Chereads / Mura' / Chapter 11 - Ang Manipestasyon

Chapter 11 - Ang Manipestasyon

Sisinok- sinok na muli siyang nagmulat habang nakahiga pa rin sa sahig ng kanilang sala. Wala na ang kanina'y usok na kumukulimlim sa kaniyang paningin. Inikot niya ang mga mata sa buong kabahayan. Sa kanyang pagkakahimlay sa lapag ay ibinaling niya ang mukha sa gawing pinto. Nakakita siya ng sinag ng ilaw na nagmumula sa siwang na nasa gawing ibaba ng kanilang pinto. Tila ba may malakas na liwanag na nanggagaling sa labas ng bahay. Para bang may sadyang nagtututok ng ilaw upang umabot ang ningas nito sa kanilang pinto. Nairita siya sa nililikhang sinag nito papasok sa kanilang bahay. Bumangon siya at binuksan ang pinto.

Natanaw niya ang nakahintong sasakyan sa harap ng kanilang bahay na nakasindi ang mga headlights sa magkabilang tabi nito. Hindi man niya kita ang lulan ng sasakyan ay batid niyang si Nonoy ito. Biglang nagsalubong ang kaniyang kilay. Nagpupuyos sa galit na lumabas siyang yaka saka humagilap ng batong maaaring ihagis sa nakaparadang sasakyan. Nakasumpong naman siya ng katamtamang laki ng bato.

"Gago ka, umalis ka ditong hayop ka-" sabi niya. "tarantado ka, sira-ulo ka, adik!!!"

Buong lakas niyang inihagis ang batong tangan. Malikot ang kanyang mga matang muling naghagilap ng anumang bagay na maaaring ipukol muli dito ngunit wala na siyang natagpuan. Maririnig ang mga tahulan ng aso sa mga kalapit bahay ngunit tila walang anumang ingay na nauulinigan si Ana. Tanging mumunting bulong na nag-uudyok sa kanyang gawin ang anumang mungkahing nanggagaling mula rito.

Nilingon niya ang sasakyan. Hindi pa rin ito umuusad kayat siya ang nagpasyang umusad palapit dito. Mistulang toro na nakahandang sumuwag sa sinumang babangga. Pagdating sa bakod ay binunot niya ang isang kahoy nito na para bang nagbunot lamang ng isang palito sa kaha ng posporo. Dinaig pa niya ang dalawang tao sa taglay niyang lakas ngayon.

"Ano, hindi ka talaga aalis!!!" sigaw niya sabay hampas sa hangin ng kahoy.

"Blag!"

Dinig na dinig niya ang paglapat sa sasakyan ng inihagay niyang kahoy ngunit sa aktuwal na sitwasyon ay bumagsak lamang ang kahoy sa semento. Bahagyang napipi ang unahan bahagi ng sasakyan na naging sapat upang magpasiyang paandarin na ito ng sakay nito.

"Tanda mo nang halimaw ka!!!" pahabol pa niyang wika ng makaalis na ito. "Ako pa liligawan mo, mahiya ka naman, kapal ng mukha mo!!!"

Muling umalingawngaw ang mga tahol ng aso sa mga kabahayan. May mga ilang tila mga nagpapahinga na ay nagsinding muli ng kani-kanilang mga ilaw sa loob ng bahay dulot ng nililikhang pagkakaingay ni Ana.

Sa kanyang muling pagbalik ng bahay ay walang patid ang pawis na dumadaloy sa kanyang mukha. Habol ang hiningang tila tumakbo ng may kalayuan. Naupo siya habang pabulong- bulong.

"Akala mo, matatakot ako sa'yo, gago!"

Muli inilibot niya ang paningin sa buong kabahayan. May pagtayo at paglalakad siya sa sala. Pauli- uli hanggang sa kanilang kusina. May kagaanan ang kaniyang pakiramdam sa kaniyang katawan na hindi siya kakikitaan ng pagod sa panay na pag-ikot sa loob ng bahay. Hanggang sa may naulinigan siyang sitsit na nanggagaling sa kanilang kusina.

"Pssst, pssst, Ana,.."

Agad niya itong tinungo ang bintana doon hanggang sa may naaninaw siyang tila isang taong nagkukubli sa kanlong ng mga dahon ng punong saging sa kanilang likod- bahay. Alam niyang si Pandoy ito. Walang anu- ano ay hinugot niya ang itak ng kaniyang ama mula sa kaluban nito.

" Lumapit ka lang dito ng makita mong hinahap mo!" nanggagalaiting sabi niya habang iwinawagayway ang itak.

Itinaga niya ito sa ibabaw ng mesa. Sa lakas ng kanyang pagkakataga ay tumalon ang basong nakapatong dito saka nalaglag at nabasag. Nagkapira- piraso ang bubog sa sahig ngunit tila hindi ito pansin ni Ana. Ang atensiyon niya ay nakatuon sa patuloy pa ring pagsitsit sa kaniya ng lalaki. Tila ba tinutudyo siya nito at hindi tumitigil sa pagtawag ng kanyang pansin. Muli siyang lumapit sa bintana ng kanilang kusina at inilabas ang itak sa durungawan nito.

"Putang ina mo, sige lumapit ka dito, pedopilya kang hayop ka!!!"

Tila wala sa sariling sigaw niya sa punong walang kalaban- laban sa talim ng hawak niyang itak. Subalit iba naman ang paningin niya sa anyo nito. Isa itong pangisi- ngising lalaking kanina lang ay naghayag sa kanya ng pagtatangi.

" Lalabasin kita dyan, ano? Hindi ka aalis, alis dyan!!!"

Nagpaikot- ikot siya sa mesang nasa kusina habang tanggan pa rin ang patalim. Hindi alintana ang mga bubog ng basong nabasag na bumabaon sa kanyang talampakan. Manhid ang kanyang katawan. May mapabangga siya sa mga silyang nakapalibot sa mesa sa sobrang tining ng kaniyang paglalakad sa palibot nito. Bigla siyang napabaling sa kanyang silid. Tinungo niya ito at saka binuksan ang bintanang nasa gilid nito. Tila may narinig siyang kumakaluskos sa tapat ng kanyang kinatatayuan.Tanaw niya ang kulungan ng mga manok ng kanyang ama. Para bang may animo'y dumudungaw sa bawat hanay ng manok na nakakulong dito.

"Tonying, 'tang ina ka…, Tonying!" bulyaw niya.

Lumabas siya ng silid diretso palabas ng pinto ng hindi pa rin nang hinid pa rin nagsusuot ng sapin sa paa. Walang anu- ano'y nagtungo siya sa may kulungan ng mga manok saka tumalikod dito na para bang pinoprotektahan ang mga ito laban sa taong kaharap niya ngayon.

" Nakikita mo 'to?" tanong niya sa hangin. " kahahasa lang nito ni tatay kahapon,"

Biglang iniunday niya ang itak sa paanang bahagi ng kulungan. Lumikha ito ng bahagyang pagyanig ng nasabing kulungan na ikinagulat ng mga manok. Sabay- sabay na nag kaingay ang mga nakakulong dito. Nagsiyapan ang mga sisiw at nagputakan ang mga tandang. Pumailanglang ang ingay sa katahimikan ng gabi. Dinig na dinig ng mga kapit- bahay ang ingay na nagmumula sa kanila.

" Ang susunod na taga, sa katawan mo na tatama kapag hindi ka pa umalis," buo ang loob na wika niya.

Sa kanyang mga mata ay hindi natitinag ang lalaki sa kanyang pagbabanta dito. Tila sinusubukan siya nito kung talagang magagawa niya ang kaniyang mga sinasabi.

" Tang 'na ka!!!" sabi niya habang galit na galit na inuunday ang itak sa ere. "maniac ka, malibog ka, putang ina mo!"

Sa unang pag-unday pa lamang niya ng itak ay matagumpay niya itong nasindak. Talilis itong umalis sa kanilang bakod na halos magkandarapa sa pagdudumali. Naiwan siyang taas- noong nakatindig sa gitna ng kanilang bakuran. May mga mangilan- ngilan ng kapit-bahay na nagising sa kaniyang pag-iingay na ngayo'y nakapalibot na sa labas ng kanilang bakod bakas ang mga pagtataka sa kaniyang pagwawala ng walang dahilan. Subalit hindi ito nasasakop ng nakikita ni Ana. Tila iba ang rumirehistrong larawan sa kanyang utak sa mga nagaganap sa kanyang paligid.

Pumasok siyang muli ng bahay. Isinarado ang pinto saka ibinalik na sa kaluban ang itak. Nag-iiwan ng bakas ng dugo ang kanyang bawat hakbang dulot ng kaniyang pagkakatibo sa nabasag na baso sa kusina. Pero nakapagtatakang parang hindi niya ito iniinda. Diretso at mabilis ang kanyang mga lakad. Marahil ay hindi niya na masyadong pinagtutuunan ang anumang pisikal na sakit o kirot. Mas nananaig sa kanya ngayon na labanan ang mga emosyong dati'y kinikimkim niya lamang sa kanyang sarili. Ang mga pangamba't takot ngayo'y masasabi niyang kanya nang nalampasan. Matapos niyang makipagtuos sa mga taong mapagsamantala't mga tumandang walang pinagkatandaan. Nagbubunyi ang kanyang kalooban sa nagawa niyang matagumpay na pagtatanggol sa kanyang sarili.

May kapayapaan siyang muling naupo sa silyang gawa sa kawayan. Simula ngayon hindi na niya kailangang mag-alala pa para sa sarili maging sa kanyang pamilya, kumbinsi niya sa sarili. Inilapag niya ang tangan na itak sa ibabaw ng maliit na mesang nasa gitna ng kanilang sala. Patuloy ang malikot na pag-ikot ng kanyang mga mata sa kabuuan ng bahay. Pinakikiramdaman niya kung may mangangahas pang manligalig sa kanyang teritoryo. Hanggang sa muli na naman siyang nakarinig ng mga kaluskos. Sinundan pa ito ng mga yabag. Maging ng mga tawanan.

"Ana, Ana… sakay na,.." tila wika ng isang tinig.

Napabaling siya sa may pinto. Naaninaw na naman niya ang sinag na nagmumula sa ilalim nito. Ngayo'y parang pinapatay- sindi ang ilaw nitong nakatutok sa kanilang bahay. Nagbalik si Nonoy, sa isip- isip niya. Tumindig siya at sa kanyang pagtayo ay isa na namang tinig ang pumukaw sa kanyang atensyon.

"Psst, psst, Ana, sumama ka na sa akin, magtanan na tayo,.." tila anas namang wika ng isa pa.

Kinuha niya muli ang itak. Muling namuo ang galit sa kanyang puso. Hindi pa siya nakakahakbang ay may naulinigan na naman siyang tinig.

"Akin ka Ana, akin ka!!!" malakas namang imik ng isa pa.

Mabilis na pinalibutan ng kaniyang mata ang buong bahay. Ang pinto, tila may kumakatok sa pinto. Malalakas na katok na nagpapagalaw sa tabla nito.

"Pareng Hose! Pareng Hose! Akin lang ang anak mo, akin lang si Ana!!!"

Napa-atras siya. Ang kabang kanina'y tila napawi na ngayo'y muli na namang namayani sa kanyang dibdib.

"Hahaha, ako ang mahal ni Ana,.."

"Ana sa akin ka sumama,.."

"Psst, psst, dito Ana sa may kusina,…"

Hindi malaman ni Ana kung saan itutuon ang atensyon. Sabay- sabay ang mga tinig na kanyang naririnig na nanggagaling sa palibot ng kanilang bahay. Lalong naging mas malikot ang kanyang mga mata. Mas nanginig ang kaniyang katawan. Baling sa kaliwa, baling sa kanan ang kanyang gawa. Di niya malaman kung saan tutungo habang palakas ng palakas ang mga tinig. Sa kaniyang paningin ay tila utay- utay na ring nagalaw ang kanilang ilaw na para bang dinuduyan. Maging ang kanilang bahay ay tila gumegewang. Palakas ng palakas ang mga tinig sa kanya pandinig. May kasamang malulutong na tawanan. May nagpapalakpakan katulad ng eksena kapag may nagsasabong sa kanilang bakuran. Hindi na niya halos maintindihan ang imik ng bawat isa. Tinakpan niya ng kanyang tenga. Naglalayong mawala lahat ng boses na pilit nagsusumiksik sa kanyang utak.

"Sige, tirahin mo,.."

"Tang 'na ka, buhay ka pa,.."

"Isang kisi pa, patay na yan.."

"Todasin mo na, tuluyan mo na,.."

Sa imahinasyon ni Ana ay tila may nag-uulutan sa kanilang bakod at kasalukuyang nagsusultada ang mga kaibigan ng kaniyang ama. Tila ba inuudyukan siya ng mga itong tumayo at sugurin ang kaniyang mga kalaban. Tulad ng mga panabong na manok na nagsasalpukan sa bawat nitong paglipad. Gusto niya subukan kung paano ang pakikipagsabayan sa pakikipaglaban. Tumayo siya. Tangan ang itak na magsisilbi niyang tari. Buo ang loob na mamatay o makapatay.

Mabilis ang kaniyang naging pagkilos. Hinawi ng itak ang lahat ng madaang nakapatong sa tokador ng kanilang kusina. Nanabog ang mga asukal at asin. Talsikan ang mga pangrekadong bawang at sibuyas. Kasunod ang pagbagsak ng mga pinggan ng kanyang itinaob ang pinaglalagyan ng mga ito. Nagliparan ang mga kutsara't tinidor. Hindi pa siya nakuntento at pinagtataga ang tapayan. Sa lakas ng pagkakataga niya ay nabasag ito. Sa pagkabasag nito'y ibinuga nito ang tubig sa loob. Sinundan ito ng malalakas na salimbayan ng bagsakan ng mga kaldero't kawali. Pakiramdam niya'y lumilipad sa bawat pag-imbay ng itak. Mistulang manok na paspasang sumasagupa sa kalaban nito.

"Bwahahaha, ganador ang isang 'to!!!" pagpupugay sa kanya ng isang tinig.

"King Cobra ang lahi niyan !!!" sabi naman ng isa pa.

"Whuuuuu, fastest kill!!!"

Tila naman naigihan sa mga narinig si Ana. Nagpatuloy siya sa pagwasak ng itinuturing niyang mga kalaban. Sunod niyang tinungo ang kanilang kuwarto. Tinadtad niya ang bawat unan na nasusumpungan. Maging ang mga aparador ay hindi nakaligtas. Pinagtataga niya ito. Panabog ang mga damit na laman nito sa sahig sa bawat niyang paghablot. Maya- maya pa'y tinungo niya ang sala. Walang panghihinayang na tinabig niya ang telebisyon. Basag ang salamin nito sa sahig. Ang mga palamuti't litrato nilang nakasabit sa dingding ay lahat nagbagsakan. Nang wala ng iba pang mapagbalingan ay tila napatigil siya sa paninira.

Sa kanyang pagpihit ay napansin niya ang kanyang repleksyon sa isang salaming bagaman may bahagyang lamat ay nanatiling nakasabit sa dingding. Napamaang siya sa hitsura ng kaniyang sarili. Halos hindi niya makilala ang nasa harap niya ngayon. Nakatitig siya sa mga mata nito. Wari ba ito'y nakikiusap. Na parang napapagod na. At parang nalulungkot sa pangyayaring kanyang nasaksihan. Lumapit siyang maigi sa salamin. Sinuri niyang maigi ang anyo. Tila may nababakas siya ditong nagtatagong takot. Para bang humihingi ito ng saklolo. Nang tulong na manggagaling sa kanya. Hindi nagtagal at nag-uunahang pumatak ang mga luha sa mga mata nito. Tila siya naubusan ng lakas na kusang nalaglag ang kanyang hawak na itak kasunod ng kanyang pagdausdos sa sahig. Walang tigil na siya'y napahagulgol. Tila bumalik ang kaniyang ulirat sa normal na kalalagayan nito. Ngayon siya nakaramdan ng panghihina.

"Ang sasama nila,.." usal niya. "wala silang kasing sama,.."