Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 83 - HER SICK SENYORITO

Chapter 83 - HER SICK SENYORITO

Ilang araw na ba siyang panay tawag sa kanyang Ate Lorie sa number nito ngunit iisa lang ang isinasagot sa kanya. "The number you dialed is either unattended or out of coverage area. Please try your call later."

Kaya nang pang-apat na araw na siyang tumatawag na wala pa ring nangyayari, tinantanan na niya saka pahagis na inilapag sa ibabaw ng sofa ang phone at nilapitan ang matandang naglalaro ng goma sa sahig.

"Nanay halika po. Maglaro tayo ng dampa," yaya sa kanya.

"Dampa? Lastiko 'yan eh," anya dito.

"Hindi po Nay, goma po 'to," giit ng alaga.

"Lastiko nga 'yan sa'min anak," giit din niya.

Natigil lang sila nang hilahin nito ang kanyang kamay para umupo sa tabi nito.

"Maglaro po tayo ng dampa, Nay. Gan'to lang 'yan," anito't ini-demonstrate sa kanya pano maglaro ng sinasabi nitong dampa. Pinagtaklob nito ang dalawang palad, sinigurong walang puwang sa pagitan ng mga yun saka parang palakang idinampa sa sahig, nakita niyang gumalaw ang mga lastiko niyang sinasabi na goma naman sa matanda, naghiwa-hiwalay ang mga yun.

"Yehey!" Pumalakpak ito saka kinuha yung mga humiwalay na goma sa karamihan.

"O ikaw naman po, Nanay," anito sa kanya.

"O sige," sagot niya.

Subalit kung kelan papatol na siya sa laro nito, saka naman tumunog ang kanyang phone.

Muntik na siyang mapasubsob sa tiles na sahig sa pagmamadaling makatayo sa pag-aakalang iyon ang kanyang kababayan, ngunit na frustrate lang nang makita ang nakarehistro sa screen ng phone.

"Hello, Tatay," halatang walang buhay ang kanyang boses.

"Marble, anak. Sensya ka na ngayon lang kami nakatawag. Wala kasi kami pangload. Kumusta ka na?" bati ng amang halata naman sa boses ang tuwa lalo pagkarinig sa kanyang tinig.

"Heto maayos naman ang lagay," sagot niya.

"Kumusta naman si Binbin?" usisa uli nito.

Bigla ang paghaba ng kanyang nguso.

'Binbin ba uroy! Ando'n magkasama palagi ng jowa niya!' gusto niyang isagot nang maalala kung anong pinagkakaabalahan ngayon ng binata. Mula nang umalis ang kanyang Ate Lorie, hindi pa ito napadaan sa kanilang kwarto, ni 'di pa kumatok man lang. Pero madalas niya itong makitang magkasama ni Chelsea na paakyat sa kwarto nito.

"Busy po siya, Tatay. Naospital po kasi ang kapatid niya, hanggang ngayon po ay 'di pa rin nakakalabas ng ospital," sagot na lang niya.

"Aw, gano'n ba? 'Di bale tatawag na lang ako sa kanya, mamaya," anang ama.

Katahimikan.

"Anak, andito kasi ang mga barkada mo, tinatanong kung may phone ka na daw at kung may messenger ka. 'Di ko naman masagot baka kasi magalit ka," pagbabalita nito sa totoong pakay.

"Aiiii, sige po pakausap ako sa kanila, Tay."

Bigla ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi hanggang sa humagikhik na siya lalo nang marinig ang boses nina William at Merly.

"Boss Jols, miss ka na namin. Baka naman may account ka sa messenger, iaadd ka namin," ani William.

"Moss Hols, muta na?" ani Merly.

Napatawa siya nang malakas.

"Heto, Boss Jols pa rin. Ikaw musta?"

"Eno, ngungo ma nin," sagot nito.

Ang lakas ng kanyang tawa sabay salpak ng pwet sa ibabaw ng sofa.

Bigla tuloy napabaling ang matanda sa kanya, saka ngumisi nang sa wakas ay makita syang masaya na.

"Boss Jols, i-add mo ako sa fb, William gwapito." Inagaw ni William ang phone kay Merly.

"O sige," natatawa niyang saad.

"Moss Hols, ano nin, men--" Inagaw na uli ni Merly ang phone.

"Isulat mo na lang kaya Merly, pasaway ka din eh," inis nang sambit ni William.

Tawanan naman ang mga nakapalibot na mga kaibigan.

Binatukan ni Merly ang binata bilang ganti.

Tawanan na naman ang lahat hanggang nang marinig niya ang boses ni Ynalyn.

"Bakla! Miss na miss na talaga kita! Ang damot talaga ni Tita Linda. Ayaw ibigay ang number mo sa'kin," humihiyaw ito nung una pero sa huli'y nagtatampo na ang tono ng salita.

Para tuloy kaharap niya lang ang mga ito. Kung kanina'y tuwang tuwa siya, ngayon nama'y gusto na niyang maiyak.

"Bakla, ano'ng account mo sa FB, ia-add ka agad namin? Sige na sabihin mo na," atat na tanong ng dalaga.

"Ahmm, ano kasi wala pa akong FB. Saka na lang 'pag gumawa na ako," sagot niya.

"Asus ayaw mo lang amining ang jowa mo ang nag-iisang naka-add do'n. Sino ba siya, si Binbin?" kumpirma nito.

"Ha?! Hindi ah! Giatay! Wala akong jowa noh! Praning lang ang magkakagusto sa'kin dito. Nagpapatawa ka ba?" In denial agad siya pero namumula na ang pisngi sabay tayo sa kinauupuan at nilapitan ang remote ng aircon, pinalakasan iyon.

Bakit kaya biglang uminit ngayon sa loob ng kwarto?

"Asus, kunwari ka pa. Pero 'yong isa ang type ko bakla. 'Yong si Drick. Ipakilala mo naman ako sa kanya," mabilis na sambit ng kaibigan.

Nangunot bigla ang kanyang noo.

Sino bang Drick ang sinasabi nito? Si Binbin na nga 'yon. 'Tsaka bakit tila yata nag-iba ang tono ng pananalita ni Ynalyn, 'di ba jowa nito si Aldrick?

"'Di ba may Aldrick ka na? Oyy besty, bawal ang two timer," saway niya dito.

"Ano'ng two timer eh break na nga kami, matagal na. Bakla pala ang hayup na 'yon. Kaya pala sobrang gwapo."

Namutla siya sa narinig.Si Aldrick, bakla pala?! Pinagpantasyahan pa naman niya maging jowa sa loob ng apat na taon, tapos bakla pala?

"Oy Bakla ano na, ireto mo ako kay Drick ha? Sabihin mo naman sakin ang number niya," pangungulit ng kaibigan nang biglang tumawag ang alaga.

"Nanay, maghahalf-bath na po ako. Inaantok na po kasi ako," paalam ng matanda.

"Ayy, teka lang anak ha? Tatapusin ko lang 'to," baling niya rito.

"Oy Besty, ano na? Sino ba 'yang tinatawag mong anak? Imposible namang nanganak ka na. Ano ka aso, dalawang buwan lang, may anak na agad?" malokang wika ng kaibigan.

Napahagikhik siya.

"Sandali lang, tatawag na lang uli ako. May gagawin lang ako, ha? Bye muna," pagtatapos niya saka pinatay na ang tawag at nagmamadaling inasikaso ang matanda hanggang sa ihiga na niya ito sa kama pagkatapos linisan ang katawan.

Tatawag sana siya uli sa kanila nang may kumatok sa pinto. Nagmamadali siyang binuksan iyon ngunit napanganga na lang nang pagkabukas lang niya'y agad nang pumasok si Vendrick.

Gulat siyang napatitig rito ngunit balewala lang sa binata't tila isang buwang walang tulog, nagmadali itong lumapit sa mahabang sofa at tumihaya roon.

Huh? Ano'ng nangyari? Nakita nita ito kahapong iyon ang suot na damit. Ibig sabihin, hindi pa ito naliligo hanggang ngayong gumabi na lang. Ano'ng nangyari dito? 'Wag sabihing ito ang nagbabantay sa kapatid nito sa ospital kaya isang beses lang sa isang araw niya ito kung makita? Pero bakit kasama nito lagi si Chelsea?

Nilapitan niya ito't niyugyog sa balikat.

"Vendrick. Namali ka yata ng kwartong pinasukan. Sa kwarto mo ikaw matulog ah. Wag dito. Oy!" panggigising niya.

Subalit sa halip na tumayo ay nagdilat lang ito ng isang mata saka hinila ang braso niya paupo sa sofa.

Muntik na siyang mapasigaw sa pagkagulat. Buti na lang napigilan niya ang sarili.

Saka ito nahiga sa kanyang hita.

"Giatay ka ayy," nasambit na lang niya pero 'di na pumalag nang mapansing kulang talaga ito sa tulog.

"Just a few minutes, Marble. Hindi ako makatulog sa ospital," kumpirma nito sa laman ng kanyang isip.

Niyakap nito ang sarili sabay tagilid na tila lamig na lamig.

"Gusto mo ng kumot?" umatake agad ang pagiging thoughtful niya ngunit 'di ito sumagot.

Huh? Bakit para yatang ang init ng ulo nitong nakaunan sa kanya? Takang sinalat niya ang noo ng binata at nagulat siya sa nalaman.

May lagnat ito? Para makumpirma, dinampot niya ang isang cushion sa tagiliran nito saka sandaling ipinalit sa kanyang mga hita, pagkuwa'y kinuha ang thermometer sa kabinet kung saan nakalagay ang first aid kit ng alaga saka bumalik kay Vendrick at isinuksok iyon sa kilikili nito.

"38.5? Mataas 'yon ah!" bulalas niya't nag-aalala itong tinitigan.

Kelan pa ito may lagnat? Bakit 'di man lang sinabi sa mga magulang nito nang ito din ay mai-confine sa ospital? Pinili pa talaga nitong bumalik dito eh 'di naman siya doktor.

Muli niyang sinalat ang noo, nito. Mainit nga.

Kawawa naman. Muli siyang tumayo at pinahinaan ang aircon saka lumabas ng kwarto, dere-deretso sa hagdanan hanggang marating ang kusina.

Nagulat pa si Manang Viola at Bing na bumalik na duon bilang assistant uli ng mayordoma.

"Manang, pahingi nga po akong pagkain," an'ya.

"Nagutom ka agad?" puna nito.

Ipagtatapat sana niyang nasa kwarto nila si Vendrick pero baka bigyan nito ng kahulugan ang sasabihin niya kaya napilitan siyang magsinungaling.

"Masama kasi pakiramdam ko Manang, para akong lalagnatin. Kukuha na rin po akong maligamgam na tubig Manang. Pupunasan ko ang sarili ko," paliwanag niya.

Mabilis na lumapit sa kanya si Bing.

"Masama pakiramdam mo? Inom ka agad ng biogesic o 'di kaya bioflu pero 'wag mong pagsasabayin, bawal 'yon," nag-aalalang payo ni Bing, sinalat pa siya sa noo.

"Ayy oo nga, may kunting sinat ka," anito't tumalima agad, binigyan siyang plangganita na may maligamgam na tubig.

"Salamat, Ate Bing," an'ya rito sabay ngiti habang kinukuha dito ang plangganita.

"Ingatan mo ang sarili mo. Mamaya magkasakit ka nga nang malubha, walang mag-aalaga kay senyor. Inom ka agad ng biogesic, ha, Ne?" nag-aalala na ring sabad ni Manang Viola, todo tango naman siya sa dalawa saka nagmamadali nang bumalik sa kwarto ng alaga.

Gano'n pa rin ang ayos ni Vendrick, nakatagilid na nakabaluktot, ginaw na ginaw.

Ipinatong niya ang plangganita sa center table saka kumuha sa kabinet ng face towel at alcohol.

Nilagyan niya muna ng alcohol ang tubig bago inilublob dun ang towel saka lumuhod sa harap ng binata at nagsimulang punasan ang katawan nito nang maalala ang pagkaing hinihingi kay Manang Viola.

Buti na lang dinala iyon ni Bing sa kanilang kwarto.

"Papasok naman ako," anito't itutulak na sana ang pinto pero pinigilan niya.

"'Wag na muna, Ate. Tulog na kasi ang alaga ko," pagdadahilan niya saka iniharang ang katawan sa maliit na awang ng pinto sabay hawak sa tray ng pagkain. 'Di naman nangulit ang katulong kahit nagtatakang tumalikod na.

Ini-lock niya agad ang pinto pagkasara niyon at ipinatong sa center table ang dalang tray ng pagkain.

"Vendrick, kumain ka muna bago matulog nang makainom ka ng gamot," tawag niya sa binata ngunit hindi ito sumagot.