Chereads / Bintang (Accused) / Chapter 9 - The Search Continues

Chapter 9 - The Search Continues

Isang katamtamang laki ng bungalow type na bahay ang nasa harapan ni Francis ngayon. May katamtaman ding laki ang bakuran nito. Marahil ito na ang bahay na nakasaad sa address ng unang biktima, naisip niya. Pinuntahan niya ang lugar sapagkat hindi na niya ma- contact ang numero ng immediate family ng victim na nakalagay sa case folder nito. Marahil ay nagpalit na ito ng numero sapagkat isang taon na rin naman ang nakakaraan. Kasalukuyan siyang nakatunghay sa harapan ng tahimik na bahay habang nakasakay pa rin sa kanyang motorsiklo. Muli niyang tiningnan ang kapirasong papel kung saan niya isinulat ang numero ng nasabing bahay. Nagpalinga- linga siya sa mga katabing bahay na maaaring may nakalagay na numero sa harap ng tahanan ng mga ito. Palibhasa'y walang nakasulat na numero sa bahay na kanyang hinintuan ay tila nag-aalangan siyang lumapit at kumatok rito. Tumayo na siya mula sa sinasakyang motorsiklo. Nais niyang makasiguro na ito na nga ang pakay niyang bahay ngunit ni isang taong pwedeng pagtanungan ay wala siyang mahagilap sa kaniyang paligid sa mga oras na iyon.

"May hinahanap po ba kayo?"

Isang tinig ang pumukaw sa kaniyang atensyon.Nang suriin niya kung saan nanggagaling ang boses ay namataan niya ang halos nakakubling nilalang sa likod ng bintanang natatakpan ng makapal na kurtina. Nagmula ito mismo sa bahay na iniisip niyang pag mamay-ari ng kapamilya o kaanak ng napaslang. Agad siyang lumapit sa gate ng bahay.

"Magandang araw po. Ako po si Police Corporal Francis Manansala mula po sa MPD station 5." pakilala niya. "Ang numero po ba ng bahay ninyo ay #26?"

Hindi agad sumagod ang taong nakasilip sa kaniya kayat minabuti niyang banggitin ang buong address na kaniyang hinahanap.

"#26 Maria Clara St, Evangelista, Pasay-"

Ang pagbubukas ng pinto ang pumutol sa kaniyang pagsasalita. Isang matandang babae ang lumabas mula rito.

"Pasok kayo. Mainit diyan sa labas." sabi nito sa kaniya habang binubuksan ang tarangkahan ng gate.

"Salamat po." aniya.

Maaliwalas ang loob ng bakuran. Napalilibutan ito ng mga luntiang halaman. Pagkabukas ng tarangkahan ay dumiretso ang may ari sa porch ng nasabing bahay kung saan ay makikita ang dalawang upuan na pinapagitnaan ng isang lamesita. Tila nakalaan talaga ito sa mga bisitang nagpupunta roon.

"Upo ka,.." aya nito sa kaniya. "Gusto mo ba ng maiinom?"

"Huwag na po. Hindi naman po ako magtatagal." sagot niya. "Mayroon lang po sana akong itatanong."

"Ano bang itatanong mo?" tanong nito sa kaniya. "Ikaw na ba ang bagong imbestigador ng kaso?

" Uhmm, hindi po. Nagkataon lang po na ako po ang imbestigador ng isa pang kaso na tila…, may kaugnayan sa dating kaso." pagpapalagay niya " kaano- ano po ba ninyo si Cathrize Guzman?"

Tiningnan muna siya nito bago sumagot. "Anak ko siya…"

Napagtanto niya na ina pala ito ng biktima.

Tumango- tango siya. "Ganoon po ba. Paumanhin po…"

Hindi sumagot ang babae sa kaniya. Tila nalungkot ang mukha nito sa pagkakabanggit sa kaniyang anak. Naalaala marahil nito ang karumal-dumal na krimeng kinahantungan nito. Ito nga marahil ang masakit sa damdamin ng mga naulila. Na matapos mamatay at maihatid na sa huling hantungan ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay ay biglang kailangan na namang ungkatin ang mga bagay na may kinalaman sa kamatayan ng mga ito. Ipinasya niyang itanong na rito ang nais malaman at ng hindi na tumagal pa ang kanilang usapan.

"Gusto ko lang po sanang itanong, natatandaan pa ba ninyo kung saang gym nagpunta ang anak n'yo bago naganap ang krimen?" tanong niya.

Hindi agad ito tumugon sa kanya. Parang tila nag-iisip ito kung may maaalala pa tungkol sa bagay na iyon. Bahagyang nagpailing- iling ito na tila walang ideya sa kanyang sinasabi.

"Parang wala akong matandaan..." sagot nito. " hindi ako sigurado, pero parang sa Makati 'yung gym na iyon…"

Hinayaan niya itong magpatuloy sa pagsasalita. Nais niyang bigyan ito ng sapat na panahon upang ma-recall ang mga bagay na may kaugnayan sa kaniyang itinatanong rito.

"Kasi kapag tinatanong ko siya, ang sinasabi lang niya sa Makati…" dagdag nito. "Sa Makati. Bel- Air. Oo tama sa Bel- Air nga. Hindi ko lang alam kung anong pangalan ng gym."

Malaking bagay nang malaman niya ang kinaroroonan ng gym kahit pa hindi ang eksaktong lokasyon nito. Gasino pa ba ang paglibot sa buong Bel- Air, Makati City. Kung kailangang maghapon niyang bagtasin ang bawat kalsada sa lugar na ito ay gagawin niya matagpuan lamang ang gym na iyon. Alam niyang kapag natukoy na niya ang nasabing establisimyento ay madali na siyang makakapangalap ng mahahalagang impormasyon hinggil sa biktima. Isang magandang development ito ng kaso sa palagay niya. Once na ma-establish na niya na may kinalaman ang gym sa pagkamatay ng biktima o 'maaaring' mga biktima.

Tumindig siya bago nagpaalam. "Iyon lang naman po. Baka po kasi may kinalaman ang gym sa pagkamatay ng anak ninyo dahil sa bagong kasong hinahawakan ko ngayon, nanggaling rin sa gym ang biktima bago nangyari ang krimen."

"Sana nga, makatulong ang binigay kong impormasyon." sabi nito sa kanya saka tumayo na rin. "Ibibigay ko na rin pala sa'yo ang bagong cellphone number ko para kung may kailangan ka, tawagan mo na lang ako."

Idinikta nito ang numero kay Francis na sinigurado naman ng huling nai-save niya sa phonebook ng kanyang cellphone ang bago nitong contact number.

"Salamat po. Babalitaan ko na lang po kayo sakaling may maging resulta ang isinasagawa kong karagdagang imbestigasyon." pagpapaalam niya. "Tutuloy na po ako."

Inihatid siya ng babae upang pagbuksan ng gate. Nang siya ay makalabas na at akmang sasakay na sa ipinaradang motorsiklo ay siya namang pagtunog ng kaniyang cellphone. Mr. Enriquez ang pangalan ng caller. Ang asawa ng biktima sa kasong hinahawakan niya ngayon. Kanina kasi sa istasyon ng pulisya, sinubukan niyang tawagan ang nasabing lalaki upang magtanong hinggil rin sa gym na pinupuntahan ng asawa nito. Umaaasa siyang makakukuha ng impormasyon kung mayroon man ngunit hindi niya ito ma- contact kanina. Mabuti na lamang at nag-return call ito sa kanya. Agad niyang sinagot ang tawag nito.

"I'm sorry, hindi ko agad nasagot ang tawag mo kanina My meeting kasi ako with my staff." sabi nito. "What is it? Bakit ka napatawag?"

"Magandang hapon, sir. Pasensiya na po sa abala. Napatawag po ako kanina para sana alamin baka sakaling alam ninyo kung saang gym nagpupunta ang asawa ninyo…?"

" Uhmm, oo. Isang beses ko siyang naihatid doon…" sagot nito. "It's along Don Ramon St. sa may Bel- Air, Makati City."

Sa pagkakarinig ng nasabing address ay tila may bombilyang lumitaw sa ibabaw ng kaniyang ulo. Mas eksakto ang detalyeng ibinigay ng lalaking ito kumpara sa ibinigay ng babaeng kausap niya kanina. At ang mas mahalaga pa, tila iisang gym lamang ang tinutukoy ng dalawa. Hindi malayong ang kaniyang sapantaha ay may katotohanan. At kapag napatunayan niya ang bagay na ito ay sisiguraduhin niyang mananagot ang nasa likod nito.

"Hello…?" sabi ng kausap niya. Tila naniniguro ito kung nasa linya pa siya sapagkat hindi siya agad nakasagot sa sinabi nito. "Police Corporal Manansala?"

"Yes, Mr. Enriquez. I'm still here." dagling sagot niya. "Salamat po sa impormasyon."

"Okay, is that all?" tanong nito.

"Yes sir. Sa ngayon po kasi ini-establish ko ang probability na baka may kinalaman ang gym sa kaso." sagot niya. "but right now, I'm still in the process of verifying it so, maybe I'll just call you some other time…"

"Sige officer, just call me if there's anything I can do to help."

"Thank you."

Matapos ang kanilang pag-uusap ay wala ng inaksayang panahon pa si Francis. Agad siyang sumakay sa motorsiklo at isinuot ang helmet na dala. Ora mismo ay nais niyang puntahan ang nasabing lugar para makita ito. Nais niyang masiguro kung may katotohanan ang kaniyang kutob. Simula kasi noong balik- balikan niya at pag-aralang muli ang naturang mga kaso ay hindi na mawala sa kaniyang isipan na maaaring may naging bahagi ang gym sa mga naganap na krimen.

Bago tuluyang paandarin ang motorsiklo ay muli siyang napabaling sa bahay na pinuntahan. Wala na sa porch ang babaeng kausap niya kanina. Pinangako niya sa sariling muling babalik sa lugar na ito. Dala ang magandang balita sa kaso. Na maaaring ang pagkakakilanlan sa may sala ng krimen. Saka niya muling ibinaling ang tingin sa kalsada at tuluyan ng pinaandar ang sasakyan. Halos palubog na ang araw nang mga oras na iyon ngunit walang makapipigil sa kanyang puntahan ang lugar na magpapatunay na hindi mali ang kaniyang iniisip.