Nang biglang bumukas ang pinto. Napahinto ang magkapatid na Bea at Noli ng mapansin ang loob ng bahay. Hindi nila lubos maisip na sa ilang oras lamang na kanilang pagkawala ay daratnan nila ang bahay sa ganitong kalalagayan. Parang may buhawing tumama sa buong kabahayan. Walang gamit na hindi nasira o di kaya'y nanatili sa dati nitong kinalalagyan.
"A-anong nangyari, Ana?" tanong ni Bea.
Natagpuan nila si Ana na nakatingin sa kawalan at nakaupong tahimik na umiiyak. Bahagyang iniuuntog ang ulo sa kinasasandalang dingding ng bahay. Ibang- iba ang hitsura nito ngayon kumpara kanina ng bago nila ito iwan. Halos matabingan na ng nakalugay nitong buhok ang mukha. Ang puting kamiseta nito ay namantsahan ng toyong tila tumilapon sa bandang laylayan nito. Samantalang ang mga paa naman nito'y dinaig pa ang mga palaboy sa dumi. Nilapitan siya ni Bea.
"A-Ana bakit? Ano nangyari?" tanong nito.
Hindi siya halos makaimik sa patuloy na paghikbi. "H-hhindi k-ko a-alam,…b-bbigla silang p-pumunta dito,….in, ina- inaaano nila ko, hu hu hu,…"
Nagkatinginan ang magkapatid. Mistula kasi siyang isang batang nagsusumbong sa pang-aaway ng isang kalaro. Inalo ni Bea ang pinsan. Naisip niyang kung sana'y isinama niya na lamang ito kanina ay maaaring hindi na ito naganap. Inihilig niya ang ulo nito sa balikat niya. Hindi nagtagal ay nagpasukan din sa loob ng bahay ang mga kapit- bahay na nabulabog ng kaingayan kanina.
"Iniwan niyo pala kasing nag-iisa dito sa bahay, baka may kung anong maligno na ang nakasama niyan dito habang nag-iisa,.." ani Aling Lydia na tila sinisisi ang mga pinsan nito.
"Oo nga," sabat naman ng isa pa." Suotan ninyo ng rosaryo para maitaboy ang kung anomang masamang espiritu,.."
"Baka naman nalipasan si Ana ng gutom,.." imik ng isa pa. "pakainin 'nyo pero huwag iyong may baboy at kontra iyon sa mga ganyan,…"
"Naku, tawagan 'nyo na si Mareng Martha para makapag-kaon ng albularyo sa kabilang bayan, may magaling daw doong albularyo, 'yung nagpagaling din sa anak ni Mareng Rosa nung sinaniban dati,.."
Lito ang dalawang magkapatid sa kung anong suwestiyon ng mga nag-uusyosong mga kapit- bahay ang susundin. Sa kasalukuyan, hindi nila alam kung paano patitigilin sa pag-iyak at sa walang tigil na pagsusumbong si Ana na hindi nila lubos na maunawaan.
"H-h'wag 'nyo ko ibibigay sa kanila,.. ayoko sa kanila,… ilayo 'nyo ko sa kanila…" pagsusumamo ni Ana.
Panay ang bulungan ng mga tao sa kanilang paligid. Yamang ganitong mga salita ang namumutawi sa bibig ni Ana tila kumbinsido silang sinaniban nga ito ng ibang element.
Hindi alam ng dalawa kung anong pagpapaliwanag ang kanilang kahaharapin kapag dumating na ang kani- kanilang mga magulang. Sila ang mga huli nitong kasama at malamang na sa kanla ibintang ng mga ito kung anuman ang nagaganap sa kanilang pinsan.
"Sige pagpahingahin 'nyo na para mahimasmasan,.." sabi ulit ni Aling Lydia. "patulugin 'nyo na at h'wag 'nyo na ulit iiwanan,.."
Sa pakiwari nila pare- pareho silang hindi makatutulog ngayong gabi sa ganitong sitwasyon. Wala silang ideya sa kung anong pinagdadaanan ni Ana. Tanging ang palagay na maaaring ito marahil ay napagkakatuwaan ng mga nilalang na hindi nakikita ang kanilang kutob. Hindi nila batid na mas malalim pa ang pinag-ugatan ng biglaang tila pagkawala sa katinuan nito. Ang pakikipagpunyagi nito sa mga taong pilit na inaagaw sa kanya ang kanyang kabataan ang labis na nagpapahirap dito. Ang pagkakait ng mga itong maranasan niya ang mga huling yugto ng pagiging bata ang naging hudyat ng kanyang tila pagbabagong-anyo. Ang mga mapagsamantalang hindi man pisikal ay sikolohikal siyang inabuso sa pamamagitan ng mga malisyosong gawi ng mga ito na hindi pa kayang tanggapin ng kanyang murang isipan.