Chereads / Faith mask / Chapter 4 - chapter 4

Chapter 4 - chapter 4

Railyn's POV

Masakit at mainit ang mga mata ko pagmulat nito. Napalunok pa ako dahil sa panunuyo ng lalamunan ko, muli akong umupo para uminom ng tubig at nagbabakasakali na maalis nito ang sakit ng lalamunan ko.

Hindi ko mawari ang pakiramdam ko ngayon, kanina lang parang gumagaling na ako ngayon parang bumabalik na naman.

Napasandal pa ako at mariin na pumikit ng may marinig akong pagkatok sa salamin, tumingin ako doon at nakitang kumakaway ang isa pang pasyente. Ngumiti ito at itinuro ang sticky notes na idinikit niya doon.

Napasinghap pa ako bago tumayo, marahan akong lumakad palapit doon.

Hindi ko mapigil ang sarili sa pagngiti sa isinulat niya.

"Laban lang para sa pamilya," nakangiti akong tumingin sa kaniya na nag-okay sign pa. Kinuha ko rin ang sticky notes ko at sinagot ito.

"Laban para sa bayan," matapos ko itong ipakita ay tumango rin siya at nakita kong may isinult siya at idinikit. Ipinatong ko pa ang palad ko sa salamin para basahin ito.

"Salamat sa pagbibigay mo ng pag-asa," mahina kong basa sa isinulat nito.

Habang tinitingnan ko ito ay gumaan ang bigat ng puso ko. Kahit papaano pala ay may nabigyan ako ng pag-asa sa mga isinulat ko.

Muli akong napatigil ng may kumatok pa sa kabilang gilid, lumakad ako palapit doon at nakita ko rin ang pagbibigay nito ng pag-asa.

"Gagaling tayong lahat, magtiwala lang sa Diyos ama," habang binabasa ko ito ay hindi mapigil ng mga mata ko ang maluha lalo pa noong nakita ko ang iba na hindi nawalan ng pag-asa at ginaya ang ginawa ko. Sa simpleng bagay na ito ay nagawa naming palakasin ang loob ng isa't isa.

Tama! Gagaling kami, gagaling ang lahat ng may sakit. Isa lamang itong pagsubok, hindi ito ibibigay sa atin ng Diyos kung hindi natin kaya.

Lahat ng ito ay isang pagsubok sa pananampalataya, sa araw-araw na gumigising tayo ay isa ng biyaya.

Hindi dapat takot ang pinapairal, dapat ay ang paniniwala na kahit anong mangyari may Diyos na nakaagapay sa atin palagi.

"Rai," muli akong napabitaw sa salamin at kumaway sa isang pasyente bago humarap kay Del.

"Ibang klase ka talaga," pamamangha nito sa mga nakikita niya.

"Mapupuno na ng Bible verse ang paligid, pati ibang pasyente humihingi na rin ng sticky notes para araw-araw nilang ipaalala na hindi dapat mawalan ng pag-asa," marahan pa akong natawa sa sinabi niya habang nakahawak pa rin sa dibdib.

"Hindi naman, gusto ko lang kasing magbigay ng pag-asa kahit pa hindi ko makitaan ang sarili ko ng pag-asa," lumakad ako para umupo sa higaan ko.

"Mabubulok na ata ako dito," sabay lapag ko ng kamay.

"Kamusta ang result ng test?" Matapos ko itong itanong nakita ko ang pagbagsak ng tingin nito sa clipboard na hawak niya.

Napatikom ako ng bibig kahit pa man dito ako kumukuha ng hangin para makahinga. Sa tingin at pagtahimik pa lang nito alam ko na ang sagot.

Nagsimula ng mag-init ang gilid ng mga mata ko. Konting salita na lang ay tutulo na mula rito ang mga luha ko, pero ayokong ipakita ang mga ito.

Ayoko sa lahat ay nakikitang mahina ako. Alam ito ni Dra. Del, simula noong mga bata pa lang kami ayokong may nakakakita sa aking mahina ako.

"Pero gagawin naman namin ang lahat para gumaling ka, para gumaling kayo," bakas sa boses nito ang lungkot. Ayoko rin siyang makitang ganito, hindi sa ganitong paraan.

Alam ko na hirap na hirap na rin silang lumaban sa gerang ito at sobrang bilib ako sa hindi nila pagsuko.

Mga tunay na bayani ng makabagong henerasyon.

"Ang dami kayang bilib sayo, strong ka di ba? Alam kong kaya mong gumaling," muling pagpapalakas nito ng loob ko.

"Pwede ba akong humingi ng pabor ulit sayo?" Marahan akong humarap sa kaniya.

"Pwede bang makausap ko ang pamilya ko? Kahit sa malayo, gusto ko lang makita ang mukha nila bago pa mahuli ang lahat," sa puntong ito ay hindi ko na napigilan ang maiyak. Hindi ko na kaya pang magpanggap na kaya ko pa, hindi na ako pwedeng magsayang ng oras kakaisip na baka gumaling pa ako.

Wala na akong ibang hiling pa, gusto ko silang makita kahit sa video chat lang. Gusto kong maalala ang mga mukha nila, gusto kong kahit sa huling pagkakataon kaya ko pang tingnan ang mga mukha nila.

"Kung magsalita ka akala mo hindi ka na gagaling," rinig ko pang sabi nito. Bakas din sa boses nito ang pag-iyak.

"Parang sinabi mo na hindi kita kayang pagalingin katulad ng pangako ko noong mga bata pa tayo," dagdag pa nito at rinig ko ang paghikbi.

"Alam ko naman na magaling kang doctor, kaya kapag may nangyari sa akin wag mong sisihin ang sarili mo. Kasi katawan ko ang sumuko, hindi ikaw," muli akong tumaliwas ng tingin sa kaniya at umuwang ang bibig para habulin ang aking paghinga pero sadyang hirap ako dahil sumasakit ang dibdib ko.

"H-hindi ako makahinga," napayuko ako at namilipit sa sakit ng dibdib. Napasigaw pa ako dahil sa sakit na dulot nito, gusto kong umubo pero naninikip ang dibdib ko. Maging paghinga ko ay nahihirapan na dahil sa barado kong ilong.

Narinig ko ang pagkakagulo ng mga doctor, napapikit ako at napayukom ng kamao para tiisin ang sakit ng dibdib ko. Narinig ko ang pagtawag ni Del sa pangalan ko pero maging pandinig ko ay hindi malinaw, sobrang sakit ng ulo ko at hindi ko magawang imulat ang mga mata ko.

"Lumalala ang kondisyon niya dahil sa balang nasa baga nito, mabilis ring humihina ang katawan niya," huli kong rinig na sinabi ng doctor bago ako tuluyang nawalan ng malay.

Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko, naduduling pa ito noong una pero agad rin namang luminaw.

Bumungad sa aking muli ang puting kisame, dahan-dahan akong tumayo ng maramdaman ang kung ano sa aking ilong. Malamang ito ang dahilan kung bakit nakakaya kong huminga.

Sumandal akong muli at piniig ang ulo sa pader. Natulala sa kung saan habang ang isipan ay sa pamilya ko nakatuon.

Muli na namang bumagsak ang luha sa aking mga mata, sa mga pagkakaton na ito hindi ko alam kung kailan ang huling gising ko.

Kung gigising pa ba ako bukas o hindi na.

Kung magkakaroon pa ba ako ng pagkakataon na makausap si Del o hindi na.

Kung makakausap ko pa ba ang pamilya ko o hindi na.

Sobrang daming pumapasok sa isip ko.

Nawawalan na ako ng pag-asa.

Hindi ko na alam.

Hindi ko na kaya.

Muli akong napapikit para aalalahanin ang mga bagay sa buhay ko.

Para akong bumabalik sa nakaraan kung saan sabay kaming nangangarap ni Del.

Sa panahon at lugar kung saan parehas kaming pursigido para tuparin ang mga pangarap namin.

Na maging sa hirap man o ginhawa walang bibitaw.

Pero sa puntong ito. Mukhang ako ang unang sisira sa pangakong iyon.

Gusto kong maglingkod sa bayan ko ngunit hindi ko na ito muli pang magagawa.

Isa na lang ako ngayong lampa na nakaratay sa higaan habang ang mga kasamahan ko ay nagpapakahirap para sa kanilang tungkulin.

Failure!

Hindi ko nagawa ng maayos ang tungkuling sinumpaan ko.

Sa kalagitnaan ng pag-iyak ko ay narinig ko ang pagkatok muli sa salamin. Dumilat ako para tingnan ito, kumaway pa ito sa akin.

Umayos ako ng upo para mas makita pa siya ng maiigi. May dala siyang tablet at ipinakita ito sa akin.

Nasa labas siya pero malinaw ito sa akin.

Napangiti ako ngunit hindi mapigil ang mata sa pagluha. Hindi ko man rinig ang sinasabi ng nasa video call ay labis na ang tuwa sa puso ko.

Sa pagkakataong ito ay muli kong nasilayan ang mukha ng pamilya ko. Hindi man ako makalapit tanaw ko ang pag-aalala sa kanila, gusto kong sabihin sa kanila na ayos lang ako at wag na silang umiyak.

Sa lahat ang pamilya ko ang kahinaan ko, kaya kong sumuong sa ulan ng bala ngunit hindi humarap sa luha ng pamilya.

Nadudurog lalo ang puso ko, parang magiging bato ang luha ko dahil sa sakit na gasgas nito sa mga mata ko.

Mas masakit ito sa inaakala ko, mas doble ang sakit nito kesa sa nararamdaman ko.

Walang anak na gustong makitang umiiyak ang isang ina, sa pagiging anak naging failure pa rin ako. Nagawa kong mapaiyak ang babaeng hindi ko gustong umiyak.

Anong klaseng anak ako?

Anong klaseng mamamayan ako?

Gusto ko pang ipadama ang lahat sa kanila ang pangako na magandang buhay. Pero hindi ko na kaya, hindi ko na kaya pang lumaban.

Pagod na pagod na ako.

Huminga ako ng malalim at sumilay ang ngiti sa labi, inilahad ko ang aking mga braso bilang isang tanda na gusto ko silang mayakap. Nakita kong ginawa rin nila ito at saka ko niyakap ang sarili at doon ibinuhos ang lahat ng luhang hindi ko na kaya pang ikubli.

Tuluyan ng kumawala ang luha na kay tagal kong itinago, hindi ko na kaya pang lokohin ang sarili ko na kaya kong maging matapang.

Tuluyan ko ng pinakawalan ang pag-asa kong gagaling pa.

Kung sadyang ito ang tadhana na nakalaan para sa akin maluwag ko itong tinatanggap.

Nais kong mamatay habang ipinaglalaban ang bansa ko ngunit bigo ako, dahil maging sarili kong laban ay hindi ko maipanalo.

Sa mga kasamahan ko na naniniwala sa akin noon, naging bigo akong muli.

Ang bansang aking nais ipaglaban ay tila bansang hindi ko na muli pang masisilayan.

Psalm 62:8

"Trust in him at all times, oh people; pour out your heart before him; God is a refuge for us."