Chapter 19 - Ulit

Saktan mo naman ako ulit, 'yong mauubos na naman ang tinta ng bolpen habang sa braso ay nag-uukit.

Saktan mo naman ako ulit, habang inilalabas sa dugo, ang luha, ang sakit, at pait ng mga hindi nasagot na bakit.

Saktan mo naman ako ulit, gaya ng kung paano nagmistulang sining ang paghahalo ng dalawang likido na tila ba sinadyang ipinta sa kanbas.

Saktan mo naman ako ulit, sa pagpapaniwala mo noon sa akin na tayong dalawa lang, walang hanggan, walang wakas.

Parehong oras, parehong dahas.

Saktan mo naman ulit, tawag ka ng alas tres para lang sabihing,

"Hindi na kita mahal."

Ipaalala mo ulit sa puso ko, na minsan ay tumigil ito dahil sa mga sinabi mo, kasabay ng paghinto ng ikot sa'kin ng mundo.

Iparinig mo ulit sa tenga ko, 'yong limang salitang nagpaubos ng tissue sa dispenser ko.

kasabay ng paglaho ng mga pinanghahawakan kong mga pangako.

Iparamdam mo ulit sa katawang 'to, na hinding hindi na ulit mag-iinit dahil sa lamig ng pagpapaalam na ginawa mo.

Saktan mo naman ako ulit, nang muling magsayaw ang panulat na ito sa papel na palapag kung saan ito nababagay,

Saktan mo naman ako ulit, nang magawa ng mga kamay na ito na lumikha ng mga akda kung saan ako nasanay.

Saktan mo naman ako ulit, for creative purposes lang.