Chereads / Lupon ng mga Tula ni Dee Makabuluhan / Chapter 21 - Connected si Juan

Chapter 21 - Connected si Juan

Noon ay madalas akong dumungaw sa labas ng aking bintana,

ako'y nagmamasid at aking pinagmamasdan ang lahat ng aking p'wedeng makita

at tuwing may daraan, sila'y kakaway, ngingiti at mangangamusta.

Ako naman ay dali-daling bababa, "sayo'y ano na nga ba ang balita?"

kami'y magkwekwentuhan at magkakabalitaan.

Hindi ba anong saya ang dala ng simpleng pagkikita.

Ngunit sa paglipas ng mga taon

sa pagusbong ng makabagong panahon

ating mga kakayahan ay patuloy rin ang pag-ahon.

Kaya ako'y nagtataka…

ako'y nangangamba…

Bakit kung kailan ang abot ng ating paningin ay lumawak

tsaka pa tayo lalong nagkawatak-watak

ang dating iisa ngayon ay nag-iisa

Hindi ba anong lungkot ang dala ng simpleng pag-iisa.

Ngayon ako'y nakakulong na lamang sa aking kwarto

nakatingin sa isang maliit na bintanang kwadrado

umiilaw at nagpapakita ng mga letra, mga larawan at mga gumagalaw ng litrato.

Sa makabagong mundo ay panonorin mo ang mundong

nagsisiraan, nagbabangayan, nag-gagamitan,

nag-uudyok ng kaguluhan, ng kalungkutan.

Hindi ba nila naisip na ang isang pindot dala sa iba'y kirot

at sa mga buhay ay pagkawasak ang dulot.

Itong kapangyarihan na malayo ang naaabot

bakit hindi gamitin upang marami ay maabot

maghayag ng mabuting pagbabago.

upang ibalik ang dating mga tawanan, ang dating kasiyahan

Dahil Connected si Juan, Connected as one.