Chereads / This Magnetic Attraction / Chapter 2 - Chapter Two

Chapter 2 - Chapter Two

Biglang napahinto sa tuluy-tuloy na pagpirma ni Xander sa mga papeles na ipinasok ng sekretarya bago kumuriring ang telepono.

"May ibang babae si Dad?" Nagulat siya. Singkuwenta y singko anyos na si Jose Montes, na tila biglang nadagdagan ng dalawampung taon dahil nagdalamhati sa biglaan ring pagkamatay ni Joseito.

"Sigurado ako, Xander. B-bihira na niya akong yayaing lumabas. Hindi na siya nakikipagkuwentuhan sa akin..."

"Hindi na siya umuuwi sa bahay n'yo?"

"Umuuwi--kaya lang palaging gabi na."

"Baka naman, abalang-abala lang sa negosyo, Mom?"

"Abala?!" Nagkaroon ng panunuya sa tinig ng ina. "Abala sa pagwawaldas kamo! Nasimot ang laman ng personal bank account niya sa loob lang ng isang buwan!"

"Kailan nangyari 'yan, Mom?" Tuluyan nang binitawan ni Xander ang hawak na gold-plated signpen. Isang seryosong problema na ang naririnig niya.

"About six months ago." Tuluyan nang napahikbi si Elizabeth Montes. "Oh, anak! Hindi ko yata makakayang mawawala rin sa akin si Jose. Isang taon pa lang nung mamatay si Joselito! Nawalan na ako ng isang anak, mawawalan pa rin ba ako ng asawa? Xander, please, help me! Hu! hu! hu!"

"Mom, stop crying. Makakasama lang sa 'yo ang pag-iyak. Ang mabuti pa'y mag-impake ka para sa inyong dalawa." Mabilis na gumawa ng desisyon si Xander. Ang maliksi at matalas na utak niya ang nagpalago sa kanyang negosyo.

"B-bakit?"

"Sasakay kayo sa aking cruise ship. Mananatili kayo d'on ni Dad hanggang hindi nawawala ang inyong problema."

"P'ano kung hindi na mawala? P'ano kung hindi na niya magawang kalimutan ang babaeng 'yon? Tiyak na bata at maganda ang kerida ni Jose. Imposibleng kumuha siya ng babaeng kaedad ko lang, hindi ba?"

"Don't worry, Mom, aalamin ko kung talagang may ibang babaeng kinalolokohan si Dad."

"At kung meron nga?"

"Buburahin ko siya sa mundo ni Dad." Kaswal lang ang pahayag ni Xander ngunit tigib sa kamandag ng poot ang anyo at kalooban niya.

"Oh." Napasinghap si Elizabeth. Tila nasindak sa galit ng anak na naramdaman kahit hindi siya nakikita.

"Please, don't be reckless, son," paalala nito. "Ayokong mawala ka rin sa akin."

"Of course, I won't. Tuturuan ko lang ng kaunting leksiyon kung sinuman ang babaeng nangahas na sirain ang wonderful marriage n'yo ni Dad."

"Oh, Xander! Salamat sa reminder mo na wonderful ang marriage ko. Muntik ko nang makalimutan ang bagay na 'yan." Bumuntonghininga bago nagpatuloy.

"Alam mo bang ako rin siguro ang nagtulak sa Dad mo na mambabae? Masyado akong nagpakalubog sa depression. Nagluksa ako nang matagal sa kamatayan ni Joselito," ang malungkot na pag-amin.

"'Wag mong sisihin ang sarili mo, Mom. Sundin mo ang payo ko. Pack your holiday clothes. Ipapasundo ko kayo d'yan sa company driver para ihatid sa airport. Nakadaong sa Hongkong port ang cruise ship."

"Baka hindi pumayag na mawala nang matagal sa Pilipinas si Jose."

"Yayain mo muna siyang magbakasyon--'pag tumanggi siya, ako ang makikipag-usap sa kanya."

"Papayag na magbakasyon ang Dad mo. In fact, nagyaya na nga siyang mag-three-day holiday kami sa Paris last week. Ako lang ang tumanggi."

"Ikaw naman ang magyaya ngayon. I'm sure, hindi na magugulat si Dad kung nagbago ang pasiya mo."

"Okey, I'll do that."

"I suggest, 'wag mo munang sabihin sa kanya na isang world tour ang vacation trip na iniaalok mo," pahabol ni Xander. "Baka balakin niyang ipuslit ang kerida sa barko ko."

"Posible ba 'yon?"

"Hindi natin alam kung gaano na siya kabaliw sa kerida niya."

"I--I will do exactly as you suggested." Gumaralgal na naman ang boses ng ina.

Lalong nag-alab ang hangarin ni Xander na makapaghiganti sa babaeng nagdudulot ng kaguluhan sa pagsasama ng mga magulang.

"Good. I'll be waiting for your call."

Katulad ng inaasahan ni Elizabeth, hindi agad pumayag na umalis si Jose.

"Bakit daw ayaw niyang umalis agad?"

"May gusto raw muna siyang sabihin sa 'yo, anak."

"I'll call him at once."

"Nandito na siya sa tabi ko ngayon. Ibibigay na kita sa kanya."

"Okey."

"Hello, Xander?" Parang pagud na pagod ang boses ni Jose Montes.

Hindi agad sumagot si Xander dahil inisip niya kung saan pa kumukuha ng enerhiya ang matandang lalaki para makapagbigay ng sexual satisfaction sa isang kerida.

O baka naman financial satisfaction lang ang kailangan ng babaeng golddigger sa matagumpay na negosyante? Hindi imposible para sa isang babaeng walang prinsipyo ang maging two-timer slut.

"Hello, Dad?"

"Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, Xander. Gusto ko nang magretiro. Ibebenta ko na sa 'yo ang lahat ng shares ko sa aking kumpanya."

Hindi iyon ang inaasahang marinig, nabigla si Xander. "Biglang-bigla naman 'ata ang desisyon mong 'yan, Dad?" May bumahid na banyagang punto sa matatas na pananagalog niya, isang pahiwatig na nawala ang kanyang kalma.

"I've been preparing for this. Napapagod na ako... sa maraming bagay."

Napapagod ka na bang makisama kay Mommy? tanong ni Xander sa sarili.

"'Wag kang magpadalus-dalos, Dad. We'll talk about this when you come back from your vacation. In the meantime, personal kong aasikasuhin ang kumpanya mo habang wala ka. Is that alright with you?"

"That would be more than enough, son. My old company shall be honored to have you there, Xander. You're a world-class business tycoon at a young age of thirty-five."

Sa unang pagkakataon, hindi nasiyahan si Xander sa papuri ng ama sa kanyang business success.

"I would prefer to remain incognito, Dad. Mas maiging walang makaalam kung sino ako habang wala pa tayong final decision para sa future ng kumpanya."

"Okey, sasabihin ko na lang na anak kita at--"

"No," pakli ni Xander. "'Wag mo rin akong ipakilalang anak mo."

"Kung gayo'y paano kita ipapakilala?"

"Ako na ang bahalang magpakilala sa sarili ko." Paiwas ang sagot ni Xander dahil naghihintay pa siya ng mga impormasyon mula sa mga private detectives na inupahan upang mag-imbestiga.

"Trust me, Dad. I'll never put your precious company in jeopardy."

"Of course, I trust you implicitly, Xander. Alam kong iingatan mo pa rin ang kumpanya kahit wala na ang kapatid mo na magmamana sana d'on."

"Iingatan ko ang kumpanya habang wala ka--dahil isa 'yon sa mga alaala ni Joselito sa atin." Ang pangalan ng travel company ay Joselito's Exotic Travels Company.

"Salamat, Xander. Binawasan mo ang mga gumugulo sa aking isipan."

Natigilan si Xander nang marinig ang pag-amin ng Dad sa isa sa mga suspetsa ng ina.

"Kung ready ka na, gusto ko rin sanang marinig ang tungkol sa mga bagay na 'yan, Dad." Mas naging seryoso pa ang tono ni Xander. "Bakasakaling makatulong ako."

"Napakalaking tulong na ang panahong iuukol mo sa aking kumpanya, Xander. Salamat pa rin. Pero ang dapat ko lang pagtapatan ng aking mga problema ay ang iyong ina--wala nang iba."

"You do that." Medyo naging pa-brusko na ang pagsasalita niya dahil nagkokontrol sa kuryosidad.

Lalupang naging brusko ang sumpong ni Xander nang makatanggap ng isang recorded conversation ng dalawang taksil na kaluluwa mula sa mga inupahang private detectives.

Sari-saring plano na ng paghihiganti ang nabuo sa loob ng utak niya laban kay Cassie Torres!

Ang mga balaking mapaghiganti ay nabahiran ng naglalagablab na pagnanasa ngayong nakita na sa personal ang babaeng tukso.

Bakit ayaw mo pang lapitan ang babaeng 'yon? panunuya ni Xander sa sarili. Natatakot ka bang matulad kay Jose--o sa ibang lalaki?

Tinapunan niya ng sulyap ang kausap na kasalukuyang lasing na lasing na dahil halos naubos na ang laman ng bote ng mabagsik na whisky. Patuloy pa rin ito sa paninira kay Cassie Torres pero hindi na interesadong makinig si Xander.

Kaya lang niya nilapitan ang pobre kanina ay dahil alam niyang isa ito sa mga empleyado ng Joselito's. At para maituro sa kanya kung sino si Cassie Torres. Umaapaw sa maraming babaeng magaganda at seksi ang naturang party.

"May gusto ka ba kay Miss Torres?" pananalakab ni Xander.

"Obvious ba?" Sumibi ang may kakapalang labi ng kausap. Guwapo sana kung hindi sa hitsurang parang batang nagmamaktol dahil hindi nakuha ang nagustuhang laruan. "Sorry ka na lang, Mac-Mac pards, wala kang pera, eh! Kaya hanggang wet dreams ka na lang! hik! hik!"

Napailing si Xander. Muling ibinalik ang paningin sa babaeng paksa ng usapan. Kahit sa malayo pa lamang niya napapagmasdan, sang-ayon na siya sa sinabi ni Mac-Mac pards. Si Cassie Torres nga ang tipo ng babaeng pagpapantasyahan ng mga kalalakihan.

"Eh, ikaw, ser? Hik! May gusto ka rin sa kanya, di ba?" ganting-pananalakab ni Mac-Mac pards. "He! he! May surprise ako sa 'yo, hik! Sasama sa 'yo 'yan ngayong gabi, dahil mayaman ka. hik!"

"Sigurado ka?" Hindi naniniwala si Xander. Isang babaeng matalino ang impresyon niya kay Cassie Torres. May pagka-segurista. Hindi basta-basta sumusunggab kundi sigurado ang pakinabang na matatamo.

Pero ang salapi daw ay isang napakalakas na aphrodisiac, sabi ng ilan...

"Ba't di mo subukan, ser? Hik!"

Kumiling ang ulo ni Xander bago pasenyas na hiningi ang chit sa waiter. "Dalhan mo pa siya ng whisky," utos niya matapos iabot ang international credit card.

"Lasing na po yata siya, sir," ang magalang na puna.

Dumukot ng ilang salaping papel si Xander sa bulsa ng blazer. "Tulungan mo na lang siyang mahulasan bago pauwiin. Bahala ka na dito," wika niya habang inilalapag sa lamesa ang pera.

"Okey, sir!"

Nang humakbang si Xander patungo sa kinaroroonan ni Cassie Torres, nagsimula na ang katapusan ng mga maliligayang araw ng babae...!