Chapter 167 - THE PAST

Narito si Marble, ipinapatong sa ibabaw ng puntod ang pumpon ng orchids pagkuwa'y lumuhod sa harap ng lapida habang si Vendrick ay nakatayo at pinapayungan siya kahit papalubog na ang araw.

"Kumusta ka na? Sorry, hindi ako nakadalaw nung birthday mo. Umuwi kasi kami ni Kaelo sa Cebu," simula niya sa pakikipag-usap dito, pakaswal lang na parang walang dinadalang mabigat na problema, sinabayan pa ng isang ngiti sa mga labi ngunit agad ding napayuko at napabuntunghininga maya-maya'y di na nagawang itago ang nararamdaman lalo na nang biglang manariwa sa kanya ang lahat limang taon na ang nakararaan...

"Marble, pirmahan mo na. Huwag kang matakot. Ilegal ang ospital na ito, walang maghahabol sa'yo at magtatanong kung ano'ng nangyari ngayon," pagmamakaawa ng kanyang Ate Lorie habang nakaratay sa hospital bed ng operating room at hawak ang kanyang kamay, pinipilit lang magsalita sa kabila ng sakit na nararamdaman sa mga pasa sa buong katawan.

Siya nama'y walang tigil sa pag-iyak dahil sa takot.

"Ate! Natatakot ako, ate!" hiyaw niya, nanginginig na rin ang mga kamay habang paulit-ulit na umiiling.

"Ahhhh!" napasigaw ang dalaga sa sakit sabay hawak sa siko saka siya nabitawan.

"Marble...Marble, gusto kong mabuhay ang anak ko. Gusto kong maranasan niya ang saya sa mundong ibabaw. Kung hindi ka pipirma, dalawa kaming mamamatay..." Bigla itong nanghina, hinang-hina na kahit ang pagsasalita'y halos pabulong na lang.

Duon lang gumawa ng aksyon ang doktor sa kanyang likuran at hinila na siya palayo sa dalaga saka iginiya sa labas ng operating room sabay lahad ng consent letter sa kanya.

"Kung tatagalan mo pa ang pagpirma, mapapahamak silang pareho. Hindi na natin maililigtas ang bata sa kanyang sinapupunan," pagpapaliwanag ng doktor.

Hindi siya sumagot, nagpatuloy lang sa pag-iyak.

"Ikaw lang ang tangi niyang pamilya rito kaya ikaw lang ang pwedeng pumirma dyan," giit nito saka hinawakan ang kanyang balikat, pinisil iyon.

"Hindi na natin maililigtas ang kapatid mo, pero posible nating mailigtas ang anak niya lalo't malakas ang pintig ng puso ng bata, ibig sabihin lumalaban ang kanyang anak. Maaaring hindi pa ito apektado sa sakit ng kanyang ina. Ako na ang nakikiusap sa'yo, pumirma ka na habang hindi pa huli ang lahat," patuloy sa pangungumbinsi ng doktor na mag-oopera kay Lorie.

Pero mariin pa rin siyang umiling.

"Hindi! Ayuko! Papatayin niyo si ate ko! Mamamatay siya 'pag pinirmahan ko 'yan!" hiyaw niya sa pagitan ng paghagulhol.

Niyugyog ng doktor ang kanyang balikat tila nawala na ang pagtitimpi sa kanya.

"Minuto na lang ang hinihintay at mamamatay na siya sa ayaw mo't sa gusto. Pero ang anak niya, lumalaban miss! Normal na normal ang anak niya kahit anim na buwan pa lang. Ayaw mo ba'ng makita ang anak ng kapatid mo?" giit nito, napalakas na ang boses.

Napalakas lalo ang kanyang iyak. Hindi niya kayang tanggapin sa sariling siya ang magiging dahilan ng kamatayan ng kanyang Ate Lorie pero may punto ang doktor, lumalaban ang anak nito. Kahit 'yung bata man lang ay maisalba niya.

Matapos ang ilang minutong pagbalanse sa mga bagay-bagay habang tuliro ang isip ay napagdesisyunan din niya sa wakas na pirmahan ang consent letter. Pagkatapos ay bumalik siya sa operating room, nanginginig ang mga tuhod na lumapit sa kanyang Ate Lorie na namimilipit sa sakit, panay ang sigaw ngunit nang makita siya'y pilit kumawala ang ngiti bibig nito saka kinagat ang ibabang labi upang huwag uling mapasigaw pagkuwa'y sinenyasan siyang lumapit pa rito.

Sumunod naman siya.

"'Pag nawala na ako, huwag mong pababayaan ang anak ko, ha? Mula ngayon, ikaw na ang ina niya. Apelyido mo ang gagamitin niya," ani Lorie.

Nagmamadali siyang tumango habang walang tigil sa pagpatak ang mga luha.

Ang dalaga nama'y tumingin sa kisame, wari bang nag-isip nang malalim saka muling bumaling sa kanya, hinawakan ang kanyang mga kamay.

"Mangako ka sa'kin, Marble. Itatago mo ako kay Karl. Ayaw kong malaman niyang patay na ako. Hindi niya pwedeng malamang anak niya si Kaelo. Parusa ko 'yun sa kanya dahil hindi niya ako hinanap," garalgal na nitong utos sa paanas na boses saka pumatak ang huling luha sa mga mata kasabay ng pagbitaw nito sa kanyang mga kamay at pagpikit.

"Ate? Ate?" Lalo siyang natuliro, lalong nakaramdam ng takot nang maramdaman itong 'di na humihinga.

"Ateee!!!!" sigaw niya sa takot at pagdadalamhati, pakiramdam niya, bumagsak ang langit at lupa sa kanyang harapan. Pakiramdam niya, nawalan siya ng lakas para mabuhay nang mga sandaling iyon, tila ba sumama ang kanyang lakas sa pagkawala ng kanyang Ate Lorie.

"Ateee!!!!" muling sigaw at agad itong niyakap nang mahigpit ngunit  alam niyang hindi na siya nito maririnig.

"Do the operation! Quickly!" sigaw ng doktor sa naruon pang mga nurse at dalawa ring doktor para mailigtas ng mga ito ang bata sa sinapupunan ng ina.

----------@@@@@-----------

Hagod ni Vendrick sa kanyang likod ang nagpabalik ng kanyang gunita sa kasalukuyan at narinig ang sariling hagulhol habang nakatitig sa lapida ng babae.

"Ate, 'wag mong kunin ang anak ko sa akin. Ibinigay mo siya sa'kin para alagaan ko at akuing anak. Maawa ka, 'wag mo siyang kukunin sa'kin. Hindi ko kakayaning mawala ang anak ko, ate..." pagmamakaawa niya sa pagitan ng paghagulhol habang sabay na tumutulo ang kanyang mga luha at sipon ngunit wala siyang pakialam ano man ang itsura niya nang mga oras na 'yun. Wala na siyang pakialam sa sarili. Ang tanging laman ng kanyang puso't isip ay ang kanyang anak, na mabuhay ito at 'wag mawawala sa kanya.

"Marble, she was Lorie right?" kumpirma ng asawa na lalo lang naging dahilan para mapalakas ang kanyang hagulhol sa harap ng puntod nito.

Binitawan na ni Vendrick ang payong saka lumuhod paharap sa kanya at mahigpit siyang niyakap.

"Let's face this together, hon. Hindi mawawala satin si Kaelo. Let's go to the church right now. Hilingin natin sa kanyang ang paggaling ng anak natin," pagpapalakas ng loob nito subalit halata rin ang paggaralgal ng boses.

"Binbin, hindi ko kayang mawala ang anak ko. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko 'pag nawala si Kaelo sa'kin..." hagulhol niya sa mga bisig ng asawa.

"He'll not die, honey. Hihilingin natin siya sa Diyos. Magmamakaawa tayo sa Kanya na ibigay sa atin ang anak natin," sagot nitong patuloy sa paghagod ng kanyang likod upang gumaan na ang kanyang pakiramdam subalit lalo lang lumakas ang kanyang iyak.

Related Books

Popular novel hashtag