Chereads / This Magnetic Attraction / Chapter 5 - Chapter Five

Chapter 5 - Chapter Five

"DAMN!"

Kahit medyo lasing pa, nagitla pa rin si Cassie nang magmura ang lalaki habang paigtad na humihiwalay sa katawan niya. Biglang nanlamig ang kanyang pakiramdam nang mawala ang init ni Xander.

"Cover yourself, quick!" ang pagalit na utos habang hinihila siya sa isang kamay para bumangon.

"W-wait--" Awtomatikong dinampot ng isa pang kamay ni Cassie ang manipis na kumot upang ibalot sa kahubdan.

Walang lingon-likod na lumayo si Xander nang nakaupo na siya sa gilid ng kama.

"Why--?" Napahinto na naman siya nang tumama sa kanyang mukha ang iniitsang bestidang padaskol na dinampot sa sahig ng banyo.

"Dress up," pakli ng lalaki. "You will see a doctor--now."

"What?!" Lalong naguluhan si Cassie sa narinig. "I--I'm not ill--"

"I want to be sure that you're not STD-infected, damn you!"

"I'm not STD-infected!" bulalas niya, ngunit nanghihina at nanginginig ang boses kaya walang konbiksiyon.

"I don't trust your word, bitch!"

Nangatal ang kabuuan ni Cassie. Parang hinampas ng nagyeyelong tubig ang mukha niya. Namula muna ang mga pisngi bago namutla nang husto. Nanigas ang mga labi.

Biglang humulas ang kanyang kalasingan. Ito ba ang lalaking nakatalik niya at nagparanas sa kanya ng walang kahulilip na pisikal na ligaya?

Gustong mapaiyak ni Cassie ngunit tuyung-tuyo ang mga mata. Yumuko siya at walang imik na tumindig. Pasuray na humakbang patungo sa banyo.

Hindi na rin nagsalita ang lalaki. Umalis ito sa may pintuan bago pa man siya nakalapit.

Tinimpla ni Cassie sa lukewarm ang thermostat ng shower. Ngunit hindi pa rin napawi ang ibayong panlalamig na bumabalot sa kanyang kalooban.

Hindi magkandatuto sa pagbibihis, kaya hindi na nagtangkang maglagay ng panibagong make-up si Cassie.

Hinayaang maputla ang mukha. Sinuklay na lamang ng mga daliring nanginginig ang buhok na di-sinasadyang nabasa kaya nagmistulang mga buntot ng daga dahil nagkumpul-kumpol at lalong nakulot.

Walang pakialam kahit nagmukhang basang sisiw na lang siya. Gusto na lang niyang matapos na ang gabing naging mala-bangungot na pagkatapos makarating sa maluwalhating kasukdulan.

Panakaw na sinulyapan ni Cassie ang matangkad na lalaking nakatayo sa tapat ng malaking telebisyon.

Nakabihis na rin ito, pero casual attire na ang suot. Dark brown slacks at grey poloshirt, na kapwa humakab sa matipunong katawan.

Agad na umiwas ng tingin si Cassie bago pa mapukaw na naman ang pagnanasa niya. Kahit ininsulto na ng lalaki ang kanyang pagkababae, hindi pa rin nakitil ang pisikal na atraksiyon niya para dito.

Nagsatubig agad ang mga buto niya sa tuhod nang makita si Xander.

"I--I'm ready," ang pautal na sambit ni Cassie matapos isuksok sa loob ng evening bag na kulay asul din ang skintone stockings. Nakatalikod pa rin siya nang isuot ang mahabang coat.

"Look here," utos ni Xander.

Napilitang tumalima si Cassie. Tila itinuring nang panginoon ng katawan niya ang lalaki. May malamig at malupit na ngiti sa bibig nito nang tumingin siya.

"Watch this." Umalis ito sa harap ng malaking telebisyon. Nang makitang tila isang ex-rated film ang palabas, agad na ibinaling ni Cassie ang mukha. Wala na bang katapusan ang panghihiya ng lalaking ito?

Tila wala nga.

"Watch us, Mrs. Torres," utos uli ni Xander. Nilapitan pa siya para puwersahing iharap uli sa screen ang kanyang mukha.

"Watch how wanton you are when we were having sex." Hindi na maikakaila ang pang-iinsulto sa tono nito.

Napasinghap si Cassie nang makilala ang sariling mukha. Pati ang katawang wala ni isang saplot. Hindi siya kumukurap habang nakatitig dahil hindi makapaniwalang tutoo ang nakikita.

"H-how--?" Parang umikli ang dila at nagsarado ang lalamunan kaya hindi makapagsalita.

"I've installed a hidden camera here."

Naalala ni Cassie ang pagpindot ni Xander sa ilang button bago bumalik sa kama. Umiling ang ulo niya ngunit napahinto rin agad dahil may nabuong suspetsa.

"Y-you planned this," akusa niya, pabulalas.

Kumiling ang ulo ni Xander. Nakangisi na. "As I said, you're a clever woman." Pauyam ang papuri.

Muling umiling ang ulo ni Cassie. Napapamaang naman.

"B-but why?" taka niya.

"I'm blackmailing you," pag-amin ni Xander.

"B-but I'm not r-rich nor f-famous..." Nagpipingkian na ang mga ngipin ni Cassie. Sakmal na ng matinding sindak ang buong katawan, kahit hindi pa nalalaman kung ano ang dapat katakutan.

"I want you to resign from your job at once--and take your whoring self far, far away from here." Mabagal at mabigat ang bawat kataga. Parang sinasabi sa isang taong may malaking diperensiya sa pag-iisip. "Is that clear?"

"W-what--?!"

"Layuan mo si Jose Montes, golddigger," angil ni Xander.

"M-marunong kang mag-tagalog...?" Litung-lito si Cassie. "P-p'ano mo nakilala si—si Jose...?"

"Ama ko si Jose--" Napahinto si Xander nang saluhin ang babagsak sanang katawan ni Cassie sa sahig. Tila diring-diri nang isinalya siya paupo sa pinakamalapit na sopa.

"A-ama mo siya--?" Hindi na halos marinig ang tinig ni Cassie. Pakiramdam niya ay sinakop na ng mga mata ang buong mukha.

"Stepfather, actually," pagtatama ng lalaki. Tila napilitan lang aminin ang tutoo.

Nanlupaypay ang kabuuan ni Cassie. Niyakap nang mahigpit ang sarili upang makontrol ang pangingiki. Pumikit siya nang mariin dahil umikot ang paningin.

Nakipagtalik siya sa mismong stepson ni Jose! Ang pinili niyang maka-one-night stand ay ang mismong anak ng asawa ni Jose!

'Oh, God! You're a sucker for sadistic men, Cassie!' angil niya sa sarili. Pinilit niyang magpakagalit upang hindi mahulog sa malalim na balon ng depresyon.

Minsan na siyang nalaglag doon. At gumugol siya ng tatlong mahahabang taon bago nakaahon. Nang matagpuan niya si Jose Montes, inakala niyang tapos na ang paghihirap na tila kakambal na niya mula nang isilang.

Hindi pa pala...

"Mandidiri na si Dad sa 'yo 'pag napanood niya ang tape na ito." Lantaran na ang pagbabanta ni Xander. "Umalis ka na at 'wag nang magpakita pa sa kanya. Tapos na ang mga maliligayang araw mo, Mrs. Cassie Torres!"

Kusang tumango ang ulo ni Cassie. Hinang-hina na siya. Iyon na nga lang ang tanging paraan upang matapos na ang gulo. Lalayo na lang siya.

"O-oo..." sambit niya. Walang buhay ang tinig.

Hindi agad nakahuma si Xander Kyrios. Para bang hindi inasahang papayag agad siya.

"Right decision," pakli nito. "But we'll go to the doctor first."

"R-really, there's no n-need. I'm--c-clean." Bumara sa lalamunan ni Cassie ang huling kataga dahil maruming-marumi ang talagang pakiramdam sa sarili.

Parang nabuhay uli si Ric, ang sadistang asawa niya.

Hindi na nagsalita si Xander ngunit bumalasik ang anyo.

Nagpatianod na lamang si Cassie sa lahat ng gusto ng lalaki.

Mula sa hotel, sumakay sila sa isang taxi upang magpahatid sa isang private hospital.

Wala silang imikan habang naghihintay sa resulta ng examination ng doktor. Nakayupyop sa pagkakaupo sa isang sulok ng waiting lounge si Cassie.

Nakabalot nang mahigpit sa nanginginig na katawan ang suot na coat. Habang si Xander naman ay palakad-lakad sa di-kalayuan.

Tila lalong bumigat at kumapal ang tensiyon nang marinig ang positibong pahayag ng doktor.

"She's very clean, sir. No sign of any sexually transmitted disease."

"Thank you, doc." Pormal na kinamayan sandali ni Xander ang doktor.

"My nurse will assist you."

Naghintay pa sila ng ilang sandali para sa resibo at sa reseta.

"Let's go." Nakatiim-bagang si Xander nang magyaya.

Lumipas na ang ibayong sakit at pagkagimbal. Pinalitan na ng pamamanhid. May kaunting lakas na sa mga biyas ni Cassie kaya halos normal na ang paglakad.

Inaasahan niyang maghihiwalay na sila ng mga landas mula sa ospital kaya napahinto si Cassie nang makitang isang taksi lang ang pinara ni Xander.

"I'll take you to your house," paliwanag ng lalaki. Maikli ang tono. "You still look--shell-shocked."

Hindi na kailangang tumingin ni Cassie sa salamin para masigurong tutoo ang obserbasyon ni Xander dahil mas malala pa ang pakiramdam niya. Ngunit hindi dapat aminin ang kahinaan sa kalaban.

"N-no," tanggi niya. Pilit na pinatatag ang boses. "I'm--fine. K-kaya kong umuwi mag-isa."

"Afraid of your husband?" panunuya nito bago tumalikod para buksan ang pinto ng taksi.

Tumango ng isa si Cassie kaysa magpaliwanag.

"Don't forget our deal, Mrs. Torres. You will submit your resignation on Monday," paalala ni Xander habang pumapasok siya sa loob ng sasakyan.

"Yes, of course," sambit ni Cassie. Tigib sa kalungkutan ang tono at ang anyo. Ni hindi na siguro siya makakapagpaalam...

"Makikita rin ng husband mo ang tape 'pag nagmatigas ka pa," dagdag-pananakot pa.

Isang mapait na ngiti lang ang itinugon ni Cassie. Hinawakan niya ang knob ng pinto at hinila pasara.

"Alis na po tayo, manong," wika niya sa taksi drayber.

Mas malakas ang nanghahatak na puwersa kaya hindi napigil ni Cassie ang paglingon habang papalayo ang sasakyan.

Nakatayo pa rin si Xander sa harapan ng ospital. Isang madilim at matangkad na hugis na nagbabadya ng ibayong kaguluhan sa buhay niya--kung hindi siya magpapakalayu-layo agad.

Dali-daling dumiretso sa pagkakaupo si Cassie nang makitang nakatutok sa kanya ang mga matang namumuhi.

Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Xander kung sasabihin niya ang tutoo?

Hinayaan niyang isipin nitong kerida siya ni Jose Montes dahil wala siyang karapatang mauna sa pagtatapat ng katotohanan.

At hindi rin si Xander ang dapat na makaunang makatuklas.

Ngunit kung anuman ang kahinatnan ng pagtatapat ni Jose kay Elizabeth, wala nang epekto sa kanya. Kailangan na niyang umalis at lumayo sa lalong madaling panahon--kung ayaw niyang masaktan uli sa mga kamay ng isang lalaki...

"Pakipara lang po sa tabi n'yan, manong." Isang bungalow na kulay puti ang bahay na itinuro ni Cassie sa tsuper.

Maliit lang dahil nag-iisa lang naman siya pero kumpleto sa mga kasangkapan at may swimming pool sa likod.

Madilim ang buong kabahayan nang pumasok siya sa loob. Ngunit hindi na nagsindi ng ilaw dahil kabisado na ang landas patungo sa kanyang silid-tulugan.

Sa banyo agad tumuloy si Cassie. Ibinalumbon niya ang hinubad na bestida at iniitsa sa hamper basket. Hindi na siguro niya maisusuot muli ang damit na iyon.

Itinapat niya sa mainit-init na tubig ng shower ang sarili. Paulit-ulit na nagsabon ng buong katawan. Pilit na binubura ang mga di-nakikitang marka ng pakikipagtalik sa kanya ni Xander.

Bigla tuloy nagbalik ang mga alaala. Ganito rin ang palagi niyang ginagawa noon tuwing pagkatapos gamitin ni Ric. Naglilinis agad ng sarili.

Ang tanging kaibahan lang, mas madaling makita ang mga markang pasa at galos at latay na naiiwan sa kanyang balat. Matagal rin bago maglaho.

'Afraid of your husband?' Inuyam siya ni Xander. Walang kamalay-malay na napukaw ang isang matinding sindak na kaytagal nang nakalibing.

Dahil kung buhay pa si Ric, ang pag-uwi niya sa ala una ng madaling-araw ay sobra-sobra nang dahilan para hagupitin siya ng sinturon sa lahat ng parte ng katawan.

Lalung-lalo pa ang magpahatid siya sa ibang lalaki. Tiyak na papatayin na siya ng selosong asawa!

Namilipit si Cassie. Parang nararamdaman pa niya ang sakit na nagugunita lang. Parang naririnig pa niya ang mga salitang dumudurog sa kanyang pagkatao.

"Sinungaling ka kasi, Cassie, kaya dapat kang parusahan. Mahal kita kaya sinasaktan kita. Dapat mong malamang mali ang ginagawa mo." Malambing ang bawat katagang sinasambit ng bibig, kabaligtaran ng bawat malalakas na hampas at suntok na pinadadapo sa kanyang katawan.

Matalino si Ric. Hindi ito nagpapatama sa kanyang mukha para mas madaling maitago ang mga ebidensiya ng pananakit nito. Kaya walang nakahalatang isang battered wife si Cassie kahit hanggang sa mamatay ito sa isang car accident.

Wala ring nagdudang ang mga luha niya noon ay hindi dulot ng pagdadalamhati.

Ngunit ang talagang sumusugat sa kanyang kaluluwa ay ang walang respetong sexual intercourse pagkatapos ng pananakit.

Tatlong taon bago naghilom ang lahat ng mga sugat. Tatlong taon bago isa-isang huminto ang pagdalaw ng mga bangungot.

Sa tulong ng ina, itinuloy niya ang naudlot na pag-aaral. Nang maka-graduate, pulos full-time jobs na ang napapasukan niya.

Nang magkasakit si Aling Bess, nag-parttimer uli siya sa iba't ibang trabaho upang palaging kumpleto ang nabibiling gamot.

Nang mamatay ang kanyang Inay nung isang taon, natagpuan niya ang sariling birth certificate at ang picture ng isang lalaki. Ang mga iyon ang nagtulak kay Cassie na makipagsapalaran sa Maynila.

Maayos na sana ang lahat...

Ngunit naghangad siyang magkaanak kaya pumayag na makipagtalik sa isang estranghero. Walang kamalay-malay na isang pain pala sa isang malupit na patibong ang pagnanasa ni Xander Kyrios.

A, wala ka talagang suwerte sa lalaki, Cassie!