Chereads / This Magnetic Attraction / Chapter 1 - Chapter One

This Magnetic Attraction

🇵🇭ecmendoza
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 35.1k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter One

"BASTA magtiis-tiis ka pa nang kaunti, Cassie. Naghihintay lang ako ng magandang tiyempo kung paano ko sasabihin kay Elizabeth."

"Bakit kailangan mo pang maghintay ng magandang tiyempo? Kahit naman paano mo sabihin, magigimbal pa rin ang asawa mo kapag nalaman ang tungkol sa akin."

"Hindi ko maaaring biglain ang asawa ko. Nung isang taon lang namatay ang aming anak... Kaya intindihin mo na lang muna ang sitwasyon, ha?"

"Oh, I'm sorry! Nawala sa isip ko. I'm sorry talaga, Da--er, Jose pala."

"It's okay. Napakasuwerte ko dahil napaka-understanding mo, Cassie."

"Wala naman akong choice kundi ang maging understanding."

"Oh, well, as I was saying--sandaling panahon na lang siguro ang ipagtitiis mo. Tiyak na masasabi ko na kay Elizabeth ang tungkol sa ating dalawa."

"Sana nga--pero 'wag mo naman siyang madaliin. Nabigla lang ako kanina. Natataranta lang ako dahil baka may ibang tao nang nakakahalata sa relasyon nating dalawa. Naisip ko lang na mas maigi siguro kung sa bibig mo na mismo marinig ng asawa mo ang tutoo."

"I agree with you, Cassie. Hindi mo lang alam kung gaano kahirap ang sitwasyon ko. Napakahirap palang magtago ng lihim na relasyon! Ayokong masaktan si Elizabeth pero..."

"K-kawawa ka naman... Jose... Ang mabuti pa siguro'y lumayo na lang ako para hindi na ako makagulo sa buhay n'yong mag-asawa."

"No! Hindi mo gagawin 'yan. Baka hindi ko na makaya ang sakit. Ipangako mo sa aking hindi ka mawawala at malalayo sa piling ko, Cassie!"

"A-ano kaya kung 'wag mo na lang sabihin sa kanya? Ilihim na lang natin habang panahon--"

"Hindi puwede, Cassie! Hindi puwedeng itago ko ang pagmamahal ko sa 'yo habambuhay! Kailangang malaman ni Elizabeth--at kailangang tanggapin niya ang katotohanan tungkol sa ating dalawa!"

"Oh, please calm down! Ikaw na nga ang bahala."

"I'm sorry I annoyed you, my dear Cassie. Pasensiya ka na sa matandang hukluban na ito."

"Hindi ka pa matandang hukluban! You're still on your prime."

"Sometimes I feel so old and weak, Cassie."

"Natural lang ang maging depressed ka paminsan-minsan. Ipinagluluksa mo pa ang iyong anak."

"You're right. Kaya nga ang suwerte-suwerte ko dahil dumating ka sa buhay ko, Cassie. You brought joy to my sad life. That's why I love you so much."

"I love you, too."

Isang mahabang hintuturo ang padaskol at mariing pumindot sa 'stop' button kaya huminto sa pag-ikot ang naka-'play' na casette tape. Tumigil rin ang pag-uusap ng dalawang tinig.

"Mga taksil!" angil ni Xander. Nagliliyab ang poot sa matigas na tinig. "Magbabayad ka, kung sino ka mang Cassie ka! Hindi ko papayagang mawasak ng isang mababang uring babae ang twenty-five-year-old marriage ng parents ko!"

*****

"SHE'S the woman in a blue gown, sir."

Agad na nag-apuhap sa gitna ng maraming tao ang mga mata ni Xander. Hindi isa lang ang babaeng nakasuot ng damit na kulay asul.

Ngunit iisa lang ang babaeng may mapanuksong kariktan. Kapansin-pansin ang aura ng mapanghigop na sensuwalismo.

Ang bestidong panggabi na may deep v-neckline, spaghetti straps at mid-thigh skirt ay mistulang ikalawang balat na dahil hakab na hakab sa katawang hubog hourglass.

Mayaman ang umbok ng dibdib. Maliit ang beywang. Bilog ang balakang. Mahahaba ang mga hita. Delikante ang hugis ng mga binti.

At nakalantad ang isang misteryosang cleavage. Sa sobrang lalim, mae-engganyo ang sinumang lalaki na magpatihulog at magpakahibang...

Poor Dad, he had no chance with this sex bomb of a woman, bulong ni Xander sa sarili.

Aminado siyang kaya lang nakapanlaban sa mapanuksong kariktan ng babae ay dahil alam niya ang tunay na kulay ni Cassie--isang babaeng walang prinsipyo. Isang babaeng marriage wrecker!

"Tell me everything you know about her," utos ni Xander sa kausap. Nakapagkit pa rin ang paningin sa katuksu-tuksong kabuuan ng babaeng kinamumuhian.

Hinayaan niyang mahati ang pagkatao. Ang isa ay namumuhi habang ang isa ay nagnanasa. Dahil natural lang na mapukaw ang pagnanasa ng pagkalalaki.

Ekstra-ordinaryo ang kagandahan ni Cassie. Napaka-sensuwal. Hindi pangkaraniwan. Isang perpektong sexual toy. Tiyak na napakasarap na maging bedmate...

Nang mamalayang humahabi na ng mga pantasya ang imahinasyon, biglang nagpreno si Xander. Hindi siya dapat magpatangay nang husto. Hindi niya dapat kalimutang kerida ng kanyang Dad ang babaeng pinag-uukulan ng pagnanasa.

Itinutok naman niya ang isipan sa pakikinig sa report ng katabi. Awtomatikong iniipon at itinatago sa loob ng memory bank ang lahat ng mga impormasyon tungkol kay Cassie Torres, beinte sais anyos, tourism graduate, personal assistant ng isang travel company, single at always available.

"Paano mo nalamang available pa siya?" sabad ni Xander.

Tumawa ang tinanong, sabay iniangat ang whisky tumbler. "Can we have another round of drink, sir?" ang nakangising hiling. Sinasamantala ang interes niya sa babaeng pinag-uusapan.

"Sure." Ikinubli ni Xander ang pagkayamot dahil pabor sa kanya ang malasing ang inpormante para lalupang dumulas ang dila. Kinambatan niya ang isang waiter.

"Ano'ng order n'yo, sir?" ang episyenteng tanong ng unipormadong tauhan ng five-star hotel, na kasalukuyang pinaggaganapan ng isang victory party ng katatapos na elite fashion show.

"A half bottle of whisky." Walang gatol ang tugon ni Xander kahit siguradong triple pa ang presyo ng alak para sa gabing iyon.

"Wow! Galante ka pala, ha? Gusto kita, sir. Saludo ako sa 'yo." Idinikit nito sa gilid ng noo ang baso.

"Marami pa ang darating na biyaya kung magiging honest ka sa akin," pangako ni Xander, sa tonong nagbababala. "Gusto kong sabihin mo sa akin ang lahat ng mga nalalaman mo tungkol kay Cassie Torres."

Tumawa na parang nakakaloko ang kaharap. "Lahat? Sigurado ka, sir? That woman has a sizzling private life."

Agad na naningkit ang mga mata ni Xander. "Talaga? Gaano naman ba ka-sizzling?"

Hindi agad tumugon ang tinanong dahil dumating ang waiter na may dala sa kalahating bote ng mamahaling whisky. Sabik nitong pinanood ang pagsasalin ng alak sa baso.

Lihim na natuwa si Xander sa napunang kahayukan ng kausap sa alkohol. Natuklasan na niya ang kahinaan nito.

Kabisado na niya ang mga patakaran sa sari-saring laro sa mundong ginagalawan. Lahat ng bagay o pabor na kailangan ay hindi ibinibigay ng walang kapalit.

Kabisado na rin niya kung paano manalo sa mga 'kalaro'. Ibigay lang ang lahat ng hilig, pasakayin lang ng pasakayin ang kalaban--at kapag kumagat na sa pain ay saka lang susunggaban sa leeg.

Ganito ang balak niyang gawin kay Cassie Torres...

"Anu-ano ba'ng gusto mong malaman tungkol sa aming Ice Princess?"

"P'ano siya naging Ice Princess? Ang sabi mo'y sizzling ang private life niya?" Gustong sipain ni Xander ang sarili dahil nawalan na naman ng kontrol sa kuryosidad.

Control yourself, man.

"Hey, isa-isa lang, okey?" Lumilitaw na ang pagiging mayabang dahil lalong nalalasing. "Ibang klase 'yang si Cassie Torres. Napakabilis ng pag-asenso n'yan sa kumpanya namin. Anim na buwan lang naging junior tourist guide--tapos, biglang na-promote sa pagka-assistant ng boss namin. Tiyak na hanep sa kama 'yan!"

"Ang ibig mo bang sabihin, may relasyon sila ni Mr. Montes?" Banayad at mahinahon na ang tono ni Xander.

"Sikreto ang tungkol d'yan pero hindi nila ako mapapagtaguan."

"Ano'ng pruweba mo?"

"Magmula nang maging assistant, nakabili agad ng bahay at lupa sa isang class subdivision at isang brand-new car si Miss Torres. Saan kukuha ng pera ang isang 'yon kundi sa isang mayamang sugar daddy?"

"Malay mo, tumama sa lotto si Miss Torres?"

Humalakhak nang patuya ang kaharap. "May reputasyon nang malikot at mahilig ang aming si Miss Torres bago pa man na-igarahe ng big boss namin. Sumasama 'yan sa mga mayayamang turista kahit na saan."

"Sigurado ka ba d'yan?"

"Ako mismo ang nakakita sa kanya sa loob mismo ng hotel room ng isang Amerikanong turista noon. Inatake sa puso ang kawawang matanda nang matikman ang galing sa kama ni Cassie," ang nagmamalaking tugon.

"Na-caught in the act mo ba sila sa kama?" Aywan kung bakit may mga kalamnan si Xander na nag-iigtingan.

Bahagyang namilipit ang tinanong. Tinungga ang natitirang alak sa baso para makabawi bago tumugon.

"Ang sabi ni Cassie, nilansi lang daw siya ng turista kaya napapayag na pumasok sa hotelroom. Umarteng nahihilo para tulungan niya, tapos bigla siyang sinunggaban nang nasa loob na. He! he! Kundi ko pa alam, binago niya ang kuwento para hindi mapagalitan ng big boss namin--at para makuha ang simpatiya ni Sir Jose."

"Nakuha ba naman ni Cassie ang simpatiya ni Da--Mr. Montes?" Ang mga bagang naman ni Xander ang nagtatagisan ng lakas.

"Aba, oo. Ora mismo nga, naging personal assistant na niya si Miss Torres, e."

"Gaano katagal na silang may relasyon?"

"May anim na buwan na."

May anim na buwan na ring nagpapahayag ng mga pagdududa ang kanyang Mommy. Naalala niya ang ilang masinsinang pag-uusap nila ng ina...

"Xander, hindi ko na maintindihan ang Daddy mo. Marami nang nagbago sa kanya."

"Katulad ng ano, Mom?" Magmula nang mamatay ang bunsong kapatid, palagi nang binibigyan ng atensiyon ang magulang. Inilalaan niya ang isang oras ng bawat araw para makausap si Elizabeth Montes, kahit saan mang panig ng mundo siya naruruon.

Nasa travel business rin si Xander pero mas extensive at mas kumplikado kaysa sa negosyo ng Daddy niya. Pag-aari ng travelling company niya ang isa sa mga luxury cruise ship sa buong mundo.

"Parang may inililihim siya sa akin. Palaging malalim ang kanyang iniisip. 'Pag itinatanong ko naman kung anong problema niya, wala daw."

"Baka naman wala nga, Mom?"

"Meron," giit ni Elizabeth mula sa kabilang kawad. "Nararamdaman kong--may ibang babaeng involved..."