Chereads / Hot Arranged Marriage / Chapter 2 - Chapter Two

Chapter 2 - Chapter Two

PARANG naalimpungatan mula sa isang mahimbing na pagtulog si Taryn nang lumapit ang sopistikadang babae sa tabi ng sopistikadong lalaki.

Bagay na bagay ang dalawang nilalang sa isa't isa ngunit hindi sa lugar na ito.

"Darlin', ang aga-aga mo namang gumising." Pumulupot ang mapuputing braso sa isang matipunong bisig.

Parang natural lang na makiskis ang malambot na harapan sa tagiliran ng lalaki.

"Mamaya pa darating ang solicitor ng Granpopsie mo, di ba?"

"I'm re-acquainting myself to the place, Desiree. I told you, dito ako nagbabakasyon nung bata pa ako."

"I know. Dito ka rin muntik nang mamatay, according to your mother. Mabuti na lang, may nagligtas sa buhay mo. Gusto kong pasalamatan ang taong 'yon, darling."

Dahil iniignora ng dalawa, dahan-dahang umatras palayo si Taryn. Hindi niya gustong manood sa paglalambingan ng magnobyo.

Nakaka-limang hakbang na si Taryn nang tapunan ng sulyap ni Mic Zabala.

Napapatda ang dalaga nang tutukan ng mga matang may puwersang nanghihila.

"Siyanga pala, Desiree. Nandito ang taong gusto mong pasalamatan."

Parang napako sa kinatatayuan, hindi nakatinag si Taryn nang lumapit ang lalaki, kasunod ang nobyang nakalambitin sa isang bisig.

"Desiree, meet my superhero, si Miss Ferrer." Si Taryn lamang ang nakahalata sa sarkasmo ni Mic.

Siya lang kasi ang nakakakita sa isang sulok ng bibig na bahagyang nakausli pataas.

"Miss Ferrer, siya ang girlfriend kong si Desiree Levito."

Parang maskarang hinubad ang magiliw na ekspresyon dahil agad na naging pormal at arogante ang anyo ni Desiree Levito, pagkakita kay Taryn.

Buong panunuring sinipat at sinukat ang kabuuan niya. Pabalik-balik ang mga matang mapangutya sa lumang sumbrerong yari sa buli na may mga nakausling mahahabang tangkay na kulay light green.

Sa mga pagkakataong ganito, lihim na nagpapasalamat si Taryn sa apat na taong pag-aaral at paninirahan niya sa Australia.

Ang karakter niyang tahimik at mapagkumbaba ay nahasa at nahubog upang maging matatag pero simple at down-to-earth pa rin.

Nagawa niyang maging kalmado, sa kabila ng tensiyon na nagpapanginig sa buong katawan.

"Kumusta po kayo, ma'am?" Iniyukod niya ang ulo habang ipinakikita ang malayang kamay na may bahid ng putik at mantsa ng mga damo.

Hinihila niya ang mga damong ligaw sa plots habang namimitas ng kutchai spades.

"What are you ba? I mean, do you work around here?"

"Yes, ma'am. I'm the farm--"

"She's one of the farmhands, Desiree," sabad ng isa pang tinig-babae.

Sabay-sabay na napalinga ang tatlong pares ng mga mata kay Mrs. Sonia Zabala, ang dating modelo at sosyalerang ina ni Mic.

Walang pagbabago sa eleganteng pananamit ng nakakatandang babae, maliban sa mangilan-ngilang kulubot sa mala-perlas na kutis.

Ang mahaba at esponghadong buhok na palaging nakalugay ay mamula-mula pa rin ang kulay.

Ang leeg at mga daliri ay puno pa rin ng mga alahas na yari sa lantay na ginto at iba't ibang mamahaling hiyas.

"At 'wag kang maniniwalang iniligtas ng hampaslupang 'yan ang anak ko," dugtong pa. "Kundi d'yan sa maglulupang 'yan, hindi tatalon sa ilog ang anak ko noon!"

'Hindi pa rin nababawasan ang katarayan ni Ma'am Sonia,' bulong ni Taryn sa sarili.

"That's not true, Mama!" bawi ni Mic. Nakakunot ang noo sa ina. "I owe my life to Taryn, pero hindi ka pa rin makapagpasalamat sa kanya."

Hinawi ng isang kamay na may mahahabang kukong kulay pula ang hangin.

"Kundi ka niya hinamong lumangoy noon, hindi ka tatalon sa ilog," giit ni Ma'am Sonia.

"Enough of this rubbish talk. Halinakayong dalawa sa loob. Naghihintay ang Papa n'yo sa kumedor. Gusto niyang magkasabay-sabay tayo sa almusal."

"Mauna na kayo, Mama," pagtataboy ni Mic sa ina. Matigas ang ekspresyon ng guwapong mukha. "You interrupted the introduction between Miss Ferrer and Desiree."

"That woman is a menace, Michael Zabala the Third!" singhal ng may edad na babae. Hindi natigatig sa banayad na babala ng anak.

"Come inside, Desiree! Take my son with you!" Ang nobya na lamang ng binata ang pinagdiskitahan ng mapuwersang personalidad.

Pinukol muna ng napakatalim na irap si Taryn bago padaskol na tumalikod upang bumalik sa pinanggalingang direksiyon.

"'Lika na nga, Mic. Tita Sonia is really mad." Natakot si Desiree. Inaya agad ang nobyo.

"Mama is just being bitchy because Papa refused to go home today, Desiree," katwiran ni Mic.

Sinamantala ni Taryn ang pagtatalo ng magkatipan. Maliksi siyang tumalilis patungo sa kusina.

"Ay, ikaw pala, Taryn! Nagulat naman ako sa 'yo," bulalas ng nagitlang si Aling Fe. "Iyan na ba ang kutchai na hiningi ko kay Delay kahapon?"

"O-opo." Huminga nang malalim si Taryn upang makontrol ang paghingal habang tuluy-tuloy na lumapit sa lababo.

Inilipat niya sa isang palangganang may tubig ang mga munting buko ng bulaklak na may mahahaba at malulutong na tangkay.

"Teka't ipagtitimpla kita ng kape," alok ni Aling Fe.

"Huwag na po." Sunud-sunod ang pag-iling ni Taryn. "Hindi po ako maaaring magtagal, Aling Fe. Idinaan ko lang po ang mga ito dahil mamayang tanghali pa aahon buhat sa gulayan sina Aling Delay."

"O, siya. Pababaunan na lang kita ng mga hotcakes."

"Aling Fe, ang mga amo na lang po natin ang asikasuhin n'yo. Gising na po yata silang lahat."

"Kuu, katatapos ko lang maghain sa kumedor," salo ng may edad na kusinera. "Bakit alam mo nga pala?" maang nito.

"Nadaanan ko po sila sa hardin ngayun-ngayon lang." Kunwa'y naging abala sa pagtutuwid ng sumbrero sa dating ayos si Taryn dahil hindi siya makatingin nang diretso sa kausap.

"Sige po, Aling Fe. Pupunta pa ako sa swine house." Nagsasalita siya habang nagsusuot ng sumbrero at naglalakad patungo sa backdoor.

"Okey. Salamat uli dito sa kutchai."

Nang nakalabas na sa kusina, saka lang naalala ni Taryn ang talagang pakay sa pagpunta nang maaga sa Farmhouse.

Ngunit imposible nang makakuwentuhan sila ni Aling Fe kung kapwa nangangamba sa mataras na presensiya ni Sonia Zabala.

Laking pasalamat ni Taryn nang tanging si Batik lamang ang dinatnan.

Maliksi niyang inalis sa sanga ang lubid ng kalabaw at pinilit na pahintuin sa panginginain ng damo upang agad na makaalis sila sa lugar na iyon.

Hindi magiging normal ang paghinga niya hanggang nasa malapit ang mag-inang Zabala!

Unti-unti ngang bumagal ang masasal na pagtahip ng dibdib habang papalayo ang dalaga sa Farmhouse.

Kalmado na uli siya nang makarating sa opisina. Dahilan lang niya ang swine house sa kusinera.

Matapos ipasa kay Mang Hamin, ang caretaker ng sampung ektaryang palayan, si Batik at ang gareta, sinimulan na ni Taryn ang pagbabawas sa tumaas na tumpok ng paperworks sa office desk niya.

Episyente rin ang kanyang sekretarya kaya halos nangangalahati na sila nang dumating ang tawag-paalala ng family solicitor.

"Ate Taryn, kailangan daw po kayo sa Farmhouse ngayong ten o'clock," pahayag ni Salve.

Inatake agad ng nerbiyos si Taryn. Muntik na niyang mabitawan ang hawak na ballpen nang biglang manlamig at manigas ang mga daliri.

"Okey. Pupunta na ako." Peke lang ang kalma ng boses at anyo niya.

"Umpisahan mo na ang mga sulat. Magpapatuloy tayo mamayang pagbalik ko," habilin niya sa tauhan habang dinadampot ang sumbrerong yari sa buli.

"Ano'ng sasakyan ang gagamitin mo, Ate Taryn?" pahabol ni Salve.

Napahinto si Taryn. Mabilis na nag-isip.

"Ano na lang ba ang natira sa garahe?" ganting-tanong niya nang walang maisip. "'And'yan ba ang motorbike?"

"Ginamit ni Badong. Kumuha siya ng piyesa sa kabilang bayan. 'Yung traktora lang ang nasa garahe ngayon."

"Buweno, 'yon na lang. Pahiram ng susi."

Maagap na kinuha ni Salve ang keychain sa sabitan at iniabot sa boss. Ito ang nangangalaga sa mga susi ng lahat ng mga sasakyang ginagamit sa operasyon ng farm, maliban sa mga refrigerated vans na nasa pamamahala naman ng packing house supervisor.

Habang nilalakbay ang maikling distansiya papunta sa Farmhouse, paulit-ulit na umuusal ng panalangin si Taryn.

Humihingi siya ng dagdag na katatagan ng loob.

Sa tuwing makakaharap kasi niya si Ma'am Sonia, palagi siyang dumaranas ng humiliyasyon. Malaki ang kakayahan ng ina ni Mic na ilantad at ilubog siya sa kahihiyan.

'Sandali lang ang meeting, Taryn Ferrer. Konting tatag lang. Kayang-kaya mo 'yan,' bulong ni Taryn sa sarili habang umiibis mula sa mataas na upuan ng traktora.

Hindi na niya inilapit nang husto sa bahay ang maingay na sasakyan dahil baka mairita sa sobrang ingay ng higanteng makina ang mga okupante sa loob.

"Hay, salamat at nandito ka na!" bulalas ni Aling Fe nang makita si Taryn. Nakaabang na ito sa bukas na front door.

"Halika. Ang utos sa akin ni Attorney Layug ay ihatid kita agad sa library."

"Salamat po."

Dahil halos kaladkarin na sa paglalakad, hindi na nakapagtanong si Taryn.

Parang sa isang iglap lang, nakarating na agad sila sa pormal na silid-aklatan.

Naumid ang dila niya nang mabuglawan ang buong Pamilya Zabala. Halatang nagulat ang mga ito nang makita siya.

Si Sonia Zabala ang unang nakabawi.

"Ano'ng ibig sabihin nito, Attorney? Bakit 'andito rin ang hampaslu--"

"Sonia!"

"Mama!"

Magkasabay na sinaway ng mag-amang Jun at Mic ang galit na babae.

Maliksi namang nagpaliwanag ang family solicitor.

"Kasama po talaga si Miss Taryn Ferrer sa kailangang makinig sa nilalaman ng huling testamento ni Ginoong Michael Zabala Senior."

"At bakit? Isa rin ba siyang tagapagmana?"

"Hindi po--"

"Kung gayo'y palabasin mo na siya!"

"Kung tutuusin nga po'y--"

"Lumabas ka na lang, babae. Hindi ka kasali dito."

Parang ipinako sa sahig ang mga paa ni Taryn kaya hindi niya nagawang tumalima sa mabagsik na utos.

"Sonia, huminahon ka nga," saway ni Sir Jun sa nagtataray na asawa. "Sige, Attorney, ipagpatuloy n'yo ang inyong sasabihin."

Umubo muna si Attorney Layug bago nagsalita. Halatang naiilang sa susunod na sasabihin.

"Well, as I was saying, sir, kung tutuusin po'y sina Sir Mic at Miss Ferrer lang ang dapat na naririto ngayon."

"Teka nga muna, Attorney," sabad na naman ng ina ni Mic.

"Ang sabi mo kanina'y hindi kasama sa mga tagapagmana ang babaeng 'yan? Bakit siya lang at ang anak ko ang gusto mong matira dito?"

"Sonia, makinig ka na lang muna sa paliwanag ni Attorney." Naniningkit na ang mga mata ng ama ni Mic nang titigan ang asawa.

"Ang ibig mo bang sabihin, ang aking anak at si Miss Ferrer lang ang nais ni Papa na makinig sa kanyang huling testamento?"

"Er, opo, Sir Jun." Niluwagan ng nanginginig na mga daliri ni Attorney Layug ang pagkakabuhol ng kurbata.

"Pasensiya na po, sir, ma'am. Kailangan po ninyong lumabas muna."

"P'ano nangyari 'yon?" Parang gustong sumabog ni Sonia Zabala. Namumula ang maganda ngunit medyo luyloy nang mukha, sanhi ng pagkapahiyang pilit na itinatago sa likod ng katarayan.

"Hindi ba ikaw dapat ang tagapagmana ni Papa, Jun?"

"Igalang natin ang desisyon ni Papa. Halika na. Lumabas na tayo." Pasimpleng pinuwersa ni Jun ang kabiyak para tumindig.

Kailangan ding hilahin ang huli para lumakad.

"Napaka-unfair naman ni Papa, Jun! 'Wag kang pumayag! Ikaw dapat ang heredero niya dahil ikaw ang kaisa-isang anak niya!" Nagbubusa pa rin ang babae kahit nagagapi ng superyor na lakas ng asawa.

"'Wag kang magtaka kung inalisan ako ng mana ni Papa. Kinuha mo ako sa kanya. Inalisan mo siya ng anak."

"Binigyan ko naman siya ng apo! Ipinangalan ko pa nga sa kanya!"

"Sonia, tama na. Tanggapin mo na lang na hindi kayo napamahal ni Papa sa isa't isa."

Iyon ang huling narinig nila bago naisara ang solidong pinto ng library.

Isang mabigat na katahimikan ang saglit na naghari habang nagpapakiramdaman ang tatlong okupante.

Pakiramdam ni Taryn, bibitayin na siya nang mga sandaling iyon.

At hindi na siya gaanong nagulat nang matuklasang isang uri ng pagbitay nga ang naghihintay sa kanya...!