Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 69 - Chapter Twenty

Chapter 69 - Chapter Twenty

NAGULAT si Vann Allen sa mga nadatnan niyang mga tao sa conference room ng building ng VA Food Corporation. Katulad ng mga naitatag na ibang negosyo ng pamilya niya, isinunod sa pangalan niya ang pangalan ng kompanya dahil galing sa kanya ang panimula ng mga negosyo. Iyon lamang naman ang kontribusyon niya sa mga negosyo: siya ang nagbigay ng pondo. Ang tagumpay ng mga negosyo ng mga ito ay dahil sa sipag at galing ng mga kapatid niya.

Nasa conference room ang mga babaeng malapit sa puso niya—ang nanay niya, mga kapatid, dalawang sekretarya at stylist. It was past office hours. Ang sabi ni Cheryl ay kailangan niyang magtungo roon dahil ipinapatawag siya ng Ate Jhoy niya.

Umupo siya sa kabisera. "May meeting ang VAWA?" aniya sa amused na tinig.

Nagtatakang napatingin sa kanya ang mga ito.

"VAWA. V-A-W-A. Vann Allen's Women's Association. Open and close parenthesis, Ang Samahan ng mga Babae sa Buhay ni Vann Allen."

Napakurap-kurap ang mga ito habang nakatingin pa rin sa kanya. Muntik na siyang mapangiwi. Hindi bumebenta ang joke niya. Sobrang corny yata.

Napatingin ang nanay niya kina Cheryl, Katrina, at Zhang na magkakatabi sa upuan. "Akala ko, sobra na ang pagsusungit nito? Ba't nagagawa pang mag-joke?"

Nagkatinginan lamang ang tatlong babae. Tumaas nang kusa ang isang kilay niya. Isinumbong siya ng mga ito sa pamilya niya. Aminado naman siyang madalas siyang magsungit sa mga staffs niya nitong mga nakaraang araw. Aminado rin siyang minsan ay wala na sa lugar ang galit niya. Pero ganoon ba siya kalala upang isumbong siya ng mga ito sa pamilya niya?

"Hindi na nakakatawa ang joke niya, `Nay," ani Armie. "May VAWA-VAWA ka pang nalalaman, Kuya. Iisa lang naman ang babae sa puso mo. Si Iarah lang."

"Kumusta ang foundation?" pag-iiba niya ng usapan. Ito ang nag-aasikaso ng VA Foundation, ang foundation na itinatag niya. Sampung porsiyento ng kinikita niya sa bawat project niya ay napupunta roon. Layuning tulungan ng foundation ang mga batang may congenital defect, mga batang hindi makapag-aral dahil sa kahirapan, at mga teenage parents.

"Okay lang," tugon nito. "Marami na akong sponsors."

"What is happening to you?" tanong ng Ate Jhoy niya sa seryosong tinig.

Pinilit niyang ngumiti. "Wala. Nagpapapaniwala naman kayo sa tatlong `yan," aniya, sabay turo sa tatlong babaeng staff niya.

"You're always drunk," ani Katrina. "Madalas, hindi ka matinong kausap."

"Ang bilis-bilis mong magalit," dagdag ni Cheryl. "Kaunting mali, nakasigaw ka na kaagad. Nakakatakot ka na. Hindi na namin alam ang gagawin namin sa `yo."

"Hindi ka na tumatawa," wika ni Zhang. "Laging madilim ang mukha mo. Nami-miss na namin `yong dating masayahing Vann Allen."

"Aawayin na nga sana namin si Iya, eh," hirit pa ni Katrina.

"I'm sorry," aniya. Hindi siya aware na naging monster siya ng ilang linggo. Naapektuhan siya nang husto sa away nila ni Iarah. Nasasaktan siya nang husto. Napapagod na rin siya.

"Nagdyo-joke ka na," ani Frecy. "Ibig sabihin ba niyan, bati na kayo?"

"Hindi pa kami bati," sagot niya. Pero plano na niyang makipagbati kay Iarah sa susunod na araw. Nalaman niyang wala na sa bansa si Daniel. Nalaman din niyang may asawa na ito.

Kahit napapagod na ang puso niya, ayaw pa ring tumigil niyon sa pag-asam, sa pagmamahal. Kahit ano ang gawin niya, kahit anong galit niya, natatagpuan pa rin niya ang kanyang sariling bumabalik at tumatanghod kay Iarah.

Sadyang may mga tao lang sigurong baliw sa pag-ibig at isa siya sa mga taong iyon.

"Bakit ba hindi mo magawang tumigil diyan sa kabaliwan mo?" tanong ng Ate Toni niya.

"Kung kaya ko, matagal ko na sanang ginawa. Pinilit ko namang magmahal ng iba, eh. Sinungaling ako kung sasabihin kong walang ibang naging babae. Women threw themselves at me. God knows I tried. I simply can't. I love her."

"Kinausap ko siya noon," sabi ng Ate Jhoy niya. "Ang sabi ko, huwag ka niyang hihilahin pababa. Hayaan ka niyang lumipad."

Napatayo siya bigla at napatingin sa panganay niyang kapatid. "Ate... you..."

"Oo. Ako ang dahilan kung bakit tinanggihan niya ang alok mong kasal noon."

Manghang napatingin siya rito habang ikinukuwento nito ang naging pag-uusap nito at ni Iarah habang ipinagbubuntis pa lamang ng huli si Enzo.

"Mahal ka ni Iya, Vann," ani Frecy. "Hanggang ngayon, nasa isip pa rin siguro niya ang mga sinabi ni Ate Jhoy. Kahit ako naman siguro, magiging ganoon din. Ayaw niyang masira ka sa mga taong nagmamahal sa `yo. Ano lang daw ba siya kompara sa `yo? Hindi raw ang katulad niya ang nararapat sa `yo."

"How dare you!" galit na sabi niya sa Ate Jhoy niya. "You have no right to do that."

Hindi niya alam kung ano ang unang mararamdaman niya. Magiging masaya ba siya dahil minahal naman pala siya ni Iarah at iniisip lang nito ang kapakanan niya? Malulungkot ba siya dahil hindi man lang nito naisip na kaya niyang isakripisyo ang lahat para dito? Manghihinayang ba siya sa mga panahong nasayang? O magagalit siya sa pakikialam ng kanyang kapatid?

"I only did the right thing then," pangangatwiran nito.

"You don't know that!"

"It was the right thing, Vann. Believe me. Hindi ninyo mararating ang narating ninyo ngayon kung nagpatali kayo sa isa't isa noon. You were very young then. Wala pa kayong alam sa buhay. Baka nga walang Enzo na lumaki at naghiwalay lamang kayo. Hindi pa ninyo oras noong mga panahong iyon."

"Again, you don't know that. All these years, I've been constantly asking myself why she won't have me. Ang dami-dami kong naisip na mga maaaring dahilan niya. Hindi ko alam na ang pagiging Vann Allen ko ang salarin. She won't have me because I'm freakin' Vann Allen, the superstar, the international celebrity." Puno ng hinanakit ang dibdib niya.

Iniwan na niya ang mga ito. Habang nasa elevator ay tinawagan niya ang mga kaibigan niya. Hiniling niyang magkita-kita sila sa Sounds. Nagpabili siya ng mga alak para sa kanila. Pagdating niya sa Sounds ay naroon na ang Lollipop Boys.

"Magdadrama ako, walang kokontra," sabi agad niya. "Just bear with me."

Tila hindi alam ng mga ito kung matatawa o hindi sa kanya. Nagsimula siyang "magdrama." Sinabi niya sa mga ito ang naging pag-amin sa kanya ng Ate Jhoy niya.

"Parang sa teleserye, `no, mga `tol? Ang lupit," pagtatapos niya. "Do I sound crazy?"

"Yeah," halos sabay-sabay na wika ng mga ito.

"Pero sanay na kami," ani Maken.

"You should be happy," ani Rob. "Mahal ka niya, mahal mo siya."

"I think your sister did the right thing," wika ni Nick. "Lahat ng bagay, may tamang panahon. Hindi pa ninyo panahon noon."

"May naisip ako para magkaroon ka na rin ng happy ending," sabi ni Enteng. "Don't worry, brilliant idea ito."

"Kung walang patay-patayan diyan sa brilliant idea mo, sige, let's hear it," aniya.

Sinabi ni Enteng ang naisip nitong brilliant idea. Nagustuhan niya iyon.

Nag-umpisa silang magplano.

Hindi na siya nagpakalasing. Umuwi na siya sa bahay ng mga magulang niya. Kinatok niya ang silid ng Ate Jhoy niya. Niyakap agad niya ito nang pagbuksan siya nito ng pinto.

Magiging maayos na ang lahat mula sa araw na iyon. Magiging masaya na siya.

ARAW ng concert ng Lollipop Boys. Napapangiti si Iarah habang pinapanood niya ang anak niyang hindi mapakali sa paghahanda. Excited na excited ito. Animo ito ang may concert.

Kahit siya ay excited. Matagal din niyang inasam na makitang magkakasama uli ang Lollipop Boys sa iisang stage. Hindi lamang silang mag-ina ang excited. Libu-libong tao ang excited para sa gabing iyon. Tatlong araw nga lang ay sold-out na ang mga tickets ng concert.

Nagtungo na silang mag-ina sa concert venue. Hindi pa niya nakakausap si Vann Allen ngunit umaasa siyang makakapag-ayos na sila pagkatapos ng concert. Ayaw niyang magbalik ito sa New York na hindi sila nakakapag-ayos.

Nananalangin siyang sana ay magkabati na sila.

Katabi nila sa front row ang mga kapamilya ni Vann Allen. Binati rin niya ang mga girlfriends at asawa ng ibang miyembro ng Lollipop Boys.

"Ang laki na niya," ani Rainie habang ginugulo ang buhok ni Enzo. "Parang kailan lang, ang liit-liit lang niya."

"Huwag mong mamanahin ang kapilyuhan ng tatay mo, ha?" ani Jillian.

Si Michelle ay kinurot ang pisngi ni Enzo. "Sana, boy rin ang panganay namin ni First." Ang tinutukoy nito ay si Nick na "First Nicholas" ang buong pangalan.

Nag-umpisa na ang concert. Nag-umpisa iyon sa kung paano natapos ang farewell concert ng mga ito noon. May malaking kurtinang tumatabing sa buong stage. May anino ng limang lalaking naglalakad palayo. Kasabay ng biglang paglingon ng mga ito ay ang paghawi ng malaking kurtina.

It was awesome. Hindi niya mailarawan kung gaano kaganda ang naging eksena. Tumayo ang mga balahibo niya. The fans were shrieking their lungs out. They were still the greatest boy band in history. Kahit tumanda na ang mga ito, they still had the same effect.

Nakadagdag ang obvious na enjoyment ng limang lalaki habang sumasayaw at kumakanta sa ganda ng performance ng mga ito. Tila walang effort ang mga ito sa ginagawa. Kinanta ng mga ito ang mga kantang pinasikat ng mga ito. Walang tigil ang mga fans sa pagtili. Ang anak niya ay tila bolang talon nang talon habang nakaladlad ang hawak nitong tarpaulin na may nakasulat na: HAVE FUN, MGA TITO.

Mangiyak-ngiyak siya habang nanonood. Vann Allen looked so happy up there. Hindi nito sinasapawan ang mga kasama nito. Hindi niya nakikitang tila ipinagmamalaki nito na ito ang pinaka-successful na Lollipop Boy. He belonged in the group.

Nagkaroon din ng special performance ang bandang Stray Puppies. Si Maki, ang vocalist, ay fiancée ni Rob. Pagkatapos ng performance ng Stray Puppies ay mag-isang lumabas sa stage si Vann Allen. Mukhang may solo performance ito.

Nagsimula nang tumugtog ang banda ngunit sumenyas itong tumigil muna. Nagtaka ang mga tao.

Ngumiti ito nang matamis sa lahat. "Nainis ako nang slight nang sabihin nilang kailangan kong magkaroon ng solo performance," anito. "Ano ba naman itong mga kasama ko? Ke tatamad! Palibhasa, mga tumatanda na."

Nagtawanan ang audience.

"Seriously, guys, lend me some of your time. I don't wanna sing. I wanna talk. I wanna tell you some things about myself. Things that you still don't know about me. It might shock you. You might hate me. Siguro, marami ang tatabangan sa `kin. I wanna risk it. For once, I want to pour my heart out."

Tumahimik ang mga tao. Tila lahat ay interesadong makinig dito. Bumilis naman nang husto ang tibok ng puso niya. Ano ang sasabihin nito sa madla? Bakit may pakiramdam siyang may kinalaman siya sa mga sasabihin nito?

Huwag naman sana.

"When I was a teenager, I fell in love with a girl," panimula nito. "She's the most beautiful girl ever. Hanggang ngayon, hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko siya magawang kalimutan. Hindi ko alam kung ano ang mayroon siya dahil lalo lamang sumisidhi ang pag-ibig ko para sa kanya habang nagdaraan ang panahon. The girl got pregnant. Hindi ko siya magawang pakasalan noon dahil wala pa siya sa tamang gulang at nag-uumpisa pa lang ang Lollipop Boys. Yes, I have a son. His name's Lorenzo Allan. We fondly call him 'Enzo.' He's sitting in the front row beside his mother."

Gimbal na gimbal siya. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon niya sa sinabi nito. Nababaliw na ba ito? Alam ba nito ang magiging epekto ng mga sinabi nito?

"Sa pagiging ama ko sa kanya, marami akong natutuhan. Nalaman kong hindi kailangang maging magkadugo ang dalawang tao upang maging pamilya. Hindi kami magkahawig. Hindi parehong abo ang mga mata namin. Pero sa puso ko, anak ko siya, tatay niya ako."

Bumaling siya sa kanyang anak. His eyes were glittering with tears. Tila nagpipigil ito na umakyat sa stage upang yakapin si Vann Allen.

"Iarah," tawag ni Vann Allen. Tumingin uli siya sa stage. "I love you," he said solemnly. "Alam kong alam mo na iyon. Tanga ka kung hindi mo naramdaman iyon. I already know your reason for not having me. Huwag mo nang isipin `yon. Magmahalan na lang tayo. Huwag mo nang isipin ang sasabihin ng ibang tao. Kung hindi nila matatanggap na mahal ko ang isang katulad mo, problema na nila iyon. I'm ready to lose the things I have now. Napasaya ko na ang maraming tao sa maraming taon kong pagtatanghal. Napaluguran ko na ang lahat. Tayo naman ang iisipin ko. Kung sakaling hindi na ako tatangkilikin ng mga tao pagkatapos nito, handa ako. May trabaho ka naman. Mapapakain mo naman kaming mag-ama. It's your turn. You will not drag me down. Come on, you're a VP of a company. Soon, you'll be one of the EVPs. `Di ba, Ate Jhoy?" Kinindatan pa nito ang ate nito.

Hindi na niya napigil ang sunud-sunod na pagtulo ng mga luha niya. Napakasaya niya dahil minahal siya nito nang ganoon katindi. Handa nitong hamakin ang lahat upang makasama siya. Handa nitong talikuran ang lahat kung kinakailangan. She felt so loved. Pakiramdam niya ay sasabog anumang sandali ang puso niya sa sobrang kaligayahan.

"So, Iya, will you marry me?" Kasabay niyon ay ang pagbukas ni Enzo ng isang kahita na naglalaman ng dalawang magagandang singsing. Ang isa ay ang simpleng silver band na inialay na nito sa kanya dati. Ang isa ay may magandang diyamante.

"If you decide to take me, put on the rings and come here. I want the whole world to know who you are—the woman I love so much."

Sino siya para tanggihan ang isang Vann Allen? Ayaw na niyang biguin ito. Ayaw na niya itong saktan. Mamahalin na lang niya ito sa paraang gusto nito.

Kinuha niya ang mga singsing mula sa anak niya, tumayo siya, at nagtungo sa stage. Sinalubong siya ni Vann Allen ng yakap. Ibinigay niya rito ang mga singsing at inudyukan itong isuot nito ang mga iyon sa kanya. Iyak pa rin siya nang iyak habang isinusuot nito ang mga singsing sa kanya.

"I'm sorry for hurting you," aniya sa pagitan ng pagluha. "I love you so much, Vann Allen."

Hinuli nito ang mga labi niya. The crowd went wild. They were cheering for them. Gumanti siya ng halik. Wala siyang pakialam kahit libu-libo ang mga taong nanonood sa kanila. Wala na rin siyang pakialam kung magiging headline sila sa mga diyaryo.

"Sorry din kung inaway kita dati," anito pagkatapos siyang hagkan. "Mula ngayon, lagi mo nang sasabihing mahal mo `ko, ha?"

Tumango siya. "Mahal na mahal kita."

"Ladies and gentlemen," anito sa mikropono. "Iarah is marrying me! She loves me! Isn't that amazing? I'm the happiest man alive!"

Tumakbo paakyat sa stage si Enzo at niyakap sila. Umulan ng confetti. Tila masaya naman ang mga audience sa nangyaring eksena sa concert.

"Will you still love the married Vann Allen?" tanong nito sa madla.

"Yes!" sigaw ng audience.

Yumakap siya kay Vann Allen. Anuman ang kahinatnan ng career nito, mananatili siya sa tabi nito. Mananatili silang nagmamahalan.

Related Books

Popular novel hashtag