Pumasok siya sa isang madilim na eskinita. Sinadya niyang bilisan ang bawat hakbang. Alam niyang may mga sumusunod sa kanya. Dinig na niya ang mga mahihinang yabag ng mga itong papalapit na.
Tumuloy parin siya sa paglalakad. Lalo pa niyang binilisan. Kumakalam na ang sikmura niya at wala siyang panahon para sa mga ito.
"Dammit."
Dead end. Napatigil siya
Sarado na nang bakal na bakod ang daanan papunta sa kabilang kalsada. Madilim ang paligid. Nasa pagitan iyon nang dalawang abandonadong warehouse. May mga tambak na mga bakal na drum at retaso ng mga kahoy sa paligid. Walang ding taong malapit.
"Swerte to pare! Babae." Iyon ang bumasag sa katahimikan. Sinundan talaga siya nang mga iyon hanggang doon.
Tatlong lalaki. Bente anyos pataas ang dalawa, ang isa, ang pinakamaliit, siguro mga nasa katorse o kinse.
"Wala ka nang mapupuntahan." Lumapit na sa likuran niya ang isa sa mga lalaki. Sa tantsa niya, ito ang lider sa tatlo.
Tumusok nang bahagya sa tagiliran ang isang matulis na bagay. Icepick. Mukhang wala naman silang mga baril, sa tingin niya.
Binaba niya nang dahan-dahan ang dalang bag. Itinaas ang dalawang kamay. Wala rin namang sibing tumakbo. Wala na siyang lulusutan.
"Meron pa ata." Mabilis ang pagkapkap ng mga kamay ng lalaki, nakapa agad nito ang suot niyang kwintas. Mahapdi ang sugat na nagawa nito nang malakas nitong hinila iyon sa leeg niya.
"O, bonus mo!" Hinagis nito sa pinakabata ang kwintas. Sinundan niya iyon nang tingin habang nanginginig nitong nilalagay iyon sa likod na bulsa.
Weird, naiisip niya. Mukhang hindi pa sanay. Parang ngayon lang nangholdup.
"Pare mabango, bata pa, tikman muna natin."
"Wag na!" Pigil naman noong bata. "Pera lang naman kailangan natin, sibat na tayo."
"Tangna ka! Kung ayaw mo, wag kang sumali. Wag kang makialam. Nakakuha ka na, eh!"
Nag-away pa.
Kumalam na naman ang sikmura niya. Hindi na dapat pa siyang magtagal dito. Kailangan na niyang kumilos.
Pumihit siya paikot bago pa siya mahawakan uli ng lalaki. Iniwasan ang matalas na dulo ng icepick. Agad na kinapitan sa leeg at itinulak ito nang malakas sa pader. Napuno nang malagkit na dugo at ilang puting bagay ang mga kamay niya sa pagkabasag ng bungo nito.
Sayang, hindi rin napakinabangan, naiisip niya. Gutom na gutom na siya talaga kaya di niya napigil ang lakas.
"As--asw--" Nahuli niya agad ang isa bago pa man makatakbo papalayo. Inipit niya ang leeg at hinawakan ito nang mahigpit
"Hw--!" Iyon nalang ang narining nang tumusok ang mga pangil niya sa leeg nito. Pumalag pa pero wala ring nagawa.
Nakaramdam siya ng hilo. Agad niyang binitawan ang lalaki. Hinayaan ang nangingisay pang katawan. Sumalampak ito sa sementong kalsada. Kumalat ang dugo noon galing sa malaking sugat sa leeg.
Pinahid niya ang natirang dugo sa labi. Buti at naitukod niya ang kamay sa isang pader kundi natumba na rin siya. Epekto yata nang dugong nainom galing sa lalaki kaya siya nagkaganoon.
Adik malamang. Dumaan sa sistema niya ang drogang ginamit. Mabuti nalang at kakaunti palang ang nahigop niya.
"W-wag kang lalapit. Diyan ka lang."
Yung bata, naalala niya. Humarap siya at ibinaba ang hood para makita niya ito nang husto. Nakatayo ito nang ilang metro sa kanya. Mukhang di makagalaw agad dahil sa takot. Rinig na rinig niya ang mabilis at malakas na tibok ng puso.
"Hello there." Sana pala itong bata nalang ang inuna niya. Mas mukhang masarap. Mas mukha ding malinis.
Mabilis siyang kumilos papunta sa direksyon nito. Agad niyang nahuli at malakas na isinandal sa pader. Kitang-kita niya ang pag ngiwi nito nang lumapat ang likod doon.
Napangisi siya. Di naman malakas iyon tulad noong ginawa niya sa isang kasama nito. Sinigurado niyang di ito nasaktan. Sayang kung matutuluyan agad.
"Don't be afraid. This wont hurt." Inilapit na niya ang mukha sa leeg nito. Mabilis din ang tibok ng pulso mula roon. Mabango ang dugo. Walang halong kemikal. Siguradong masarap. Unti-unti na niyang binuka ang bibig.
Wait.
There's something…
Marahan niyang lumayo. Napansin niyang nakapikit na ito nang mariin. Parang inaantay talagang bumaon ang mga pangil niya. Mamaya-maya pa ay dahan-dahan din itong nagmulat at tumingin sa kanya.
"Can I ask a favor?" Tanong niya dito kasabay ng natamis na ngiti.
Agad itong bumalikwas. Mabilis na kumawala at lumayo.
"Anong peybor peybor. Aswang ka!"
"Ouch. That hurts."
Pero totoo nga naman. Nakalimutan niyang ito pala ang karaniwang tawag sa mga katulad niya sa lugar na iyon.
Pero nakakainis parin, nakapaganda naman yata niya para masabihang aswang.
"Don't worry. I will let you live." Alam niya kahit papaano, naiintindihan siya nito.
"Hindi mo na ako kakainin?" Pumiyok pa habang paatras na humahakbang. Siguro dala parin ng takot. Napataas tuloy siya ng kilay. Hindi ba dapat magpasalamat nalang?
Pinulot niya ang bag na nabitawan niya kanina. Hinagis niya yon sa bata at nasalo naman kahit mabigat. Kita niya ang lalong pagtataka sa mukha nito.
"There's half a million in that bag." Aniya. Galing siyang bangko kanina. Kaya siguro siya natiktikan ng mga kasama nito.
"Akin..Akin na to lahat?"
"Yeah. Just don't tell anyone what you saw here."
Kinapa ng bata ang likuran. Nilabas nito doon ang kwintas na nakuha sa kanya. "Sa…sayo na to uli. Kailangan ko lang ng pera."
"No. Keep that too."
Ngumiti lang siya bago tumalikod.
"I'll see you again."