Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 68 - Chapter Nineteen

Chapter 68 - Chapter Nineteen

TUWANG-TUWA si Vann Allen habang sumasayaw kasama ni Enzo. Halos sumabog ang dibdib niya sa pagmamalaki. His son was a great dancer. Alam din niyang maganda ang tinig nito.

Nasa isang dance studio sila para sa rehearsal ng Lollipop Boys. Katatapos lang nilang mag-rehearse nang yayain niya si Enzo na sumayaw. Wala itong pasok kaya naroon ito. Mag-isa lang naman daw ito sa bahay.

Napakanatural ng galaw nito. Defined ang bawat kilos, hindi ito katulad ng ibang mga bata kung sumayaw. Bata pa lang ito ay hilig na nito ang magsayaw. Noong maliit ito ay pinapatayo niya ito sa mesa at pinapasayaw. Lahat ng mga nakakakita rito ay binibigyan ito ng pera sa labis na katuwaan.

"Tama na, Enz," awat na niya rito nang tumagal. Baka mapagod ito nang husto.

Inabutan sila ng tuwalya. Agad na pinunasan niya ang mukha ng bata at sinapinan ang likod nito. Madali itong ubuhin. Kapag inubo ito ay baka hindi na ito payagan ni Iarah na sumama-sama sa mga rehearsals nila.

Sinamahan nila ang mga kaibigan niyang nakasalampak sa isang bahagi ng studio. Si Nick ay mukhang abala sa laptop nito. Sina Maken at Enteng ay nagkukuwentuhan. Si Rob ay abala sa cell phone nito.

"Enzo, idol na talaga kita," ani Rob. Ipinakita nito ang cell phone at ipinapanood ang kinunan nitong performance nila kanina. "Gusto mong pataubin natin si Justin Beiber?"

Binato niya ng potato chips ang kaibigan niya. "Don't put ideas in my son's head. I'll make your life miserable," banta niya. Hindi iilang beses na nabanggit ni Enzo sa kanya na nais nitong maging katulad niya. Alam naman nitong hindi puwede kaya hindi na nito iginigiit ang bagay na iyon. Kahit talentado ito, ayaw pa rin niyang pasukin nito ang mundo niya.

"Come on, Vann, surely, you can see his talent," Rob bargained. "I will take care of him. Promise."

"No," mariing wika niya.

"They are worried about my heart," ani Enzo.

"His heart was fixed a long time ago," sabad ni Enteng.

Gustung-gusto na niyang kutusan ang mga kaibigan niya. "It's not a guarantee that nothing will go wrong with his heart. That's why he needs lifelong medical check up with a specialist to stay as healthy as possible."

Itinaas na ni Rob ang mga kamay nito tanda ng pagsuko. Kahit si Enzo ay hindi na nagsalita. Matagal na silang nag-usap tungkol sa bagay na iyon. Naging abala na ito sa pagkain ng merienda nitong vegetable salad at fresh orange juice.

"Tatangkilikin pa rin kaya tayo ng tao?" pag-iiba ni Maken ng usapan. "Ang tatanda na natin. We're not the same teenagers they loved so much. Baka isipin nila, hindi na tayo fresh."

"Ikaw lang ang hindi fresh," sabi niya rito habang sinusubuan si Enzo ng potato chips. Alam niyang minsan ay sukang-suka na ito sa gulay. Kahit naman inaaway nito palagi ang nanay nito ay sinusunod naman nito lagi ang bilin ng ina. Iarah was closely monitoring Enzo's diet and activity. Kung maaari nga lang ay walang makakapasok na taba at vetsin o anumang preservative sa sistema ng anak nila. Ganoon ito kapraning at hindi niya ito masisi.

"Nagsalita ang tatay na," kantiyaw nito. "Seriously, bro, can we pull this off? Baka naman ito ang ikabagsak mo, Vann."

"Kung kayang magmahal ng mga Pilipino ng mga Koreano na sumasayaw at kumakanta, bakit hindi ang kapwa nila Pilipino?" wika ni Nick na ang mga mata ay nasa laptop pa rin.

"Tumpak!" aniya. Inginuso ni Enzo ang canned soft drink niya. Naawa naman siya rito. Ipinagbukas pa niya ito at pinainom nang kaunti.

"May lakad pa kayo?" tanong sa kanila ni Enteng habang tumatayo. "Mauuna na ako. May shooting pa ako."

"Tatay, `nood tayong sine," hiling ni Enzo.

Napatingin sa kanila ang mga kaibigan niya. "I know a private cinema," ani Rob. "I can call them up to arrange everything. Ano'ng gusto mong panoorin, Enz?"

The boy's face fell. "Where's the fun in that?" bulong nito. Pinilit nitong ngumiti. "It's okay, Tito Robbie. Okay lang po. Naiintindihan ko naman po."

Hindi niya alam kung bakit nais niyang pagbigyan palagi ang bata. Ang nais nitong mga lakad ay iyong mga tipikal na lakad ng mag-ama. Iyong may mga nakakahalubilo itong ibang tao. Mas masaya ito sa ganoon kaysa kapag dinadala niya ito sa mga eksklusibong lugar.

Tinawagan niya si Zhang. "What do you have for emergency situation?" bungad niya.

"Old man," sagot nito.

It was not one of his favorites but it would do. Para sa kaligayahan ng bata. "Okay."

Hindi nagtagal ay hindi na siya si Vann Allen kundi isang matandang lalaking may malaking tiyan. Wala nang makakakilala sa kanya. Nagpasalamat siya kay Zhang. Minsan, kapag kailangan niya ng prosthetics ay may kasama pa ito sa pagta-transform sa kanya. Tuwang-tuwa si Enzo nang makita nito ang transformation niya.

Upang mas mapangiti ito ay gumiling-giling pa siya. Ang sagwang tingnan ng malaking tiyan niya. Tawa ito nang tawa. Tila musika naman iyon sa pandinig niya.

Hindi nagtagal ay nasa mall na sila. May mga kasama pa rin siyang security na hindi halatang security. Mahirap na kasi kung mabubuko siya ng mga tao.

Nanood sila ng sine at nag-ikut-ikot sa mall. Hindi napalis ang ngiti sa mga labi ng kanyang anak. Niyaya pa niya itong kumain sa fast-food restaurant na lalong ikinatuwa nito. Ayaw na ayaw ni Iarah na kumakain sa fast food ang bata. Ma-cholesterol daw ang mga pagkain doon at sandamakmak ang mga preservatives. Pero siyempre, ang bata ay bata.

"May wish ako, `Tay," ani Enzo habang kumakagat sa breaded chicken nito.

"Kahit ano `yan, ibibigay ko," pangako niya.

Lumabi ito. "I doubt it. May mga bagay ka ring hindi kayang ibigay, `Tay."

Na-curious siya kung ano ang wish nito. Kahit siguro hindi niya kaya ay pipilitan niyang ibigay rito ang bagay na iyon. "Ano nga?"

"Sana matawag kitang 'tatay' kahit may mga ibang makakarinig. Sana makalabas tayo nang hindi ka nagpapalit ng katauhan. Iyong mararamdaman ko na ikaw talaga `yong kasama ko—hindi babae, negro, o matandang lalaki. I know I'm asking too much. I know I'm being selfish. I just can't help but wish sometimes that we were one family and the whole world knew about it."

Hindi niya nagawang sumagot dahil tila may bumikig sa lalamunan niya. Ginulo na lamang niya ang buhok nito. Ngumiti ito at nagpatuloy sa paglantak sa manok nito.

He mastered the art of disguising himself for Enzo. Ang mga ibang tao ay natutuwa sa ginagawa niya at inaakalang trip-trip lang ang lahat. Akala ng mga ito, mahilig lang siyang magpatawa. Hindi alam ng mga ito na may malalim na purpose ang mga pagpapanggap niya. Nagiging matandang lalaki, negro, babae, bakla, nerd, at kung anu-ano siya upang makita niya nang malaya sina Iarah at Enzo. He didn't want to disappoint the fans. Ayaw niyang biguin ang mga taong tumulong sa kanya upang makarating siya sa kung saan man siya naroon ngayon.

Napakahirap maging ibang tao, ngunit patuloy siya sa pagpapanggap. Gusto rin niya ang nais ni Enzo. Nais niyang lumabas sa publiko na kasama ito bilang siya. Kailangang may gawin na siya. Napapagod na rin siya.

Pagkatapos nitong kumain ay niyaya na niya itong umuwi. Walang nakapaghanda sa kanya sa daratnan niya sa bahay ni Iarah. Naroon si Daniel. Kaagad na bumangon ang galit sa dibdib niya. Kung wala lamang si Enzo sa malapit ay nagulpi na niya ito.

HINDI magawang salubungin ni Iarah ang masamang tingin ni Vann Allen. Bahagya siyang natakot sa tindi ng poot na nabasa niya sa mga mata nito bago siya nag-iwas ng tingin. Kahit mukha itong matandang lalaking malaki ang tiyan, alam niyang si Vann Allen ito.

Kahit si Daniel ay tila hindi mapakali. Nakatingin ito kay Enzo na nagtatakang nakatingin din sa kanila. Magkasalubong ang mga kilay nito.

Napakakapal ng tensiyon na nakapalibot sa kanila.

"Who's he?" Si Enzo ang bumasag sa hindi komportableng katahimikan.

She cleared her throat. "Enzo, anak, he's Daniel Runestone."

"I'm your father," sabi ni Daniel.

Nais niyang magalit dito dahil pinangunahan siya nito. Ibinilin na niya kaninang hindi nila maaaring biglain ang bata.

"Yes, Enz, he's your father," Vann told her son. Cold anger was in his voice. He looked dangerous already. "He's the guy without balls who left your mother after planting you inside her womb."

"Vann!" saway niya rito. Kahit galit ito kay Daniel ay hindi nito dapat ipinaparinig ang mga ganoong salita sa anak niya.

"Ano?" maangas na sabi nito sa kanya. "Ayaw mong iparinig sa anak mo ang kagaguhan ng lalaking `yan? Pinatuloy mo pa talaga `tong gagong `to sa pamamahay mo." Bumaling ito kay Daniel na hindi malaman kung paano ipagtatanggol ang sarili. "Ang kapal ng apog mo para magpakita pa. What the hell do you want? Your son? He's mine. You lost all your right when you left Iya without a word."

Natutop niya ang kanyang noo. "Enzo, go to your room. We'll talk later," sabi niya sa mahinahong tinig. Nagpasalamat siya nang tumalima ang anak niya nang walang anumang salita.

"Vann, calm down," aniya sa mahinahon pa rin na tinig.

"Don't tell me to calm down when I don't want to!" singhal nito.

Nilapitan niya ito. He was too angry. "Please don't shout," pakiusap niya. "Maririnig ka ni Enzo. It would upset him."

Pero hindi ito napayapa. Napakatalim ng tingin nito kay Daniel. "Get out of my face before I kill you!"

Tinanguan niya si Daniel. Mas maigi pa nga yatang umalis muna ito. Siguro kapag kalmado na ang lahat ay mas makakapag-usap na sila.

Naisip niyang pagbigyan na si Daniel dahil kahit paano niya paikut-ikutin ang lahat, ito pa rin ang ama ni Enzo. Darating din ang araw na magkakakilala ang dalawa. Panghahawakan niya ang pangako nitong hindi nito kukunin sa kanya ang anak niya. Pagkakatiwalaan niya itong hindi ito gagawa ng anumang masama sa pagsasama nilang mag-ina.

Kahit wala na si Daniel ay hindi pa rin niya magawang huminga nang maluwag. Ramdam na ramdam pa rin niya ang galit ni Vann Allen.

"Vann—"

"Have you been waiting for him all these years? Were you, Iya? Ngayong nandito na siya, makikipag-balikan ka na ba sa kanya? Bubuuin na ninyo ang pamilya ninyo? Ganoon lang `yon, ha, Iya?!" singhal nito. Tila hindi nito alintana kung naririnig man sila ni Enzo.

"Kumalma ka naman, Vann. Naririnig ka ng bata," pakiusap niya. Ayaw niyang ma-upset nang husto ang anak niya.

Marahas na inalis nito ang wig nito. Binuksan nito ang mga butones ng long-sleeved polo nito. Inalis nito ang umbok ng tiyan nito. "I don't care! Maigi na ngang marinig ng bata ang lahat. Dapat na niyang malaman kung gaano ako sinasaktan ng nanay niya."

"Gusto lang niyang makita ang anak niya. You have to understand, anak namin si Enzo. Kahit paano natin paikut-ikutin, siya ang ama. May karapatan pa rin siyang makilala man lang ang bata."

"Eh, ako? Ano pala ako sa buhay ninyo? Spare tire? Isang taong laging nariyan tuwing kailangan mo ng tulong, tuwing nasa bingit ka ng alanganin? Ganoon na lamang ba talaga lagi? Sana inisip mo man lang ang mararamdaman ko. Enzo's my son!"

"Nanunumbat ka na ngayon? Sinabi ko bang tulungan mo ako noon?"

Hinawakan nito nang mahigpit ang mga braso niya. "Oo, manunumbat na ako. Maniningil na `ko. Sawang-sawa na ako sa ganito. How long has it been? Eleven years? Twelve? Pagod na pagod na ako, Iarah! Lagi na lang tayong ganito. Maawa ka naman sa akin."

Naluha siya. Pati ito ay naluha na sa sobrang galit nito. Pulang-pula ang mukha nito. Nag-iigtingan ang mga ugat sa leeg nito. Nasasaktan siya sa nakikita niyang anyo nito. He was hurt and angry.

"Why can't you love me? Ano ba talaga ang problema sa akin? Ano pa ang kulang? Ano pa ang hindi ko naibibigay? Ano pa ba ang gusto mo? Hanggang kailan mo ako pahihirapan? Napapagod na ako."

Niyakap niya ito nang mahigpit. "I'm so sorry. Vann, I'm so sorry." Noon lamang niya napagtanto kung gaano niya ito nasaktan at patuloy na sinasaktan.

Kumalas ito sa kanya at walang paalam na umalis ng bahay niya. Pinahid niya ang kanyang mga luha.

Kinatok niya ang silid ng kanyang anak. Binuksan na niya ang pinto nang wala siyang marinig na tugon dito. Nadatnan niya itong nakaupo sa kama nito. May nakasaksak na earphones sa mga tainga nito at abala sa iPod nito. Ngunit namimilisbis sa mga pisngi nito ang mga luha. Alam niyang narinig nito ang lahat.

"Anak..." tawag niya.

"I hate you, Nanay!"

Tuluyan na siyang napahagulhol. Kahit ang anak niya ay masama ang loob sa kanya. Nilapitan niya ito at sinabi niya ang mga nararamdaman niya. Ipinaliwanag niya ang dahilan kung bakit kahit mahal na mahal niya ang Tito Vann Allen nito ay hindi niya ito maaaring abutin.

"Do you understand, anak?"

Umiling ito. "No. Tito is willing to give up everything for you… for us."

Siya naman ang umiling. Napakabata pa nito upang maintindihan na hindi ganoon kadali ang lahat.

"I don't want him to give up anything for us. I owe him that."

Nagtalukbong ito ng kumot at hindi na siya kinausap.

NANG sumunod na mga araw at linggo ay hindi nakita at nakausap ni Iarah si Vann Allen. Ang alam niya ay masyado itong abala para sa paggawa ng comeback album ng Lollipop Boys. Alam din niyang madalas na rin ang ensayo nito para sa comeback concert ng grupo. Nalaman niyang world-class ang production niyon. Nararapat lang naman iyon sa tulad ni Vann Allen.

Kung nais nitong makasama si Enzo ay ipinapasundo nito ang bata sa isa sa mga sekretarya nito. Hindi siya nito tinatawagan o pinupuntahan. Miss na miss na niya ito ngunit naiintindihan niya kung kailangan nitong magpalipas ng galit. Iyon ang pinakamatinding pag-aaway nila. Kapag lumipas na ang galit nito, kakausapin na niya ito. Makikipagbati na siya.

Nakasama na ni Daniel si Enzo. Kinausap na niya nang masinsinan ang kanyang anak. Sa tingin niya ay tanggap na ng anak niya ang tunay na ama nito. Hindi nga lang katulad ng pakikitungo nito kay Vann Allen ang pakikitungo nito kay Daniel. Hindi naman niya masisisi ang anak niya. Daniel was still a stranger. Nagpapasalamat na siyang hindi gaanong ilag ang anak niya sa ama nito. Lumabas pa uli ang dalawa bago nagbalik sa Netherlands si Daniel. Regular ang komunikasyon ng mag-ama.

Ipinapanalangin niyang sana ay magkaayos pa sila ni Vann Allen. Hindi niya alam kung paano aayusin ang sitwasyon nila, ngunit hindi siya papayag na tuluyan silang magkasira. Napakatagal na ng pinagsamahan nila.

Pero paano ba sila magkakaayos? Hanggang kailan ba ang ganoong sitwasyon? Paano kung tuluyan na itong mapagod at sukuan siya? Parang hindi niya kaya.

Related Books

Popular novel hashtag