Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 148 - THE TALKATIVE MOTHER

Chapter 148 - THE TALKATIVE MOTHER

Katamtaman lang ang luwang ng kanilang kusina. Mula sa kurtinang nagsilbing pintuan papasok sa loob ay bubulaga agad ang dining table sa gawing kanan habang sa tapat niyon ay ang kanilang lutuan at lababo, sa gawing kaliwa ay ang banyo. Sa tapat ng banyo ay naruon naman ang isang pintuan palabas ng bahay. Sa kanila kasi, pamahiin na ng mga naruon kahit sa makabagong henerasyon na di pwedeng magkatapat ang mga pintuan deretso sa labas, malas daw 'yun. Dahil mahilig maniwala ang ama sa mga pamahiin, ganun ang ginawa nitong estelo ng kanilang bahay. Nasa gilid ang main door nila paharap sa kanilang bakuran, pagkapasok sa loob ay unang mapapansin ang hagdanan papaakyat sa ikalawang palapag bago makarating sa sala, sa tabi ng sala ay naruon ang dalawang silid bago mapansin ang kusinang kurtina lang ang nagsilbing pintuan.

Iniikot muna ni Marble ng tingin ang loob ng bahay, nang makitang malinis iyon ngunit walang kahit isang taong naruon ay saka siya pumihit pakaliwa at pumasok sa kusina.

Sa labas pa lang, dinig na dinig na niya ang bumibidang ina sa kwentuhan.

"O, Marble! Halika na rito, kain na!" tawag nito, parang napakalayo niya't humihiyaw pa ito samantalang ilang hakbang lang ang hapagkainan sa kinaruruonan niya.

Natuon agad ang pansin ng lahat sa kanya lalo na ang kanyang madam na tumayo agad saka siya hinawakan sa braso at iginiya sa bakanteng upuan sa tabi ni Vendrick.

"Dyan ka na maupo't inilaan talaga namin yan para magkatabi kayo ng asawa m---ng nobyo mo," anang ginang, sinulyapan muna ang kanyang ina bago binago ang huling sinabi.

"Ano ka ba naman, balae. Sabi ko na sa'yo hindi balid yung kasal nila sa manila. Saka lang sila ikakasal sa simbahan 'pag nakapagsilbi na sa'min si Binbin ng dalawang linggo. Saka lang uli natin, pag-uusapan ang widing," mahaba nitong paliwanag.

Napatingin ang madam sa kanya sabay ngiti, pagkuwa'y sa kanyang ina naman.

"Sensya ka na balae, mabilis kasi akong makalimot. 'Yaan mo, tatandaan ko na," ani Cielo.

"Oy, Binbin. Kahit na may anak na ang Marble namin, di pa kayo pwedeng magsiping ha. Prahibitid pa 'yun. Bawal pa," baling nito sa manugang.

Muntik na itong masamid habang umiinom ng tubig sa baso, saka napasulyap sa kanya't agad na inilapag ang hawak, matamis na ngumiti sa byenan.

"Opo, nanang," sagot nito.

Pero sa ilalim ng lamesa'y kinapa nito ang kanyang kamay, pinisil pisil iyon.

"Hoy, Marble. Ba't naka-smayl ka dyan?" puna ng ina sa kanya.

"Wala po, nay," bigla siyang napayuko, biglang umamo ang mukha.

Siniko ni Mang Luis ang katabing asawa.

"Tumigil ka na nga. May pa-english-english ka pa eh mali naman ang pagbigkas mo," bara nito sa katabi.

"Tama naman ang englis ko ah. Kahit itanong mo pa kay Marble," katwiran naman ng huli sabay baling sa kanya.

Napangiti na uli siya saka sinulyapan na ang ina.

"Nanay, kumain na lang muna tayo, nagugutom na kasi ako," sabad niya, agad na natuon ang pansin sa paglalagay ni Vendrick ng pagkain sa kanyang plato.

Ang kanyang madama naman ay sinusubuan ng pagkain ang katabing si Kaelo, nasa gawing kanan naman ng bata si Eva, samantalang katabi ng kanyang asawa ang kanyang ama at sa kaliwang banda ay ang kanyang ina, katabi ng huli ang dalawang kambal na tahimik lang habang nagsisikain.

"Bakit pala hindi sumama sa inyo ang ama mo, Binbin? Ayaw ba niyang makilala kami? Bakit, ayaw niya sa mga katulad naming mahihirap?" walang gatol na usisa ng ina niya.

"Busy lang siya, balae. Hindi kasi pwedeng iwan ang negosyo namin," ang kanyang madam na ang sumagot habang di inaalis ang ngiti sa mga labi.

Napahigpit naman ang hawak ni Vendrick sa kanyang kamay.

Napabaling siya rito lalo na nang mapansing kunti lang ang daing na bangus na kinuha mula sa plato. Hindi seguro ito mahilig sa isda.

Napatingin sa ina ang asawa, pinandilatan naman ito ng ginang.

Napatikhim siya't kinuha sa plato nito ang isda saka kinuhanan ito ng balamban liempo sa isang mangkok.

"Ahem, kami dito balae, mahirap lang kami, kaya di araw-araw ay may masasarap kaming pagkain pero di ibig sabihin, di masarap ang kinakain namin kahit simple lang," biglang pakli ng kanyang ina pagkakita sa ginawa niya.

"Nay naman, kumain na nga lang kayo," saway na niya dito.

Pinandilatan lang siya nito.

Si Cielo nama'y kumuha agad ng danggit sa mangkok saka isinawsaw sa sukang nasa maliit na platito sabay kagat niyon.

"Tama ka, balae. Masarap nga itong danggit. Nung kabataan ko, nagpupunta pa ang ama ko sa samar para lang bumili ng danggit. Hm, sarap nga," anang ina ni Vendrick, nilantakan na yung danggit at daing na bangus saka sinitsitan ang anak na tumikim din ng isda.

Natahimik naman si Aling Linda, hindi inaasahang mauunawaan ito agad ng ginang.

Kumuha na rin si Vendrick ng daing saka isinawsaw sa sukang may sili at isinubo sa bibig.

Siya naman ang natigilan habang nginunguya iyon ng asawa.

"Hmm, masarap nga 'to, nanang. Mamayang hapon, magluto po kayo uli nito," sambit ng asawa sa byenang babae saka tinapik ang kanyang hita, wari bang sinasabing 'wag siyang mag-alala.

Nagsimula na rin siyang kumain, nagkamay lang ginaya na ang mag-inang nagkamay lang din.

Habang si Eva'y tahimik lang ding nagkakamay habang kumakain.

"Daddy Vendrick, are you afraid of granny?" di nakatiis si Kaelo at nagtanong na, kanina pa kasi ito nakamasid lang sa kanilang lahat, nakikinig sa kanilang usapan.

"Sssh!" saway niya sa anak.

Napangisi si Vendrick. "No, baby. I just love your granny."

Muling siniko ni Mang Luis ang asawa. "Ang ingay talaga ng bibig ko, kumain ka na nga lang," pabulong nitong sita.

"Ikaw kasi, sabi ko naman sa'yong kakain lang ang mga 'yan sa luto ko, kung anu-ano pang binili mo sa labas. Mamayang hapon, magluluto akong udong na may sardinas, tiyak magugustuhan nila 'yun," pabulong ding sagot ni Aling Linda.

"Tumpak ka dyan, nanang! Magluto ka mamaya ng udong na may sardinas!" sambulat ni Vendrick.

"Kumakain ka nun?!" gulat niyang tanong.

"Oo. 'Yun ang madalas naming ulam noon nang bumisita kami dito ni Gab. 'Pag namimiss kita sa Canada, 'yun din ang niluluto ko," sagot ng asawa.

Namula bigla ang kanyang pisngi, siya naman ang pumisil sa kamay nitong nakahawak sa kanya. Hindi niya akalaing kumakain din pala ito ng ganung luto. Pero sa totoo lang, kinilig siya sa sinabi nito. Akala niya, hindi siya naiisip man lang ng asawa habang nasa Canada ito. Akala niya, tuluyan na talaga siya nitong nakalimutan duon.

"Balae, kumakain ka ba ng ginataang labong? 'Yung patubo pa lang na kawayan saka igugulay?" usisa ni Aling Linda kay Cielo.

"Oo, mare. Isa 'yun sa mga paborito ko. Gusto mo bang magluto ako nun dito?" sagot ni Cielo.

Humagikhik na ang kanyang ina.

"Bukas, iyon ang iluto natin, balae. Sa totoo lang kasi, di kami mahilig bumili ng ulam sa labas. Ako talaga ang nagluluto sa ipinapakain ko sa pamilya ko," pakikipagmabutihan na nito kay Cielo.

"Walang problema 'yun samin ng anak ko, balae. Magaling makisama itong Ven--- Binbin namin sa mga tao, balae," may halo nang pagmamalaki sa boses ni Cielo.

Napangiti na rin sila ni Vendrick. Sa wakas, tila lalambot na ata ang puso ng madaldal niyang ina sa dalawang bisita.