Matapos bumaba ni Theo sa kotse ay sandali muna siyang tumitig sa gusaling nasa harapan niya. Tumingala siya upang makita ang kabuuhan ng hotel sa Manila.
Iyon ang araw at oras ng meeting kaya ramdam niya ang pagbilis ng tibok ng puso niya dahil sa kaba at takot sa kung ano man ang maaaring mangyari. Iyon ang unang araw na nagpunta siya ng hotel na wala si Rina kaya naninibago talaga siya.
Hindi niya alam kung magagawa niyang maiusad nang maayos ang meeting na iyon na wala ang babae. Pakiramdam niya rin kasi ay hindi siya makakapag-concentrate dahil nasa isip niya rin ang babae. Kung kumusta ito? Kung ano na bang balita sa ina nito. Gusto niyang marinig ang boses nito at naisip na tawagan na lamang si Rina subalit naalala niya na wala siyang number nito. Hindi rin siya sigurado kung may phone ba ang babae dahil hindi pa naman niya nakikitang gumamit ng phone si Rina sa mansion.
Huminga si Theo nang malalim at sinimulan nang maglakad papunta sa entrance kung saan ay mayroong dalawang security guard sa may gilid ng glass door.
Binati siya ng mga ito.
"Good morning, Sir."
Maikling tango lamang ang binigay niya sa mga ito. Pinilit niyang tumugon at nilapit ang distansya sa mga ito.
Matapos ang sandaling palitan ng ngitian ay tuluyan na siyang pumasok sa loob. Habang naglalakad siya papunta sa designated room ay sinasalubong din siya ng ngiti ng mga staff at tipid na ngiti pa rin ang sinagot niya sa mga ito.
Nang nakarating siya sa tapat ng pinto, agad niyang binanat pababa ang suot na polo at inayos ang kanyang neck tie. Humugot muli siya nang malalim na hininga at saka pinihit ang siradura upang makapasok na sa loob.
Agad namang bumungad sa kanya ang mga tauhan na kasama sa meeting na iyon. Iba-iba ang expression ng mga ito. May mga nakanguso, may mga nagtatago ng ngiti, may mga lantaran ang pagngisi at may iba naman na nagbubulong-bulungan habang nakatingin sa kanya.
Iyon ang pinagtaka ni Theo kaya naman nagsalubong ang kanyang mga kilay.
May mga kakarampot na bumati sa pagdating niya subalit ramdam niya ang pagkailang ng mga ito. Hindi pa nga nakaligtas sa kanyang paningin ang lihim na pagsisikuhan ng ilan kaya lalo siyang nakaramdam ng tensyon. Ang kaninang mabilis na pagtibok ng kanyang puso ay mas lalo pang bumilis.
"Shhh. Huwag kayong maingay," bulong ng ilan.
"Hindi na nga."
"Itigil n'yo na 'yan, magsisimula na tayo."
Tumikhim si Theo, naupo sa pinakaunahan ng long table bago sinimulang bumati sa lahat. "Good morning to all of you."
"Good morning, Sir," sabay-sabay na bati ng lahat sa kanya.
"Alam n'yo naman kung bakit tayo nandito? I want to hear all of your suggestions, problems, issues or anything na dapat nating i-resolve para sa ikaaayos ng hotel."
Nagsimula na naman ang bulong-bulungan sa loob na nahinto lang nang nagparinig muli si Theo ng tatlong ubo.
"So let's start in all of your concern."
"Sir, before we start. We want to know you more as a new manager of this hotel. Wala pa ho kasi kaming masyadong alam sa inyo."
Tumango-tango naman ang mga kasama ni Theo sa loob.
"Mr. Chu is right, Sir. We want to know more about you. Ang anak ni Mr. Armando Ledesma na ngayon lang naipakilala sa amin," singit din ng isang babae na disente ang pagkakaupo, pulang-pula ang labi, nakaarko ang kilay at banat na banat ang buhok na nagngangalang Rebecca.
"Then, I want to formally introduce myself again to all of you. I am Theo Ledesma, anak ni Mr. Armando Ledesma."
"Sir, saan po kayo gr-um-aduate?" pabirong tanong ng isang lalaki na may pitik ang pagtaas ng palad habang nagtatanong. Si Gilbert.
"Sa..."
"Sir, may jowa?" pagbibiro din ng isa pa.
"Sir, bakit ngayon lang namin alam ang tungkol sa inyo? Wala ho kasing pinakilala sa amin ang ama ninyo dati."
"Totoo po ba na may—"
Hindi natuloy ni Gilbert ang itatanong nang sikuhin siya at pandilatan ng mga mata ni Rebecca.
"What? Spill it."
"Na ano, Sir..."
"Na may kondisyon kayo sa utak."
Napalunok si Theo ng dalawang beses bago nakahugot ng isasagot kay Gilbert.
"What if mayroon nga?"
Sa pagkakataong iyon ay si Mr. Chu naman ang naglakas loob na sumagot.
"If that is true, Sir, can you consider yourself as a suitable one to handle responsibilities? Are you qualified to be our manager? And lastly, are you able to choose wise decision despite having that condition?"
Natigilan si Theo. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang sunod-sunod na tanong sa kanya. Sa oras na iyon ay pakiramdam niya ay nasa hot seat siya kung saan ay kailangan niyang magbigay ng paliwanag sa interogasyon sa kanya. Wala rin sa sarili niyang pinadyak-padyak nang mahina ang kanyang mga paa.
Nais niyang tumayo na at tumakbo palabas ng silid upang maiwasan niyang makarinig ng mapanghusgang komento tungkol sa kanya. Nagbaba siya ng ulo dahil hindi niya rin kayang salubungin ang mga titig ng kasama niya na naghihintay ng kanyang sagot.
"By the way, Sir. Mayroong kumakalat sa social media about sa inyo at sa nanay ninyo. How do you explain that to us, Sir? Then may unknown account din na nag e-mail sa amin ng picture ninyo kasama ng isang babae na sinasabing ina n'yo rin. Are you still stable, Sir? We're so sorry for the word but we just concern for LED Hotel since iyon naman talaga ang pinunta natin dito. Paano mo pamamahalaan nang maayos ang hotel na 'to kung may kondisyon ka palang tinatago? We want an answer from you. We want to know if we can trust you regarding this dahil ayaw naming lahat mawalan ng trabaho."
Tumango-tango ang lahat upang sang-ayunan ang sinasabi ni Mr. Chu.
"Ang sabi nga, kasiraan ng isa, kasiraan ng lahat." Sumenyas si Mr. Chu kay Gilbert pagkatapos pinindot nito ang remote kung saan lumabas naman sa screen ang larawan ni Theo kasama ng kanyang ina sa kama.
Napatayo si Theo sa nakita sa screen. Paano sila nagkaroon ng picture ng kanyang ina? Nais niyang kuhain ang remote upang patayin ang naka-display sa screen subalit para namang dumikit na ang kanyang mga paa sa sahig.
"How do you explain that, Sir? Is that a normal thing to do na magkasama kayo ng mom mo sa kama at walang damit? Ito ba ang taong magiging manager ng hotel?" Umayos ng upo si Mr. Chu.
"Honestly, Sir. Hindi namin alam kung mapagkakatiwalaan ka namin," ani ni Rebecca. "Kung tuluyang babagsak ang hotel dahil lamang sa issue na 'to o kaya naman kung tuluyang pumangit ang imahe ng LED Hotel, sa tingin ko, mas mabuti sigurong umalis na kami bago pa kami tuluyang mawalan ng trabaho. Alam n'yo naman kung ano'ng problemang kinahaharap natin. Hindi pa tayo fully na nakaka-recover. Nasa baba tayo at unti pa lang ang inuusad natin. Kung tuluyang mawawala ang hotel, mawawalan kami ng trabaho. Nakakalungkot kasi matagal na kami rito."
Umentrada rin si Gilbert kasabay nang pagpitik-pitik ng kamay sa hangin. "Agree ako, aba'y paano na kami, Sir. Hindi sa nagiging negative kami, pero we are just stating the future possibilities."
"Kaya n'yo ba, Sir Theo? Kaya n'yo ba talagang iangat ang hotel? Makasisiguro ba kaming hindi kami mawawalan ng trabaho?"
"Hin...hin...hindi ko alam," utal niyang sagot na ikinailing-iling ng lahat. May ilang nasapo ang noo, tumakla, at tumayo na sa upuan upang maghanda na sa paglabas. Para kay Theo ay isa iyong kabastusan.
Napahawak siya sa kanyang sintido, napayuko at napaatras. Ano ang dapat niyang gawin? Tanging naisambulat niya sa kanyang isip. Nangangatog ang kanyang tuhod at nangangatal ang kanyang labi. Ang nasa isip niya ngayon ay hawakan ang kamay ni Rina subalit wala siyang kasamang 'Rina' sa araw na iyon. Wala ang taong magiging sandalan niya kapag nagsimula na naman siyang makaramdam ng takot.
'Rina, Rina!'
Tanging nasa isip niya subalit napakaimposible na sumulpot na lamang bigla ang babae sa tabi niya. Sinubukan niyang ihakbang ang kanyang paa at nang nagtagumpay nga siyang ihakbang iyon, tinuloy-tuloy niya na hanggang sa makarating siya sa pintuan. Pagkalabas niya ay tinakbo niya ang mahabang pasilyo at dahil nga sa pagmamadali, hindi rin sinasadyang nasanggi niya ang mga babasaging dekorasyon sa hotel. Naglaglagan ang mga frame na aksidente niyang nakapitan upang hindi siya tuluyang matumba, nagsitagiliran ang mga artipisyal na halaman at nagbagsakan sa sahig ang mga mamahaling pigurin.
Akala niya kaya na niya. Akala niya magagawa niya nang wala si Rina subalit hindi pa rin pala. Kailangan niya pa rin ang babae. Ito lamang ang tanging nakakapagpakalma sa kanya. Ito lamang ang nag-iisang nag-aalis ng takot na nadarama. Nais niyang yakapin ito, nais niyang hawakan nang mahigpit ang kamay nito subalit malabo.
Naninikip ang kanyang dibdib at hindi niya alam ang dapat gawin basta dire-diretso lamang siya sa pagtakbo palabas ng hotel. Kahit pa nga magkatumba-tumba na siya ay wala na siyang pakiaalam. Basta gusto niyang makaalis na sa hotel na iyon. Nais niyang magkulong na lang muli sa mansion.
Ito ang isa sa kinatatakot niya sa paglabas, ang makatanggap ng mapanghusgang salita. Hindi niya pa kayang paglabanan iyon. At nang matagumpay nga siyang nakarating sa kung nasaan ang kotse, agad siyang pumasok sa loob at sinigawan ang driver.
"Bumalik na tayo sa mansion!"
"Ang bilis n'yo a—"
"Huwag ka nang magkwento! Bilisan mo na!"
Humawak si Theo sa kanyang sintido at sinikap na hindi na lingunin pa ang hotel. Ayaw niya na rin makita ang mga tao na kaharap niya kanina. Sobra-sobra na ang kahihiyang natanggap niya.
'Kailangan kita, Rina!'