Chapter 24 - Pamilya

"Ma! Pa! Andrei!" hindi ko napigilan ang aking pagluha. Para bang ilang taon na ang lumipas simula nang muli ko silang makita. Bumitiw ako sa pagkakayakap at tinignan silang muli na tila ba'y naniniguro na sila talaga iyon at hindi guni guni lamang. Pinunasan ni Mama ang aking luha. "Umiiyak ka na naman..." puna nito. Hinatak ko ang kamay ang aking ina at niyaya sila papunta sa aming bahay. Para akong bata na may nais ipakita sa kanila. Natawa sila ng bahagya at sinenyasan ang aking ina na sumunod na lamang sa akin habang kinukuha nila ang mga bagahe.

"Kamusta ka na anak?" tanong ng aking ina.

"Ayos naman ako Ma" mabilis kong sagot.

Hinagod niya ang aking ulo at hinawakan ang aking pisngi. "Mukhang hiyang ka dito ah. Naglakalaman ka na ulit." hinawakan ko ang ang kanyang kamay at dinama ang init nito. Ano bang nangyari sa akin at para bang nakalimutan ko na may pamilya pa pala ako. Nararamdaman ko na ang pamumuo ng mga luha kahit subukan ko mang pigilan ay bumagsak pa din sila. Ito na yung naghalong lungkot at pananabik sa mga nagdaan na buwan. Niyakap ako ng aking ina at sa pagpapatahan niya ay lalo pa akong napahagulgol sa iyak.

"Tahan na... Tahan na..." malambing na pagsuyo ng aking ina. Hinigpitan ko ang yakap sa kanya. Tila ba parang isang malakas na ulang bumuhos ang lahat ng mga bagay na kinikimkim ko. Wala man akong salitang masabi ngayon alam kong naintidihan ng aking ina ang bawat hikbi ko. Mas lalo akong naiyak nang dumating ang aking ama at kapatid na nakiyakap din. Kahit malugmok pa ako sa anumang dahilan alam kong pamilya ko pa din ang aking makakapitan. Akala ko pagod na sila sa akin kaya pinatapon nila ako pero alam nila na kailangan ko ito. Nagpapasalamat ako sa panahon na hinayaan nila akong mag-isa at mag muni-muni.

"Di ba sabi ko naman sayo pag nasasaktan mas doble ang sakit na nararamdaman ko..." paiyak na sabi ng aking ina. "Ayaw kong nasasaktan ka kasi mahal na mahal kita anak..." tumingin ako sa aking inang lumuluha din. "Maganda ka. Matalino ka. Hindi mo siya kawalan... At hindi mo dapat pasanin ang lahat. Palayain mo na ang sarili mo." Wala na akong naisagot sa kanya kundi ang patuloy ko na pagluha. Lumapit ang aking ama at tinapiktapik ang aking likuran habang ang kapatid ko naman ay nakiyakap sa aming mag-ina.

Pinahid ko ang aking luha at ngumiti. "Pasok na tayo." pag-aaya ko. Sumunod naman ang mga ito.

Hinayaan ko muna silang ayusin ang mga gamit at nagsimula na akong mag-ayos sa kusina. Mabuti na lamang at nag-bake ako ng cupcakes kanina umaaga. Nagtimpla ako ng orange juice na paborito ng kapatid ko, kape para sa tatay ko at tsaa para sa mama ko. Inihain ko ito sa kanila habang nakaupo sa sala. Akala ko matatagalan pa bago ko sila mapaghainan at makasama ng ganito.

"Malinis ang bahay ha. Very good." puri ng aking ama. "Anong mga pinagkakaabalahan mo dito?"

"Gumagawa ako ng mga orders, mga cake at tinapay o kaya nagpupunta ako sa baybayin nagpapahangin. Minsan nakikipaglaro sa mga bata. Minsan tinuturuan ko silang magsulat o kaya magbasa." sagot ko.

"Mabuti mabuti" pag-sang ayon nito at hinigop ang kanyang kape.

"Madami nang naghahanap sayo doon. Tinatanong ako kung kailan ka babalik." saad ng aking ina. Napatahimik ako at napaisip pero pakiramdam ko ay hindi pa ako handang bumalik.

"Kailangan mo pa ba ng panahon?" pagsingit ng aking kapatid.

Panahon... Para sa akin ang lugar na ito ay isang bagong pagkakataon para bumangon muli. Sinalba ng lugar na ito ang natitira ko pang pagmamahal para sa sarili ko. Sinalba ng lugar na ito ang natitirang buhay ko. Hindi ako hinayaan ng lugar na ito na mawala. Minsan na akong nagpaalam at sumubok na mawala sa mundong ito pero mukhang hindi pa ito ang tamang panahon.

"Siguro..." mahina kong sagot. Baka nga kailangan ko pa ng panahon para mag isip. Magplano. Sa totoo lang para akong nasa gitna pa din ng kawalan. Gusto ko nang humakbang pero wala pang lakas ang mga paa ko. Baka siguro takot pa ako. Hindi pa ako handang balikan ang lahat ng naiwan ko.

"Ma, Pa hayaan mo na muna natin siya. At least dito masaya naman siya di ba?"

"Inaalala ko lang kasi mag-isa siya dito." bakas ang pag-aalala sa boses ng aking ama.

"Hindi naman porket mag-isa ay malungkot na. Minsan kailangan din natin mag-isa no." kinindatan ako ng aking kapatid matapos bumungisngis. Di ko akalain na maiintindihan niya ako ng ganito.

Napabuntong hininga na lamang ang mga magulang ko. "Namiss ka na namin makasama sa bahay." Hinawakan ni mama ang aking mga kamay. "Kulang ang bahay kung wala ka." nararamdaman ko na naman ang pangingilid ng aking luha.

Kulang din ang bahay na ito kung wala kayo pero gaya nga ng sabi ng kapatid ko...

Minsan kailangan din natin mag-isa...