Chapter 70 - Epilogue

NAPAPANGITI si Iarah habang binubuklat ang mga pahina ng isang sikat na magazine sa Amerika. It was a special issue for the magazine's anniversary. Ang laman ng buong magazine ay tungkol kay Vann Allen at sa mga anak nito.

Taliwas sa inaasahan ng lahat, hindi tumamlay ang career nito nang magpakasal sila. People all over the world loved him more—for being a good father.

Sa New York na nakabase ang pamilya nila. May opisina roon ang VA Food Corporation at siya ang namamahala roon. Ang nais sana ni Vann Allen ay maging full-time wife at mom siya, ngunit gusto rin niyang magtrabaho. Nais niyang palaguin ang VA empire.

Tinawanan lang siya ng asawa niya sa termino niyang "VA empire."

Maayos naman ang pagsasama nila. Walang araw na hindi sila naging maligaya sa piling ng isa't isa. May mga pagkakataong nag-aaway sila ngunit naaayos naman agad iyon. Kahit kapwa sila abala sa trabaho, hindi nila nakakaligtaang asikasuhin ang kanilang mga anak.

Nabuntis agad siya pagkakasal nila. Babae ang naging anak nila. Pinangalanan nila itong "Alena Iorah." Kamukhang-kamukha ito ni Vann Allen. Pati ang kakulitan ng ama nito ay namana nito.

Si Enzo ay patuloy sa pagiging malusog. Hindi nila ipinagkait kay Daniel ang bata. Nang maglaon ay nakasundo na rin ni Vann Allen ang ama ni Enzo. Nakakaawa rin ito dahil hindi na ito kailanman magkakaanak sa asawa nito. Tuwing bakasyon ay bumibisita si Enzo sa Netherlands. Kontento naman si Daniel sa ganoong setup.

Tinitigan niya ang bawat larawan ni Vann Allen sa magazine. Ito na siguro ang pinakamakisig na tatay sa buong mundo. May kuha ang magazine na hinahagkan ni Vann Allen sa mga labi si Iorah na apat na taong gulang na. May kuha rin na hawak nito ang kamay ng anak nila na cute na cute na nakasuot ng tutu habang naglalakad sa kalye. They were also photographed while sharing an ice cream.

Ang mga larawan nito kasama si Enzo ay sa basketball court. Nakunan din ang tatlo habang naglalaro sa Central Park. Hindi na nagtatago si Vann Allen sa mga disguises. Hinahayaan lang nitong makunan ito ng mga larawan kasama ng mga anak nito.

Lahat ng pictures na ginamit sa magazine ay mga candid shots. Lahat ay nagsasabing mabuti itong ama. Sa huling pahina ng babasahin, isang larawan nilang buong pamilya ang naroon. It was taken while they were inside a grocery store. Nakunan siyang hinahagkan ni Vann Allen sa mga labi habang namimili sila. Karga-karga pa nito si Iorah at si Enzo ay patay-malisyang naglalagay ng chips sa pushcart.

I bet all the girls all over the globe envy Mrs. Balboa. Don't you just wanna trade places with her and be Vann's wife? ang nakasulat sa caption.

Natawa siya nang maalalang inaaway niya ang kanyang asawa noong panahong nakunan ang larawang iyon. Naiinis siya dahil ini-spoil nito masyado ang mga anak nila. Kahit may-kaya sila, hindi niya gustong madaling nakukuha ng mga anak nila ang lahat ng nais ng mga ito. Ugali nitong magbigay nang magbigay, kahit minsan ay luho lang ang hinihingi ng mga bata. Hinagkan siya nito noon upang patahimikin siya.

Life was not perfect but it was sweet.

Umupo sa tabi niya si Vann Allen at hinagkan siya sa tainga. "Tulog na ang mga bata," bulong nito.

"O, ano ngayon?" patay-malisyang tanong niya.

"Sundan na natin si Iorah," anito habang hinahagkan ang leeg niya.

Bilang tugon, hinubad niya ang suot nitong sando. Siniil nito ng halik ang mga labi niya. Inihiga siya nito sa kama. Akmang huhubarin na nito ang pantulog niya nang biglang bumukas ang pinto. Pumasok si Iorah sa silid nila.

"Tatay, there's a mumu in my room," anito habang sumasampa sa kama nilang mag-asawa. "I wanna sleep here."

"Akala ko tulog na `to?" tanong niya sa kanyang asawa habang niyayakap ang kanyang anak.

He rolled his eyes. "Akala ko rin. Hay, naku, Iorah. Paano ka masusundan kung ganyan ka nang ganyan?"

"Sshh..." saway niya rito. Ipinaghele niya ang kanyang anak na nagsisimula nang matulog sa mga bisig niya.

"Pa-kiss na nga lang," sabi na lang ni Vann Allen. Hinagkan siya nito at niyakap sila ni Iorah.

Ipinikit niya ang kanyang mga mata at nagpasalamat nang husto sa Diyos. Hiniling din niyang patnubayan Nito palagi ang pamilya nila.

BELLE FELIZ

••• WAKAS •••