"Marble!"
Napalingon si Marble sa may pinto ng kwarto habang abala sa pag-aayos ng mga damit ni Vendrick sa loob ng maleta. Ilalagay niya sana iyon sa maliit na kabinet sa tabi ng bintana ng silid.
"Madam, pasok po kayo," tawag niya sa ginang na sinadyang tumayo lang sa may pinto, saka lang pumasok nang kawayan niya.
"Tulungan na kita," wika nito nang mapansing nahihirapan siyang makatayo.
"Hindi, okay lang po ako," maagap niyang sagot saka muling lumuhod paharap sa nakabukas na maleta.
"Medyo mabunganga pala ang nanay mo, noh? Akala ko nga galit siya sa'min," simula nito ng usapan.
Napahagikhik siya.
"Ganun lang po si nanay, pero mabait po 'yun," sagot niya, itinigil na ang ginagawa.
Ito naman ang nagsimulang maglabas ng mga damit ni Vendrick sa loob ng maleta, pagkuwa'y napahinto din at bumaling sa kanya.
"Marble--"
"Po?"
"May galit ka ba sa'kin? Hanggang ngayon kasi'y di ko pa naririnig sa'yong tinatawag mo akong mama, o nanay man lang," lakas-loob nitong sagot.
Tumahimik siya bigla saka dinampot ang nakatuping damit ng asawa sa maleta at inilabas.
"Nasanay lang po talaga akong tawagin kayong madam. P-pero pag-aaralan ko pong tawagin kayo sa gusto niyong itawag ko," wala ding gatol na sagot niya.
Napangiti ito, pagkuwa'y natahimik bigla.
Hindi na rin siya nagsalita at itinuloy ang ginagawa, nang maayos na sa pagkakatupi ang mga damit ng asawa'y dahan-dahan siyang tumayo, ingat na mapangiwi, baka kasi mapansin nitong masakit ang kanyang balakang.
Dumiretso siya sa nakabukas na kabinet at inilagay duon ang mga damit ng asawa.
"Marble, bakit ka naglayas noon?"
Natigilan siya sa tanong na 'yun. Nagtaka bigla sa paraan ng pagtatanong nito, as if wala talaga itong alam sa ginawa ng asawa nito.
Lumapit na ito sa kanya saka siya hinawakan sa magkabilang braso.
"Marble, matagal nang gumugulo sa isipan ko ang pag-alis mo," gumaralgal bigla ang boses nito.
"Pag pumapasok ako sa loob ng kwarto niyo ni papa noon, matalim na tingin niya ang sumasalubong sakin, tila ba sinisisi niya ako kung bakit nawala ka sa kanya," tuluyan na itong napaluha.
Nanatili lang siya sa pagkakatayo patalikod dito. Pumisil ang mga kamay nito sa kanyang balikat.
"Gusto kong malaman kung bakit ka naglayas noon, para masabi ko sa puntod ni papa na wala akong alam sa nangyari. Na hindi ko talaga alam kung ano'ng nangyari sa'yo. Mula nang mamatay siya't inilibing, hindi pa ako dumadalaw sa puntod niya. Baka kasi---baka kasi kahit nasa libingan na siya, ako pa rin ang sisihan niya sa pag-alis mo," sambit nito sa pagitan ng pag-iyak.
Nakagat niya ang ibabang labi, nakaramdam agad ng awa sa ginang. Sa totoo lang, maganda naman ang pakikitingo nito sa kanya noon, malaki nga ang utang na loob niya rito dahil ito ang dahilan kung bakit gumanda na ang mga ngipin niya ngayon.
"Wala po kayong kasalanan sa nangyari. Ginusto ko pong umalis sa inyo, kasi po, kasi po nagalit ako kay Vendrick dahil hindi po siya nagpaalam sakin bago siya umalis," garalgal na rin ang boses niya nang sumagot.
"What?" takang bulalas nito.
"Ano'ng hindi nagpaalam? Di ba nagtanan kayo ni Gab bago umalis si Vendrick? Tumakas pa nga si Vendrick sa bahay para lang habulin ka," litong wika nito.
Gulat din siyang napapihit paharap sa ginang.
"Nagtanan? 'Yun ang alam ni Vendrick? Nagtanan kami ni Gab?"
Tumango ang kausap.
"'Yun kasi ang sabi ni Kev--" Natigilan ito. Napatitig sa kanya, napayuko naman siya nang tila nanunuri ang titig nito.
"Nakalimutan ko na po ang lahat. Kasal na po kami ni Vendrick. Wala na pong silbi kung babalikan pa natin ang nakaraan," sambit niya.
"No!" giit nito. "Sabihin mo sa'kin kung ano'ng ginawa ni Keven sa'yo. Tell me, Marble." pangungulit nito, nahulaan agad na may kinalaman ang senyor sa nangyari sa kanya.
Nag-angat siya ng mukha at pilit na pinakalma ng sarili saka ngumiti sa ginang.
"Ma, kalimutan na po natin ang lahat. Ang mahalaga, kami pa rin ni Vendrick ang nagkatuluyan," saad niya, hinawakan na niya ito sa kamay.
Napangiti na rin ito, nagliwanag ang kanina lang ay makulimlim na mukha.
"Salamat Marble, natawag mo na rin akong mama," natawa ito saka siya biglang niyakap.
Sandaling katahimikan, kapwa sila napabuntunghininga pagkatapos.
"Bakit po pala di pa kayo umuuwi hanggang ngayon?" usisa niya.
"Di na ako makatulog nang mawala sa tabi ko si Kaelo. Ewan ko ba, gustong-gusto kong nakikita ang batang 'yun, kamukhang kmukha kasi ni Vendrick nung bata pa ang asawa mo," kwento na nito.
Napahagikhik siya.
"Si---Karl po?" usisa niya.
Lumungkot uli ang mukha nito saka tumalikod sa kanya at nagtungo na sa nakabukas na maleta, itinuloy ang ginagawa nila kanina. Sumunod lang siya.
"Hanggang ngayon, di niya pa rin makalimutan si Lorie. Patuloy pa rin siya sa paghahanap sa babaeng 'yun. Sabi ko nga, baka may sariling pamilya na 'yun pero ayaw niyang maniwala. Nangako daw si Lorie sa kanyang di sila maghihiwalay. Kaya nang malaman ng girlfriend niyang teacher na hinahanap pa rin niya si Lorie hanggang ngayo'y nakipabreak na ito sa kanya," kwento na uli nito.
Napangiti siya. Kaya pala magaling magtsismis si Manang Viola, kasi'y magaling magkwento ang kanyang madam, detalyado ang sinasabi. Talagang magkakasundo nga ito at ang kanyang ina, magaling din kasing tsismisa ang nanay niya, kahit ang kanyang ninang Yna, ang ina ni Ynalyn.
Pero nalungkot siya nang marinig ang pangalang Lorie. Hanggat maaari, ayaw niyang may bumabanggit sa pangalang 'iyon sa kanyang harapan.
"Ma, gusto niyo po bang maligo sa dagat? Bukas po, maligo tayo duon. Nasa tabing-dagat po kasi ang dati naming bahay, pwede po tayong mag-picnic duon.
Natuwa agad ito pagkarinig sa kanyang sinabi.
"O sige, bukas. Dito muna ako sa inyo hanggang sa makasal kayo ni Vendrick sa simbahan," saad nito.
Natuon na uli ang atensyon nila sa mga damit sa maleta. Inihiwalay na niya ang kanyang mga bagong damit sa damit ng asawa at inihiwalay din ng lagayan sa kabinet.
"Marble, who's that old man next door?"
Natigilan na naman siya sa tanong nito.
"Ah--lolo ko po, tyuhin po ni tatay." Mabuti na lang mabilis siyang nakasagot at nagmamadali nang tinapos ang ginagawa saka itinabi sa ilalim ng kama ang malaking maleta.
"Andun na naman kasi si Kaelo sa kanya. Nag-i-study daw sila ng kanyang great grandpa. He keeps on telling me that old man is a great teacher and a very punctual businessman. Pero ang sabi naman ni Eva sakin, nakangiwi daw ang bibig ng lolo mo at di gaanung makapagsalita, kaya nalilito ako kung sino ang paniniwalaan sa dalawa," kunut-noong kwento na uli nito.
Tila nawalan siya bigla ng isasagot, mabuti na lang at pumasok ang asawang pawisan, galing sa baba, hinubad na ang damit nitong poloshirt kaya't nalantad ang macho nitong katawan habang nakasuot lang ng short.
Napalunok siya, napatitig sa pawisan nitong dibdib, biglang bumalik sa kanyang alaala ang nangyari kagabi, lalo na 'yung kanina lang.
Napansin yata nito ang kanyang pananahimik kaya't lumapit na ito sa kanya at humalik sa kanyang noon sabay bulong sa kanyang tenga.
"Stop staring me like that," babala sa kanya, nanlagkit bigla ang tingin.
Nagblush siya agad ngunit mabilis ding nakabawi at kinuha ang isang face towel sa kabinet.
"Magpahid ka muna ng pawis," utos niyang sa ina nito nakatingin.
"Ma, halika po, ipapasyal kita sa Tabo-an public market. Duon kami nagtitinda dati ng buko juice," yaya niya sa byenan at hinawakan na ang kamay nito saka nagmamadaling hinatak palabas ng kwarto. Naiwang napapailing si Vendrick, pigil ang matawa sa ginawa niya.