PARANG punum-puno ng bulak ang loob ng ulo ni Cassie nang magising kinaumagahan. Nakalutang sa hangin ang pakiramdam niya nang bumangon.
Uminom agad siya ng isang tabletang painkiller at black coffee para hindi na lumala ang hang-over.
Ang araw ng Linggo ay palaging nakalaan sa mga house chores na napapabayaan magmula Lunes hanggang Biyernes. Naglalaba, naglilinis, naggo-grocery.
Ngunit wala siyang enerhiya sa anupamang trabaho kaya nanatili lang sa patalungkong pagkakaupo sa breakfast stool. Habang humihigop ng mapait na kape. Habang nakatitig sa maliwanag na hardin sa labas.
Nawala na ang dilim ng gabi. Nawala na rin kaya ang banta ni Xander Kyrios?
Umiling si Cassie bago sinimot ang laman ng coffee mug. Hindi na mababago ang mga pagkakamaling nagawa niya kagabi.
Isang pagkakamali ba talaga ang maghangad na magkaroon ng anak na mamahalin niya at magmamahal sa kanya?
A, sana naman ay nabuntis siya! Iyon lang ang magiging kunswelo sa pagtitimpi niya.
Humalukipkip si Cassie. Kinokontrol ang pagkalito. Hindi siya dapat mawalan ng kalma.
Lumapit siya sa kalendaryong nakasabit sa dingding ng kusina matapos ilapag sa stainless sink ang mug. Ilang ulit na binilang-bilang ang mga araw mula nung huling menstruation bago unti-unting gumaan ang mabigat na pakiramdam.
Malaki ang posibilidad na magbubunga ang isang gabing kahibangan!
Ang munting pag-asa ay nagpasigla kay Cassie. May ngiti na sa kanyang bibig nang bumalik sa kuwarto upang maligo at magbihis. Nakahanda na uli siyang ipagpatuloy ang buhay.
Dahil tanghali na nag-umpisa, hapon na nang matapos sa pagsasampay ng mga nilabhan si Cassie. Wala na siyang oras para mag-grocery ngayon.
Puwera na lang kung gusto niyang makipagsiksikan sa bus. Kailangan niyang mag-commute dahil naiwan ang kotse sa parking lot ng hotel kagabi.
Puwede na niyang pagtiyagaan ang instant noodles hanggang sa hapunan, tutal wala naman siyang ganang kumain.
Nagpapalutang-lutang sa swimming pool si Cassie nang may maulinigang ugong ng humintong sasakyan sa harap-bahay. Dahil nasa bakasyon si Jose, hindi niya naisip na para sa kanya ang bisitang dumating kaya hindi siya huminto sa paglulunoy sa tubig.
Gayon na lang ang pagkagulantang niya nang umalingawngaw ang matinis na ingay ng doorbell sa buong kabahayan.
Si Xander!
Nataranta agad si Cassie. Ngunit nang makalunok ng tubig, dagling nakabawi ng wisyo.
Ngayong maghapon ay nakapag-isip-isip si Cassie. Sanhi lang ng matinding pagkagimbal ang karuwagang ipinamalas niya kagabi. Kung tutuusi'y wala siyang dapat ikatakot sa pamba-blackmail ni Xander.
Hindi magagalit si Jose kapag nakita ang naturang tape. Tiyak na ipagtatanggol pa siya.
Ngunit gusto ba niyang magkaroon ng gulo sa pagitan ng stepson at stepfather?
Meron din pala siyang dapat ikatakot, buntonghininga ni Cassie.
Muling naulit ang pagdo-doorbell. Halatang naiinip na dahil mas mariin at mas matagal ang bawat pagpindot.
Nagkumahog sa pag-ahon si Cassie. Isipin pa lang na magkikita na naman sila ni Xander, parang nagiging gulaman na ang mga buto niya sa katawan.
Sa loob ng bahay dumaan si Cassie upang kumuha ng malaki at makapal na towelling robe na ipantatakip sa suot na bathing suit na puti.
Sumikdo ang dibdib niya nang mamataan ang matangkad na anino ni Xander sa tapat ng gate. Muntik pang sumubsob dahil nagkatala-talapid ang mga paa sa paglalakad.
"A-ano'ng kailangan mo?" Lihim na ipinagmalaki ni Cassie ang sarili dahil hindi bumakas sa boses ang pangangatal.
"Ikaw," ang pa-bruskong tugon. "Buksan mo ang pinto." Mas pa-brusko ang utos.
Tumaas ang mga kilay ni Cassie kahit bahagyang namumula ang mga pisngi dahil inamin ni Xander na siya ang kailangan nito.
"Hindi puwede." Matapang siyang tumanggi dahil nakapagitan ang isang mataas na tarangkahang bakal sa kanilang pagitan. "Umalis ka na, bago ako tumawag ng pulis," pananakot pa niya.
"Dammit, Cassie! Gusto kitang makausap!" Biglang nag-iba ang tono ni Xander. Matigas pa rin pero tila may bahid ng pakiusap.
Si Xander Kyrios? Nakikiusap? Imposible!
Papilig na umiling si Cassie, bago siya matangay ng atraksiyong nagsisimula na namang umalimpuyo.
"W-wala na tayong dapat pag-usapan," bawi niya. "I'll submit my resignation letter first thing tomorrow morning."
"I won't accept it," ganting-bawi ni Xander.
Nagulat si Cassie. "Bakit?" bulalas niya.
"Nagbago ang isip ko. Papasukin mo ako, Cassie." Nanghahalina ang mga kislap sa mga matang kulay dagat kung dapithapon.
Umatras si Cassie bago pa siya mahipnotismo. Sunud-sunod ang pag-iling niya.
"Gan'on lang?" Ipinitik niya ang mga daliri sa hangin. "Nagbago ang isip mo kaya dapat lang na magbago na rin ang desisyon ko?"
"Pinilit lang kitang pumayag sa gusto ko."
"Pero kung talagang ayaw ko, hindi mo ako mapipilit mag-resign, Mr. Kyrios. Hindi ikaw ang boss ko."
"That's right," salo ni Xander. "Si Dad ang talagang boss mo--so sa kanya ka dapat mag-submit ng resignation."
Natigilan si Cassie. "Muhing-muhi ka sa akin kagabi. Kulang na lang siguro'y patayin mo na ako at itapon ang aking bangkay sa bangin para mawala na ako sa mundo," sambit niya. "Bakit ngayon ay ayaw mo na akong paalisin?"
Bahagyang napangiwi si Xander. Para bang nasaktan sa panunumbat niya.
Agad na iwinaksi ni Cassie ang maling impresyon. Wala ni bahid ng kahinaan sa aroganteng kabuuan ni Xander Kyrios.
"Nangako ako kay Dad na hindi ka mawawala sa paningin ko."
Napalunok si Cassie. Hindi namalayang nanlaki ang mga mata at nakarehistro doon ang isang uri ng pagkasabik.
"N-nagkausap kayo ni--ni Jose?" Hindi siya makapaniwala.
Kumiling ang ulo ni Xander. Titig na titig sa mukha niya. Para bang pilit na binabasa ang kanyang kaluluwa kahit nagtatakipsilim na.
"Madilim na dito, Cassie. Can we talk where we can see each other clearly?" Napakaamo na ng tono ni Xander.
Kaya tuluyang natunaw ang pagtutol ni Cassie. "O-okey."
Isa pa, wala naman siyang iingatang puri at dangal dahil kusa ngang ibinigay niya ang buong sarili kagabi.
"Tuloy ka." Binuksan niya ang kalahati ng gate para makapasok ang matangkad na lalaki.
"Salamat."
Nalito si Cassie nang makita ang mainit na ngiting nakasilay sa sensuwal na bibig ni Xander Kyrios. Napatitig tuloy siya.
"Bakit nakatingin ka sa akin ng ganyan?" tanong ng lalaki.
"W-wala..." Tarantang nag-apuhap ng idadahilan si Cassie. "N-nakakagulat kasi ang matatas na pananagalog mo, samantalang banyagang-banyaga ang kabuuan mo." Iyon ang unang sumagi sa utak niya.
Muling nalito si Cassie nang maulit ang pagsilay ng mainit na ngiti ni Xander. "Dito ako lumaki sa Pilipinas. Ten years old ako nung magpakasal sina Mom at Dad."
Nabaghan siya sa malayang pagbibigay ng impormasyon ng lalaki at sa magiliw na tono. Ngunit sa halip na makalma at mapayapa si Cassie, lalo lang umalsa ang lahat ng radar niya.
Isa lang palagi ang dahilan kapag nagiging sweet ang isang lalaki--may sexual needs na kailangang i-satisfy.
Nanuyo ang loob ng bibig niya. Paano'y napukaw agad ang katugong sexual needs ng kanyang katawan. Kahit na isang kaaway si Xander, ito pa rin ang unang lalaking bumuhay sa sensuwalidad na kaytagal niyang inilibing.
"D-dito ang daan." Nagpauna si Cassie sa paglakad sa footpath na tumawid sa pantay-pantay na damo ng lawn patungo sa front door.
"Naistorbo ko ba ang paglangoy mo?"
"Tapos na ako," pagsisinungaling niya. "Maupo ka." Nanginginig ang mga daliring kumapa at kumalabit sa light switch ng sala.
"Thank you." Naupo si Xander sa mahabang bench na yari sa barnisadong kawayan.
"Excuse me. Sandali lang ako." Maliksing nagtungo sa kuwarto si Cassie.
Nagulat siya nang mag-alangan sa pagla-lock ng pinto. Talaga bang nagtitiwala siya sa isang mapanganib na lalaking katulad ni Xander Kyrios?
Mabilis na nag-shower at nagbihis si Cassie. Pinili niya ang pinakamaluwang na outfit.
Isang black caftan dress na may mandarin collar, long flowing sleeves, at ankle-length skirt. Diretso ang tabas pero dahil napakanipis at napakalambot ng tela, yumayapos sa bawat kurba ng katawan kapag kumikilos siya at kapag nahihipan ng hangin.
Habang nagsusuklay, nagdadalawang-isip siya kung maglalagay ng make-up. Masyado pa ring maputla ang kanyang mukha, maliban sa kanyang mga labing bahagya pa ring namamaga buhat sa mga halik ng mapusok na mangingibig...
Huwag kang mag-ilusyong nagliligawan kayong dalawa, Cassie! panunuya niya sa sarili.
Ni pulbos ay hindi nagpahid si Cassie. Wala siyang kamalay-malay na mas naging interesante pa ang natural na ganda niya dahil tila sinadyang itinago.
Nakatayo ang lalaki nang bumalik siya sa sala. Matamang ine-eksamin ang isang painting na nakasabit sa dingding ng sala.
"Kilala ko ang painting na ito," pahayag ni Xander nang makita siya.
Hindi umimik si Cassie. Pigil-hiningang hinintay ang susunod na sasabihin ng lalaki. Gustung-gusto niya ang naturang painting na ibinigay ni Jose.
"Isa ito sa mga paintings na minana ni Dad pero hindi nagustuhan ni Mom kaya nakatago lang sa attic."
Unti-unting lumuwag ang paghinga ni Cassie nang mapagtantong walang panganib na nakaamba. Sa ngayon.
"A-ano'ng gusto mong inumin?" tanong niya, sa tonong ninenerbiyos. Ngayon lang siya nakaranas mag-entertain ng lalaki sa loob ng bahay, maliban kay Jose.
Si Ric ay sa kalsada nanligaw. Ni minsan ay hindi nagpunta sa bahay.
"Kung ano'ng meron," tugon ni Xander. "Actually, gusto sana kitang yayaing mag-dinner."
"Dinner?" Nagulat talaga si Cassie. Napailing siya. "You got a nerve, Mr. Kyrios. Ni ayaw nga kitang papasukin dito kanina?"
Tumawa si Xander. Mainit ang maskulinong tunog. At lalong naging makisig ang klasikal na hubog ng mukha.
"Coffee na lang, kung meron ka," sambit nito.
Muli na namang naligaw sa biglang pagliko ng usapan si Cassie.
"Instant lang," sambit niya habang nakatitig sa nakangiting bibig ng lalaki. "Sandali lang."
"Sasama na ako sa 'yo." Sumunod nga ang lalaki sa kusina. Naupo ito sa paboritong stool ni Jose sa breakfast counter. Pinanood ang bawat kilos ni Cassie.
Nagsalita uli si Xander nang nakaupo na rin siya sa katapat na stool. May tig-isang mug na umuusok sa kanilang harapan.
"Bakit nagsinungaling ka tungkol sa marital status mo?" Banayad ang tanong. Kaunti lang ang bahid ng pang-uusig.
"P'ano mo nalaman?" ganting-tanong ni Cassie. Hindi na siya nagkaila.
"Tinanong ko si Dad."
Saka lang naalala ni Cassie ang orihinal na dahilan ng pagpapatuloy niya kay Xander.
"Kailan ka nabiyuda?"
"Four years ago." Dalawang taon lang silang nagsama ni Ric. Dalawang taong ipinalasap sa kanya ang impiyerno.
"Then you're amazing dahil kagabi ka lang kumuha ng lover."
Napatigagal si Cassie sa tinuran ng lalaki.
"You're so tight when we made love last night," ang pabulong na pagtatapat ni Xander. "I just felt that I was your first lover after a long time of celibacy."