si Sophia ng kuwarto niya ng may makita siyang nakatuping papel na parang sulat.

"Ano kaya ito, para yata sa akin ang sulat na ito ah. Oo nga sulat ni inay ito."

Nang buksan ni Sophia ang sulat at ng mabasa ito ay humahangos na muling bumalik sa puntod ng ina-inahan at doon ay inubos ang lahat ng kanyang luha. Subali't hindi na maibabalik ng kanyang mga luha ang tunay niyang ina na matagal niyang hinanap.

"Inay ko, ang daya naman ninyo eh, bakit ikaw lang ang nakaalam na ako ang tunay mong anak, bakit hindi mo sinabi na ikaw pala ang ina ko na matagal kong pinanabikang makita at mayakap, ang daya daya mo talaga," ang humahagulgol na sabi ni Sophia.

Ganito ang nilalaman ng sulat ni aling Lukre kay Sophia:

"Anak, Sophia, salamat sa Diyos at natagpuan din kita. Nang makita ko ang maitim na balat sa iyong braso ay natiyak ko na ikaw nga ang tunay kong anak. Inilihim ko ang bagay na iyon sa iyo, anak, sa pangamba ko na baka sumbatan mo ako. Walang gabi na lumuluha ako sa kasiyahan dahil nakita rin kita sa wakas at nalasap sa iyo ang tunay na pagmamahal ng isang anak. Nang maramdaman ko na hindi na ako magtatagal ay ginawa ko na ang pagtatapat na ito sa iyo. Patawarin mo ako anak, ang iyong ina, LUKRECIA.

Lumipas pa ang isang buwan, subali't nababalot pa rin ang puso ni Sophia ng kalungkutan.

"Bakit kaya lahat ng mahal ko iniiwanan ako, bakit?" ang madalas sabihin ni sophia sa kanyang sarili.