"Ana, Ana..?" tawag ng kanyang pinsan sa labas ng kanilang bahay.
Naalimpungatan si Ana mula sa kaniyang pagkakaidlip sa kanilang mahabang bangko na gawa sa kawayan. Nakatulugan na pala niya ang pag- iyak kanina. Di na pati niya namalayan ang oras. Madilim na sa labas ng buksan niya ang pinto.
" Pasok kayo Bea, kuya Noli pasok…" aya niya sa dalawa.
"Kagigising mo ba? Alanganin naman ang tulog mo, di ka na makakatulog niyan mamaya,.." sabi ni Bea. "Kumain ka na ba?"
Naalala niya na hindi pa nga pala siya nakaluto ng hapunan. "Naku, pasensya na, di pa ko nakakapagsaing,.."
"Okay lang," wika ni Noli at saka iniabot sa kanya ang isang plastik na naglalaman ng pagkain. "May dala kaming kanin at ulam, sabay- sabay na lang tayo kumain."
"Salamat naman, hayaan 'nyo, ang almusal bukas ang sagot ako.." sabi niya. "ako ang bibili ng agahan natin bukas, binigyan ako ni tatay ng pera."
"Hala, maghain na tayo Ana." sabi naman ni Bea at saka nagtungo na ito sa kusina kasunod ang dalawa.
Maya- maya pa'y magkakasabay na dumulog sa hapunan ang tatlo. Tila saglit na nakalimutan ni Ana ang nangyayari sa kanya sa kanina. Bagaman wala sa piling niya ang mga magulang, may makakasama naman siya pansamantala habang wala ang mga ito. Maigi na rin kaysa wala, naisip niya. Kani- kanina ay halos wala man lamang siyang makausap. Ramdam na ramdam niya ang pag-iisa. Marahil gawa nga ng pangungulila kayat siya' y naging masyadong emosyonal.
Makuwento ang kaniyang mga pinsan. Hindi rin naman siya naiilang kasama ang mga ito dahil simula pa sa pagkabata'y sila na ang mga magkakalaro't magkakasama. Kumpara sa iba pa niyang mga pinsan, ito ang mga kasundong- kasundo niya.
"Ana, Bea, mamaya nga pala pupunta muna ako sa barkada ko ha pero babalik din agad ako,.." paalam no Noli sa dalawa.
"Hmmm, baka naman manliligaw ka?" may panunuksong wika ni Bea. "anong oras ka naman babalik?'
"Basta madali lang. Madaling- madali lang." sagot nito.
"Ay kuya kumita na yan,.. mag-iinom kayo 'no?" muling tanong ng kapatid nito. "umuwi ka lang ng amoy alak, susumbong talaga kita k'ela mama,.."
"Bea, pwede ba tigilan mo nga ako sa pagiging sumbungera mo,.." sabi nito. "Ana, h'wag kang gagaya d'yan sa pinsan mo, future reporter kasi 'yan, kaya mahilig mag-ulat,.."
Napangiti si Ana habang naghuhugas ng pinggan. Samantalang nginusuan naman ni Bea ang kapatid.
Maya- maya pa'y tumunog na ang cellphone ni Noli. Hudyat marahil na pinapupunta na ito ng kaibigan kung saaman ang mga ito magtatagpo.
"Sige na, aalis na muna ako, punta na ko k'ela Mike,.."sabi nito saka tumindig." i-lock ninyo itong pinto,.."
Humirit pa si Bea bago nakalabas ang kapatid. "Mike, baka Maica!"
Tumingin ito kay Ana pag-alis ng kapatid na tila may pagdududa sa mukha. Waring iniisip nito na hindi naman talaga kabarkada nito ang pupuntahan kundi ang nililigawan nito. Habang si Ana ay napapangiti sa asaran ng dalawa. Naupo sila sa sala.
"Ana, sa totoo lang, mag-papaalam din ako sa'yo,.." sabi ni Bea.
"Anu yun?" tila nalilitong tanong ni Ana.
"Magkikita kami ng boyfriend ko,.." tila nahihiyang imik nito. "pero talaga, saglit na saglit lang 'to,.."
"Kelan? Saan?" usisa niya.
"Mamaya. Pupunta yun dito, susunduin ako."
Tumango- tango si Ana.
"Alam ko namang maglalayas pa 'yun, si kuya," patuloy nito. "kaya sabi ko sa kanya, hintayin niya pagdaan ni kuya sa kanto bago siya pumunta dito,.."
Nanatiling siyang tahimik. Naghihintay sa kung ano pang sasabihin ng kanyang pinsan.
"H'wag mong sasabihin kay kuya ha,.." pakiusap nito sa kanya. "promise, mauuna akong bumalik sa kanya,.."
Matipid na ngiti ang isinukli ni Ana dito. Akala pa naman niya ay may makakakwentuhan na siya sa pagdating ng kanyang mga pinsan pero aalis din pala ang mga ito. Biglang may sumipol sa labas. Lumikha ito ng isang ritmo na maaaring tila pamilyar sa kanyang pinsan. Agad kasi nitong nakuha ang atensyon ni Bea.
Bigla itong napatindig." Andyan na siya, Ana. Si Dan nasa labas,.."
Napatayo din si Ana at magkasunod nilang tinungo ang pinto. Napansin nga niya ang lalaking nakatindig sa kanilang bakuran. Kinawayan nito ang kaniyang pinsan na hindi naman nag-atubiling lapitan ang katipan. Kumaway pa ito kay Ana bago tuluyang umalis.
Napabuntong- hininga si Ana. Ipininid niya ang pinto. Heto na naman siya. Muling nag-iisa sa maluwang na sala ng kanilang bahay. Habang ang kaniyang mga pinsan ay nasa kani- kanilang mga kaibigan at kasintahan. Tumingin siya sa orasan. Mag-aalas otso na ng gabi. Mga sampung oras pa bago dumating ang kanyang ina. Samantalang mga labing- pitong oras pa bago naman dumating ang kanyang ama. Tila napakabagal ng oras sa palagay niya. Inip na inip siya kaya minabuti na muna niyang manood sa kanilang maliit at luma ng telebisyon. Hindi na maganda ang reception ng nito kaya bihira na rin niyang buksan. Dangan nga lamang at wala siyang ibang mapaglilibangan. Hindi na rin halos marinig ang imik ng mga palabas na tila bumubulong na lamang ang mga taong pinapanood niya dito. Gayunpaman, pinagtitiyagaan niya na rin ito kaysa makinood sa mga kapit- bahay. Hindi kasi talaga siya pala-labas na tao.
Nang magsawa na siya sa panoood ay nagpasiya siyang patayin na din ito. Nagtungo siya sa kuwarto upang igayak ang kanilang mga higaan. Alas- nuwebe y medya na. Wala pa ring bumabalik sinuman sa dalawa niyang pinsan. Siguro'y hindi namamalayan ng mga ito ang oras habang kasama ang mga taong nagpapasaya sa mga ito. Samantalang siya nama'y damang- dama ang mabagal na pag-ikot ng mundo.
Naisip niya ang kanyang ama, ano kayang ginagawa nito ngayon? Nakakain na kaya ito ng hapunan? Pihadong hindi makatutulog ang kanyang ama, mapupuyat ito sa pakikipaglamay. Mas naiisip niya ito at mas naiinip siya sa pagdating nito kaysa sa kanyang ina. Palibhasa'y ang kanyang ama ang kanyang laging kasama, mas malapit siya dito kumpara sa kanyang ina. Kanina bago ito tuluyang nakaalis namataan niya si Tonying na lumapit dito.
" Ano kayang sinabi nito kay tatay,.." tanong niya sa sarili.
Inaalam kaya nito kung pasaan ang kanyang ama? Kung anong oras ito babalik at kung may kasama ba siya sa bahay?
Nag-iba ang kaniyang pakiramdam ng maisip ang lalaki. Bigla siyang napahiling na sana'y dumating na ang mga pinsan sa mga oras ding ito. Kanina pa nakaalis ang mga ito at nagsabing hindi sila magtatagal at babalik rin ngunit halos dalawang oras na ang nakalilipas pero hindi pa naiisipan ng mga itong muling bumalik sa kanilang bahay. Tumayo siya. Tinungo ang bintana saka sumilip dito na may pag-asang masisilayan niya isa man sa mga pinsan ngunit ni anino ay wala. Muli siyang umupo.
"Anong oras kaya sila babalik?" tila kinakausap ang sariling sabi niya.
Siguradong hindi siya dadalawin ng antok hanggat hindi dumarating ang kaniyang mga pinsan.
"Dumating na kayo, Bea, kuya Noli,.." mahina niyang usal habang alumpihit sa pagkakaupo.
Sa paglalim kasi ng gabi ay siya namang pagbalot sa kaniya ng kaba. Bigla ring sumagi sa kanyang isipan si Pandoy. Kanina nagsinungaling siya ditong may binili lang ang kanyang ama sa palengke at padating ang kanyang ina. Paano kung maisipan nitong bumalik sa kanila? Na lasing at katukin ang kanilang pinto? Ngayong nag-iisa siya at walang kasama? Nanginig ang kanyang buong katawan. Kusang kumikibo ang kanyang mga laman kahit hindi niya ito ginagalaw. Tumayo siya at tinungo ang kusina upang uminom habang dinig na dinig niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso.
Si Nonoy. Kanina nakita niya nakatambay ito sa may tindahan, hindi kaya alam din nito na umalis ang kanyang ama at bukas pa ang uwi? Kung nakatambay pa rin ito sa tindahan, malamang na nakita nito ang pag-alis ng kanyang mga pinsan. Baka alam din nito na wala siyang kasama ngayon? Ano kayat pumunta ito ngayon sa kanilang bahay? Na ito ay nasa impluwensya ng shabu? Sabi nila, ang mga nakakagamit daw ng ipinagbabawal na gamot ay nawawala sa wastong pag-iisip. Nakagagawa ng mga bagay na marahas at karima- rimarim. Baka kung anong gawin sa kanya nito? Baka gantihan siya nito sa pagwawalang- bahala niya rito?
"Blag!"
May kung anong malakas na tunog ang nagpagitla kay Ana. Lalo pang lumakas ang sasal ng kanyang dibdib bunga nito. Nagmumula sa bubong ang ingay. Naulinigan niya ang mga pusang nagbababag sa kanilang bubong. Sa kanyang pagtingala ay kitang- kita niya ang minsang paggalaw ng bahagi ng kanilang bubong kung saan ang mga pusa ay nag-aaway. Ang mga angil na nililikha ng mga ito ay may kabangisan. Waring mga hayop na may katatapangan na hindi papatalo at hindi aatras sa laban. Bagaman mga hindi naman kalakihang mga hayop ay malalakas ang loob na ipagtanggol ang kani- kanilang mga sarili. Ilang saglilt pa'y sa di malamang dahilan ay tumigil ang pagkakaingay ng mga pusa. Muling napuno ng katahimikan ang buong kabahayan.
Maya- maya'y tinungong muli ni Ana ang bintana upang tingnan kung paparating na ang kanyang mga hinihintay. Nang walang maaninaw na anuman ay agad niya ring isinara ito. Napapanglaw na baka ang mga taong kayang pinangangambahan ang masilayan sa kanyang pagdungaw.
Naisip niyang kung sila man lang sana ay may alagang aso na maaaring maging bantay sa labas ng kanilang bahay. Na kapag may parating na tao ay tatahol. Sanay makakaandam siya kung may ibang nilalalang sa kanilang bakuran. Ngunit tanging ang mga kuliglig ang bumabasag ng katahimikan sa gabing ito. Talagang nakabibingi nga ang katahimikan.
Nakabibinging masyado para sa kanya ang katahimikan ng gabi. Para ba itong sirena na palakas ng palakas sa kanyang tenga na nanunuot hanggang sa kailalim ng kanyang pandinig. Tinangka niyang takpan ang kanyang mga tenga upang hindi marinig ang tila ugong na hindi mapatid sa kanyang pandinig. Diniin niyang maigi ang paglapat ng kanyang mga palad sa mga ito sapagkat umaabot sa kanyang utak ang sensasyon ng nakabibinging tunog na iyon. Napasalampak siya sa sahig na parang dinadaig ang kanyang lakas ng ugong na nagmumula sa kawalan. Tuluyan na nga siyang napahandusay na parang isang sanggol sa sinapupunan sa kanyang pagkakabaluktot sa sementadong sahig. Pinikit niya ang mga mata sa tila hindi na makayanang puwersa na hindi niya alam kung saan nanggagaling.
"T-tama na!!! T-tama na!!!" sigaw ng nangangatal niyang bibig.
Hindi siya sigurado sa kung anong bagay ang kanyang gustong matigil basta't ang alam niya ay labis na nakabibingi ang tunog na napakalakas sa kaniyang tainga. Biglang siyang nanlamig na may panginginig sabay uminit ang kanyang buong katawan na para bang siya'y may mataas na lagnat. Halos mawalan siya ng ulirat at tila dinadaig siya ng liwanag na nagmumula sa ilaw ng kanilang bahay. Nasisilaw siya ng todo sa sobrang kaliwanagan nito. Animo ito'y sikat ng araw sa katanghaliang tapat. Tinangka niyang muling pumikit na may pag-asang babalik na sa normal ang kanyang pakiramdam sa oras na muli niya itong imulat. Muli siyang namaluktot. Yakap ang sariling tila giniginaw habang nagsimula na ring siyang pagpawisan ng malamig. Butil- butil ang pawis na namuo sa kaniyang noo. Patuloy pa rin sa malakas na pagsikdo ang kaniyang dibdib. Iminulat niya ang kanyang mga mata. Ngayo'y tila ang liwanag ng kanilang ilaw ay nakukulambungan na ng usok. Usok na habang tumatagal ay tila dinadaig na ang liwanag. Unti- unting dumilim ang kaniyang paningin sa paligid. Nagtatakang nalilito sa kung anong nangyayari sa kaniyang kabuuan . Para ba itong isang manipestasyon ng isang karamdamang ngayon lamang dumapo sa kanya.
"Hu-hu-hu,.." hagulgol niya. "Diyos ko, tulungan mo po ako…"
Tuloy- tuloy na bumalong ang luha sa kanyang mga mata.Iba't- ibang emosyon ang nasasaloob niya.. Magkakahalong pangamba, kalungkutan, takot at pangungulila. Subsob ang kanyang mukha sa sahig na ngayo'y binasa na ng mga luha ng kanyang mga mata. Para bang ayaw na niyang muling imulat ang mga mata ngunit ayaw niya rin namang manatiling nakapikit. Tinangka niyang iangat ang sarili mula sa pagkakalugmok ngunit hindi niya magawa.