Pinanindigan ni Cielo ang sinabi nito. Nanatili nga ito sa bahay nina Marble at naging yaya ng bata kapag lumalabas ang huli sa kwarto ng matanda. Halos isang linggo na ang nakalilipas pero di pa rin nito nakikita ang mukha ng sinasabi ni Kaelo na great gradpa.
Kahit si Vendrick ay wala ring pakialam kung sino ang tinutukoy na tyuhin ng byenan.
Tulad ng sinabi ni Aling Linda, naging tigasin nga si Vendrick sa kanila. Tiga-laba, tiga-linis, tiga-sibak ng panggatong dahil pugon lang ang kanilang gamit sa pagluluto.
Iisa lang ang di nito magawa, ang di makipagniig kay Marble sa gabi.
Napapahagikhik na lang siya pag kinakalabit na nito sa ibabaw ng kama at wala rin siyang balak na hindian ang asawa. Obligasyon niya 'yun dito kahit sabihin pang hindi pa sila kasal sa simbahan tulad ng iginigiit ng ina.
At tulad ng inaasahan, paggising niya sa umaga, wala na si Vendrick, nangangahoy na sa bukid kasama ang kanyang tatay.
Inayos muna niya ang sarili bago lumabas ng kwarto. Sumalubong agad sa kanya ang dalawang kapatid, nanghingi ng pera pambili ng ice candy sa malapit na tindahan. Binigyan naman niya ng sampung piso ang mga itong nagtakbuhan agad pababa ng hagdanan.
Sandali niyang pinagmasdan ang nakapinid na pinto ng kwarto ng lolo ni Vendrick. Halos isang linggo na rin niya itong di nakikita dahil busy siya sa pag-i-estima sa kanyang byenang babae at kay Ynalyn na gusto na talagang makapunta sa manila at mag-apply sa salon ni Erland bilang model kapalit niya.
Lumapit siya sa kwarto at kumatok duon.
"Lo, si Marble 'to!" tawag niya. Maya-maya'y pinihit niya ang doorknob na agad namang bumukas.
Nakasimangot na mukha ng alaga ang bumungad sa kanya sa loob, nakaharap ito sa pinto habang nakaupo sa wheelchair.
Hindi lang nakasimangot, ibinato pa ang isang cushion sa kanya na tila batang nagtatantrums.
"Bakit ngayon ka lang nagpakita?" singhal na agad sa kanya.
"Aba! Kasalanan ko ba kung ayaw niyong lumabas ng kwarto't makiharap sa pamilya niyo?" nakairap din niyang tugon.
Lalo pang humaba ang nguso nito't pinaandar na ang de-remote na wheelchair patalikod saka humarap sa may bintana.
"Duon ka na lang sa kanila! Buti pa ang apo ko, lagi akong pinupuntahan dito! Pero ikaw, di mo man lang ako maalala!"
Natawa siya bigla. Nagtatantrums nga ito, halata sa boses ang pagtatampo sa kanya.
Nilapitan na niya ang matanda saka niyakap sa likuran.
"Wag ka nang magalit, lo. Busy lang talaga ako ngayon. Si Kaelo nga'y hindi ko na rin naaalagaan. Mabuti nga't andito ang manugang niyo, siya ang nag-aalaga sa bata,"
Hindi ito sumagot, halatang galit sa kanya.
Humarap na siya rito't lumuhod sa harapan nito saka hinilot ang isa nitong paa, mula tuhod hanggang binti nang mawala ang tampo nito.
"Wag na kayo magtampo, heto na nga oh, nagmamagandang loob na sa inyo. Para di ka lang nadalaw ng ilang araw," nakaismid niyang saad.
Pinitik nito ang kanyang noo maya-maya'y natahimik habang nakatitig sa kanyang leeg.
"Ambilis naman ata ng pintig ng puso mo," puna nito.
"Hindi ah! Normal lang," sagot niya agad at itinuloy ang pagmamasahe sa isa pa nitong tuhod.
"Maysakit ka ba?" usisa uli nito.
"Wala nga, normal ako. Wag kang mag-alala sa'kin," kaswal niyang tugon.
Hinawakan nito ang kanyang kamay at pinisil-pisil mula pulso hanggang sa mga daliri.
"Andami naman! Tindi rin ng damuhong na 'yun," bigla nitong sambit.
Nangunot ang kanyang noo, hindi maunawaan ang sinabi nito, o baka naaaning na naman ang kanyang alaga.
"Lo, okay lang kayo?" usisa niya.
Pinitik na uli siya nito sa noo, hindi na binabatukan.
"Tumayo ka na ngang damuhong ka!" sita sa kanya.
"Hmp! Babaan niyo nga 'yung boses niyo, kinakabahan tuloy ako pag nagsasalita kayo," saway niyang nakasimangot.
"Paano'y di mo ako nirerespeto. Kung makapagsalita ka sa'kin ay parang anak mo ako at ikaw ang nanay ko! Baka nakakalimutan mong lolo ako ng asawa mo!" sermon na naman nito.
"Oo na. Oo na," sumusuko niyang sambit saka dahan-dahang tumayo.
"Wala ba talaga kayong balak magpakita sa mag-ina?" tanong niya maya-maya.
"Saka na pag nakita ko na ang mga apo ko sa'yo," sagot nito, pasimple lang.
"Andami namang mga apo. Apo lang," angal niya agad.
Nanggigil na ito sa kanya.
"Umalis ka na nga! Andami mong sinasabi, di na tumigil 'yang bibig mo!" singhal na naman nito.
Natawa na uli siya. "O siya, siya. Mga apo na kung mga apo," pagsuko niya saka ito niyakap.
"Lo, kumain na kayo? Dadalhan ko kayong pagkain."
Hindi ito sumagot.
"Apo, bilhan mo na lang akong kalamaris. Gusto kong kumain nun," lambing nito.
"O sige po. Ayaw niyo po ba'ng ipagblend ko kayo ng prutas?" presenta niya.
"May blender ka ba?"
"Wala."
Tumalim bigla ang titig nito sa kanya.
"Umalis ka ngang damuhong ka! Wala ka namang blender eh nagprepresenta ka pang gagawa!" pagtataboy sa kanya.
Natawa na naman siya, bumungisngis na ito pagkuwan.
"Lo, ayaw mo ba talagang lumabas dito?" usisa na naman niya.
"Saka na kapag nakalipat na kayo ng bahay ng apo ko, sa'yo ako magpapaalaga," sagot nito, hindi inaalis ang tingin sa kanyang leeg.
"Sakin ka na naman magpapaala--" hiyaw niya ngunit agad natigilan nang bumukas bigla ang pinto ng kwarto, salubong ang kilay ni Vendrick habang nakatitig sa kanya.
"V-endrick--" pautal niyang usal sa pangalan nito, namutla agad ang mukha.
Padabog na isinara ng asawa ang pinto saka inilang hakbang lang nito palapit sa kanila sabay harap sa matanda.
Natigilan ito nang matitigan ang matanda ngunit biglang nagsalubong ang mga kilay nang makabawi.
"V--endrick," nag-aalala niyang sambit.
"You're alive?!" bulalas ng asawa, di-makapaniwala sa nakikita sa harapan nito.
Napabuntunghininga lang ang matandang sandali lang sumulyap sa apo pagkuwa'y tinapik ang kanyang kamay.
"Lumabas ka muna, mag-uusap lang kami," kampanteng saad nito, tila inaasahan na ang pagpasok ni Vendrick sa kwartong 'yun.
Bumaling muna siya sa asawa, ngunit nang di ito sumulyap man lang ay napilitan na siyang lumabas mula ruon.
Subalit hindi siya mapakali sa labas ng silid habang paruot-parito sa harap ng pinto niyon. Nang idikit niya ang tenga sa may pinto'y narinig niya ang sigawan ng dalawa.
Kinakabahan na tuloy siya baka kung mapano ang lolo nito, okay lang kung hindi ito matanda.
Muli siyang nagparuo't parito sa may pinto. Sa wakas, pagkaraan ng limang minuto marahil ay bumukas ang iyon, iniluwa ruon si Vendrick, titig na titig sa kanya, hindi niya malaman kung ano'ng nakarehistro sa mukha.
Gulat siyang napatingin sa nakabukas na pinto at tinanaw ang matanda sa loob. Kanina lang ay nagsisigawan ang mga ito, bakit ngayo'y wala man lang siyang makitang galit sa mukha ng asawa? Ano'ng nangyari sa loob?
"Tapos na kayo mag-usap?" taka niyang usisa.
Tumango ito saka isinara ang pinto at hinawakan siya sa kamay saka iginiya pababa ng hagdanan.
"Hindi pa ako tapos magsibak ng kahoy. Ipagtimpla mo ako ng juice," utos nito sa kanya.
"Ano'ng nangyari sa loob? Bakit kayo nagsisigawan kanina?" usisa niya uli.
"Wala 'yun, ganun lang kami pag nag-uusap. That damn old man has full of tricks up his sleeve," mariin nitong sagot sabay tawa nang mahina, di tuloy niya alam kung galit nga ito sa matanda o natutuwa dahil nalaman nitong buhay ang huli.