♤♤♤♤♤♤
"Hindi ka na ba talaga magbabago Raquel? Kailan ka pa magtitino? Kung kailan huli na ang lahat? Baka patay na ako pero pariwara pa rin ang buhay mo."
Masasakit na mga salita ang naririnig ko na nagmumula sa bibig ng aking ina ngunit nagbibingi-bingihan ako. Para sa akin, wala na rin naman pag-asang magbabago pa ang takbo ng buhay ko.
Ang buhay na hindi ko naman ginusto o pinili ngunit pilit na ipinamumukha sa akin.
Nadagdagan pa ang mga problema ko simula nang magkaroon ako ng isa pang pasanin sa buhay. Ang aking nag-iisang anak na babae, si Hope.
Ewan ko ba sa ina ko kung bakit iyon ang napiling ipangalan sa anak ko. Nakaiinsultong pakinggan, pero dahil ipinaubaya ko na ang pag-aalaga sa anak ko sa ina ko, hinayaan ko na lamang tutal siya rin naman ang masusunod.
"Nagbubuhay dalaga ka pa rin kahit may anak ka na. Sa akin mo na nga ipinasa ang tungkulin mo bilang ina sa anak mo, pero kahit ganoon pumayag ako para matulungan kita at saka apo ko naman iyong aalagaan ko."
"Ang hinihiling ko lang naman sa iyo ay ang ayusin mo na ang sarili mo. Magpakatino ka na. Baguhin mo iyan trabaho mo. Maghanap ka ng trabahong disente at higit sa lahat ay bigyan mo naman ng panahon at kalinga iyan anak mo," mahabang litanya ng ina ko sa akin. May pagsusumamong nahihimigan ako sa tinig niya.
Kahit ano man ang gawin kong pagbabago, hindi pa rin madaling alisin ang mantsang iniwan ko sa paningin ng mga mapanghusgang tao.
"Nandiyan na iyan Inay. Nangyari na ang mga nangyari. At saka alangan namang nailuwal ko na iyong bata mula sa sinapupunan ko, pagkatapos ibabalik ko na ulit para lamang umayos ang buhay ko."
Papilosopong tugon ko sa ina ko. Naiirita na ako sa paulit-ulit na sermon niya sa akin. Kahit baliktarin man ang mundo, wala nang magbabago sa katotohanan na isa akong, "Disgrasyada".
Inanakan at tinakasan lamang ako ng walanghiyang ama ng aking anak at iniwan sa akin ang kanyang responsibilidad bilang ama. Maging ang pagiging isa kong prostitute, na sa paningin ng lahat ay maruming babae kaya walang karapatan na maging maayos ang buhay at mahalin ng totoo.
"Puro ka katarantaduhan Raquel! Ano bang klaseng katwiran ang mayroon ka para isisi mo sa anak mo ang mga pagkakamaling ginawa mo kaya nagkaganyan ang buhay mo?"
"Bakit hindi mo na lamang ayusin ang buhay mo para sa anak mo? Isa ka ng nanay, Diyos ko po naman! Kailan mo ba ititigil ang pakikipaglandian sa ibang lalaki para lamang kumita ng pera? Kailan ka magpapaka-ina sa anak mo?"
"Tama na nga po kayo Inay sa kadadakdak ninyo riyan. Iyang sinasabi ninyong pakikipaglandian ko sa ibang lalaki, iyan ang bumubuhay sa akin at sa anak ko."
"Kaya tigilan ninyo na ako. Kahit anong sermon pa ang gawin ninyo sa akin, hindi ninyo na maaayos pa ang buhay ko."
"Makalayas na nga! Masisira lamang ang araw ko," saad ko pagkatapos kong magbihis ng damit na karaniwang isinusuot ng mga babaeng bayaran na nagtatrabaho sa isang strip club. lyon din ang lugar na pinagtatrabahuhan ko.
"Hoy! Babae, bumalik ka rito. Hindi pa tayo tapos mag-usap," pahiyaw na saad ng ina ko habang papalabas ako ng bahay namin. Dinig na dinig ko rin ang pag-iyak ng aking anak na nasa duyan.
♤♤♤♤♤♤
"Napanood ninyo ba iyon balita sa tv? Kalat na kalat na sa marami-raming bansa iyong sakit na COVID-19. Kakatakot iyon kapag nakarating na sa Pilipinas. Paniguradong marami ang mamamatay kapag nagkaroon na nang hawaan," saad ng isa sa mga kasamahan ko sa club. Isa siya sa mga dancer na sumasayaw sa ibabaw ng stage. Tumi-table rin siya sa mga parokyanong nagpupunta sa club na pinagtatrabahuhan namin.
"Naku! Huwag naman sanang magkaroon sa bansa natin. Sa oras na may makapasok na positibo sa sakit na iyon, mabilis na kakalat iyong sakit kapag hindi naagapan o napigilan. Ang dami pa namang tao rito sa Pilipinas. Dito pa lang sa Maynila, kung sino-sino na ang naninirahan. Nagmumula pa ang iba sa mga malalayong probinsiya."
"Hay, naku, sinabi mo pa! Kasalanan iyan ng mga intsik na dumadayo sa ibang lugar kahit alam na nilang infected sila ng virus. Sa halip na magpa-quarantine at magpagaling, kung saan-saan pa sila nagpupupunta. Kumakalat tuloy iyon sakit."
Matamang nakikinig lamang ako sa pinag-uusapan ng iba kong mga kasamahan na nakaumpok sa isang table na hindi kalayuan sa pwestong kinaroroonan ko. May mga kanya-kanya rin silang parokyanong katabi habang nilalandi nila.
"Hoy! Babae, grabe kang magsalita ha! Hindi ka na naawa, marami na kayang namatay sa kanila, ganyan pa kadumi ang pag-iisip mo. Malay ba naman nila na magkakaroon sila ng ganoong sakit," depensang sagot ng isa pang babae na nandoon din sa table na kinaroroonan ng mga naunang nagsalitang mga babae.
"Ipagdasal na lamang natin na mawala na iyon sakit at hindi na dumami pa ang maaapektuhan nito. Kahit tayo, dapat ay mag-ingat na rin dahil sa oras na magkasakit tayo, mga pamilya natin ang apektado at kawawa dahil tayo lamang ang inaasahan nila na bubuhay sa kanila," mahinahong saad ng isa sa kanila. Ang babaeng hindi ko matagalan ang pag-uugali hindi dahil sa masama siya, kung hindi ay dahil isa siya sa mga babaeng may paninindigan at malasakit pa rin sa iba sa kabila ng mababang tingin sa kanya dahil na rin sa klase ng trabaho na mayroon kami.
♤♤♤♤♤♤
"Raquel, hindi ka pa ba uuwi?" may kalambingan na sabi ni Lina nang sumilip siya sa loob ng kuwartong aking ginagamit kapag magbibihis ako. Siya iyong babaeng kinaiinisan ko.
"Ano bang paki mo kung hindi pa ako umuwi? Kung gusto mo nang umalis, umalis ka na, hindi iyong magpapanggap kang close tayo kahit hindi naman," iritableng sagot ko sa kanya.
Napansin kong napabuntong-hininga na lamang siya nang dahil sa sinabi ko.
Pamaya-maya ay umalis na rin siya sa pintuan. Isinara ko ang pinto sapagkat ayaw kong maistorbo sa gagawin kong paglalabas ng gatas mula sa aking dibdib. Kanina pa masakit ang dibdib ko dahil na rin sa gatas na mayroon ang dibdib ko.
Gumagamit ako ng Breast Pump para makapaglabas ng gatas upang kahit hindi man ako magpadede sa anak ko ay mayroon pa rin itong maiinom na gatas mula sa akin.
Pansamantalang tumigil ako sa pag-iinom, paninigarilyo at pagtanggap ng home service o pakikipag one night stand sa mga customers para lamang hindi maapektuhan ang kalusugan ng anak ko.
♤♤♤♤♤♤
"Oh, my God! Marami nang nagpapatupad ng lockdown sa mga siyudad dito sa kamaynilaan at kasama iyong lugar natin."
Ang narinig kong sabi ng isa sa mga kasama ko sa trabaho.
Bahagyang nakabukas ang pinto ng kuwarto ko kaya rinig na rinig ko ang mga usapan sa pagitan ng mga kasamahan kong dumadaan sa harapan ng mga silid namin.
"Kaya nga! Sabi rin ni Madam, no choice. Kailangang ihinto ang mga trabaho natin sapagkat isasara muna pansamantala itong club natin. Dapat nga, may social distancing tayong ginagawa para hindi magkaroon ng chance na makahawa kung sakali man may mga nagpositibo sa Covid-19."
"Ang sabi rin ni Madam, may Free Test Kit para sa Covid-19 at lahat tayo ay kailangang magpa-test para makasigurado na walang positibo sa atin ng ganoong sakit, " nanlulumong muling saad ng unang nagsalita.
Nang makadaan na ang mga kasamahan ko sa tapat ng mga silid namin, lumabas na rin ako mula sa kuwarto ko kahit naka-bra at panty lamang ako para masundan ko sila. Nagpapatuloy pa rin ang mga usapan nila.
"Paano na iyan? Saan tayo kukuha ng pera kapag nagsara itong club? Hindi bale sana kung nakapanghuhuthot ako ng malaki sa mga manyakis kong customers," nakaismir na sabat ng isa pang babae habang ang usok na lumalabas sa bibig nito ay kumakalat sa paligid. Nagbubuga ito ng usok ng sigarilyong hinihitit.
Kumakati na naman ang lalamunan ko. Masakit din ito pero pinipigilan kong mapaubo sapagkat alam kong makakakuha ako ng atensiyon.
llan araw na rin ganito ang lalamunan ko. May oras na hindi ako makahinga ng ayos o kaya naman sumasakit ang dibdib ko, lalo na kapag umuubo.
♤♤♤♤♤♤
"Naku, sorry po, Miss Raquel Queto, pero isa po kayo sa naging positive sa COVID-19. Bukod po doon may nakita po kaming tama sa baga ninyo. Kailangan pong ma-quarantine kaagad kayo upang hindi na kumalat ang virus o makahawa sa iba."
"Kailangang maagapan din ang sakit ninyo sa baga para po hindi na ito lumala. Kung may mga kasama po kayo sa bahay o mga nakasalamuhang iba ay pakibigay na rin po ng mga impormasyon tungkol sa kanila upang masuri kung sila ba ay mayroon na rin ng virus. Pakibigay na lang din po ang iba mo pang impormasyon na kailangan namin upang maasikaso na namin ang pag-quarantine sa inyo," walang kagatol-gatol na sabi sa akin ng doktor na tumingin sa akin ng kami ay magpa-test lahat gamit ang kit na pang detect kung may virus ang isang tao. Halos hindi ako makapaniwala at makapagsalita ng mga oras na iyon.
Nalaman ko rin na ako lang pala ang kaisa-isang nagpositibo sa virus na iyon kung kaya't doble-doble ang kabang nararamdaman ko sa tuwing maaalala ko ang maaaring sapitin ko sa oras na hindi kinaya ng resistensiya ko ang sakit na iyon.
♤♤♤♤♤♤
"Walanghiya ka Raquel! May mga sintomas ka na pala pero hindi ka man lang nagpapatingin. Kung hindi pa nag plano si Madam na mag pa-test tayo, hindi namin malalaman."
"Anong balak mo, hawaan kami sa sakit mo?" nanggagalaiting saad ni Mercy. Ang babaeng makati at parang linta kung manipsip kapag pera na ang pinag-uusapan. Ang babaeng madalas ko rin makatalo dahil sa sobrang yabang at mahilig din manisi. Kung hindi lamang ako nanlulumo, iningudngod ko na ang mukha niya sa pusali.
"Ano ba Mercy! Tumigil ka na nga! Anong klase kang tao? Walang may gusto na magkaroon ng sakit na iyon. Sa halip na manisi ka at mandiri, hindi ba dapat magpasalamat ka pa dahil hindi lahat tayo nagkaroon ng virus na iyon. Sa halip na tulungan mo siya at suportahan, ikaw pa ang nagiging dahilan ng panic o takot sa bawat isa."
"Ganito na nga tayo! Mababa na nga ang tingin ng iba sa atin pero heto tayo nag-aaway-away at nagsisisihan sa isa't isa. Hindi tayo ang magkakalaban dito. Ang sakit na iyon ang kaaway natin. Hindi ba puwedeng magtulungan na lamang tayo na alagaan ang isa't isa?"
"Alagaan mong mukha mo! Leche ka! Pasalamat ka Raquel at wala akong ganoong sakit dahil kung nagkataon, baka ako na mismo ang makapatay sa iyo," nanggagalaiti pa rin na sagot ni Mercy kay Lina. Matatalim ang tingin ni Mercy sa amin at may pagbabanta sa kanyang tinig nang sinabi niya ang mga salitang iyon.
Napansin ko ang luha sa mga mata ni Lina. Sa kabila nang naging sagutan nilang dalawa ni Mercy, sa halip na galit ang mababanaag ko sa mga mata ni Lina, pagkadismaya, takot at kalungkutan ang naramdaman ko sa kanya.
Matapos ang nangyari sa club. Nagsara muna pansamantala ito at kagaya ng ibang lugar, sumunod kami sa mga ipinag-uutos ng DOH at ng gobyerno.
Pagpapa-quarantine lamang ang sagot ng hospital na pinagdalhan sa akin. Ayoko sanang sa hospital gawin ang pag-quarantine subalit maging ang anak kong si Hope at ang ina ko ay sumailalim din sa quarantine sapagkat magkakasama kami sa bahay at nahawaan ko rin sila. Iyon lamang ang tamang paraan para gumaling kami.
Hinikayat ako ni Lina at ng ibang kasamahan ko at maging si Madam na pumayag na sa bilin ng doctor dahil iyon pagpapagamot ko sa baga ay suportado nila ang gastos sa mga gamot para raw wala na akong aalalahanin pa.
Ang gagawin ko na lamang ay ang magpagaling mula sa sakit na Covid-19 at sa baga.
Noong una hindi ko matanggap ang mga nangyari sa akin.
Isinisi ko lahat sa Diyos ang mga kamalasang nangyayari sa akin pero noong mga oras na hirap na hirap ako dahil sa epekto ng virus at sakit sa baga, hindi ko alam na tinatawag ko na pala ang pangalan ng Diyos. Nagmamakaawa ako sa kanya na tulungan akong malagpasan ang mga nangyayari sa akin.
Day 21. Ang araw na nalagpasan ko ang sakit. Nagkaroon din nang pagbabago sa sakit ko sa baga.
"Welcome back, Raquel! Ito na ang baby mo," masayang bungad na pagbati ni Lina sa akin habang karga-karga niya ang munti kong anghel. Kinuha ko mula kay Lina ang aking anak. Hinalikan nang marahan ang noo nito. Habang karga ko si Hope, hinahanap ng aking mga mata si Inay.
"Si Inay, nasaan siya?"
Matagal bago nakatugon si Lina sa tanong ko. Halos hindi rin siya makatingin sa mga mata ko at tila maluluha pa siya. Kinuha niya sa akin si Hope at ibinigay muna sa isa ko pang kasamahan sa trabaho.
"Ito lamang ang ibinigay niya sa akin."
"Anak! Mahal na mahal ko kayo ng apo ko. Alagaan mo siyang mabuti. Alam kong isa kang mabuting ina."
Pagkatapos kong mabasa ang nakasulat mula sa isang malinis na papel, napahagulgol na lamang ako habang inaalo ako ni Lina. Sabay kaming lumuluha.
Nakaligtas ako sa kamatayan kapalit ang buhay ni Inay.