Chereads / My Former Contest Entries [Oneshots] / Chapter 5 - The Adventures of Boyong Pasaway on the Under World - Tikbalang VS Kapre

Chapter 5 - The Adventures of Boyong Pasaway on the Under World - Tikbalang VS Kapre

"BOYONG!!!"

Malagong na sigaw ang umalingawngaw sa isang bahagi nang isang pribadong paaralan. Ang boses ay nagmula sa isang ginoo na nakatindig sa isa sa mga hallway ng paaralan. Puno siya ng pintura sa buong katawan pero kahit ganoon kita sa kilos niya ang panggigigil. Nang mga oras na iyon ay marami rin mga taong nakatanaw sa kanya. Mga estudyante at mga guro sila. Karamihan sa mga nakatingin ay tila nagtataka kung ano ang nangyari sa ginoo at ang iba naman ay nagtatawanan.

Samantala bukod sa ginoo ay may isa pang tao ang naroroon ang nakasaksi sa naging hitsura ng ginoo. Ang taong ito ay isang batang estudyante. Tila nagmamadali sa pagtakbo papalayo ang estudyante. Nang mapuna nito na huminto sa pagtakbo at paghabol ang ginoo, tumigil na rin sa pagtakbo ito habang hindi magkamayaw kung papaano pipigilan ang pagtawa.

Ang ginoo ay si Mr. Antonio Dominguez at isa siyang guro sa paaralan pinapasukan ng batang estudyante. Grade Four ang kanyang tinuturuan. Ang bata naman ay nagngangalang Bobby Sanches aka "Boyong" at Grade Four na siya. Si Boyong ay no. 1 pagdating sa pagiging pasaway sapagkat madalas siya ang dahilan ng mga kaguluhan sa paaralan. Pero kahit kilala sa pagiging pasaway si Boyong, hindi siya magawang i-expelled sa paaralan sapagkat siya ay bunsong anak nang may-ari ng paaralan.

"Boyong! Kung hindi ka lang, Naku!" saad ni Mr. Antonio. Nakatindig pa rin ito sa hallway habang nangangatal ang mga kamay. Samantalang si Boyong ay halos hindi na makahinga dahil sa matinding pagtawa. Nakahawak na siya sa kanyang tiyan.

"Napakapasaway talaga ng batang iyan. Dapat siya ang kuhanin ng mga malignong nakatira doon sa may puno nang balete para mabawasan naman ang mga pasaway sa mundo." Nanggigigil na sabi nang isang babae. Nasa loob ito ng isang classroom habang nakasilip sa may pintuan. Isa rin itong guro. Pinagmamasdan nito ang nagaganap na kaguluhan.

"Tama bang marinig ko mula sa iyong bibig ang mga salitang iyan Ms. Flores?" Kunot-noong sabat ng isa pang babae na nakasuot nang uniporme na pang P.E. Nakatindig siya malapit sa kinatatayuan ni Ms. Flores habang pailalim na tumingin sa guro. Napatingin naman si Ms. Flores sa nagsalita at nang mapagtanto kung sino ito, umiwas ito nang tingin sa babaeng nanita.

"Teacher ka pa naman Ms. Flores, pero ang mga salita mo ay hindi katanggap-tanggap at hindi nakakatuwang pakinggan."

"Kapag naulit pa ito, ipaparating ko na ito sa pamunuan ng atin paaralan," tugon ng babaeng naka-P.E na uniporme. Siya si Ms. Sophia Silverio. Isa rin siyang guro. P.E ang kanyang itinuturo at pinsan din siya ng batang si Boyong.

"Kumusta naman ang pagtawa mo? Sulit ba Boyong?"

"Tinatanong pa ba iyon, siyempre ako pa, walang pana--"

"A--ate Sophie!" tugon ni Boyong nang humarap na siya. Nanlalaki ang mga mata ni Boyong habang nakatitig sa babaeng nakatindig sa harapan niya.

"A--aray ate Sophie! Masakit ang pingot mo. Isusumbong kita kay Mommy. Child abuse ang ginagawa mo Ate!" saad ni Boyong habang napapangiwi at hinihimas ang tengang namumula dahil sa pagkakapingot ng Ate Sophie niya.

"Magpupunta tayo sa Principal's Office. Magpapaliwanag ka at higit sa lahat mag-sosorry ka kay Mr. Domiguez," sagot naman ni Ms. Sophie habang hawak sa braso si Boyong. Nagpupumiglas naman si Boyong ngunit mas malakas ang paghawak ni Ms. Sophie sa braso ni Boyong kaya wala rin nagawa ang pagtatangkang makaalpas ni Boyong sa pinsan.

"Lapastangan na mortal ngunit masarap na alay upang maging akin pagkain."

"Naaamoy ko na ang nakakahalinang aroma ng batang sutil. Gustong-gusto ko nang matikman ang mga matataba niyang laman. Ang malulutong niyang mga buto. Ang sariwa niyang dugo, mga laman-loob at higit sa lahat ang kanyang utak." Naglalaway na tugon ng isang uri nang nilalang na tanging ang may mga third eye o mga malakas ang sixth sense lamang na mga mortal ang makakakita o makakaramdam sa mga hindi pangkaraniwan na nilalang.

Ang nagsalita ay ang Prinsepe nang mga lupon ng tikbalang. Isang uri ng elemento na nabubuhay sa dilim. Anyong tao ang pang-itaas na bahagi ng katawan nito at kahugis naman ng kalahating bahagi ng isang kabayo ang pang-ibabang katawan nito.

"Mahal na Prinsepe, nais ninyo po bang dalhin namin ang inyong pagkain ngayon din?" tugon ng isa sa mga tikbalang na kawal.

"Sige, pinahihintulutan kita. Dalhin mo sa akin ang batang mortal na iyon."

"O, ano na? Ang hina mo talaga Bungol. Lakasan mo naman ang paghampas sa bola. Palagi kong nasasalo dahil ang hina-hina mong humapas ng bola.

"Tumahimik ka Boyong. Makakahabol pa kami. Manuod ka lang at matuto," sagot ng isang may katangkaran at payatin bata.

Umayos ito ng posisyon mula sa kinatatayuan nito. Iniangat ang mga bisig habang hawak ang isang baseball bat at tila nag-aabang sa paparating na bolang ihahagis ng isa sa mga kalaro nito.

Inihagis ng batang Pitcher ang bola na nagkataon tinamaan ng batang si Bungol. Malakas ang pagkakahampas nito sa bola at hindi man lang ito nasalo ni Boyong at dahil malakas ang paghampas sa bola, tumilapon ito sa napakalayong distansiya.

Ang mga batang naglalaro, kasama ni Boyong ay naglalaro sa loob ng play ground ng paaralan. Sa likuran bahagi ng play ground ay may masukal na kagubatan kung saan ang tanging pumapagitan sa play ground at sa kagubatan ay ang mga nakaharang na bakod na yari sa kalawanging tanso. Mahigpit na ipinagbabawal ng paaralan pinapasukan ng mga bata ang pagliban sa bakod sapagkat pinaniniwalaan nababalot ito ng hiwaga o kababalaghan.

Maraming nagsasabi na marami na raw mga estudyante o mga guro ang biglang nawala o hindi na nagpakita simula ng mapadpad sila sa kabilang dako ng paaralan. Ito nga ay ang patungo sa may kagubatan.

"Anong gagawin natin? Nawawala ang bola. Baka tumalsik ito papunta sa kagubatan."

"O, e di kuhanin mo. Ikaw itong humampas sa bola kaya dapat ikaw ang maghanap sa bola," pabalang na sagot ni Boyong kung kaya't lumapit si Bungol para itulak ito, mabuti na lamang at hindi natumba si Boyong.

"Bakit hindi ikaw ang kumuha, tutal napakayabang mo naman."

"Tumigil ka nga Bungol. Hindi ba pinagbabawalan tayong magtungo doon sa may kagubatan dahil nga marami nang mga bata ang nawala roon at hindi na sila nakita."

"Oo nga delikado. Huwag na natin hanapin iyon bola. Umuwi na tayo at malapit na rin naman magbukas ang gate."

"Tayo na!"

Nagbukas na ang gate ng paaralan nila Boyong at marami na sa mga estudyante ang naglabasan sa kani-kanilang mga classroom. Araw ng Biyernes at tuwing ganitong araw kasama si Boyong sa mga cleaners ng kanilang classroom ngunit tumatakas siya ng palihim para hindi makapaglinis. Dahil hindi siya maaaring dumaan sa may harapan ng paaralan sapagkat may makakakita sa kanya, kaya naman nag-iba siya ng dinaanan.

Bagamat matagal nang naririnig ni Boyong ang tungkol sa nawawala raw mga estudyante na napapadpad sa kabilang dako ng paaralan nila, hindi siya naniniwala sa mga sabi-sabi. Iyon pa lang ang unang beses na dadaan siya sa pinagbabawal na lugar. Sa ibang ruta talaga siya nagtutungo kapag gustong tumakas ngunit kasalukuyan itong inaayos at hindi puwedeng puntahan.

"Handa ka na ba?"

"Oo, simulan na ang pakikipaglaro sa atin pagkain."

Ilan beses nang naglalakad at pabalik-balik si Boyong sa puwesto kung saan siya nakatindig. Nagtataka man ito, nagkibit-balikat na lamang ito at nagpatuloy sa paglalakad.

"Pssst!"

"Si--sino ka? May--may tao ba diyan? Kung sino ka man, lumabas ka sa pinagtataguan mo."

"Hindi ako natatakot sa iyo!"

"Talaga lang bata!"

Isa sa mga kawal na tikbalang ang bumungad sa harapan ni Boyong dahilan upang mapasigaw siya at mapasalampak sa lupa. Nanlalaki ang mga mata ni Boyong habang hindi maalis ang tingin sa tikbalang na nasa harapan niya. Iyon ang unang pagkakataon na makakita siya ng isang tikbalang. Sa mga libro at palabas lamang niya madalas itong makita o mabasa. Hindi rin siya halos makakilos mula sa kanyang kinapupuwestuhan. Nanginginig ang kanyang katawan at hindi siya makapagsalita.

"Nasaan na ang tapang mo ngayon sutil na bata? Akala ko ba matapang ka at matalino?"

"Tama lang siguro na gawin ka namin hapunan. Kaya sa ayaw mo o sa gusto, sasama ka sa amin kaharian."

"Hindi! Hindi ako sasama sa inyo."

"Ahhh!"

"Arghh! I--ikaw! Huwag kang makialam dito. Kami ang unang nakakita sa kanya."

"Wala akong pakialam kung kayo ang unang nakakita sa batang mortal o kung ano man ang gawin ninyo sa kanya."

"Kung ganoon, ano itong ginagawa mo? Bakit mo kami pinipigilan?"

"Ginambala ninyo ang pamamahinga ko at nang akin asawa."

"Kung iyon ang dahilan, ipagpaumanhin mo ang amin kalapastanganan. Aalis na kami sa teritoryo ninyo."

"Maaari na kayong umalis na dalawa ngunit maiiwan ang batang mortal."

"Argg! Mukhang hindi tayo nagkakaintindihan Hari ng mga Kapre. Pagmamay-ari ng amin Prinsepe ang mortal na bata kaya hindi ka maaaring makialam sa amin gagawin sa kanya."

"Maaari akong makialam. Nakasaad sa kasunduan na kung kanino mapadpad na teritoryo ang mga mortal, iyon lamang ang may karapatan na gawin ang nais sa mga mortal. Sa kasamaan palad sa teritoryo ko napadpad ang batang mortal," sagot ng kapreng kausap ng kawal na tikbalang.

At dahil sa abala sa pag-uusap ang kapre at ang tikbalang na kawal na kaharap nito, kahit nanginginig sa takot si Boyong, pinilit niyang ikilos ang katawan upang makalayo sa dalawang malignong nasa harapan niya. Tumakbo siya ng tumakbo nang hindi lumilingon sa kanyang likuran dahil sa pangambang baka kapag naabutan siya ng dalawang maligno ay kainin siya ng buhay.

Totoo ba lahat nang nasaksihan ko? Hindi! Hindi siguro. Panaginip lang ang lahat ng nakita ko. Oo, panaginip lang iyon. Kailangan ko lang magising.

"Nasaan na ba kasi ang daan palabas sa gubat na ito?" Hiyaw ni Boyong. Napatakip siya sa kanyang bibig nang mapagtanto ang kanyang ginawa. Pamaya-maya ay nakarinig siya ng tila mabibigat na yabag. Hindi mawari ni Boyong kung saan direksiyon nagmumula ang mga yabag. Bukod doon kanina pa siya nakakaamoy ng napakatinding amoy. Halo-halong amoy ito sapagkat para bang pinaghalo-halong amoy ng damo, kahoy, usok at mapanghing amoy. Kung hindi lang nais ni Boyong makalabas ng kagubatan, hindi niya titiisin ang amoy na iyon.

Hindi sigurado si Boyong kung sa kapreng dumating nagmumula ang matinding amoy. Ang kapre ay may kalakihan, sa tantiya ni Boyong mas mataas pa sa dalawang palapag na bahay nila ang taas nito. Ang buhok ng kapre ay makapal at malago at halos takluban na ang mukha nito. Mamula-mula rin ang mga mata nito at pagkalalaki ng mga ngipin nito. Mabaho rin itong tingnan at sobrang itim ang kulay ng balat at higit sa lahat may subo itong pagkalaki-laking tabako na hindi nawawalan ng usok. Ang kapreng nakita ni Boyong ay maihahalintulad sa kapreng nababasa niya o napapanuod sa tv.

Kung hindi ito panaginip, ano nang gagawin ko?

Mama! Papa! Ate Sophie! Gusto ko nang umuwi!

Tuluyan ng umiyak si Boyong. Ang batang pasaway at palaging nag-uumpisa ng kaguluhan sa kanilang paaralan at hindi nakikinig sa pangaral ng mga guro niya at magulang. Ang batang ngayon ay nanginginig sa takot at hindi malaman ang gagawin o kung saan magtutungo.

Hindi pa man kinakain ng mga maligno pero kung ano-ano nang mga nakakadiring senaryo ang pumapasok sa isipan ni Boyong dahilan upang bumaligtad ang sikmura niya at magkandasuka. Naririnig pa rin ni Boyong ang mga yabag at sa pakiwari niya ay malapit lang ito sa puwesto niya. Nanginginig man sa takot sapagkat pinagpapawisan na ito ng malamig na pawis bukod doon napaihi na ito sa kanyang salawal, nagpalinga-linga si Boyong sa paligid upang hanapin kung saan direksiyon nagmumula ang mga yabag.

Kung ito man po ang katapusan ng buhay ko. Humihingi ako ng kapatawaran sa lahat ng mga ginawan ko nang kasalanan.

Sa pamilya ko, mahal na mahal ko po sila. Sorry Mama, Papa, Ate Sophie. Sa crush kong si Samantha, crush kita kahit inaasar kita palagi.

Paalam!