Nakarehistro sa mukha ni Marble ang pagkagulat habang mabilis na ipinihit ang katawan paharap sa lalaking nakahawak sa kanya, muntik na naman siyang mabuwal kung di ito maagap at ipinulupot na ang dalawang kamay sa kanyang beywang.
'Vendrick!' hiyaw na naman ng kanyang isip nang humarap na dito at mula sa liwanag ng ilaw na nakakabit sa taas ng bahay-kubo'y nasilayan niya ang mukha nitong tila yata lalo pang gumwapo ngayon.
No! Namamalikmata lang siya. Imposibleng magpunta rito si Vendrick. Masaya na ang lalaki sa kasal nito at ni Chelsea.
Umiling siya at ipinilig ang ulo. Baka lasing na talaga siya kaya malabo na ang kanyang paningin.
Mula sa seryosong mukha ay biglang nag-iba ang ekspresyon ng mukha nito saka kinuha ang mic sa kanya at itinuloy ang kanyang kinakanta.
Agad siyang nag-angat ng mukha, di inaasahang alam nito ang awiting iyon. Maang siyang napatitig dito na kumindat pa nang mapasulyap sa kanya ngunit di inaalis ang isang kamay sa kanyang beywang.
"Bakit ka 'andito?" taka niyang tanong.
Eksakto namang tapos na ang awitin kaya bahagya nitong iniyuko ang ulo sa kanya habang nakadikit ang bibig sa hawak na mic.
"Because I miss you," nanunudyo nitong sambit.
Napanganga siya at namumula ang pisnging napabaling sa mga kasamang pumapalakpak na sa kanila, kasama na si William na di niya alam kung bakit di man lang nagulat nang makita ang asawa. Talaga bang kilala ng mga ito ang huli?
"Sayawan na! Ilagay na dito ang mga lamesa!" biglang hiyaw ni Mang Luis na nasa likod pala nila kasama ang kanyang madam na naka-dress para sa okasyon.
Lalo siyang napanganga nang makita ang magbalae at gulat na iniikot ang tingin sa buong paligid. Nakita pa nga niya si Ynalyn na patuloy na pumapalakpak sa kanila habang si Gab naman ay blangko ang ekspresyon ng mukha, hindi alam kung natutuwa ba o nagagalit sa nakikita.
Ano'ng nangyayari? Bakit naging ganito ang takbo ng kwento?
"Ako'ng nakayakap sa'yo pero kung saan-saan ka nakatingin. Di mo man lang ako batiin ng good evening," pukaw ni Vendrick sa kanya, nakaingos na parang bakla.
Ngunit sa halip na magsalita ay sinampal niya ito na ikinagulat ng lahat maging ng asawa.
"Bakit ba?" angal nito.
"Siraulo ka pala eh! Pagkatapos mo akong iwan na lang basta sa ibabaw ng kama, mag-eexpect ka pang ngingitian kita't babatiin?!" singhal niya, tila nawala ang kalasingan at namumula ang pisngi sa galit ngunit di naman lumalayo sa asawa.
Namula ang pisngi ni Vendrick saka nahihiyang sumulyap sa paligid pagkuwa'y ngumiwi.
Saka lang niya ito itinulak nang malakas saka nameywang at gigil itong dinuro habang di maiwasang gumiwang sa kinatatayuan at muntik nang mabuwal kung di na naman siya nakabig ng asawa at di na hinayaang makahumalagpos pa sa mga bisig nito.
"Pagkatapos mong magpakasaya sa piling ni Chelsea, pupunta ka dito para sabihin saking namimiss mo ako?! Walanghiya! Duon ka sa Chelsea mo! Hindi ako ipinanganak kahapon lang para magpaloko sa'yo, gago!" patuloy niya sa paghiyaw na ikinatahimik ng lahat.
Pati ang kanyang mga magulang ay nagkatinginan na saka napatingin sa ina ni Vendrick.
Samantalang si Gab naman ay bumulong kay Ynalyn. "Don't you recognize him? He's Drick, the one that you're looking for."
Kunut-noong napabaling dito ang dalaga saka ngumiti.
"I recognize him. Siya yung nakita namin sa videocall nung nakaraang araw para sabihing uuwi si besty dito. I also recognize you. Si Drick mismo ang nagsabing magbestfriend kayo," anang dalaga, nakangiti na.
"Pero don't worry, he already dumped me five years ago. Gusto ko lang asarin ang besty ko kasi wala man siyang sinasabi saking jowa pala niya ang crush ko noon," dugtong nito, biglang sumimangot.
Natigilan si Gab, hindi inaasahang magaling umarte ang dalaga.
Balik kina Marble, itutulak na naman sana niya ang asawa ngunit di na niya nagawa sa higpit ng yapos nito sa kanya.
"Giatay kang pesteng yawa ka! Pagkatapos mo akong paibigin at pakasalan, ganto ang gagawin mo sakin, paglalaruan mo ang damdamin ko! Wala kang pusong hinayupak ka!" patuloy niya sa pagsigaw.
"Hey I'm sorry na! Hindi ko naman inaasahang maglalayas ka sa bahay. May inasikaso lang ako kaya kita iniwan sa kwarto, tsaka---tsaka, tumigil ka na, nakakahiya sa mga andito," pabulong nitong paliwanag saka siya sinaway ngunit dinig na dinig pa rin yun ng lahat habang halos nakadikit sa bibig nito ang mic.
"Ano'ng inasikasong siraulo ka!? Mas importante pa ba 'yun kesa sa katawan ko? Pagkatapos mo akong painitin, halikan---" nanggagalaiting hiyaw niya ngunit bigla na lang inilayo nang bahagya ni Vendrickng katawan sa kanya saka siya siniil ng halik upang hindi na mapunta sa kung saan ng kanyang kwento.
Nagulat na naman siya nang sakupin ng asawa ang nakabuka niyang bibig at sinimulang galugarin ng dila nito ang loob niyon habang humigpit ang hawak nito sa kanyang beywang, nakalimutan niya tuloy ang sasabihin, ni agad napalis sa isip ang kanyang galit at kumabog bigla ang kanyang dibdib, hindi sa galit kundi sa sensasyong simula na naman nitong ipinapakilala sa kanya, yung nakakaliyong pakiramdam na lalo yatang naging dahilan upang malasing siya at manghina ang mga tuhod kaya naikapit niya ang mga kamay sa leeg nito.
Kung kelan naman gustong gusto na niyang gumanti ng halik ay saka naman umintrada ang kanyang inang hinampas bigla sa balikat ang asawa. Bigla tuloy itong lumayo nang bahagya sa kanya ngunit nakakapit pa rin sa kanyang beywang upang pigilan siyang mabuwal saka humarap sa kanyang nanay.
"Hoy! Tarantado ka! Niloloko mo lang pala ang anak ko eh! May pahanda-handa ka pang giatay ka tapos may kasalanan ka pala sa kanya!" galit na hiyaw nito na kung di hinatak ni Mang Luis palayo sa kanila'y di ito tatahimik.
"Pambihira ka, bukas na natin pag-usapan 'yon. Magsaya muna tayo ngayon," anang ginoo.
"Ano'ng magsaya eh niloloko na nga ang anak natin," katwiran ng kanyang ina.
"Nanay, okay na kami. Introduction lang 'yun!" bigla niyang bawi sa inang natigil sa paglalakad kasama ng ama saka muling napaharap sa kanilang dalawa.
Siya nama'y di na nagpakipot sa asawa't kumapit na uli sa leeg nito saka kumaway sa mga naruon.
"Mga kapitbahay! Ito si Binbin! Tandaan niyo ang pangalan niya, si Binbin!" pumipiyok na uli niyang pakilala sa lalaking ngumisi na sa mga bisitang nagpalakpakan uli habang tila nanonood sa kanilang palabas.
"Ituloy na ang kasiyahan! Ituloy na natin ang handaan. Sige na magsiupo na uli kayo at magsikain!" agaw-pansin ang malakas na boses ni Cielo habang sinesenyasan ang mga bisitang ituloy ang gagawin.
Ang mga crew naman ng catering sevice ay binalewala ang kanilang drama, patuloy lang sa paglalagay ng mga putahe sa bawat mesang inilipat na sa harap ng bahay kubo. Ang simpleng reunion ay tila naging reception ng kasalan habang padami pa nang padami ang nagsisidatingan, 'yung iba'y di na mga tagaruon.
Pero heto si Marble, wala nang pakialam sa nangyayari't nakatitig na sa asawa habang nasa harap sila ng videoke.
Si William nama'y agad na tumalima at pinatugtog ang awiting Crazy in Love ng Winx Club. Tumakbo agad si Merly palapit sa kanila saka inagaw kay Vendrick ang mic at biniritan na ng kanta, nakigulo din si Ynalyn at Charry, nagsilapitan na sa babae at nagchorus ang tatlo sa pag-awit.
Habang siya nama'y nakakapit pa rin nang mahigpit sa asawang inaayos ang pagkakaladlad ng kanyang buhok sa likod niya.
"Totoo bang namiss mo ako?" namumungay ang mga matang tanong niya.
Napangiti ito. Ngunit bago pa makasagot ay sumabad na naman ang inang nasa likuran na naman nila at nakangiti na nitong hinampas sa braso ang lalaki.
"Joke lang pala 'yun ng anak ko, pasensya ka na kanina," biglang bawi nito.
Tumango naman ang kausap saka ngumiti na rin pero sa mga mata ay naruon ang bahagyang takot.
"Pero 'yung usapan natin, simula lang ito ng pamamanhikan mo. Hindi pwede sakin ang simpleng kasal. Kailangang bongga! Iyong buong bansa nakakaalam na ikakasal ka sa anak ko," mariing sambit nito pagkuwa'y ngumiti bigla, ngising aso.
Napanganga siya, tuluyang nawala ang kalasingan at bahagyang naitulak ang asawa saka humarap sa ina.
"Ano'ng pamamanhikan?"
Ngunit bago pa nakasagot ang ina'y hinila na ito ng kanyang madam at iginiya sa madaming bisitang nagsidatingan.
Naguguluhang napabaling siya sa asawa ngunit hinawakan lang nito ang kanyang kamay saka lumapit sa kanyang mga kaibigan at isa-isang nagpakilala sa mga ito.
Naguguluhan talaga siya? Kelan nagkausap ang dalawa at ano'ng pamamanhikan ang sinasabi ng kanyang nanay samantalang kasal na sila ni Vendrick?
Sabagay, hindi pala alam ng mga magulang na ikinasal na siya sa lalaki.