"Drick, bumalik ka! 'Wag mo akong iiwan, kung hindi, magpapakamatay ako!"
Kapwa sila gulat na napatitig sa isa't isa nang sagutin ni Vendrick ang tawag at i-loud speaker ang phone nang mawala ang pagseselos ni Marble.
"Binbin--" nag-aalala niyang sambit.
Napadiin ang pisil ni Vendrick sa kanyang braso.
"Hon--" sambit nito, nanghihingi ng permiso sa kanya.
"Vendrick! Talagang tatalon ako dito kung hindi ka babalik!" patuloy na sigaw ni Chelsea sa phone.
Kapwa na sila napamulagat. Hindi na nakapagpaalam ang asawa't kumaripas ng takbo pabalik sa elevator.
Siya nama'y sumunod sa mga tao sa ground floor na nagtakbuhan palabas ng ospital at iisa lang ang tinitingala sa pinakatuktok ng gusali.
"Tignan niyo, tingnan niyo! May babae duon sa taas, mukhang magpapakamatay!" sigawan ng mga itong nagpakatingala sa harap ng ospital.
"Emergency! Emergency! May magpapakamatay dito sa ospital! Kailangan namin ng life net!" hiyaw ng guard habang tumatawag sa cellphone.
Nakisiksik na rin siya sa gitna ng maraming tao at tumingala sa pinakataas ng gusali. Naruon nga si Chelsea, nakatayo sa ibabaw ng pader sa rooftop. Kahit malayo ito sa kinaruruonan niya'y kilalang kilala niya ang itsura at katawan nito.
Naitakip niya ang isang palad sa bibig sa takot. Paano kung magpakamatay nga ito, habambuhay nila iyong dadalhin sa kunsensya ni Vendrick dahil alam nilang sila ang dahilan ng pagkamatay nito kung sakali.
Gosh! Wag naman sana! Nasaan na ba si Vendrick?
"Anak! Anak! 'Wag kang tatalon! Maawa ka samin ng daddy mo!" sigaw ng ginang sa kanyang likuran.
Ang mga magulang ni Chelsea!
"Vendrick! Magpapakamatay talaga ako 'pag di ka bumalik sakin!" malakas na sigaw ng dalaga mula sa rooptop.
Napaluha na siya, sa isip ay panay dasal na wala sanang masamang mangyari kay Chelsea.
Hanggang sa makita niya itong lumingon at tila nakikipag-usap sa kung sino. Alam niyang si Vendrick na iyon.
"Mangako kang babalik ka sakin! Iiwan mo siya! Mangako ka!" muli nitong sigaw.
Bigla na lang siyang napahagulhol nang marinig ang malakas na sigaw ni Vendrick mula sa rooftop.
"Dammmit! Okay! Fine!"
Dalawang kamay na ang naitakip niya sa bibig upang di marinig ang kanyang iyak at nagmamadaling lumayo sa lugar na iyon.
---------@@@@@-------------
"Marble?!" bulalas ni Erland pagkakita sa kanya papasok ng salon.
Pinasadahan muna nito ng tingin ang kanyang suot bago humulagpos ng tawa, magkaiba ang kulay ng sandals, wala sa ayos ang wig na suot, lukot ang damit at naka-sunglasses pa.
Pilit siyang napahagikhik, lumabas ang basag niyang tinig. Umiba ang ekspresyon ng mukha ng binata saka siya inakbayan at dinala sa loob ng opisina nito saka inilock ang pinto niyon.
"Nasa condo na pala ang kaibigan mo, inihatid na ni Cathy nang makapagpahinga duon," pagbibigay-alam nito sa kanya, hinila ang swivel chair sa tapat ng work table nito at duon siya pinaupo.
"How's my son?" usisa nito, pakaswal lang.
"He's fine," sagot niya, pakaswal lang din.
Hinila na uli nito ang isang silya at itinabi sa kanya saka duon umupo.
"Parang bumalik ka sa pagiging tomboy ah," puna na nito, inakbayan na siya.
Humagikhik na uli siya.
Pinisil nito ang kanyang kanyang braso saka dahan-dahang tinanggal ang kanyang sunglasses.
"C'mon, don't hide it from me. You're still my barbie doll until now," usal nito hinaplos na ang kanyang buhok dahilan upang mapahagulhol na uli siya ng iyak at yumakap na rito.
Pakiramdam niya, ilang beses nang dinurog ang kanyang puso, tinadtad nang pinung-pino hanggang sa di na iyon pwedeng mabuo, wala nang pag-asang mabuo pa.
"Cry it out..." usal na uli ng binata.
Lalo pang lumakas ang kanyang hagulhol hanggang sa maramdaman niyang unti-unti nang sumasakit ang kanyang dibdib kaya pinilit niyang kontrolin ang sarili. Hindi siya pwedeng magpaapekto masyado sa nangyari. May pamilya pa siyang pakakainin at may anak pa siyang aalagaan.
Sa wakas ay tumigil siya sa pag-iyak pagkatapos marahil ng dalawampung minuto.
Panay naman ang haplos ni Erland sa kanyang likod at buhok upang gumaan ang kanyang pakiramdam.
"I'm already fine," aniya't inayos na ang pagkakaupo ngunit kapansin-pansin ang pamamaos ng boses.
Tumayo ang binata, kumuha ng cube ice sa ref sa loob ng opisina nito, ibinalot iyon sa face towel saka muling bumalik sa pagkakaupo at inilapat sa ilalim ng kanyang mga mata ang hawak.
"Hindi ka pwedeng pumangit, ikaw pa rin ang model ko. May photoshoot pa tayo next week," pabiro nitong sambit.
Kinuha niya mula rito ang towel at siya na ang nagpatuloy sa ginagawa.
"Kumain ka na?" pag-iiba nito ng usapan.
Umiling siya.
"Wala akong gana," sagot niya.
"You should at least eat a piece of banana," giit nito saka muling tumayo at kumuha ng isang pirasong saging at isang bote ng mineral water sa loob ng ref saka bumalik sa pagkakaupo.
Kinuha niya ang saging at agad na kumain.
"May chocolate ka ba dyan? Dark chocolate," usisa niya.
"Uhm! Tobleron," sagot nito, tumayo uli hawak ang mineral water, kinuha na naman ang chocolate sa loob ng ref.
"Gawin mo nang dalawang bar, tapos mani baka merun dyan," habol niya nang di na ito magpabalik-balik sa ref.
Napatitig sa kanya ang binata.
"Ikaw na lang kaya ang tumayo, kunin mo ang gusto mo rito," suhestyon na nito.
Parang bata naman siyang sumunod. Ngunit napanganga ito nang halos hakutin niya palabas ang mga pagkain sa loob ng ref, apat na tobleron bar, dalawang mansanas, tatlong saging, at ang nakastock na isang supot ng mani, 1/4 ata iyon.
Dumiretso siya sa pagkakaupo sa swivel chair nito at inilapag sa mesa ang mga bitbit saka lumantak ng kain.
Ang binata nama'y naupo sa gilid ng mesa paharap sa kanya, tahimik lang siyang pinagmamasdang halos isubo sa kanyang bibig lahat ng pagkain, tila gutom na gutom.
"Wala ka pa ring pinagbago," palatak nito.
"Hind, anlaki pala ng ipinagbago mo. Dati'y mahirap ka lang. Ngayo'y patay-gutom ka na," pagtataman nito sa sinabi.
Ang talim nang tinging ipinukol niya rito.
"Bakit ba nangingialam ka eh nagugutom nga ako!" singhal niya habang puno ng mansanas ang bibig.
Tumawa ito nang malakas, saka ngumiti nang mapansing medyo magaan na ang kanyang pakiramdam.
Halos kalahating oras marahil siyang panay ang nguya bago kinuha kay Erland ang isang bote ng mineral water at tinungga iyon sabay dighay.
Tinanggal niya ang wig sa ulo at sinipa ang sandals na suot saka tumayo at kinuha ang isang pares ng sandals sa lagayan ng mga mga shoes ng binata.
"Pakisabi kay Ynalyn, di ako makakauwi sa condo," aniya pagkuwan.
"Where are you going?" usisa nito.
"Sa sementeryo," pagsisinungaling niya pero ayaw niya munang magpunta duon ngayon.
Palabas na sana siya nang maalala ang suot na sunglasses, binalikan niya iyon at dinamapot sa ibabaw ng mesa saka dumiretso na sa labas ng opisina.
Naiwang napapailing si Erland pero hindi tinanong man lang kung ano'ng nangyari sa kanya.