Chereads / Beautifully Broken (Filipino Version) / Chapter 23 - See you again

Chapter 23 - See you again

Hinintay kong mawala sa paningin ko ang bangkang sinasakyan ni Igo bago ako tuluyang umuwi sa bahay. Tumigil ako sa tapat ng gate at napangiti dahil naalala ko yung nangyari kaninang umaga na naghihintayan pa kami kung sino ang mauunang uuwi. Napailing ako at tuluyan nang pumasok sa loob ng gate.

Sa bandang kaliwa ay natanaw ko ang duyan na ginawa ni Igo. Parang pinapanood ko lang yung nangyayari noon sa duyan kahit wala naman. Pumasok ako sa loob ng bahay. Naaalala ko yung tuwing dinadalhan niya ako pagkain tapos mag-iimis siya at maghuhugas ng pinggan.

Naupo ako sa sala at inilapag ang kamay ko dito habang inaalala yung panahon na natutulog siya dito. Napawi ang mga ngiti ko kasi parang bawat sulok ng bahay ko ay naaalala ko siya. Para akong nakadama ulit ng lungkot na hindi ko maintindihan. Paanong sa ganoong kaiksi ng panahon ay kaya niyang mag-marka sa buhay ko ng ganoon.

•••

Pagkaraan ng ilang oras ay narinig ko ang isang pamilyar na tunog na para bang nagmumula aking smart phone. Pero hinayaan ko lang iyon kasi wala naman natawag sa akin o kaya baka guni-guni ko lamang iyon. Mulit itong tumunog kaya naman napabalikwas ako mula sa aking pagkakahiga at bigat na bigat ang bawat hakbang patungo sa aking silid. Sa aking paglapit ay puro numero lang ang nakita ko sa aking screen. Dinampot ko ang aking smart phone at sinagot ito.

"Hello?" Tila bang walang gana kong tugon.

"Carly!" Isang masiglang tono na mula sa boses ng lalake. "Musta? Kakarating ko lang sa pier" dugtong nito. Napangiti ako kasi alam ko kung kaninong boses ito nanggaling.

"Igo?" Pagkumpirma ko. "Ok naman ako. Ingat ka sa biyahe mo."

Mga ilang saglit na katahimikan ang bumalot sa magkabilaang linya.

"Gusto ko nang bumalik dyan..." malungkot na sambit nito. Sa isip ko naman ay gusto kong sabihin na sana hindi mo na kinailangang umalis.

"Oo nga eh. Pero kailangan ka na ng trabaho mo..." tugon ko.

"Buti na lang kinuha ko number mo at least parang malapit ka lang. Makakapagkwentuhan pa din tayo."

"Parang katabi lang kita..." mahina kong tugon.

"Sana nga katabi lang kita..." balik nito. Napalunok ako sa kanyang sinabi at tila bumalik ang pananakit ng aking dibdib na naramdam ko sa kanyang paglisan.

"Carly ok lang ba kung huwag mo munang ibaba ang telepono? Bibiyahe lang ako saglit kahit di ako makakapagsalita gaano. Loudspeaker mo lang.." pakiusap niya sa akin.

"Ok sige..." at pinindot ko ang loudspeaker button. Umalingawngaw ang boses niya sa loob ng aking silid sa muli niyang pagsalita.

"Pasakay na ako Carly"

"Ingat ka Igo" binitbit ko ang aking smart phone patungo sa kusina at sinama ko na din ang charger dahil malolow battery na ako. Nagpatuloy na ako sa paghahanda ng hapunan habang naririnig ko ang pagbusina at tunog ng mga sasakyang umaandar pati na din ang bawat pag-para ng mga pasahero mula sa kanyang sinasakyan.

"Anong ginagawa mo?" Nagulantang ako ng bahagya sa pagsasalita nito.

"Eto kumakain na ng hapunan." Pagkatapos sumagot sa kanyang tanong ay muli akong sumubo ng aking pagkain. Narinig ko din ang pag-nguya nito. "Anong kinakain mo?" Tanong ko.

Lumunok muna ito bago sumagot, "Carly's cupcake" sabay kagat nito at pag-nguya.

Halos alas nuwebe na ito nakarating ng bahay at nagpaalam na para matulog.

"Good night Carly..."

"Good night Igo..."

At lumipas na ang unang gabi na hindi kami magkasama.

•••

Lumipas ang mga araw at walang mintis ang pagtawag ni Igo sa akin. Buti pa si Igo natawag samantalang ang pamilya ko ay text messages lang ang pinapadala sa akin. Iniisip ko na lang na gusto lang siguro nila akong bigyan ng panahon para sa katahimikan.

Mabuti na lamang at medyo napaglilibangan ko ang paggawa ng mga pastries dahil na din sa mga order ng mga taga-dito. Mula sa pa isa-isang box ay dumadami na din ito. Minsan nga gumawa ako ng pandesal at halos lahat dito ay nag-oorder na din sa akin kung saan ay gabi pa lang ay naglilista na ako. Kaya naman napapadalas ang aking pagluwas upang bumili ng kakailanganin para sa paggawa ng tinapay.

Bumabati na din ako sa mga taong nakakasalubong at kakilala ko. Minsan nakikipaglaro din ako sa mga bata na kung saa'y madalas naman hanapin si Igo sa akin.

Pakiramdam ko tuloy ay muling bumabalik na ang sigla sa aking katawan kahit na minsan nakakadama pa din ng lungkot pero hindi na ito gaya ng dati.

Minsan ay bumili ako ng maliit na gitara sa bayan at nauupo ako sa may buhanginan habang pinapatugtog ito. Minsan nagugulat na lang ako sa pagdilat ko dahil may mga tao nang nanonood sa akin lalo na kapag sinasabayan ko ito ng aking tinig. Natatawa na lamang ako dahil minsan pa nga'y nakaloudspeaker ang aking phone habang nakikinig si Igo at pag-alam ang lyrics ay nakiki-duet pa ito.

Isang hapon ay naglakad lakad ako patungo sa pier kahit na wala naman akong balak magpunta sa bayan. Naupo ako sa isang tabi at tahimik na pinagmamasdan ang mga bangkang paalis at parating.

"Carly!!!" Napakurap ako mula sa aking pagkatulala ng marinig ko ang aking pagtawag sa aking pangalan. Napalinga linga ako upang tingnan kung sino ang tumatawag sa akin.

"Carly!!!!" Mas malakas na ang boses nito. Napatingin ako sa papalapit na bangka at nakita ko ang pamilyar na pigura na kumakaway sa akin.

Kinusot ko ang aking mata dahil baka namamalikmata lang ako.

"Carly!!!!!!!" Mas nilakasan pa nito ang pagtawag at mas nilawakan ang pagkaway.

Luminaw na ito sa aking paningin at napangiti ako sa aking nakikita. Napansin ko na lang ang sarili ko na unti unting humahakbang papalapit sa paparating na bangka. Nang makita ko na ang pagdaong ng bangka ay binilisan ko ang paglalakad na halos patakbo na at sinalubong ng mahigpit na yakap.

Itutuloy...

08-10-2018