Chereads / Mura' / Chapter 7 - Ang Matuwain sa Bata

Chapter 7 - Ang Matuwain sa Bata

"Sakay na oh,.. isa pa sa kaliwa,.." sambit ng tsuper sa ngayo'y nakatayong si Ana sa may waiting shed.

Papasok siya ng paaralan at inaaasahan na niya ang siksikang mga pasaherong nagmamadali sa pagpasok tuwing ganitong araw. Pinalampas lang niya ang jeep sapagkat mula sa labas ay kitang- kita niya sa bintana ng sasakyan na dikit- dikit na ang mga pasahero sa loob. Tila digping- digpi na ang mga ito sa pagkakaupo at kung may isa pa ngang kulang ay hindi siya ang pupuno roon.

Maya- maya ay natanawan niya mula sa kabilang kalsada ang kanilang kapit- bahay na si Nonoy. Patawid ito ng kalsada sa gawing kinaroroonan niya. Nang masiguro nitong wala ng paparating na sasakyan ay saka mabilis nitong tinawid ang kalsada.

"Papasok ka na Ana?" tanong nito.

"Oo, kuya…" sagot niya.

Nag-aalangan siyang mangopo dito sapagkat di pa naman ito katandaan. Sa tantiya niya ay nasa trentahan lang ito mahigit. Mataas itong lalaki na may kaitiman. Malaki ang pangangatawan nito. Ngunit ang kapansin- pansin dito ay ang malalaki at namimilog nitong mga mata. Mukha itong suplado kayat medyo nagulat siya ng imikan siya nito. Sa kanilang lugar kasi, bihira itong mamansin. Bagaman ilang bahay lang ang layo nito sa kanila, kapag nakakasalubong niya ito sa daan ay hindi ito bumabati. Kayat tila nakakapanibago na kinakausap siya nito ngayon.

Sa pagkakaalam ni Ana, isa itong taxi driver at marahil ay papasada ito sapagkat nakasuot ito ng puting polo na may tatak ng kumpanya ng taxi na ipinapasada nito. Batid din niyang isa itong user sa kanilang lugar. Naikuwento iyon sa kanya ng pinsan niyang si Bea noong minsan, kalapit bahay kasi nito ang lalaki. Naulinigan daw ng kanyang pinsan ang minsang pagtatalo ng mag-asawa dahil sa talamak na pag-shasabu nito. Pero hindi ito katulad ng iba na halatang- halatang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Disente itong kumilos. Hindi rin ito nakikisalamuha sa iba pa nilang mga kapit- bahay. Isa pa'y maganda ang pangangatawan nito kayat hindi mo iisiping ito'y isa ngang drug addict.

"Sige, sabay na tayo,.." wika nito habang nakangiti sa kanya.

Hindi naman sa pagiging paranoid pero iba sa pandinig niya ang tinuran ng lalaki. Nailang siya ng bahagya. Hindi kasi talaga niya ito masyadong kakilala bagaman alam niya ang pangalan. Ito nga ang unang beses na kung saan ay nagkaroon ng maikling pag- uusap sa pagitan nilang dalawa. Hinihiling niya na sana'y may dumaan na agad na sasakyan upang makasakay na sila at makarating sa kani- kanilang pupuntahan ng matapos na ang isang engkuwentro nilang ito. Sapagkat hindi siya komportable na tumagal pa kalapit ang lalaki at wala siyang alam na maaari nilang pag-usapan ng matagal habang wala pang sasakyan.

Tumanaw siya sa pinanggagalingan ng mga jeep. Wala pang makikitang paparating na sasakyan kung kayat pinili niyang manahimik na lamang. Ang lalaki na ang bumasag ng katahimikang ito.

"Anong grade ka na, Ana?" tanong nito.

"Grade 6,.." matipid na sagot niya.

"Grade 6 ka pa lang ba, pero dalagang- dalaga ka na,.." sambit nito at saka pinaliguan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. "Ang ganda mo, Ana.."

Namula siya sa sinabi nito. Maging ang naging pagtingin nito sa kabuuan niya ay nagdulot ng kakaibang kilabot sa kanya. Ang kabang nararamdaman niya kapag nasusumpungan si Tonying at si Pandoy ay siyang nararamdaman niya ngayon. Pilit niyang iwinaksi ang tingin sa kausap saka may pananalanging humiling na sana ay may dumating ng sasakyan kahit pa punuan.

"Ana pwede ba kitang ligawan?" biglang tanong nito.

Hindi niya alam kung matatawa siya sa tanong nito. Kung ito man ay isang biro, hindi ito magandang biro para sa kanya. Pero malabong nagbibiro ito sapagkat seryoso ang hitsura nito sa pagkakasabi. Pamilyado na itong tao at higit sa lahat, napakalaki ng agwat ng edad nila! Ano't bigla itong nagpapaalam ng panliligaw sa kanya?

"Hindi naman siguro masama iyon, di ba? Ligaw lang naman,.. pwede ba?" dagdag pa nito.

Patindi ng patindi ang kabang nararamdaman ni Ana habang humahaba ang kanilang pag-uusap. Hindi pati siya makasagot sa bawat pagtatanong nito. Tila umurong ang kaniyang dila sa nerbiyos. Hindi niya rin lubos maisip ni sa hinagap na ang isang taong dekada ang layo ng edad sa kanya ay magiging manliligaw niya! Sa kabila ng pagiging may asawa nitong tao ay papaanong nakakapaglakas ng loob itong magsabi ng mga ganitong bagay sa kaniya? Baka nakadroga ito sa ngayon at siya ang nais pagtripan. Pinili niyang idaan sa biro ang lahat.

"K-kapag nalaman ito ni ate Alma, lagot ka,.." nag-aalangang sabi niya.

Hindi niya alam kung napansin ng lalaki ang bahagyang panginginig ng kaniyang boses dala ng kaba at takot. Nais niyang gawing biro lamang ang lahat kung kayat iyon ang naging tugon niya dito. Gusto niyang iparating dito na hindi niya sineseryoso ang sinasabi nito.

"Hindi, hindi niya malalaman, ba't naman ipapaalam pa natin di ba?" tanong nito.

Natin? Natin! Na para bang may kasunduan na sila! Ang kapal naman ng mukha nito, saloob- loobin niya. Abot–abot ang kaniyang panalangin na sana ay may dumating ng sasakyan at hindi na niya matagalan ang presensya ng lalaki sa tabi niya. Nangangamba siya sa kanyang pagkakatayo malapit dito. Ang tingin niya ngayon dito ay isang kapre na lalapa sa isang may kahinaang dagit. Wala talaga siyang kalaban- laban sakaling siya'y pagtangkaan nito ng masama.

Tila dininig naman ng langit ang dalangin ni Ana. Isang jeep ang umibis sa kinatatayuan niya. Mabilis siyang sumakay bagaman halos mapuno na rin ito ng mga pasahero. Ramdam niya ang lalaki na nakabuntot sa kanya. Umupo siya sa parteng siya na lamang ang kakasya sa upuan habang ang lalaki ay sa tapat niya naupo. Pinili niyang manatiling nakaharap sa bintana upang maipakita sa kaharap na hindi siya interesadong makipag- usap dito. Bagaman dama niya pa rin ang kaba sa dibdib, pilit niyang pinatatatag ang sarili na para bang hindi siya apektado sa mga panukala nitong gawin kaugnay sa kanya.

Nais niyang agad masapit ang paaralan. Hindi talaga siya komportable na kasama sa iisang sasakyan si Nonoy.

"Para po sa tabi,.." maya- maya'y sabi ng isang pasaherong nasa tabi ni Anna.

Huminto ang sasakyan at bumaba ang pasahero na agad namang sinamantala ni Nonoy ang nabakanteng puwesto at doon ito umupo. Ngayon ngang katabi na mismo niya ang lalaki, pakiramdam niya'y tila siya naparalisa sa pagkakaupo. Hangga't maaari ay ayaw niyang gumalaw upang hindi mapadikit o mapadampi ang balat niya sa katabi. Nanatili siyang nakaharap sa bintana ng jeep at bahagyang nakatalikod sa lalaki subalit malakas niyang pinakikiramdaman ang katabi sa kung anong maaaring gawin nito sa kanya.

"Ano, Ana, pwede ba..?" anas nito malapit sa kanyang tainga.

Tila nangapal ang paligid ng kaniyang tainga sa ibinulong nito. Nakapangingilabot ang dating ng boses nito sa kanya. Animo'y isang alagad ng diyablo na nag-uudyok sa kanyang gumawa ng isang karima- rimarim na bagay. Lalong lumakas ang kanyang ikinukubling kaba. Sa kanyang tantiya, namumutla na siya sa nerbiyos sapagkat ramdam niya ang panunuyo ng kanyang labi. Hindi niya magawang sumagot. Tila umurong ang kanyang dila. Dala na rin marahil ng kanyang takot na baka kung tumanggi siya ay magalit ito. Na baka pagbantaan siya nito kung hindi siya pumayag. O baka mas masahol pa ay maging marahas ito.

Biglang naramdaman niya na mas umisod ang lalaki palapit sa kanya na para bang gusto nitong mas higit na mapalapit ang pagkakatabi sa kanya . Ngayo'y bahagya ng nababangga ng hita nito ang pigi niya. Para itong kuryenteng agad dumaloy sa kabuuan niya. Gustong- gusto niyang lumayo rito o lumipat ng mauupuan ngunit pinipigilan siya ng kanyang isipan. Iniisip niyang baka maging iba ang dating nito sa lalaki. Na baka isipin nitong masyado siyang maarte at mapikon ito. Baka ito umimik ng masasakit na salita na ikapapahiya niya sa isang pampublikong sasakyan. Hindi niya malaman ang gagawin sa pag-iisip kung anong maaaring ibunga ng isang pagpapasayang manggagaling sa kanya. Sa totoo lang balot na balot siya ng takot sa katabi. Para ba itong isang kriminal na kailangan niyang pangilagan ngunit sa pagkakataong ito ay hindi niya magawa sa pangambang baka ang anumang kilos niya ang maghatid sa kanyang ikapapahamak.

Pag- ikot sa isang kanto ay isang malakas na katok sa bubungan n jeep ang pumukaw sa kanyang paninimbang sa kung anong susunod na hakbang.

"Mama, para na,!" sabi ni Nonoy. Kinalabit siya nito sa likod bago tuluyang bumaba.

Hindi man lamang nilingon ni Ana ang lalaki ng sa pagbaba nito. Tila nabuhusan siya ng malamig na tubig ng makaalis na ito. Nagsimula na rin siyang makakilos ng may kalayaan. Pakiramdam niya'y nakapiglas sa matinding pagkakagapos. Ang kaunting oras na sandaling iyon ay parang naging napakahaba sa tindi ng kanyang naging mga emosyon. Sa dinami- dami ng kanilang mga kapit- bahay na maaari niyang makasakay ay kung bakit si Nonoy pa, naisip niya.

Pero, seryoso nga kaya ang sinabi nito sa kanya? Baka naman sinusubok lamang siya nito kung madali siyang mauto. Na kung siya'y pumayag ay iisipin nitong uto- uto nga siya na kahit isang biro lang ay agad siyang sumasakay. Maigi nga kung ganoon sapagkat wala naman siyang inimik na makapagpapasama sa kanya. Ni wala siyang naging konkretong tugon dito kaya wala siyang dapat ipangamba.

Maaari rin namang nag-tritrip lamang ito. Baka ito'y nakadroga at naghahanap ng mapagtritripan na nagkataon namang siya ang napagdiskitahan pero wala talaga sa isip nito ang mga sinabi. Na baka kapag nahingawan na sa ipinagbabawal na gamot ay wala na itong maalala sa mga pinagsasabi. Baka nga epekto lamang ng pagka- high nito sa shabu ang pag- aalok nitong manligaw sa kanya, kumbinsi niya sa sarili. Dahil kung talagang iisipin, sino ba naman ang taong normal na maglalakas- loob pang manligaw sa isang kapit- bahay na alam na alam na is aka nang pamilyadong tao?

Gayunpaman, hindi niya maaaring ipagsawalang- bahala lamang ang pangyayaring iyon. Dahil kung talagang buo sa loob ni Nonoy ang kanyang mga sinabi kanina, maaaring isa rin itong banta sa kanya. Tulad nila Tonying at Pandoy, maaaring may kung anong motibo din ito sa kanya. Samakatuwid, dapat din niya itong iwasan. Kung bakit ba naman siya napalilibutan ng mga ganitong uri ng tao? Tanong ni Ana sa sarili.