Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 82 - THE ANTAGONIST

Chapter 82 - THE ANTAGONIST

Hindi niya alam kung ilang oras na siyang tulala sa kinauupuang sofa. Basta ang alam niya, para bang may parte ng kanyang pagkatao ang nawala. Nasanay na siyang nariyan ang kanyang Ate Lorie, umaalalay sa kanya, nagtuturo ng mga bagay na di pa niya alam, nagpapasaya sa kanila ng matanda, umuunawa sa kanya kapag umaatake ang kanyang kaengotan, kabobohan, lahat na ng kanyang kapintasan.

Pero ngayon, sa isang iglap lang ay bigla itong nawala, ni hindi niya alam kung magkikita pa sila.

Sa loob ng maikling panahong magkasama sila, maliban kay Vendrick at sa kanyang alaga, ito lang ang taong naging super close sa kanya. Para na ngang totoong magkapatid ang turingan nila sa isa't isa.

"Nanay, bakit po kayo umiiyak? Inaway na naman po kayo ni Tatay?" nag-aalalang usisa ng matanda habang tahimik lang siyang nakatitig sa kawalan subalit ang mga mata'y walang tigil sa pagluha.

Napahikbi tuloy ito saka pinunasan ng luha ang kanyang mga mata.

"Anak, sana may mangyaring himala sayo at mawala ang pagka ulyanin mo nang matulungan mo akong mapabalik dito si Ate Lorie." Bigla niya itong nayakap, ito nama'y lalo lang lumungkot ang mukha sabay hagod sa kanyang likuran.

"Nanay, nagugutom na po ako. 'Di pa po ba tayo kakain?" reklamo nito pagkuwan.

Napilitan siyang kumawala rito at pinahid ang mga luha saka tumayo.

"Teka lang, kukuha lang akong pagkain sa baba. Dito ka lang ha?" aniya.

Tumango naman ito saka tila tuod na nanatiling umupo sa sofa hanggang sa makalabas siya ng kwarto.

Pagkapasok pa lang sa loob ng kusina, dinig na niya ang tila yamot na boses ni Shena, maliban do'n ay wala na siyang naririnig maliban sa singhutan ng lahat.

Nakita niya ang mga katulong nagpakayuko sa lamesa, walang may balak kumain gayung masasarap naman ang nasa hapagkainan.

"Ano ba 'yan, hindi ba talaga kayo titigil? Baka akala niyo, hindi tambak ang trabaho natin sa labas," sermon ni Shena sa mga kasama.

Nakagat niya ang ibabang labi para hindi rin mapasinghot, pero halata pa rin ang pamumugto ng mga mata saka lumapit kay Manang Viola na nakaharap sa lababo, tulad ng iba, panay din singhot ng mayordoma habang yumuyugyog ang balikat, halatang umiiyak.

"Palibhasa kasi'y masama ang ugali mo kaya balewala sayo ang nangyari kay Lorie," pasinghal na komento ni Eva.

Agad namang umawat si Melly nang akmang tatayo na si Shena at papatulan ang sumagot dito.

"Manang, 'yong pagkain po namin, nakahanda na po ba?" tanong niya sa matandang muling suminghot, itinuro lang ang isang tray ng pagkain, hindi na nagsalita.

"Bakit, noong sina Cassy ang napaalis dito, may isa bang umiyak sa inyo?" pasinghal ding sagot ni Shena kay Eva.

"Aba bakit, kasing bait ba sila ni Lorie?" si Bing naman ang ayaw magpaawat at sumabad na rin.

"Tama na nga kayo! Baka mamaya, tayo namang lahat ang mapalayas dito. Kung ayaw niyong kumain, lumabas na lang kayo!" saway ni Melly.

Tumayo nga si Eva, sumunod si Bing, pati si Marie tumayo na rin, kaya lahat na nagtayuan maliban kay Shena na nakasimangot habang kumukuha ng ulam sa lalagyan.

"Mga praning--" inis na sambit nito.

Napaharap dito si Manang Viola, salubong na ang mga kilay.

"Oy, ikaw! Bat 'di ka pa umaalis? Alis na! Kanina mo pa nilalantakan 'yang pagkain! Alis!"

Ngayon lang niya narinig ang mayordoma na sumisinghal nang gano'n, galit ata talaga ito.

"Grabe ka naman Manang. Ngayon nga lang kakain eh," angal ng dalaga pero tumayo na rin at lumabas ng kusina.

"Sarap sapakin ng malditang 'yon!" sambit nito, nanggigigil pa rin, pagkuwa'y napasinghot uli.

Siya nama'y binuhat na ang tray ng kanilang pagkain nang lumapit ito sa kanya.

"Marble, hindi mo ba talaga alam kung saan nagpunta si Lorie?" usisa nito.

Umiling siya, napakagat-labi na uli.

Suminghot naman ito, muling tumalikod sa kanya saka yumugyog na uli ang mga balikat.

Nagmamadali na siyang umalis dun, mamaya siya naman ang mapahagulhol ng iyak, mabitawan pa ang dala niyang tray.

Subalit kalalabas niya lang sa kusina nang makita ang magjowang Vendrick at Chelsea na paakyat sa hagdanan habang nakaabrasete ang dalaga sa binata.

"Love, 'wag mong kalilimutang may outing pa tayo next week, ha? Baka mapahiya ako sa mga friends ko kung di ka kasama, sabihin pa lang nila, totoo ngang inaayawan mo ako," narinig niyang malambing na saad ni Chelsea sa binatang tahimik lang habang umaakyat sa hagdanan.

Umakyat na rin siya ngunit pinagsikapang 'di makagawa ng ingay habang humahakbang paakyat.

"Love, I know you're worried about your kuya. Pero wala na tayong magagawa kung sakaling may mangyari ngang masama----" dugtong nito.

"Will you just shut up!" matigas nitong saway sa babae saka kumawala sa bisig nito't mag-isang umakyat sa hagdanan na tila nagdadabog. Humabol naman ang huli ngunit, pabalibag itong pinagsarhan ni Vendrick ng pinto.

Gigil na gigil ang dalaga, biglang humaba ang nguso sa inis lalo na nang malingunan siyang papunta pa lang sa kwarto ng matanda.

"Stop right there!" sigaw sa kanya.

Ngunit sa halip na huminto ay inilang hakbang lang niya ang destinasyon at agad na pumasok sa loob ng kwarto saka isinara iyon sabay lock.

Pumapalakpak namang sumalubong sa kanya ang alagang halata nang nagugutom.

Pagkalapag lang niya ng tray, kumuha na agad ito ng plato tsaka kutsara't tinidor at nagsimula nang sumandok ng pagkain.

Tumabi siya rito ngunit hindi kumain, lupaypay ang mga balikat na nakatingin lang sa ginagawa ng alaga.

***************

"What's going in with you Gab? Kagabi ka pa umiinom. Baka mapa'no ka na niyan!" nag-aalalang usisa ni Laarni nang makita na naman ang anak sa loob ng mini bar.

Kagabi pa niya ito napansin do'n nang umuwi siya galing sa Casino, ito na lang ang pinadalo niya sa birthday ng ama ni Keven.

Hindi kasi niya kayang hindian ang pag-aaya ng kanyang dance instructor na maglaro muna sila sa casino kagabi.

Nang makauwi siya nang hatinggabi, nakita na niya ang anak na umiinom sa mini bar, hinayaan niya lang ito.

Pero ngayong nakauwi na lang siya galing sa trabaho, nakita na naman niya itong naruon, umiinom na naman ng alak kaya nilapitan na niya ito't binawi sa kamay ang hawak na bote ng branded wine.

"Gab, ano ba'ng problema mo? Bakit ka ba nagkakaganyan?"

Pero hindi pa rin ito, sumagot, sa halip ay tumayo sa kinauupuan at naglakad palabas ng bar.

Napapabuntunghininga na lang niya itong hinabol ng tingin. Bigla'y sumagi sa kanyang isip si Chelsea. Dito siya magtatanong. Imposibleng wala itong alam sa nangyayari sa kanyang anak.

Kinuha niya ang phone sa shoulder bag na dala saka tinawagan ang dalaga.

"Chelsea, darling? May alam ka ba sa nangyari kay Gab kagabi? I mean, ano kasi, panay lang ang inom niya, ayaw makipag-usap sakin. Baka kako may nangyari sa party kagabi kaya siya nagkakaganto ngayon," usisa niya sa dalaga, sabay paliwanag na rin dito.

"No, Tita. Nothi---Ahmmm, merun po pala. Kaso Tita baka po magalit kayo," alanganing sagot ng nasa kabilang linya.

"Magalit? Why? Ano ba 'yon? Tell me. Bakit naman ako magagalit kung wala namang mabigat na dahilan?" an'ya dito, pero nagsasalubong na ang mga kilay.

Isang buntunghining ang pinakawalan ng dalaga bago nagsalita.

"Tita, baka po kasi magalit kayo," may halo nang takot sa boses nito.

"No. Hindi ako magagalit. Sige na, sabihin mo na," giit niya, ngunit sinadyang palambutin ang boses.

"Ano po kasi, merun po kasing haliparot sa mga katulong ni Tita Cielo. Isa po siyang gold digger Tita," simula nitong magsumbong.

"What? Sino 'yan? Sabihin mo sa'kin, ano'ng pangalan?" Kumulo agad ang kanyang dugo sa narinig. Isang katulong lang, nangangarap na lumandi sa kanyang kaisa-isang anak? Ang lakas naman ng loob ng haliparot na 'yon.

"Ahmm, kagabi po kasi Tita, narinig ko po sila nag-uusap. Sabi po ng babae, ibili raw po siyang condo unit ni Gab para hindi na raw po siya nagtatrabaho bilang katulong. Eh ang alam ko po, nilalandi po niya si Gab tsaka kumagat naman po si Gab. Pero kagabi po nag-away po sila kasi ayaw ni Gab na bilhan ng condo ang babae. Ang alam ko po kasi Tita, love po siya ni Gab eh," sumbong ng dalaga.

"What!? That gold digger bitch! Ang kapal ng pagmumukha ng walanghiyang 'yon! Sabihin mo sa'kin kung ano'ng pangalan ng punyetang 'yon. Hah! Nangangarap ng condo unit ha! Pwes! Ipapatikim ko sa kanya kung ano'ng pinapangarap niyang punyeta siya!" hindi na niya mapigilan ang sarili sa galit, puro na kademunyuhan ang lumalabas sa kanyang bibig, nawala bigla ang kanyang pagiging edukada.

Sa lahat ng ayaw niya ay ang makakarinig ng mga hampaslupang gustong pangarapin ang kanilang kayamanan. Hah! Ano sila, sinuswerte!?

"Marble po Tita ang pangalan niya. Kahit si Vendrick nga po, nilalandi ng halimaw na 'yon." Dinagdagan pa nito ang nagliliyab nang apoy.

"That asshole! Makikita niya ang hinahanap niyang demonyita siya!" nanggagalaiti na siya sa galit subalit nang maalala na baka lukot na ang kanyang mukha'y pinakalma niya ang sarili. Hindi siya pwedeng magkaruon ng wrinkles. Kagagaling lang niyang magpaderma nung nakaraang araw.

"Tita, kung gusto mong pumunta rito, sabihin mo muna po sa'kin para masamahan kita. I'm sure Tita, manggigigil ka rin sa pagmumukha ng Gold digger na 'yon. Kaso wala po akong magawa kasi para yatang ginayuma niya si Gab," patuloy nito.

Kung 'di lang masisira ang kanyang mukha, ngayon din, susugurin niya ang walanghiyang babaeng yun at ingungudngod niya sa semento ang pagmumukha! Hah! Ambisyosa!

Pilit niyang pinakalma ang sarili. Saka na siya manggigigil sa galit pag nakita na niya ang pataygutom na sinasabi ni Chelsea.

"O sige, darling. Sasabihan kita bago ako magpunta d'yan nang maituro mo sa'kin 'yang gumayuma sa anak ko," sang-ayon niya saka agad na pinatay ang telepono.

Wala namang tigil sa paghagikhik si Chelsea habang nakamasid sa nakapinid na pinto ng kwartong pinasaukan ng kinaiinisang si Marble.

"Wait for your turn you bitch. May araw ka rin sa'kin, gaga ka!" matigas nitong sambit saka muling humagikhik sa tuwa.

Related Books

Popular novel hashtag