Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 75 - IT'S THE RICH OLD MAN'S BIRTHDAY

Chapter 75 - IT'S THE RICH OLD MAN'S BIRTHDAY

Pakiramdam ni Marble, dumaraan ang mga araw na parang wala lang, walang thrill, walang mga kalokohan. Nagpapakasaya sila ni Lorie sa kanilang buhay kasama ang kanilang alaga pero bakit pakiramdam niya nagkukunwari lang sila ng kababayan?

Kahit nang mamasyal sila ni Gab, hindi man lang niya naramdaman ang sariling presensya sa tabi nito. Pakiramdam niya, nasa outer space siya, naghahanap ng kung sino pero di niya makita. Pilit ang ngiti, ni ayaw niyang ipakita ang mga ngipin sa binata.

Iginugol na lang niya ang atensyon sa pag-aaral sa tulong ng mga educational apps na ini-install ni Vendrick sa kanyang phone.

'Yon ang nagsilbi niyang tutor para matuto siyang mag-english at tinutulungan din siya ng kababayan 'pag 'di ito busy sa pagbabantay sa matanda.

Sa gabi, saka niya pinatutulog ang dalaga, siya ang nagbabantay sa matanda. 'Pag nakatulog na ang matanda, saka siya natutulog.

Gano'n ang naging buhay niya sa loob ng isang buwan.

Kahit araw-araw si Gab sa bahay na 'yon, bakit may hinahanap pa rin siyang ibang boses?

Hanggang sa dumating ang araw ng kaarawan ng matanda.

"O Melly, yung mga orchids sa bakuran, baka makalimutan niyo ha? Bing, ang mga lamesa, lagyan mo na ng cover!" umalingawngaw sa buong sala ang boses ni Manang Viola na kapag kaarawan ng matanda ay ito ang mismong nag-aasikaso sa buong bahay dahil ito lang naman ang higit na nakakakilala sa mga gusto at ayaw ng senyor kahit noon pa.

Kalalabas lang nilang tatlo sa elevator nang makita sila ni Manang Viola at agad tinawag si Lorie na tinitigan muna siya bago humahagikhik at lumapit sa mayordoma. Ang matanda nama'y mahigpit na nakakapit sa kanya.

"Nanay, bakit po madaming lamesa sa sala?" maang na tanong ng alaga.

"Eh kasi birthday mo ngayon. Maraming dadalong mga bisita. Pati daw ang iba mo pang mga anak, magpupuntahan daw dito," paliwanag niya sa matandang bumungisngis agad nang malamang birthday pala nito.

Sinulyapan lang niya ang dalawang seryosong nag-uusap sa isang tabi saka lumapit sa mga ito kasama ang matanda.

"Oh, ito ha. Isuot mo 'to para 'di 'yan halata. Iwasan mo'ng mapadami ng kain, nakupo ikaw din ang malalagot," kahit pabulong lang pero narinig pa rin niya ang sinabi ni Manang Viola kay Lorie pagkalapit lang nila sa mga ito.

Tumaas agad ang isa niyang kilay. May sekreto ba ang dalawa?

Itinago agad ni Lorie sa bulsa ng suot nitong palda ang sinasabing girdle ng mayordoma.

Ang pagkakaalam niya sa girdle, pampasexy 'yo para 'di mahalata ang umbok ng tyan at 'di mapansin ang bilbil ng nagsusuot.

Napayuko siya at nalilitong muling bumaling sa dalawang naghiwalay agad nang makalapit sila.

Huwag sabihing...

Nanlalaki ang mga matang napatingin siya sa kababayang agad na yumuko at inalalayan ang kasama niyang matanda.

Totoong buntis ang kanyang Ate Lorie? Biglang kumabog ang kanyang dibdib. Kaya ba tila ilag ito sa mga amo nila para hindi mapansing nagdadalantao ito?

"Marble, ang sabi ni madam sakin kanina, magbihis din daw tayo ng magandang damit para sa birthday party mamaya. Tayo daw kasi ang aalalay kay senyor pababa ng hagdanan," pagbabalita nito.

Tahimik siyang tumango at lihim na pinagmasdan ang t'yan nitong 'di pa naman umuumbok.

"Ah oo, Ate. Sinabihan na din ako ni Madam no'ng naliligo ka. Nasa kabinet na ang mga dress natin kasama ang tuxedo ng anak ko," sagot niya.

Napahagikhik na uli ito ngunit iniiwasan siyang tingnan.

Nalungkot siya para sa dalaga. Sa loob ng isang buwan, 'di man lang niya ito nadamayan sa problema dahil sa puspusan niyang pag-aaral at sa sunod linggo'y ipapasa na niya ang mga nasagutan na pagsusulit sa mga libro.

Napansin niyang kumaway sa kanila ang iba pang mga katulong kahit busy ang mga ito sa kani-kanilang trabaho.

"Hi Babe!"

Napatingin ang lahat sa may-ari ng boses na 'yon.

Napayuko naman siya, namula ang pisngi sa pagkapahiya. "Babe" na ang tawag ni Sir Gab sa kanya. Kahit anong saway niya, 'di ito nagpapapigil. Buti na lang hindi ito naririnig ng kanilang madam. Kung hindi, baka mapagalitan na siya. Nangako pa naman siyang hindi magkakaruon ng kaugnayan sa kahit na kanino sa lugar na 'yon malibang tagapag-alaga siya ng matanda.

Kinalabit siya ni Lorie.

"Ang prince charming mo," biro sa kanya.

"Did Tita tell to you about the dress that I bought for you?" nakangiti nitong tanong pagkalapit lang sa kanya sabay akbay.

"Dress?" litong napabaling siya sa kababayang nagkibit-balikat lang.

"Anong kulay?" usisa niya.

"The blue one. That navy blue evening dress," sagot nito.

Nangunot ang kanyang noo. Yun ba yung ibinigay ng madam sa kanyang damit?

"Have you seen it?" tanong uli nito.

"Opo, pero," naaasiwa niyang tinanggal ang braso nito sa kanyang balikat.

"Masyado naman po yatang maganda 'yan para sa'kin, Sir Gab," nahihiya niyang sambit nang mapansing tila kinikilig ang mga katulong habang nakamasid sa kanya.

Siya nama'y panay ang lihim na pagkalabit kay Lorie sa likuran nito, nagpapatulong na makaalis na sila ro'n.

"Ayy, maraming salamat po, Senyorito Gab. Baka gusto niyong sumama. Maliligo lang kami sa pool," sabad na ng dalaga.

"Gab! How are you?"

Nagulat na naman sila sa matinis na boses na 'yon.

Nanlalaki ang mga mata nila ni Lorie nang muli magkatinginan.

Andito si Chelsea?! Kelan pa ito nakauwi? Huli na ba sila sa balita ngayon? Isang buwan lang naman siyang naglagi sa loob ng kwarto ng matanda, bakit parang andami na atang nagbago?

"Hi, Chelsea! Long time no see. How are you na?" bati ni Gab na nakipagbeso-beso sa dalaga nang makalapit na tila ba walang nangyaring hindi maganda sa pagitan ng mga ito noon.

Si Chelsea nama'y tila di sila nag-eexist sa paningin nito na di man lang sila tapunan ng sulyap. Pero humalik ito sa pisngi ng kanilang alagang umiwas agad dito at kumapit sa kanya nang mahigpit.

"By the way, how are you and Vendrick? Ang balita ko, nagkaayos na uli kayo sa Canada," ani Gab na nawala na nang tuluyan ang atensyon sa kanila.

Sinamantala naman nila 'yon ni Lorie at nagmadali nang magtungo sa pool.

"We're doing great. You knew Drick very well. Isang lambing ko lang do'n, umaamo na 'yon sa'kin."

Bago sila tuluyang nakalayo, narinig pa niyang sagot ni Chelsea na sinabayan pa ng isang makahulugang hagikhik.

Tumawa na rin si Gab.

"By the way, Marble is already my GF," walang gatol na anunsyo ng binata.

"Woah! Really? That beas---i mean, I'm happy for you. Does Tita Laarni already know about this?"

Hindi na niya narinig pa ang sagot ni Gab pero dinig na dinig niya ang malutong na halakhak ni Chelsea, at ewan kung bakit pero nakaramdam siya ng takot dahil duon.

************

Habang nasa malaking salbabida ang matanda, sila naman ni Lorie ay nakakapit sa mga gilid niyon.

"Nanay, ilan na po pala ang edad ko ngayon?" parang batang usisa ng alaga.

"71 na anak," sagot niya.

"Yehey, 71 na ako!" malakas ang palakpak nito, halatang 'di alam kung ano'ng ibig sabihin ng numerong 'yon.

"Ate, lalangoy lang ako sa dako ruon. Pasama muna sa anak ko," paalam niya sa dalaga saka nagdive hanggang sa marating ang pinakailalim ng tubig.

Naalala niya, dito siya hinila ni Gab at hinalikan para bigyan siya ng hangin saka siya hinila paitaas at agad siyang iniwan.

Tila may kumirot sa kanyang dibdib at nahirapan siyang huminga kaya agad niyang ikinampay ang mga paa paitaas hanggang sa lumutang siya sa tubig.

"Marble!"

Huh?

Nagpalinga-linga siya. May tumawag ba sa kanya? Pinagmasdan niya ang buong paligid hanggang sa mahagip ng paningin ang isang aninong tumatakbo palayo sa veranda ng ikalawang palapag.

Sino 'yon? Si Sir Gab?

"Marble! Halika rito! Ako naman ang lalangoy!" Malakas na tawag ni Lorie sa kanya.

Nabaling agad sa kaibigan ang kanyang atensyon, hindi na napansin ang pagbalik ng aninong nakita niya sa veranda.