Chereads / Hot Arranged Marriage / Chapter 1 - Chapter One

Hot Arranged Marriage

🇵🇭ecmendoza
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 23.6k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter One

"GUSTO kong ipangako mo sa akin, Taryn--" Nahinto ang nahihirapang pangungusap nang sumumpong ang sunud-sunod na pag-ubo.

"Lolo Michael, 'wag na po kayo gaanong magsalita. Nahihirapan lang kayo," pang-aalo ni Taryn Ferrer habang masuyong ipinupunas ang malambot na bimpo sa makintab na noo hanggang sa kulubot na pisngi ng matandang lalaki.

Nagpumilit pa ring magsalita si Lolo Michael. Pinairal ang likas na determinasyong nagpapalakas sa personalidad upang makontrol ang sakit.

"Nararamdaman kong malapit na akong umalis, Taryn. Gusto kong mangako ka sa akin."

"Sige po, Lolo. Nangangako po ako." Sa sobrang pagkaawa, agad na pumayag na mangako si Taryn kahit hindi pa alam kung tungkol saan ang dapat na ipangako.

"Hay, iha, lubhang napakabait mo talaga." Maingay ang buntonghiningang humulagpos sa kulubot na lalamunan ni Lolo Michael.

"At nakukunsensiya ako dahil sinasamantala ko ang kabaitan mo--pero desperado na ako." Nabasag ang magaspang na boses.

"Saan po ba kayo desperado na, Lolo Michael?" tanong ni Taryn.

"Gusto kong manatili ang Zabala Farm sa aking pamilya, Taryn." Tigib nga sa desperasyon ang mga salita ng matandang lalaki.

"Gusto kong masigurong hindi maibebenta ng aking tagapagmana sa ibang tao ang mga ari-ariang ipinundar ng pawis at dugo naming mag-asawa."

Si Taryn naman ang napa-buntonghininga. "Lolo, ikinalulungkot ko po pero hindi ko po alam kung paano kayo matutulungan tungkol sa bagay na 'yan."

Ginagap ng mga yayat na daliri ang kamay ng dalaga. "Mayroon kang maitutulong, Taryn!" pakli ni Lolo Michael.

Nangingintab na ang mga matang nangingislap sa sobrang paghahangad na matupad ang kaisa-isang ambisyon.

"Paano po?"

"Basta't ipangako mo lang na susundin mo ang kondisyon sa aking huling testamento, iha," ang matalinhagang tugon ng matandang lalaki.

Nanlaki ang mga mata ni Taryn. "Lolo naman. 'Di po ba't nagkaintindihan na tayo? Hindi ko po matatanggap ang anumang nais n'yong ipamana sa akin. Mapipilitan po akong umalis dito kapag nagpumilit kayo."

"Oo, nagkakaintindihan nga tayo. 'Wag kang mag-alala, Taryn, hindi ako sisira sa pangako ko sa 'yo--kaya aasahan ko ring hindi ka sisira sa pangako mo sa akin."

Unti-unting nagbalik sa normal ang paghinga ng dalaga.

"Opo, Lolo." Muling nagpatuloy ang marahang paggalaw ng bimpong hawak ng mga daliri ni Taryn. "Ano po ba ang kondisyon na 'yon, Lolo Michael?"

"Mangako ka muna, Taryn."

"Er, tungkol po ba saan ang kondisyon, Lolo?" ang hesitanteng tanong ng dalaga.

Makapugto-hininga ang sunud-sunod na ubong sumumpong. "M-mangako--ubu-ubo! Ka--ubu-ubo-ubo! Muna--!"

"O-opo, opo, nangangako po ako!" Natataranta na si Taryn dahil nayayanig ang patpating katawan ng pasyente sa bawat pag-ubo.

"N-nakahanda po akong gawin ang kahit na anong makakapagbigay ng kasiyahan at katahimikan sa inyo, Lolo Michael."

Isang munting himala para sa dalaga ang muling paghinto ng umiihit na ubo ni Lolo Michael. Nagpasalamat ito bago pumikit at natulog. Sa wakas ay napahinga na ngang talaga ang matandang maysakit.

Iyon lang ang mahalaga kay Taryn. Higit pa sa pagiging mag-amo ang relasyon nilang dalawa.

Anak siya ng katiwala ni Lolo Michael sa Zabala Farm. Nasundan nito ang paglaki niya. Ito mismo ang nagpatapos sa kanya sa kolehiyo sa kursong Agrikultura. Tinustusan din nito ang edukasyon ni Taryn sa Australia.

Kaya naman napakalaki ng utang na loob na tinatanaw at ng pagpapahalaga niya sa matandang lalaki.

Sa sobrang laki, pikit-matang tinupad ni Taryn ang pangako kay Lolo Michael...

*****

NAKASAKAY sa malapad na likod ng kalabaw si Taryn. Hawak ng isang kamay niya ang lubid na nakatali sa ilong ng malaki at kulay itim na hayop upang makontrol ang direksiyon ng paglakad nito.

Habang ang isang kamay ay nakasapo sa sumbrerong pinaglagyan ng bagong pitas na mga bulaklak o spades ng halamang kutchai, na paboritong gamitin sa pagluluto ng kusinerang si Aling Fe.

Bagama't pantay ang konkretong kalsadang nilalakaran ng kalabaw, umaalon pa rin ang kinauupuan ni Taryn dahil ang mga siksik na kalamnan ng apat na biyas ay nag-iigtingan sa paghila ng gareta o karitong yari sa kawayan.

Sampung batang babae at lalaki naman ang siksikang nangakasakay doon. Nasa pagitan ng anim hanggang walong taong gulang ang mga edad.

Isa't isa ay mayroong bitbit na tig-isang supot ng mga bagong pitas na kutchai spades, na ihahatid sa packing house.

Ang bawat kilong matitimbang ay may katumbas na kabayaran. Iyon ay magsisilbing baon na ng mga musmos sa kanilang pagpasok sa di-kalayuang eskuwelahan.

"Tsk! Hinto, Batik!" utos ni Taryn, sabay hila sa makapal na lubid. "O, narito na kayo, mga bata. Ingat lang sa pagbaba, ha?"

"Salamat po, Ate Taryn! Babay!" ang sabay-sabay na hiyaw ng mga bata bago masiglang nagsitakbo patungo sa bukas na malaking pintuan ng mababa at malapad na gusaling impakihan ng lahat ng mga farm products.

Magmula sa karneng baka, baboy, manok, at iba't ibang klaseng gulay at prutas na produkto ng Zabala Farm. Mula sa packing house, isasakay naman sa mga refrigerated delivery vans ang mga naka-vacuum-packed na mga hilaw na karne at gulay, at mga hinog na prutas--upang i-deliver sa mga supermarkets na kliyente ng Zabala Farm.

Ang farm na binubuo ng halos limampung ektarya ay pinaglilingkuran ng mahigit isandaang magsasaka, na katulad ni Taryn ay pawang pinag-aral ng butihing amo na si Michael Zabala Senior upang maging ekspertong technicians at technologists sa iba't ibang larangan ng pag-aalaga ng mga hayop at halaman.

Si Taryn ang naging over-all farm manager kahit isang babae, dahil siya lamang ang nakapasa sa pagsusulit ng isang unibersidad sa Australia.

Bukod sa talinong ipinamalas, nagpakita rin siya ng ibayong tiyaga at determinasyon dahil natapos niya ang apat na taong kurso tungkol sa modernong pagsasaka at paghahayupan.

Kaya naman buo ang paggalang ng mga kapwa-trabahador sa pagiging pinuno ng dalaga kahit batam-bata pa ang edad na bente-singko, kumpara sa karamihang nasa kuwarenta at singkuwenta anyos na.

Kahit ang mga kabinataang kaedaran ni Taryn ay malaki ang respeto sa kanya. Kaya tuloy walang nangangahas na manligaw. Nangangamba tuloy ang kanyang mga magulang.

"Baka tumandang dalaga ang anak natin, oy," ang malimit iungot ng kanyang Inay sa kanyang Itay.

"Oo nga. Gusto ko na ngang magkaroon ng apo, e. Dangkasi'y pinayagan mo pang magpunta sa abrod, e. Natakot tuloy lalo sa kanya ang mga binata dito sa atin," panunumbat agad ni Mang Benny.

"Ababa, ikaw ang may sala, oy! Kundi mo ginawang lalaki 'yang dalaga ko, disinsana'y ang mga gawaing-bahay lamang ang nalalaman n'yan," ganting-paninisi ni Aling Mely.

"O, siya, siya, tama na nga. Inaamin ko na." Sumuko na agad si Mang Benny dahil tutoo ang isinumbat ng asawa. "Hamo't dadalasan ko ang pagyayakag sa mga binata sa pagpunta dito sa bahay natin."

Ang solusyon ng ama ay hindi naging epektibo dahil ang dalagang farm manager ay palaging wala sa bahay.

Nag-uumpisa nang magtrabaho bago magbukangliwayway. Madalas na malalim na ang gabi kung makauwi.

Nang magkasakit si Lolo Michael, tuluyan nang hindi umuwi sa bahay si Taryn. Hiniling ng matandang amo na dumoon na muna ang dalaga sa malaking bahay.

"Labis akong nangungulila sa sarili kong pamilya. At si Taryn ay itinuturing ko nang tunay na apo ko magmula nang iligtas niya sa pagkalunod ang tunay na apo ko."

Sa ganitong pahayag ng matandang maysakit, napahinuhod ang mag-asawang Benny at Mely na payagan ang dalagang anak na pansamantalang tumira sa antigo ngunit marangya pa ring Zabala Farmhouse.

"Nakakaawa naman ang matandang Michael. Parang inabandona na ng sariling pamilya!" ang napapaiyak na wika ni Aling Mely. "Kapag dumalaw naman, palaging nagdudumaling umalis."

"Kundangan kasi'y ang kinuhang asawa ni Sir Junior ay taga-Menila," obserba ni Mang Benny. "Hindi kataka-takang napatulad sa ina ang kaisa-isang apo ni Tata Michael."

"Isa pa 'yon. Siya pa naman ang ginawang tagapagmana ni Tata Michael. Paano na ang kinabukasan ng Zabala Farm kung ang bagong amo ay ni walang alam at pakialam?"

"Hindi ako magugulat kapag ibinenta ang farm sa sandaling mawala si Tata Michael," ang malungkot na pahayag ni Mang Benny.

Hindi man kumikibo si Taryn, nakakaramdam rin siya ng takot. Ang farm ay ginawa niyang sentro ng buhay.

Ang lahat ng pagmamahal na nasa puso niya ay iniukol niya sa farm. Paano na siya kapag ibinenta sa ibang tao ang Zabala Farm?

Iyon marahil ang kinatatakutan ni Lolo Michael nung mga sandaling naghihingalo ito...

Kinabukasan, matapos mapilitang mangako si Taryn dahil pilit na hiniling ng matandang pasyente, binawian ito ng buhay. Hindi na nagising mula sa mahimbing na pagtulog.

Nagpakatatag si Taryn noon kahit ang gusto lang niya ay umiyak nang umiyak.

Pinigil niya ang pagdadalamhati dahil alam niyang marami siyang tungkuling dapat gampanan sa napakabait na amo.

Magkasabay na ipinasundo ng dalaga ang family doctor at ang family solicitor.

Ang una ang namahala sa pag-aayos ng katawan ng pasyente.

Ang ikalawa naman ang sa burol at sa pagtawag sa pamilya ng yumao.

Si Taryn ay tahimik na nangalap ng mga tauhang maglilinis sa lugar at maghahanda ng mga pagkain para sa mga bisitang makikiramay.

Sinadya niyang manatili sa background upang hindi makatawag-pansin sa kaninuman.

Nagtagumpay siyang maging imbisibol hanggang sa mailibing si Lolo Michael.

Ngunit kahapon, habang nakabaluktot si Taryn sa pagkakahiga at habang nakasubsob ang mukha sa unan upang walang makarinig sa pag-iyak niya, may tumawag sa telepono.

Ang kanyang ama ang nakatanggap ng pautos na mensahe.

"Taryn, anak? Gising ka ba? May tawag ka sa telepono."

Hindi makasagot ang dalaga dahil garalgal ang boses. Ngunit naudlot ang pagdaloy ng kanyang luha at matamang nakinig sa susunod na sasabihin ng ama.

"Ipinasasabi ni Attorney Layug na kailangan mo raw pumunta sa Farmhouse bukas, sa ganap na alas diyes empunto."

'Bakit kaya?' Kumunot ang noo ni Taryn pero hindi pa rin siya nagsalita.

"O, siya, mamaya ko na lang ipapaliwanag sa 'yo 'pag nakapahinga ka na, anak."

Gustong bumangon ni Taryn. Ngunit nanaig ang matinding pagod na idinulot ng dobleng responsibilidad na inako nang matagal, ang paggampan sa trabaho bilang farm manager at ang pag-aalaga sa among maysakit.

Nasisiyahan si Lolo Michael kapag may kausap sa mga gabing sinusumpong ng insomnia.

O di kaya'y kapag may kasabay na nanonood ng mga paboritong pelikulang nasa VCD collection.

Binabasahan rin ni Taryn ng aklat si Lolo Michael kapag masakit ang mga mata.

Nakatulugan na ni Taryn ang pag-iisip.

Kinabukasan ng umaga, ang nanaig naman ay ang matinding kuryosidad. Kaya alas sais pa lamang ay papunta na siya sa Farmhouse.

Ngunit sa likod-bahay pinalapit ni Taryn ang kalabaw.

Nagprisinta siyang ihatid ng personal ang mga kutchai spades na hiniling ng kusinera upang makasagap ng kahit na anong balita tungkol sa appointment niya mamayang alas diyes empunto.

Batak sa trabaho ang balingkinitang katawan, magaan ang pagkilos ni Taryn.

Maliksi ang pagtalon mula sa likod ng kalabaw at halos walang ingay na bumagsak sa lupa ang mga paang nasusuotan ng isang pares na botang kulay itim.

Nakayapos pa rin sa sumbrerong pinaglagyan ng mga kutchai spades ang isang braso ni Taryn, habang isinasabit sa isang sanga ng punong mangga ang lubid.

Paborito ni Batik ang makapal na carabao grass na nasa paanan ng puno.

Basa pa rin ang mahabang buhok ni Taryn nang umalis sa bahay kaninang alas singko kaya hindi pa naitali ng goma.

Nakalugay hanggang sa beywang niya ang mga hiblang tuwid na tuwid at itim na itim.

Iyon lamang ang tanging palatandaang babae siya dahil maskulino ang kanyang kabuuang nasusuotan ng mga damit-panlalaki--kapag nakatalikod.

Kapag nakaharap, walang sinumang magkakamali sa kasarian ni Taryn.

Babaeng-babae ang hugis-pusong mukha, ang natural na kulay-rosas ng makipot na bibig, ang delikanteng tangos ng maikling ilong, ang matataas na pisnging makikinis, at ang mga matang malalaki na napapalamutian ng mahahabang pilikmata.

"Tiyak na hindi matutuwa si Lolo Michael kapag kinain ng kalabaw mo ang kanyang mga rosas." Napapitlag ang dalaga nang biglang may magsalita sa kanyang likuran.

Parang nakuryente ang buong katawan ni Taryn nang marinig ang medyo paos at malalim na tinig-lalaki.

"Ilayo mo na agad ang hayop na 'yan bago pa makapinsala dito sa hardin," utos pa. Buung-buo ang awtoritismo sa modulatong boses.

Dahan-dahang humarap si Taryn sa nagsalita. Mistulang manikin siya na naging matigas ang pagkilos dahil ang mga biyas ay sinakmal ng matinding tensiyon.

Matangkad at matipuno at makisig.

Ganito ang mga impresyong sabay-sabay na lumutang sa isipan ni Taryn nang mapagmasdan ang estrangherong nakatayo sa kanyang harapan.

Saglit lang na natigilan ang lalaki. Isang mapambuskang ngiti ang marahang sumilay sa manipis na bibig habang minamasdan ang kabuuan ni Taryn.

"Aha, si Miss Superhero pala!" ang patuyang sambit matapos hagurin ng mapang-insultong titig ang kabuuan ni Taryn. "Nagkita rin uli tayo... sa wakas."

"G-good morning, sir." Nautal si Taryn nang sambitin ang magalang na pagbati.

Parang nag-aapoy ang buong katawan niya habang nakatutok sa kanya ang mga matang nang-uusig.

"Mahusay kang magtago, Miss Ferrer. Ni anino mo'y hindi ko nakita hanggang sa mailibing si Lolo. Saang sulok ng farm ka ba nagtago?"

Biglang nanlamig ang pakiramdam ni Taryn. Bakit hinahanap siya ng lalaking ito?

At--at bakit kilala siya ng taong ito?

"B-bakit kilala mo ako?" Nawalan ng halaga ang lahat. Ang tanging naging importante kay Taryn ay ang sagot sa ipinagtataka niya.

"A, nakalimutan mo na pala ako?" Unti-unting dumilim ang ekspresyon ng lalaki. "Hindi ka pa rin pala nagbabago, Taryn Ferrer!"

Napaatras si Taryn dahil naramdaman niya ang puwersa ng galit ng kaharap. Nangamba siyang baka makaalpas ang sinusupil na emosyon.

"I--I'm sorry, pero hindi ko kayo kilala, sir--"

"The name's Mic," ang pagigil na pakli ng lalaki.

Pinahulagpos sa pagitan ng mapuputing ngipin ang tatlong kataga habang naniningkit ang mga mata. Epektibong naipahayag ang matinding pagkadisgusto.

"M-mic..." ulit ni Taryn. Biglang naging pagaw ang tinig. Saglit na umikot ang paningin niya dahil paragasang humugos pabalik ang mga gunita sa nakaraan.

Alam niyang nakatakda na ang muling pagkukurus ng kanilang mga landas kapag nawala si Lolo Michael. Ngunit hindi pa rin niya naihanda ang sarili.

Ni sa hinagap, hindi inasahan ni Taryn na magiging ganito ang hitsura ni Mic Zabala, ang kaisa-isang apo ni Lolo Michael, kapag naging isang ganap na binata na.

Nung huli silang magkita, hanggang teynga lamang niya ang patpatin at maputlang batang lalaki.

Mas malaki siya kahit mas matanda ng tatlong taon ang batang Manilenyo sa edad niyang sampu noon.

Ngayon, makaraan ang labinlimang taon, ang noo ni Taryn ay umabot lamang hanggang sa kuwadradong baba. Kalahati lang ng matipunong katawan ang balingkinitang sukat niya.

"Natatandaan mo pa ba ako, Taryn?"

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Taryn. Kakaibang sensasyon ang idinulot ng pabulong na pagsambit ng maskulinong boses sa pangalan niya.

"K-kumusta po kayo, Sir Mic?" pangungumusta niya bilang tugon.

Bumuka ang bibig ng lalaki ngunit hindi naituloy ang pagsagot. Naunahan ng isang malambing na boses-babae.

"Mic darling? Where are you?"