Maagap na gumising si Ana. May paglakad, may pagkandirit at paminsan-minsang pagtalon sa kanilang maluwang na bakuran. Di alintana ang tila sumisilip pa lamang na haring-araw sa isang bagong umaga. Sa isang batang anim na taong gulang, di matatawaran ang kaligayahang dulot nang pagkakaroon ng isang lobong nagmula sa isang dinaluhang children's party noong nakaraang araw. Para ba itong isang pabuya na hindi lahat ay maaaring makapag-uwi. Isang pulang lobo na kinabitan ng pisi at itinali sa kanyang kaliwang kamay ang pinagkakaabalahan nito sa ngayon.
"Naka- dalawang panalo na pala iyong talisahin ni Randy," banggit ni Tonying. Habang panay ang himas sa isang abuhing manok na nakatulos sa bahagyang nakalitaw na pako sa lupa.
"Oo, 'yung sisiw nga no'n ang pinaaalagan niya sa akin ngayon,.." turan naman ni Mang Hose, ama ni Ana. Abala ito sa pagpapatuka ng mga manok ng mga sandaling iyon sa kanilang bakuran. "Limang sisiw 'to, bibigyan niya daw ako ng isa."
Lumapit ang kausap nito at sinipat ang mga sisiw sa kulungan. Naging gawi na nito na pumasyal sa bahay ng kumpare upang tumingin sa mga pinaaalagaan ditong mga manok.
"Hindi na ako makapag-alaga ng manok ngayon, eh…" sabi nito. "ayaw na kasi ni misis, nagkakahanip daw sa bahay,.."
"Ganoon ba? Ako nga eh, ayaw na din ng asawa ko pero ito talaga ang libangan ko, eh,.." nakangisi namang tugon ng kanyang ama.
Bahagyang tumigil sa paghimas ng manok si Tonying. Napansin pala ang pagdating ni Ana mula sa likod ng bakuran na galak na galak sa lobong nakatali sa kanyang kamay. Ang kasiglahan ng bata ay walang pagsidlan. Ang ngiti sa mga labi nito ay nakapagpapalabas ng munting biloy sa kanyang kanang pisngi. Habang ang mga singkit na mata ay bumagay sa kanyang manipis na bangs na kasamang tumatalon sa bawat niyang pagludag.
Napako ang paningin ni Tonying sa batang babae. Sumagi sa isip niya ang maaring maging hitsura nito kapag sumapit na sa tamang edad. Kapag ito ay naging isang ganap ng dalaga. Bagaman hindi ito kaputian ay hindi naman ganoon katingkad ang pagiging kayumanggi nito. Gumapang sa buong katawan ng bata ang titig niya. Pino, makinis at walang bahid ng anumang mantsa ang balat nito. Bumagay nga sa kutis nito ang suot na bistidang matingkad na asul ang kulay. Samantalang napapalamutian naman ng dilaw na head band ang itim nitong buhok.
"Ay!" sigaw ni Ana. Biglang nakalas sa pagkakatali ang pisi ng lobo sa kanyang pulsuhan. "Tatay, ang lobo ko,..!'
Napalingon si Mang Hose sa malakas na pagtawag sa kanya ng anak kayat mula sa mga kulungan ng manok ay bahagyang siyang tumingala. Unti- unting tumataas ang lobo, babala na ito'y tuluyan ng sasama sa himpapawid.
Ngunit naging mabilis ang pagkilos ni Tonying. Bumuwelo siya sa pagtalon at palibhasa'y matangkad at manlalaro ng basketball sa kanilang lugar, nagawa niyang maabot ang dulo ng pisi saka hinila ito pababa. Sa kanyang edad na nasa pagitan ng 25 hanggang 30 taong gulang ay maliksi pa talaga itong kumilos.
Sa isang hindi makapaniwalang bata, tila ito isang bagay na maituturing nang imposible. Namilog ang kanyang mga maliliit na mata. Para bang nagsilbing bayani ang lalaki sa pagsagip ng kanyang lobo na kung hindi naagapan ay tuluyang maglalaho. Kasunod nito ang pagsilay ng kanyang maluwang na ngiti habang iniaabot sa kanya ang nakuhang lobo.
"Salamat po,.." sambit ni Ana.
Tila isang awit naman ito sa pandinig ni Tonying. "Huwag mo ng bibitawan ha,.." sambit nito habang hawak pa rin ang kamay ng bata.
Tumango siya bagaman parang nalilito sa di pangkaraniwang higpit ng pagkakapigil sa kanyang kamay. Nakangiti ito at titig na titig sa kanya. Isang malalim na pagtitig na para bang may nais ipahiwatig.
Oras na naman ng pagpasok sa paaralan. Bagaman tila atubili pang bumangon ay tinungo na ni Ana ang banyo para maghilamos. Natanaw niya ang ina na nagwawalis sa bakuran habang ang kaniya namang ama ay abala sa paglilinis ng mga dumi mula sa kulungan ng mga manok. Naisip niyang napakahalaga sa kanyang ama ng mga alaga nitong manok. Inuuna pa nito ang pag-iintindi sa mga hayop bago mag-almusal o magkape man lang. Marahil kontento na nga ang kanyang ama sa ganitong gawain. Palibhasa'y walang hanap-buhay ay binubuhos na lamang nito ang oras sa pag-aasikaso ng mga manok na pinaaalagaan sa kanya ng mga kaibigan at kakilala. Kapalit ang pakonswelong bayad ng mga ito. Walang tiyak na halaga sapagkat kung magkano lamang ang iabot sa kanyang ama ay hindi ito tumatanggi o tumututol. Kung sa kabaitan, wala na siyang mahihiling pa sa kanyang ama. Napakagaling nitong makisama.
"Oh, gising ka na pala, Ana,.." biglang bulwag ng kanyang ina sa kanilang pinto. Dumukot ito sa bulsa. "bumili ka na ng pandesal habang maaga pa. Mamaya ay marami na namang bumibili kapag kalat na ang liwanag,.."
Inabutan siya nito ng singkuwenta pesos. Saka nagtungo na sa silid nito. Maya- maya pa'y lumabas itong muli tanggan ang isang katamtamang laki ng bag na ginagamit nito sa tuwing pumupunta sa pinapasukan. Isang kasambahay ang kanyang ina sa lungsod ng Quezon. Tuwing sabado't linggo ang day off nito kaya nagagawa nitong umuwi sa kanilang bahay sa Rizal at tuwing lunes ay magkasabay silang naalis ng bahay. Siya upang magtungo sa paaralan samantalang ang kaniyang ina ay sa trabaho nito. Magpipitong taon ng solong itinataguyod sila ng kanyang ina. Nagkasakit sa baga ang kaniyang ama noon, dahilan upang tumigil ito sa paghahanap-buhay at simula noon ay hindi na muling nakapagtrabaho pa. Maigi na lamang at nakapagpundar naman ang kanyang ama ng bahay na kanilang tinitirhan sa ngayon. Mabuti na lamang at siya ay nag-iisang supling ng mga ito. Marahil dahil may edad na rin ng maging mag-asawa ang kanyang mga magulang kayat hindi na nabiyayaan ng maraming anak. Gayunpaman,di pa rin nakasasapat ang kinikita ng kaniyang ina para sa kanila. Kaya ang kinikita ng kanyang ama sa pag-aalaga nito ng mga manok, bagaman maliit, ay nakatutulong din sa kanilang mga gugulin.
"Oh, ano pang hinihintay mo, lakad na at mahuhuli tayo,.." ulit ng kanyang ina habang abala sa pagsusuksok ng mga gamit sa bag.
"Mamaya- maya pa naman yun magbubukas eh,.." sagot niya habang nakaupo at nakapatong ang ulo sa ibabaw ng lumang mesa na tila nais pang bumalik sa higaan. ".. maghihintay lang ako dun,..'
Tiningnan siya ng kanyang ina."Kaya nga pumunta ka na para mauna ka,.." pilit nito sa anak.
Naulinigan ng kanyang ama ang usapan nilang mag-ina mula sa bakuran.
"ay, kahit naman papuntahin mo ng maaga ang anak mo, di rin naman yan nauunang pagbilhan" sabat nito. ".. inuuna kasi ang mga matatandang nabili, tsk, tsk, tsk…"
"Oh, ay di ikaw ang bumili!" turan naman ng kanyang ina." Hindi iyang puro manok ang iniintindi mo,…"
Nangingiti habang papilig- pilig ang kanyang ama. Wari ba itong napahiya sa sinabi ng kanyang ina. Lumingon ito sa kanya.
"Sige na nga anak ko, lumakad ka na at ako tuloy ang napagbabalingan ng nanay mo,.." utos nito.
Napabuntong- hininga muna si Ana bago tumayo. Simula yata ng matuto na siyang magkuwenta at magbilang ng sukli ay siya na ang nakatoka sa pagbili ng pandesal sa bakery tuwing umaga. Ngayon nga na nasa ika- anim na baitang na siya ay bilang na niya ang hakbang patungo doon. Sinisigurado niya na kapag pumalo na ang orasan sa alas singko ay pinipilit niyang makabangon upang magtungo ng maaga sa nag-iisang panaderya sa kanilang barangay. Hindi naman ito kalayuan sa kanilang bahay kung kayat hindi niya kailangang magmamadali sa pagpunta doon.
Mahigit isang- daang metro lang naman ang layo ng bakery mula sa kanila. Bagaman masyado pang maaga ay hindi na rin naman nakakatakot na maglakad. Dikit-dikit na rin kasi ang mga kabahayan sa lugar nila bagaman hindi pa rin naman maituturing na isang siyudad. May mangilan- ngilang bahay na siyang nadaraaanan na may nagwawalis ng bakuran pero karamihan ay tahimik pa ang mga tapat ng bahay. Tanda na maaaring tulog pa ang mga nasa loob nito. Payapa din naman ang kanilang lugar. Halos wala nga siyang nababalitang kaguluhang nagaganap dito.
Sa kalagitnaan ay nadadaanan niya ang bahay nila Tonying, ang kumpare ng kanyang ama. Inaanak kasi ng tatay niya sa binyag ang bunsong anak nito. Mas maliit sa kanilang tirahan ang bahay ng lalaki. Di tulad ng kanilang bahay na may maluwang na bakuran, ang bahay nito ay halos isang dipa lang ang luwang ng bakod mula sa kalsada. Wala ring anumang halaman kung kayat tanaw agad ang bukana ng bahay nito mula sa daanan. Sa kanyang pagkakaalam ay may dalawa itong anak na parehong lalaki. Taliwas sa sitwasyon nila, si Tonying ang bumubuhay sa pamilya nito. Isa itong manggagawa sa isang pabrika ng tela sa isang bayan pa rin sa Rizal.
Sa pagdaan ni Ana sa naturang bahay ay tila may sitsit siyang narinig.
"Psst,…. psst, Ana…" tawag nito sa kaniya.
Hindi siya sigurado kung kanino nanggaggaling ang boses na ito ngunit batid niyang nagmumula ito sa direksyon ng bahay nila Tonying. Magbubukang- liwayway pa lamang kayat wala pa masyadong mababanaag na natural na liwanag sa paligid. Tila may kung anong puwersa ang nagpabaling ng kaniyang ulo patungo sa bahay ng nasabing lalaki. Napatigil sa paghakbang ang kanyang mga paa na tila napagkit ito sa sementong kanyang kinatatayuan. Sa kanyang paglingon, natanawan niya ang hugis ng isang taong nakatayo sa harap ng bukas na pinto. Sa taas ng imahe ay hindi siya maaaring magkamali. Si Tonying ang nasa harapan ng bahay. Maaaring may sasabihin itong mahalaga sa kanya kaya siya sinitsitan.
Inaninaw niyang maigi ang lalaki kung kayat inilapit niya ang mukha sa ibabaw ng kawayang nagsisilbing gate nito. Habang nakatingin siya sa mukha ng lalaki ay tila bahagya itong napapangiwi na para bang may iniindang sakit. Bahagya ring nanginginig ang katawan nito na agad niyang ikinabigla. Kung kayat hindi niya naiwasang tingnan ang kabuuan nito. Napansin niyang medyo nakalilis ang suot nitong pang-ibaba. Laking gulat niya ng masumpungang nilalaro ng kamay nito ang sariling ari. Binalot ng kakaibang takot ang kanyang pagkatao sa anyo ng pagkalalaki nito. Sa pagkabigla ay bahagya niyang naitulak ang bakod. Nanginig ang kanyang buong katawan sapagkat sa buong buhay niya ay hindi pa siya nakakita ng ari ng isang lalaking tuli. Isa itong wangis ng serpiyenteng makamandag para sa kanya. Isang mabangis na ulupong na ang intensiyon ay makapanakit ng sinumang makakasumpong nito. Lumakas ang sasal ng kanyang puso at nangilabot ang kanyang balat. Walang lingon- likod ay mabilis niyang tinungo ang direksyon patungo sa bakery habang nanginginig pa ang mga tuhod.
Lito ang kanyang isip sa kanyang paglalakad. Si Tonying na kaibigan ng kanyang ama ay natagpuan niya sa isang eksenang di angkop na masilayan ng isang batang nasa kanyang edad. Papaano nagawa ng lalaking tawagin ang kanyang pansin upang makita niya ang ganoong kalaswang pagsasarili nito? Ang taong minsan niyang hinangaan at itinuring na isang bayani sa pagkakakuha ng kanyang lobong noo'y inakala niyang tuluyan ng lilipad ay nagmistula ngayong isang demonyong inaalihan ng masamang espiritu. Tila nawala ang malaking respeto niya sa lalaki. Batid niyang sinadya nito ang ginawa. Pero bakit? Bakit sa kanya?