Chereads / Mura' / Chapter 6 - Ang Araw ng mga Patay

Chapter 6 - Ang Araw ng mga Patay

"Tayo na, nang hindi tayo gabihin." yaya ng kanyang ina sa kanilang mag-ama.

Abala pa silang dalawa sa pag-aayos ng kani- kanilang mga sarili. Siya sa pagpupuyod ng buhok habang ang kanya namang ama ay sa pag aahit ng bigote nito. Araw ng mga patay ngayon at nakatakda silang bumisita sa mga lolo at lola niyang namayapa na. Nakagawian na nilang dumalaw sa sementeryo kung tanghali na upang makaiwas sa bugso ng mga taong napunta doon. Ngayon nga na alas- dos na ng hapon ay hindi pa sila nakakaalis kayat panay na ang pagdudumali sa kanilang dalawa ng kaniyang ina.

"Kung bakit naman kasi ngayon pa mag-aahit ng bigote ang tatay mo, eh ang haba- haba ng oras kahapon,.." singhal nito. Nakapameywang na ito sa tabi ng kanilang pinto na para bang inip na inip na.

" Sus, Martha, dumale ka na naman," sagot ng kanyang ama. " Hindi pa naman magsasara ang sementeryo…"

Lalong nainis ang kanyang ina sa tinuran nito. Umismid ito sabay kuha ng susi at kandadong nakapatong sa maliit na mesa. Maituturing na rin kasing reunion ito sa panig ng kanyang ina. Dito kasi nagpapanumpong ang mga kapatid nito at iba pang kamag- anak sa mga puntod ng kanilang namayapa ng mga magulang tuwing sasapit ang todos los santos. Kayat ganoon na lang marahil ang pagiging excited nitong makarating agad sa sementeryo.

" Dalian mo 'tay, galit na si nanay." sambit ni Ana na katatapos din lamang makapag-ayos ng sarili.

" Mamaya, magpopomada pa ako,." nakangisi namang tugon nito.

Tila naulinigan ito ng ina na nasa labas na ng pinto nila.

"Hay, naku, mauna na nga tayo," yaya nito sa anak. " Sumunod ka na lang sa amin ng anak mo." Saka tumalikod na ito at akmang magsisimula ng lumakad.

"Teka, teka,..matatapos na ko, one minutes na lang, one minutes,.." anito habang panay ang paghagod ng suklay sa buhok nitong may mangilan- ngilan na ring uban.

" Naku Hose ha, tigil- tigilan mo nga ako sa pag- iingles mo, mali- mali naman,." wika ng kanyang ina na tila pinipigil ang pagsilay ng ngiti sa harap ng kanyang ama.

" Bakit what did I did?" muling banat nito habang ibinabalik ang suklay sa tokador.

Tuluyan ng napangisi ang kanyang ina. Maging si Ana ay napangisi sa biro ng ama. Ni minsan kasi, kahit na nagkakatampuhan ang kanyang mga magulang ay hindi pa niya nakita ang mga itong nag-away ng matindi. Papaano ba naman, sa tuwing nagagalit ang kanyang ina ay tila hindi naman sineseryoso ng kanyang ama. Dinadaan lamang nito sa biro ang bawat pakikipagtalo ng kanyang nanay dito. Na bandang huli, kapag napatawa na nito ang kanyang ina ay parang wala ng nangyari.

Isa ito sa ipinagpapasalamat ni Ana. Ang pagkakaroon ng mabubuting magulang. Mahal na mahal niya ang mga ito. Kung kayat hanggat maaari ay ayaw niyang bigyan ang mga ito ng anumang pabigat o sakit sa ulo. Sa pinansyal na bagay, hindi na siya naghahangad ng mga bagay na mauuwi sa malaking kagastusan. Gustuhin man niya na magkaroon ng mga bagay na ipinagkakaloob ng ibang magulang na luho sa kanilang mga anak ay hindi na niya inaasam. Sa kadahilanang alam niya ang katatayuan nila. Ayaw niya ring bigyan ang mga ito ng sama ng loob at alalahanin kung kayat sinusunod niya ang mga ipinaguutos at mga pangaral sa kaniya ng mga ito. Marahil, isa nga rin ito sa dahilan kung bakit hindi niya pinapaalam sa mga ito ang kanyang pinagdadaanan. Ayaw niyang magkaroon ng anumang ikababalisa ang mga ito sa kanya. Mahirap mang sarilinin ang kanyang nararanasang mga pang-aabuso, ay kanya na lamang itinatago ito sa kanyang sarili.

Naging maayos naman ang kanilang pagbibiyahe patungo sa sementeryo. Nang makarating ay nagkamustahan ang kanilang mga kamag- anak sa kaniyang mga magulang. Bihira ang mga pagkikita ng mga kapatid ng kanyang ina sapagkat malalayo ang mga pinanggagalingan ng mga ito. Karamihan kasi sa mga ito ay nasa iba't- ibang parte na sa Maynila nakatira. Mabuti na lamang at sila'y nasa Rizal lamang kung saan nakalibing ang kanyang mga lolo at lola. Hindi siya masyadong malapit sa mga pinsanin niya sa parte ng kanyang ina gawa nga ng bihira silang magpangi- pangita. Pero sa mga pinsan niya sa parte ng kanyang ama ay maraming siyang kapalagayang- loob. Malalapit lang kasi sa sa kanilang bahay ang mga ito. Palibhasa'y tubong Rizal talaga ang kaniyang ama.

Kalat na ang dilim ng sila'y makauwi. Sa mga bahay ngang madadaanan patungo sa kanila ay may mga nakatulos ng kandila sa harapan ng bahay. Isang paraan daw ito ng mga taong hindi nagawang makadalaw sa mga namayapa nilang kamag- anak na magnilay- nilay din naman sa kanilang mga yumao. Habang naglalakad sila patungo sa kanilang tahanan ay sinalubong na sila ng kanilang kapit- bahay. Si Aling Lydia, dalawang bahay lang ang pagitan nito sa kanila.

" Pareng Hose, kanina pa may naghihintay sa iyo,…" sabi nito. Kinapitan nito sa braso ang kanyang ina. " nakatulog na nga sa paghihintay, tingnan nyo,..."

Takang- taka ang kanyang ina maging ang kanyang ama. Sino naman ang magpupunta sa kanilang bahay ngayong araw ng mga patay? Wala pati silang inaasahang bisitang darating. Nang malapit na sila sa harap ng kanilang bahay ay sumalubong naman si Mang Manoy sa kanila.

" Naku, pare, kanina ka pa hinihintay ni Pandoy,..." sambit nito.

" Ayan oh,.." sabay turo nito sa kanilang bakuran. "Nag- inom na lang mag-isa hanggang makatulog,! Hehehe,.." sabi nito at saka tinapik ang kanyang ama sa balikat.

Nang masapit nila ang bahay at masilayan ang sinasabing lalaki ay talaga nga namang gulat na gulat sila. Si Pandoy ay nakahandusay sa kanilang bakuran sa mismong tapat pa man din ng kanilang pinto. Tuwid na tuwid ang pagkakahiga nito na parang isang malamig na bangkay. Ang mga basyo ng serbesang ininom nito ay nasa paanang bahagi habang tatlong kandila ang nakatirik sa may ulunan nito.

Muli na namang nabuhay ang kaba sa dibdib ni Ana. Nakapangingilabot ang hitsura nito. Marahil ay kung naabutan sila nito bago umalis ng bahay ay niyaya na naman nito ang kanyang ama sa pag-iinom. Mga walong basyong beer ang naubos nitong laklakin mag- isa. Siguro dahil sa labis na kalasingan ay hindi na nito nagawang umuwi sa kanilang tinutuluyan at saka nagpasyang humiga na lamang sa kinaroroonan nito. Lumapit ang kanyang ama dito habang silang mag- ina ay dumistansya ng bahagya sa lalaki.

"Pareng Pandoy, Pareng Pandoy,.." pukaw ng ama. Niyuyugyog nito ang balikat ng lalaki. " Pareng Pandoy, gising na, umaga na.." pagbibiro nito.

"Maigi pa siguro puntahan mo iyong asawa at siya mong pagisingin d'yan.." mungkahi ng kanyang ina.

"Sige, pupuntahan ko, hala, pumasok na kayong mag-ina,.." utos ng kanyang ama.

Dahan- dahan silang lumapit sa lalaki. Hindi maiwasang malakdangan nila ito sapagkat nakabalandra ito sa daraanan papasok ng bahay. Gayun na lamang ang takot na namamayani kay Ana habang kaunting distansya lamang ang layo niya dito. Nais niyang dali- daling makapasok sa loob ng kanilang bahay at baka biglang magising ang lalaki habang nasa labas sila at hilain ang kaniyang paa. Panlamig ang kaniyang palad maging ang kaniyang talampakan. Sa sandaling makapasok ay para naman siyang nahimasmasan. Agad niyang tinungo ang silid upang makapagbihis. Maya- maya pa'y may naulinigan na siyang nagkakaingay sa labas ng bahay.

" Pandoy, gumising ka,.." sabi ng isang tinig ng babae. " Hoy, Pandoy, ano ba? Bangon na,.."

Sumilip siya sa bintanang nakaharap sa kanilang bakod at natanaw niya ang isang babaeng iniaangat ang braso ng lalaki. Marahil ito ang asawa nito, naisip niya. Isang matabang babae na may kababaan. Hirap na hirap itong ibangon ang nakapikit pa ring asawa.

" Pandoy, ano ba? Nakakahiya na itong gawa mo, tayo na." malakas na ang tinig nito.

Parang nagising naman ang lalaki sa napalakas na pag-imik ng asawa. Kusa na nitong ibinangon ang kalahating katawan. Habang nanatili itong nakaupo at saka iniangat ang tingin sa babae. Waring namukhaan nito ang gumigising sa kaniya.

"Bitiwan mo nga ako, peste kah!" bulyaw nito sa asawa sabay bawi sa braso nitong tangan ng huli.

Lumapit ang kanyang ama sa lalaki na kanina'y nasa likod ng asawa nito. Mapapansin din ang pag-uusyoso ng ilang nilang mga kapit-bahay sa harap ng bakuran. Narinig marahil ang pagsigaw ng lalaki sa asawa nito.

" Pare, pahinga ka na muna sa inyo,.." pakiusap ng kanyang ama.

"Tarantadoh iyan, eh! " wika nito na ang tinutukoy ang asawa. "Pinapahiya ako sa mga tao,.. gago,.."

"Ikaw ang nagpapahiya sa akin, bwisit ka!" sagot naman ng asawa nito na tila napapaiyak na ang tinig. " Hindi ka na talaga nagbago… samang- sama ng ugali mo." Dagdag pa nito sabay alis palabas ng kanilang bakuran.

"Tanga ka!" sagot muli ng lalaki.

"Bayaan mo na pare," sabi ng kanyang ama habang ito na ang umaakay sa lalaki para makatayo. "nag-aalala lang sa'yo 'yung asawa mo,.."

"Eh gaga siya eh, ..mamaya yan sa akin, makakatikim talaga yang hayop—"

" Huwag mo na intindihin iyon,.. labs na labs ka lang 'n'un…"sabi ulit ng kanyang ama. " Halika na hahatid na kita sa inyo,.."

"Hindi prey, inom tayo, prey,.."

" Hindi na muna at sarado na mga tindahan, wala na tayong mabibilhan."

"Ano ba yan?! Kaaga pa naman prey…"

"Oo, maaga nga 'pre nagsara 'yung mga tindahan at araw nga ng mga patay, kaya maaga rin sila nagsipaghimlay…" may pagbibirong wika ng kanyang ama.

Napangiti naman ito sa biro ng huli saka sandaling itong nanahimik na tila nag-iisip kung may katotohanan ba ang sinasabi ng kausap. Tumingin ito sa kanyang ama habang unti- unti ng ibinabangon ang sarili sa pagkakaupo.

"Kauuwi 'nyo lang ba prey?" tanong nito.

"Oo pre. Galing kaming sementeryo kaya pagod na rin,.." sagot ng kanyang ama.

Hindi man direkta ay nais nitong iparating sa kausap na hindi siya interesadong makipag- inuman.

Nang makatayo ay iginawi ni Pandoy ang tingin sa kanilang bahay. Mula sa pagkakasilip ni Ana sa bintana ng kaniyang silid ay kitang- kita niya ang mata nitong tila may hinahagilap kayat agad niyang isinarado ang bintana. Muli na namang bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Dali- dali siyang tumalikod sa dingding ng kaniyang silid. Mabuti na lamang at madali niyang naisara ang bintana at kung natagpuan siya ni Pandoy na nakamasid siya dito ay baka kumindat na naman ito sa kanya. Ayaw niyang mangyari ito kaya naging maagap siya sa pagkilos.

"Kasama mong anak mo, 'pre?" tanong nito.

"Oo, kaming mag- anak ang magkakasama" sagot ng tatay niya.

Dinig na dinig ni Ana ang pag-uusap ng dalawa. Nais niyang marinig ang bawat sasabihin ng lalaki lalo pa't tungkol sa kaniya. Masama talaga ang kutob niya sa lalaki at lalo pang nadagdagan ito ng makita niya ang pagtrato nito sa sariling asawa. Sa palagay niya, ito'y isang uri ng lalaking nananakit ng babae. Kita ang pagmamalasakit ng asawa nito dito ngunit hindi man lamang nito binigyang halaga. Napakasama talaga nito, sa loob- loob niya.

"Ngee, nandiyan palang asawa mo, prey?" biglang tanong nito na para bang nabigla sa pagbanggit ng kanyang ama sa kanyang ina.

Tumango ang kanyang ama at inilapat ang hintuturo sa labi nito na tila nagsasabing huwag niyang ilakas ang pagsasalita.

" Naman,…sige, prey,.. sige, next time na lang tayo." sabi nito. "Uwi na ko mag-isa, prey,.. I shall retarn na naman tayo nito prey,.."

"Sige pre, ingat.." tugon ng kanyang ama.

Biglang tumahimik ang paligid. Narinig niya ang pagpasok ng kanyang ama sa loob at ang pagtrangka nito ng pinto. Maya- maya pa'y naulinigan na niya na parang nag- uusap ang kaniyang mga magulang. Nangingibabaw ang boses ng kanyang ina. Naisip niyang maaaring pinagsasabihan na naman nito ang kanyang ama bungsod ng pangyayari kanina. Napabuntong- hininga siya. Kung bakit pa kasi napadpad dito sa lugar nila si Pandoy. Ang masama pa nito, ang kanyang ama ang nakapalagayang- loob nito. Ang hirap din naman sa tatay niya, walang masamang tinapay dito. Basta mahilig din sa manok, nagiging kaibigan na nito.

Naalala ni Ana ang mga nakatirik na kandila sa labas ng kanilang bahay. Naratnan nila itong nakasindi na bago pa man sila dumating ng bahay. Siguro'y napagkatuwaan ng mga kabataan sa kanilang lugar si Pandoy. Nang makitang nakahandusay na lamang ito sa lupa sa sobrang kalasingan, ay ipinagtirik ng tatlong kandila sa ulunan ang lalaki. Sa hitsura nito kanina, para talaga itong bangkay na pinaglalamayan. Nagdesisyon siyang lumabas at alisin ang mga kandila sa pagkakatulos bago pa nila ito makatulugan.

Tahimik na ang paligid bagaman hindi pa naman gasinong malalim ang gabi. Tanging ang mga huni ng kuliglig ang bumabasag sa katahimikan. Manaka- nakang umiihip ang malakas na hangin. Kakaiba na ang simoy ng hangin, tila nagpaparamdam sa nalalapit ng kapaskuhan, naisip niya. Sa paghikit ni Ana sa mga kandilang nakadikit sa lupa ay may pakiramdam siya na parang may nagmamasid sa kanyang ginagawa. Awtomatikong itinaas niya ang paningin saka inapuhap ang nilalang na maaaring nasa kalapitan lamang.

Sa paglibot ng kanyang paningin ay nakaaninaw nga siya ng isang pigura. Pigura ng isang taong nakatayo sa kanilang bakuran. Ang puwesto na kung saan ay una niyang namataan si Pandoy na matamang nakamasid kanilang bahay. Hindi kayat, si Pandoy na naman ito, naisip niya. Wala rin itong kagalaw- galaw mula sa pagkakatindig habang nakapatong ang isang kamay sa bakod. Sinipat niya itong maigi. Hindi sapat ang liwanag ng buwan upang lubusan niyang mamukhaan kung sino ito. Tanging ang mga mata nitong tila pilak na nagniningas sa dilim ng gabi ang kapansin- pansin dito. Hindi nagtagal at biglang kumaway ito ng isang paraan ng pagkaway na pamilyar na kay Anna! Ganitong- ganito ang paraaan ng pagpapaalam nito sa kaniyang ama kapag uuwi na. Napagtanto niyang si Pandoy ito. Agad niyang tinungo ang pinto saka mabilis itong isinara Mga ilang minuto na mula ng pumasok ang kanyang ama sa kanilang bahay. Inakala niyang tuluyan na ring nakaalis ang lalaking ito ngunit hindi pa pala. Ibig lamang sabihin, kanina pa ito doon. Katulad na dati, nagmamatiyag na naman ito sa labas ng bahay nila.

Muling nabuhay ang takot sa katauhan ni Ana. Ano nga bang klaseng tao ito si Pandoy? Daig pa nito ang isang espiya sa mga pelilkula kung makapaniktik. Para itong may binabalak na masama sa kanila kaya't ang pagmamasid nito ay talagang pinagbubuti. Tila ba nais nitong mapag-aralan ng husto ang bawat nilang galaw. Hindi talaga siya maaaring magkamali ng sapantaha sa lalaki. May masama talaga itong binabalak sa kanila. Hindi na birong makailang beses na niya itong nahuling panay ang pagmamatyag sa kanilang bahay. Isang malaking banta na ito sa kaligtasan nila, sa loob- loob niya

Katulad ni Tonying, ay hindi maaalis na maaaring may pagnanasa din ito sa kanya. Nakakapangilabot ang mga ganoong isipin ngunit batid niya na posible ito dahil na rin sa ikinikilos nito sa harap niya. Maaaring kinukuha lamang nito ang loob ng kanyang ama upang mapalapit sa kanya. Kinakaibigan nito ang kanyang ama ng sa gayon ay maging malaya ito sa pagpunta sa kanila. Sa pamamagitan nito, madali itong makalalabas-masok sa kanilang bahay at magkakaroon ng kumpletong detalye sa loob at labas ng kanilang bahay. Upang sakaling may anumang balak itong gawin ay alam na nito kung paano maisasakatuparan. Hindi malayong mangyari, naisip ni Ana.

"Sige, sige lang, makita- kita lang kitang tumuntong pa ulit sa bakuran namin,.." bulong ni Ana sa sarili. " sasabihin ko na kay tatay kung anong mga pinaggagagawa mo,.." pangako niya sa sarili.

Isang pangako na paninindigan niya. Hindi lamang para sa kanya kundi maging sa kanyang pamilya. Ayaw niya na may mangyaring masama sa mga mahal niya sa buhay. Iyon marahil ang hinding- hindi niya kakayanin. Kayat kung anuman ang binabalak ni Pandoy sa kaniya o sa kanila, sisiguraduhin niyang hindi ito magtatagumpay. Maaaring siya lamang ang nakapapansin at nakaaalam sa mga kahina- hinalang kilos nito pero isang pagkakamali pa, ay handa na niyang isiwalat ang lahat ng pinaggagagawa nito maging ang tila tangkang panloloob nito noong gabing nagkukubli ito sa likod- bahay nila.