Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 74 - HE JUST LEFT WITHOUT SAYING GOODBYE

Chapter 74 - HE JUST LEFT WITHOUT SAYING GOODBYE

Umaga pa lang, nasa loob na siya ng malaking clinic na pagmamay-ari ng kaibigan ng kanyang Madam. Inihahanda na ang gagamitin para sa gagawin sa kanyang mga pangil.

Kinakabahan siya. Pero ayaw niyang magpadaig sa takot. Ito ang matagal na niyang pangarap, ang mawala ang kanyang mahahabang pangil.

Hindi sinasadyang mapahawak siya sa kamay ng katabing amo nang lumapit na ang dentista nitong kaibigan.

"Halika na. Magsimula na tayo," tawag sa kanya.

Biglang kumabog ang kanyang dibdib.

"Relax, Marble. Hindi 'yan masakit. May anesthesia namang ituturok sa'yo para 'di ka masaktan sa gagawin sa ipin mo," pagpapalakas ng loob ng amo sabay pisil sa kamay niyang nakahawak dito.

Alanganin siyang tumango saka ito binitawan at sumunod sa dentista.

Pagkapasok pa lang sa loob ng silid, nakita na niya agad ang isang dental chair. Sa tabi niyon ay isang mesa na gawa sa stainless at nakalapag do'n ang iba't ibang klase ng mga equipment na gagamitin sa kanya.

Inutusan siyang umupo sa dental chair at may inilagay na tela sa kanyang harapan, maluwang na itinali sa may leeg niya saka siya pinasandal sa likod ng dental chair.

"Pwede kang pumikit kung gusto mo. Sasabihin ko na lang 'pag tapos na tayo," maya-maya'y sambit ng dentist nang maramdamang kinakabahan siya.

'Yon nga ang ginawa niya. Pumikit siya hanggang sa 'di niya namalayang nakakaidlip na siya. Kung ilang minuto siya sa ganung ayos, ;di niya alam basta nagdidilat lang siya ng mata 'pag pinadudura siya ng dentista sa plangganitang nakita niya kanina.

Nang sa wakas ay natapos na ang ginagawa sa kanya'y pinaayos na siya nito ng upo saka ibinigay sa kanya ang isang salamin.

"Ayy 'wag na po. Ayuko po munang makita," tanggi niya't tumayo na sa kinauupuan saka nagmadaling lumabas sa silid na 'yon.

"Tapos na?" salubong ng madam pagkakita sa kanyang papalabas.

Tumango lang siya.

"Patingin," utos sa kanya.

Ngumisi siya. Ngumiti ito.

"Maganda na. Pantay na lahat ng ngipin mo," anitong matamis ang ngiti sa mga labi.

Maya-maya'y lumabas na din ang dentista at kinausap agad ang kanyang madam.

Ang lapad ng kanyang ngiti. Sa wakas, naayos na din ang kanyang ngipin, pwede na siyang tumawa at ngumiti nang hindi natatakot na baka katakutan at laitin siya ng ibang tao.

Paniguradong matutuwa si Vendrick nito. Kahit mortal niyang kaaway yun pero magaan naman ang loob niya dun, matutuwa din ang giatay na yun pag nalamang pantay na ang kanyang mga ngipin.

Pag-uwi nila, pupunta siya agad sa kwarto nito at ipapakita niya ang resulta ng ginawa sa kanya ngayon.

Subalit pagkauwi sa bahay ng mga amo---

"Bakit parang ang tahimik yata?" usisa niya kay Lorie pagkapasok lang sa loob ng kanilang kwarto.

"Isinama ni Senyor Keven ang kanyang ama para ihatid sina Senyorito Vendrick at Senyorita Chloe sa Airport. Kaya heto nakatulog din ako nang medyo matagal. Kagigising ko nga lang ngayon," pagbibigay-alam ni Lorie.

"Ha?" bulalas niya, halatang nagulat sa nalaman.

Nagtaka ang kausap.

"Bakit? 'Di ba sinabi sa'yo ni Senyorito Vendrick na ngayon ang alis niya papuntang Canada? Ang alam ko tatlo silang pupunta ro'n, sina Senyorita Chelsea at Senyorito Gab."

"Hindi niya sinabi--" sagot niya ngunit natigilan din nang maalala ang sinabi ng binata kagabi.

'I'm leaving tomorrow.'

"Ah sinabi pala niya, nakalimutan ko lang," pilit ang ngiting kumawala sa kanyang mga labi saka ibinagsak ang tila nanghihinang katawan sa ibabaw ng single sofa.

Sumunod si Lorie sa kanya.

"Patingin nga ng ngipin mo kung maayos na?" curious nitong usisa.

Ngumisi siya, bahagya lang ibinuka ang bibig.

"Wow, wala na nga ang pangil mo. Pumantay na sa iba mong ngipin!" bulalas ng kausap.

Pero sa halip na matuwa, bakit tila yata siya nakaramdam ng lungkot. Bakit? Dahil lang sa nalaman niyang wala na ruon si Vendrick? Ang babaw naman, pakialam ba niya sa giatay na 'yon?

Bigla siyang tumayo at nagpuntang banyo.

Pero kahit na 'di sila mag-close ng walanghiyang 'yon, dapat nagpaalam man lang ito nang maayos sa kanya. Dapat sinabi man lang nitong aalis na ito papuntang Canada. Akala kasi niya kahapon, aalis lang 'to, magliliwaliw na naman. 'Yon pala...

Biglang sumikip ang kanyang dibdib habang nakaharap sa lababo sa loob ng banyo.

Giatay talaga! Hindi man lang nagpaalam sa kanya bago siya umalis kaninang umaga.

Bigla siyang napahikbi, agad tumulo ang masaganang luha mula sa mga mata.

"Marble, may ipinabibigay pala si senyorito sa'yo. Ito oh!" tawag ng kababayan.

Natigilan siya. May ibinigay sa kanya?

Mabilis siyang naghilamos ng mukha at nagmadaling lumabas ng banyo.

"Asan?" usisa niya agad. Nakita niya ang isang maliit na kahon sa kamay nito.

'Di pa man naiaabot ni Lorie ang hawak ay hinablot na niya 'yo at agad binuksan.

Una niyang binuklat ang card na nakalagay sa ibabaw pagkabukas niya lang ng kahon.

"Payatot! Isama mo sa utang mo. 'Pag nakabalik ako, bayaran mo ako agad!" ang nakasaad sa card.

Napahagikhik siya. Kahit sa sulat ay nilalait pa rin siya ng lalaking 'yon. Pero ngayo'y tila musika 'yon sa kanyang pandinig habang ini-imagine niyang binibigkas nito ang mga salitang nakasulat sa card.

"Cellphone?" bulalas niya.

"Wow! 'Yong bagong labas ng OPPO. Maganda 'yan, Marble," nakisabay na rin si Lorie.

Napahagikhik na uli siya at nakiusap sa dalagang turuan siya pa'no 'yon gamitin.

"Oy, naka-connect ka na pala sa wifi dito. Meron nang fb at messenger. Madami ka na palang apps, Marble."

Binawi na uli niya sa kababayan ang phone na sa kulay pa lang ay natuwa na siya. Ngayon lang siya nakakita ng phone na kulay green tapos ang wallpaper na nakalagay do'n ay orchids.

Naalala pala nito ang mga paborito niya.

Kahit papaano'y alam din naman niyang mamindot sa gano'ng klaseng phone, touchscreen.

"Marble, i-add mo ako sa fb ha para friends tayo. Gawa ka agad ng account 'tsaka mo ako i-add," excited na wika ni Lorie.

"Marble! Hi! I have a gift for you."

Kapwa sila gulat na napatingin sa may-ari ng boses.

"Sir Gab?!" sabay pa nilang bulalas saka nagkatinginang nagtatanong sa isa't isa.

"Sabi mo kasama siya ni Vendrick papuntang Canada?" mahina niyang tanong sa kababayang 'di makasagot dahil nakita nitong papalapit na si Gab sa kanila.

"Marble, I have a gift for you," anang binata sabay abot sa hawak na kahon, kasinlaki ng kahong pinaglagyan ni Vendrick ng phone.

Napaharap siya dito pagkatapos ibulsa ang smartphone na ipinautang ni Vendrick.

"Sensya ka na po Sir Gab. Hindi ko po matatanggap 'yan," malungkot niyang sagot.

"Ha? But I bought this phone just for you," dismayadong sambit ng kausap.

Nagkatinginan sila ni Lorie saka siya muling bumaling sa binata.

"Naku, kapapabili ko lang po ng phone kay Ate Lorie, Sir Gab. Binigyan po kasi ako ng pera ni Madam." Nagtaka siya sa lumabas sa sariling bibig. Bakit kailangan niyang magsinungaling dito? Pwede naman niyang sabihin ang totoong galing kay Vendrick ang phone? Pero baka masamain nito ang lahat. Baka sabihing kinuha niya ang bigay ni Vendrick tapos ang bigay nito, hindi. Syempre utang ang kay Vendrick, pwede niyang bayaran. 'Yong sa kaharap, bigay. Wala siyang pambayad sa utang na loob.

Kinalabit niya si Lorie para susugan ang kanyang sinabi.

"Ay opo, Senyorito. Kabibili ko lang po ng phone ni Marble ngayon, ito pa nga po ang kahong pinaglagyan oh," segunda ng dalaga sabay lahad sa kahong hawak na kabibigay lang ni Marble. Subalit nang maalalang naruon ang card na gawa ni Vendrick ay agad nito iyong tinago sa likuran at ang tamis ng ngiting pinakawalan sa binata.

Pero 'di nagpaawat si Gab, kinuha ang kamay niya at ipinahawak ang bigay nitong phone.

"I said I won't take a 'No' for an answer, Marble. Gano'n ako magmahal. Ibinibigay ko lahat sa babaeng mahal ko," seryoso nitong sambit.

Naguluhan siya. Ano ba'ng isasagot niya? Para naman yatang hindi tama ang ugali nito. Ayaw nga niyang tanggapin, 'di ba siya pwedeng humindi?

Ginaya niya ang tamis ng ngiti ni Lorie.

"Sensya na po Sir Gab pero hindi po talaga ako tumatanggap ng bigay. Nasanay lang po kasi akong pinaghihirapan ang lahat ng bagay na napupunta sa'kin," paliwanag niya. Totoo naman din. Sa mga magulang nga niya, hindi siya humihingi ng pera, nagsasariling sikap siya magkapera lang. Dito pa kaya?

Subalit makulit si Gab kaya para 'di mapahiya, kinuha na lang 'yon ni Lorie.

"Maraming salamat po, Senyorito Gab. Napakabait niyo po talaga," sabad na ng dalaga sabay siko sa kanya saka siya kinidatan nang magtama ang kanilang paningin.

Wala siyang nagawa kundi ngumiti na lang, 'yong 'di kita ang mga ngipin.

"By the way. Pumayag na si Tita na mamasyal tayo a day after tomorrow."

"Siyangapala, 'di ba dapat nasa airport ka po kasama ni Senyorito Vendrick?"

Magkasabay pa silang nagsalita ng binata, sabay na nagkatinginan.

"I can't leave you. Hindi ako sumama," maagap nitong sagot.

Sa halip na matuwa ay lalo siyang nakaramdam ng lungkot pero gusto niyang kumpirmahin ang lahat.

"Ah sina Senyorita Chelsea lang pala ang tumuloy do'n," aniya.

Tumango ito.

Napayuko siya, nakagat ang ibabang labi para 'di na naman mapaluha. Bakit ba siya nasasaktan? Hindi lang naman nagpaalam sa kanya ang giatay na 'yon, pero bakit big deal 'yon sa kanya?

Bigla siyang napatalikod at tumakbo na papasok ng banyo nang mapansing tumulo na naman ang kanyang luha.